Kilusang Kababaihan: Mga Tala

Sa kasaysayang ito, sinisikap naming tuntunin ang kilusang kababaihan sa Pilipinas kasabay ng kilusang kababaihan sa ibang bansa, partikular sa Estados Unidos na mas kilala o pamilyar na kasaysayan sa nakararami at mahigpit na kasalikop ng ating kasaysayan. Sasalok din ang kasaysayang ito sa tinatawag na “postcolonial feminism” na pinapalagay naming mas akma sa konteksto ng Pilipinas (kaysa mga kanluraning diskurso ng feminismo). Ang kasaysayang ito ay hindi sinulat ng propesyunal na historyador o akademiko; bagkus, ito ay mga panimulang tala sa pagsisikap ng aming kolektiba na mapalalim ang pang-unawa sa kilusang kababaihan at pananaw na feminista. Buhay at hindi pa tapos ang kasaysayang ito.

I.

May tinukoy ang iskolar na si Belinda A. Aquino (2010) na limang kategorya ng pulitikal na pakikilahok ng kababaihan o pakikilahok nila sa pampublikong buhay sa ika-20 dantaon. Maaaring magamit ang balangkas na ito sa pagtingin sa kilusang kababaihan sa Pilipinas. Ang ilan sa mga aktibidad o pakikisangkot na ito ay ginawa rin ng kababaihan sa ibang mga bansa:

  1. Tatlong-dekadang pakikipaglaban para sa karapatang bumoto, simula 1900s hanggang 1937 nang makamit ng mga Pilipina ang karapatang ito;
  2. Pakikibaka ng kababaihan sa mga rehimeng pasista, partikular sa Batas Militar noong 1970s;
  3. Pakikibaka laban sa imperyalismo, kabilang ang mga isyung patungkol sa mga base militar, multinational corporations, militarisasyon, ang Digmaan sa Vietnam, mga paglabag sa karapatang pantao, ang pagtatayo ng Chico Dam at Bataan Nuclear Power Plant, prostitusyon, utang panlabas, kahirapan, atbp.; 
  4. Pakikibaka ng kababaihang manggagawa; at
  5. Kababaihan sa alternatibang mga anyo ng pakikibaka gaya ng sa mga NGO, simbahan, atbp. 

Imumungkahi naming pagsamahin ang Numero 3 at 5 para ilakip ang mga anyo ng pakikibaka na nagpapatuloy magpahanggang-ngayon. Mahigpit ding magkaugnay ang Numero 2 sa mga Numero 3 at 5. Nais din naming imungkahing idagdag ang isa pang kategorya, ang Pakikibakang Kultural, na kung tutuusin ay nakapaloob naman sa lahat ng nabanggit na kategorya.*

Mainam ding tingnan muli ang konsepto ng Kilusan o Pagkilos ng Kababaihan sa Pilipinas. May iba’t ibang kilos panlipunan (social movements) ang mga sektor — maging sa loob ng sektor ng kababaihan — na nakikibaka para makamit ang iba-ibang anyo ng panlipunang pagbabago. Hindi iisa ang pagpapakahulugan ng mga grupo sa kilusan o pagkilos. May ilang kababaihang magsasabi na ang simpleng pag-iral ng mga grupo at aktibidad na lesbiyana ay hindi nangangahulugang may kilusang lesbiyana (lesbian movement) nang umiiral. Ilang aktibistang lesbiyana rin ang mangingiming magsabi na may kilusang lesbiyana sa Pilipinas, sapagkat para sa kanila, ang kilusang LGBTQI+ sa bansa ay pinangungunahan ng maliit na populasyon lamang mula sa uring burgesya. Para sa mga aktibistang ito, ang kilusan o pagkilos ay dapat na binubuo ng mass base, at grassroots organizing. (Suarez, 2014)

May ingat din kami sa paggamit ng terminong feminista, sapagkat hindi lahat ng kababaihan, maging sa mga nasa loob ng kilusang kababaihan, ang tatawag sa sarili na “feminista.” Ngunit ang mga ilalahad namin sa kasaysayang ito ay mga pagkilos ng kababaihan na nagsusulong sa kapakanan at kabutihan ng kababaihan bilang isang sektor ng lipunan, at maituturing na ring protofeminista.

II.

Alam natin ang kasaysayan: ang pulitikal na pakikisangkot ng kababaihan sa Pilipinas ay matutunton mula pa sa panahong sinauna, nang pinamumunuan ng mga reyna at babaylan ang mga pamayanan. Pagkuwa, kinulong ng kolonyalismong Espanyol ang Filipina sa loob ng bahay at simbahan, sa ilalim ng pangangalaga ng kanyang asawa o ama. Halimbawa, ang Kodang Pangkalakalan (Commerce Code) ng 1885 ay nagpapahintulot lamang sa kababaihang 21 taong gulang pataas na pumasok sa pagnenegosyo kung makakapagsumite siya ng nakasulat na permiso mula sa kanyang asawa. 

Unang inorganisa bilang malawak na sektor na pulitikal ang kababaihan noong Rebolusyon ng 1896 laban sa Espanya. Binuo noong 1892 ang Katipunan na namuno sa rebolusyong ito. Noong 1893, tinipon ang pangkat ng kababaihang Katipunera bilang istratehiya ng pagtatanggol sa lihim na katangian ng samahan. Pawang malalapit na kamag-anak ng Katipunero ang kababaihan na unang tinanggap sa Katipunan katulad nina Gregoria de Jesus at Marina Dizon. Kasabay nito ang pagkakatatag ng Logia de Adopcion, organisasyon ng mga babaeng mason na pinangunahan ni Rosario Villaruel. Ayon kay Ma. Luisa T. Camagay (1996), “Ang pagtatatag ng isang lohiya para sa babae ay maituturing na simula ng kamulatan ng kababaihan sa isang alternatibong kaayusan. Kung titingnan ang masoneriya bilang paraan upang banggain ang umiiral na praylokrasya sa Filipinas, pinahihiwatig ng pagtatatag ng isang lohiya sa hanay ng kababaihan ang pagtutol sa kasalukuyang kaayusan.”

Kinailangang sumailalim ng kababaihan sa proseso ng pagrekluta na katulad ng dinadaanan ng mga lalaking nais sumali sa Katipunan. Kinailangan nilang mamanata ng katapatan sa Katagalugan, sa lupang tinubuan, na nakikitang sinasalaula ng dayuhang kapangyarihan. Ang mga Katipunera ay nagrekluta ng mga bagong kasapi, nagsulat ng katitikan ng mga pulong, nagtago o nagdala ng mga dokumento, nagsilbing mga “front” sa kilusan — halimbawa, nagpanggap silang nagkakasiyahan sa sala ng bahay upang ikubli na nagpupulong na ang mga kasapi ng Katipunan sa loob ng bahay. Nagtahi sila ng mga bandila ng rebolusyon, at damit ng mga rebolusyonaryo. Naniktik sila sa kalaban, nanggamot ng mga nasugatang pasyente, nagpakain ng mga sundalo. Binuksan ng mayayamang hasyendera ang kanilang mga kamalig sa mga Katipunero. Dahil hindi sila madaling pagsuspetsahan, sila ang naatasang bumili at maghatid ng mga bala at armas. Halimbawa, naipuslit ni Esperidiona Bonifacio ang mga bala sa pagtatago sa mga ito sa kaldero ng kanin. Nangalap din ng pondo ang kababaihan. Ang ilan sa kanila ay nakipaglaban. Ang mga Katipunera ay pinatay, o inaresto para sa rebelyon at sedisyon. May ilan din sa kanilang ipinatapon sa Guam o Africa. (Tugano, 2017)

Ang kababaihan, katulad ng kalalakihan, ay tinuring na mga anak ng Inang Bayan. Sila ay bayolohikal o tubong mga anak ng Pilipinas na kasalukuyang inaabuso ng huwad na ina, ang Espanya (Tugano, 2017). Makikita ang pagpapahalagang ito sa sampung payo, halimbawa, ng Katipunera at makatang si Gregoria de Jesus sa mga kabataan na parangalan nila ang kanilang mga magulang habang isinasabuhay ang marangal at makatarungang buhay na naglilingkod sa bayan.

Ayon kay Camagay (1996),

[Ang] rebolusyon ay nagbigay-daan sa pagmulat sa kababaihan tungo sa isang adhikain na labas sa personal na interes o sa pampamilyang interes. Iniangat ang kanilang interes para sa isang higit na masaklaw sa Inang Bayan at Inang Filipinas. Iniluwal ng rebolusyon ang isang bagong Filipina na may kalinga sa bayan. Sa larangan man ng labanan o sa paraang mahinahon ay ipinamalas niya ito.

III.

Malaon nang pinangungunahan ng kababaihang manggagawa ang mga kilusang sosyal at pulitikal. Sa katunayan, ang unang batid na welga ng manggagawa sa Pilipinas ay gawa ng mga cigarrera noong 1816. Humiling sila ng tamang mga kundisyon sa paggawa, tamang oras ng paggawa, at tamang sahod. Isa sa kanilang mga kahilingan ang pagbigay sa kanila ng mga dahon ng tabako nang ibibilot na lamang, sapagkat hindi sila binabayaran para sa dagdag na trabaho ng paglinis at pagbanat sa mga dahon. Mabilis at paborableng tumugon ang pangasiwaan. Noong ika-19 dantaon, nakaasa ang ekonomiya ng Pilipinas sa monopolyo sa tabako, at nirekluta ang maraming kababaihan sa industriyang ito. (Camagay, 1995)

Ang pagdating ng tinatawag na Ikalawang Rebolusyong Industriyal o Rebolusyong Teknolohikal mula sa huling bahagi ng 1800s hanggang unang hati ng 1900s ay sinamahan ng pag-igting ng kilusang manggagawa lalo na sa mga industriyalisadong bansa. Noong 1881, nagwelga ang mga Itim na labandera sa Atlanta, USA para humiling ng tamang sahod at karapatang iregularisa ang kanilang propesyon. Mula 20 katao, lumaki ang kanilang organisasyon sa 3,000 labandera. Ang welga nila ay nagbigay-inspirasyon sa ibang mga manggagawa katulad ng tagaluto, tagalinis, at mga nars na humiling din ng mas mataas na sahod. 

Tatlong taon pagkatapos ng Atlanta Washerwomen’s Strike, dineklara ng Pederasyon ng mga Manggagawa sa Estados Unidos at Canada ang pagpapatupad ng walong oras na paggawa sa Mayo 1, 1886. Sa Second International noong 1889, idineklara ng mga sosyalista ang Mayo 1 bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. 

Sa pagpasok ng ika-20 dantaon, isinulong ng kababaihang sosyalista na gaya ni Clara Zetkin ang pagkakaroon din ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang pagkilala sa ambag ng kababaihan, lalo na ng kababaihang proletaryat, sa pandaigdigang kilusang sosyalista. Itinakda ang pagkakaroon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Second International noong 1910. 

Masalimuot ang kilusang manggagawa at kababaihan sa unang mga dekada ng 1900s na panahon din ng Unang Digmaang Pandaigdig. Noong 1909, 154 na kababaihan sa isang Laundry Shop sa Maynila ang nagwelga hanggang sa patalsikin ang isang Amerikanong bisor na nang-insulto at nanakit sa isa nilang katrabaho. Samantala, ang Match Girls Strike sa London ay sinimulan ng kababaihang manggagawa mula 13 hanggang 20 taong gulang. Karamihan sa kanila ay mga migranteng manggagawa mula sa Ireland. Nagprotesta sila laban sa mababang sahod, mahabang oras ng paggawa, at mapanganib na pagkakalantad sa phosphorus.

Ang tatlong-buwang welga sa Triangle Shirtwaist Factory sa New York City noong 1910 ay pinangunahan ng 16-taong-gulang na manggagawang si Clara Lemich. Ang kababaihang manggagawa, na karamihan ay migrante, ay humiling ng tamang sahod, mas maikling oras, at pantay na pagtrato, kasapi man ng unyon o hindi. Sa kasamaang palad, nasunog ang pabrika noong sumunod na taon. 123 sa 146 na manggagawang namatay ay kababaihan. Nakapinid ang mga lagusan ng gusali (para pigilan ang mga trabahador na umalis nang walang paalam o magpahinga sa mga sulok na iyon), kung kaya hindi nakalabas ang mga manggagawa nang magkasunog.

Marami pang welga sa industriya ng tela at damit ang pumutok sa Chicago, Lawrence, at Los Angeles. Ang Chicago Garment Workers’ Strike ay pinangunahan ng 17-taong-gulang na si Hannah Shapiro.

Sa Estados Unidos at iba pang mga bansa, hindi nangimi ang kababaihan na maging organisador. Makikita ito sa pag-aaral ni Judy Taguiwalo (2011) sa kilusan ng manggagawang kababaihan sa Maynila mula 1901 hanggang bago pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Si Pilar J. Lazaro ay intelektuwal at parmasyutiko na aktibo sa mga unyon ng manggagawa sa Maynila. Siya ay kasapi ng Bagong Araw, isang grupo sa ilalim ng Sektor ng Kababaihan ng Union del Trabajo de Filipinas. Lumahok din siya sa mga debate at regular na nag-ambag sa diyaryo na Muling Pagsilang. Noong 1910, minungkahi niyang buuin ang “Pagtatanggol ng Puri,” isang kooperatiba ng kababaihan na gagawa ng mga sambalilo, payong, kamiseta, at medyas para magbigay-trabaho sa kababaihan, laluna sa kababaihang inabuso ng kalalakihan. (Gayunpaman, ipinasya niyang ipailalim na lamang ang naturang grupo sa isang organisasyong may katulad na layon.)

Lumahok ang manggagawang kababaihan sa mga welga sa mga negosyo ng tabako, paglalaba, pagpoposporo, pagbuburda, at pagtitinapay sa Maynila mula 1934 hanggang 1940 para humingi ng mas maayos na sahod, muling pagpapapasok ng mga manggagawang sinisante, walo hanggang siyam na oras ng paggawa, overtime pay, maternity leave with pay, collective bargaining, seguridad sa trabaho, at mas maayos na mga kundisyon ng paggawa. Ang mabilis na pagdami ng mga welga at welgista sa Pilipinas mula 1938 (125 welga, 20,426 manggagawa) hanggang 1940 (203 welga, 27,559 manggagawa) ay bunga ng pagbagsak ng pandaigdigang ekonomiya na nagbigay-daan sa pagbawas ng mga negosyo sa kanilang mga manggagawa at sa sahod ng mga ito. (Taguiwalo, 2011)

Sa kilusang pesante, mga 1,000 kababaihan ang sumali sa Tayug Uprising sa Pangasinan mula 1930. Nanahi sila ng mga damit at naghanda ng mga armas para sa mga magsasakang sumugod sa munisipyo noong Enero 11, 1931. Sinunog nila ang mga titulo ng lupa, sedula, at kontrata sa pagsasaka bilang protesta sa pamumuno ng mga Amerikano. Samantala, bukod sa direktang pakikipaglaban katulad ni Salud Algabre, tumulong din ang kababaihan sa pagpapakalat sa diyaryo ng Kilusang Sakdalista sa iba’t ibang bayan sa Laguna. (Tugano, 2017) Nagpapatuloy hanggang ngayon sa kilusang bungkalan at sa mga pakikibakang katulad ng sinusulong ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos sa Cavite ang kilusang agraryo sa hanay ng kababaihan.

Sa kuwento ng mga Katipunera at obrera, makikita nating ang babae at lalaki ay magkatuwang at magkasama. Ang kababaihan ay mga indibidwal, bayani, Anak ng Inang Bayan, aktibong tagahugis ng Rebolusyon at kasaysayan. Hindi kailangang laging ikabit ang pangalan ng kababaihan sa pangalan ng kanilang mga asawa, ama, o kapatid. Ipinaaalala rin nito ang kakulangan natin sa kasaysayang nakatala. Kung gayon, kailangan nating pahalagahan ang kasaysayang pasalita o ang testimonya dahil doon natin mas madalas matatagpuan ang kuwento ng kababaihan. (Tugano, 2017)

IV.

Karapatan ng kababaihang bumoto ang ipinanawagan ng mga unang pagdiriwang sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women’s Day o IWD). Ang taong ito ay ika-isandaang taon ng pagpapatibay sa 19th Amendment na nagbibigay sa kababaihang Amerikana sa karapatang bumoto, na ipinaglaban nila mula pa noong 1848. Noong 1909, ginanap ang unang Pambansang Araw ng Kababaihan (National Woman’s Day) sa huling Linggo ng Pebrero sa New York City. Inorganisa ito at iba pang mga protesta ng kababaihan nang Linggo para masiguro ang paglahok ng mas maraming babae.

Itinuturing na Ina ng IWD ang Aleman na si Clara Zetkin. Bilang socialist, dumalo siya sa 1889 Pandaigdigang Pulong sa Paggawa (International Labor Conference) sa Paris kung saan pinag-usapan ang walong oras na paggawa at paglimita sa paggawa ng kababaihan at bata. Dumalo rin siya sa Pandaigdigang Pulong ng Manggagawang Kababaihan sa Copenhagen noong 1910, kung saan niya isinulong ang ideya ng pagdiriwang sa isang IWD. Idinaos ang IWD sa sumunod na taon sa Austria, Denmark, Germany, Switzerland. Ang unang IWD sa Russia ay ginanap noong Pebrero 23, 1913 at sa London, noong Marso 8, 1914. Lahat ng mga martsang ito ay nanawagan para sa karapatang bumoto. 

Clara Zetkin at Rosa Luxemburg, 1910, mula sa Wikimedia Commons

Sa Russia, ang martsa ng kababaihang manggagawa noong Pebrero 23, 1917 (Marso 8) ay pinaniniwalaang nag-ambag ng malaki sa pasya ni Tsar Nicholas na iwan ang kanyang trono ilang linggo lamang pagkatapos. Pangunahin nilang iprinotesta ang pagtaas ng mga bilihin at pagbagsak ng ekonomiya. Mula 1918, ipinagdiriwang na ang IWD tuwing Marso 8 sa maraming bansa. Una itong idinaos sa Pilipinas noong Marso 8, 1971.

Noong una, ang karapatang bumoto ay taglay lamang ng kalalakihan at kababaihang may pag-aari. Hindi malayong ipalagay na ang woman suffrage movement sa Amerika ay pinangunahan ng kababaihang Puti na ang pangunahing interes ay protektahan ang kanilang mga pag-aari. Mga puting mamamayan lamang ang kayang magmay-ari ng lupa o negosyo, at hanggang 1865, puwede silang magmay-ari ng mga aliping Itim.  

Ayon sa 14th Amendment ng 1868, sinumang ipanganak sa Estados Unidos, kabilang na ang mga dating alila, ay mamamayan ng Amerika. Dineklara rin nito ang karapatan ng kalalakihang edad 21 pataas na bumoto. Noong 1870, pinatibay ng 15th Amendment na ang karapatang bumoto ay hindi ipagkakait batay sa lahi.

Hindi ito nagustuhan ng mga suffragist na Puti. Sabi ni Frances E. Willard: “It is not fair that a plantation Negro who can neither read or write should be entrusted with the ballot.” Sabi naman ni Anna Howard Shaw: “You have put the ballot in the hands of your Black men, thus making them political superiors of White women. Never before in the history of the world have men made former slaves the political masters of their former mistresses!” Umabot sa mga Pilipino ang kanilang racism, tulad ng makikita sa pabalat ng 1915 na isyu ng The Suffragist, ang lingguhang diyaryo ng Congressional Union for Woman Suffrage. Dito, ilinalarawan si Uncle Congress na pinapapasok ang itim at hubad na Filipino sa voting booth habang nakatingin sa kanila si Lady Suffrage.

Sa Pilipinas, ang kilusan para sa pagboto ng kababaihan ay pumangalawa lamang sa kilusan para sa Kasarinlan (Philippine Independence movement). Noong 1902, nagsalita si Clemencia Lopez tungkol sa panawagan ng mga Pilipino para sa Kasarinlan sa harap ng New England Women’s Suffragette Association. Sabi niya: “I believe that we are both striving for much the same object — you for the right to take part in national life; we for the right to have a national life to take part in.” Isang dekada pagkatapos, dumaan ang suffrage leader na si Carrie Chapman Catt sa Maynila para simulan ang pagbubuo ng isang grupo na magsusulong ng woman suffrage sa bansa. Ito sa kalaunan ang naging Manila Women’s Club at National Federation of Women’s Clubs na silang namuno sa kampanya para sa karapatan ng mga Pilipinang bumoto.

Katulad sa Estados Unidos, ang kilusan para sa pagboto ng kababaihan sa Pilipinas ay pinangunahan ng mga may-kayang babae, madalas mga asawa ng Filipinong pulitiko na abala sa kampanya para sa Kasarinlan (katulad ni Sofia de Veyra). Ang Asociacion Feminista Filipina na inorganisa noong 1905 ni Concepcion Felix, at ang Asociacion Feminista Ilonga na binuo noong 1906 ni Pura Villanueva, ay nagsimula bilang socio-civic groups na sa kalaunan na lamang nagsulong sa karapatang bumoto. Ayon kay Roces, maingat na pinanghawakan ng mga Filipinang suffragist ang tradisyunal na mga konsepto ng pagkababae, na tumitingin sa babae bilang pambahay lamang, “so as not to threaten the men who were their champions in government.” Sabi ng historyador na si Encarnacion Alzona, “The character of our women forbids them to resort to the militant methods employed by British women, for example. They will wait for the duly constituted authorities to pass the law which will enfranchise them. They have confidence in the sagacity of our legislators” (sa Roces, 2004).

Mga Filipinang suffragist at ang First Lady ng Estados Unidos. Imahen mula rito

Ngunit tila may inisyal nang pang-unawa ang kababaihang ito sa konspeto ng feminismo. Si Alzona rin ang nagsabi na “The modern Filipino women who are demanding civil and political rights are in fact asking for no more than the restoration of their ancient rights and freedom, of which they have been deprived by the introduction of Spanish law by an alien ruler. The feminist movement in our country, should, therefore, be viewed in the light of this important historical fact” (sa Roces, 2004).

V.

Ginagamit ang metapora ng alon o wave sa kasaysayan ng feminismo sa Kanluran. Pero tulad nga ng sinulat ni Constance Grady sa Vox, “The wave metaphor can be reductive. It can suggest that each wave of feminism is a monolith with a single unified agenda, when in fact the history of feminism is a history of different ideas in wild conflict.” Ganito rin maisasalarawan ang kasaysayan ng kilusang kababaihan sa maraming bansa. At mula nang ianunsiyo ang pagdating nito noong 1968, naapektuhan din ng tinatawag na Second Wave of Feminism ang pag-unlad ng feminismo sa Pilipinas.

Sa Amerika, naipaglaban ng kilusang kababaihan ang batas ukol sa pantay na sahod ng babae at lalaking manggagawa; karapatan ng babaeng magmay-ari ng credit card o property nang di kinakailangan ang pirma ng kanyang asawa; karapatang kontrolin ang pagbubuntis; karapatang magpalaglag ng bata. Ipinagbawal nito ang marital rape, at isinulong ang proteksiyon ng kababaihan mula sa sexual harassment, karahasan sa loob ng tahanan, at panggagahasa. Nasaksihan din ng panahong ito ang pag-usbong ng Womanism o Black Feminism, Chicana feminism, at ang pagbubuo sa Third World Women Alliance.

Mula rito

Noong Hunyo 28, 1969, pumutok ang serye ng protesta sa Stonewall Inn sa New York laban sa pandarahas ng kapulisan at diskriminasyong batay sa kasarian. Naging mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng kilusang LGBT at civil rights ang Stonewall Riots, at inaalala ito sa mga Pride March tuwing Hunyo sa maraming bansa sa daigdig kabilang na ang Pilipinas.

Noong 1968, nagtipon ang kababaihan upang magprotesta laban sa timpalak pagandahan na Miss America sa New Jersey. Nagtapon sila ng mga bra, Playboy magazines, at iba pang bagay na para sa kanila ay kumakatawan sa sexual objectification at patriyarkiya sa isang tinatawag na Freedom Trash Can. Taliwas sa mito, walang malawakang pagsusunog ng bra na nangyari sa mga feministang ito. Pero ang imaheng ito ng bra-burning feminist ay nagtagal sa imahinasyon ng mga tao, at naka-ambag sa hindi magandang imahen ng kilusang feminista.

Nang ilunsad ang Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa isang protesta sa labas ng Araneta Center sa Cubao laban sa patimpalak pagandahan na Miss Philippines noong 1970, agad silang tinukoy na feminista. Katulad ng mga feminista sa New Jersey noong 1968, “pinukol nila ang mga organisador ng Bb. Pilipinas sa opresibong pagturing sa babae bilang instrumento ng konsumerismo. Pangunahing panawagan nila noon ang ihinto ang pangangapital gamit ang katawan ng babae. Ito anila ang nagsisilbing susi sa paglubha ng eksploytasyon at karahasang nakabatay sa kasarian. Pinaninindigan ng MAKIBAKA na itinutulak ng timpalak ang kababaihan sa lalong paglala ng suliranin sa awtoridad sa ating bansa. … Inuugat nila ang timpalak sa pagandahan bilang dagdag na pangyayaring sumusuhay sa opresyon ng kababaihan sa isang lipunang pyudal at pinaghaharian ng imperyalista” (Hernando, 2017).

Piket ng MAKIBAKA sa 1970 Miss Philippines beauty pageant. Imahen mula rito.

Ayon kay Pauline Hernando na nag-aral sa kasaysayan ng MAKIBAKA, “Umusbong ang mga biro sa MAKIBAKA bilang mga peministang ‘anti-kalalakihan’ at kilusang ‘burn the bra.’ … Pansamantalang kinuwestiyon ang demokratikong-sentralismo ng MAKIBAKA dahil sa kanilang mga naunang pagtatampok sa usaping Feminismo. Napapanahon noong huling hati ng dekada 1960 hanggang 1970 ang mga debate kaugnay ng 2nd Wave Feminism kaya’t inakala ng ilang militanteng tinutularan nila ang mga simulain ng mga feminista sa Kanluran.”

Linatag ng pag-aaral ni Hernando kung paano pinagbangga ng Kilusang Nasyunalista-Demoktratiko (NDF) ang usapin ng Feminismo at Nasyunalismo sa politikal na linandas ng MAKIBAKA. “Ang pagtukoy at pagtawag sa organisasyon bilang feminista ay winakasan [ng MAKIBAKA] sa paglilinaw na hindi nila hangad mamayani ang usaping pangkasarian o pangkababaihan sa loob ng pambansang pakikibaka.”

Para tugunan ang banggaang ito, pinalitan ng MAKIBAKA ang pangalan nila mula sa “Malaya” tungong “Makabayan,” at pormal na ipinailalim ang sarili sa NDF. Noong una, hiwalay at nagsasarili ito mula sa partido.

Ang mismong pagiging “malaya” ng organisasyon ay kinakitaan ng siwang sa linyang pampolitika bilang hayag na organisasyong pangkababaihang alyado ng iba pang bagong Pambansa-Demokratikong Kilusan. … Ang pagiging “malaya” sa atas o direktiba ay malaon pang matutugunan hanggang mairaos ang kanilang Unang Pambansang Kongreso at mapagwagian ang debate hinggil sa pagpapalit ng salitang “Malaya” tungong “Makabayan.” Ito ay upang itampok ang wastong linya at oryentasyong pampolitika at pang-ideolohiya ng MAKIBAKA.

Ayon kay Mina Roces (2000),

MAKIBAKA members in fact, refused to be identified as feminists, as the term connoted militants who were concerned with purely women’s issues and who prioritize these over national political issues. Besides, the strong nationalist sentiments among the women then made them wary of a blind acceptance of the ideology of feminism that was considered foreign in origins and therefore alien to our local experiences.

Gayunpaman, may mga dating kasapi ang MAKIBAKA katulad ni Rosa Mercado na umaangkin sa feministang ugat ng organisasyon. Sa aming palagay, hindi man nila lantarang ginamit ang termino ay feministang maituturing ang naging gawain at tunguhin ng MAKIBAKA, kabilang ang pakikilahok sa mga welga, pag-oorganisa ng mga kolehiyala at ina, at pagtatayo ng eskuwelahan. Sa kanilang Pangkalahatang Ulat sa Unang Taon ng Pagkakatatag (sa Hernando, 2017), sinuma nila ang kanilang gawaing pag-oorganisa:

Ang pananaw na ang kababaihan ay hindi lamang para sa kama, para sa kusina ay lubhang naging makitid. Pinag-uugnay-ugnay ang takbo ng buhay ng mga kababaihang manggagawa, magsasaka, peti-burges at intelektuwal, sinuri ang takbo ng kasaysayan, sinuri ang relasyon ng mga bagay at buhat dito ay namulat sa katotohanang ang ugat ng pang-aapi at pagsasamantala sa kanila ay ang Imperyalismong Amerikano, katutubong pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Nabuo naman noong IWD, 1975 ang Katipunan ng Bagong Pilipina o KABAPA na may ugat sa Partido Komunista ng Pilipinas at kilusang pesante.

VI.

Ang pagpaslang kay Ninoy Aquino noong 1983 ay nagbigay-daan sa pagkakabuo ng maraming organisasyon mula sa civil society. Tinukoy ni Roces (2000) na “It was at this point that activist women, or women in opposition to the Marcos government, began to organize as women. Their aims were primarily to mobilize women as a gendered force and to politicize them against the regime.”

Ang mga sumusunod ay organisasyon ng kababaihang nabuo sa panahong ito:

  • Women for the Ouster of Marcos
  • Alliance of Women for Action Toward Reconciliation
  • Women Writers in Media Now
  • Samahan ng Makabayang Kababaihan
  • Concerned Artists of the Philippines – Women’s Desk
  • Kilusan ng Manggagawang Kababaihan
  • Kilusang Kababaihang Pilipina
  • Katipunan ng Bagong Kababaihan
  • Amihan National Federation of Peasant Women
  • Third World Movement Against The Exploitation of Women
  • Baguio-Benguet Thunderbirds Association
  • Katipunan ng Kababaihan para sa Kalayaan
  • Association of Women in Theology
  • Kapisanan ng mga Madre sa Kamaynilaan
  • Center for Women’s Resources
  • INNABUYOG Alliance of Indigenous Women’s Organizations
  • Khadidja Moro Islamic Women of Davao United for Self-Determination and Democracy
  • Salinlahi Alliance for Children’s Concerns
  • GABRIELA

Kabilang sa mga kinaharap na isyu ang pamamalagi ng mga base militar sa bansa, na nagbunga sa militarisasyon at sex trafficking o prostitusyon; ang pagtatayo ng Chico Dam at Bataan Nuclear Power Plant; sex tourism, pagsasamantala at pang-aabuso sa mga migranteng manggagawa, ang penomenon ng mail-order bride; ang isyu ng Comfort Women nang maglantad si Rosa Henson noong 1992, at ang tinatawag na lesbian invisibility.

Samantala, sa Estados Unidos, unti-unti nang pumapasok sa usapang pampubliko ang mga isyu ng sexual harassment sa trabaho at pakikilahok ng kababaihan sa pulitika. Noong 1984, linimbag ni Chandra Mohanty ang kanyang sanaysay na “Under Western Eyes: Feminist Scholarship and Colonial Discourses” kung saan tinibag niya ang monolitikong pagpapakahulugan ng kanluraning feminismo sa konsepto ng “Babaeng Third World,” bilang pasibong mga biktima lamang ng iba’t ibang puwersa sa labas ng homogeneous na pangkat na ito. At noong 1989, linathala ni Kimberle Crenshaw ang isang papel tungkol sa racial politics, feminist theory, at diskriminasyon kung saan una niyang binanggit ang terminong intersectionality. Isang sipi:

The value of feminist theory to Black women is diminished because it evolves from a white racial context that is seldom acknowledged. Not only are women of color in fact overlooked, but their exclusion is reinforced when white women speak for and as women. The authoritative universal voice — usually white male subjectivity masquerading as non-racial, non-gendered objectivity is merely transferred to those who, but for gender, share many of the same cultural, economic and social characteristics. When feminist theory attempts to describe women’s experiences through analyzing patriarchy, sexuality, or separate spheres ideology, it often overlooks the role of race. Feminists thus ignore how their own race functions to mitigate some aspects of sexism and, moreover, how it often privileges them over and contributes to the domination of other women. Consequently, feminist theory remains white, and its potential to broaden and deepen its analysis by addressing non-privileged women remains unrealized.

Lumabas sa unang mga taon ng 1990s ang gender performativity theory ni Judith Butler, na nagsusulong sa kaisipan na ang gender at sex ay social constructs lamang. Nag-ambag ito sa pag-unlad ng queer theory, cyberfeminism, at transgender studies. Umusbong din noong 1990s ang kilusang punk ng mga feministang Riot grrrl na lumikha ng musika, zines, at visual/performance art.

Ang unang Pride March sa Pilipinas ay dinaos noong Hunyo 1994 sa Metro Manila, sa ika-25 anibersaryo ng Stonewall Riots. Linahukan ito ng mga organisasyong lesbiyana. Taong 1983 nang mabuo ang unang pormal na organisasyong lesbiyana, ang Baguio-Benguet Thunderbirds Association. Marami pang umusbong na mga organisasyong lesbiyana noong 1990s at 2000s.

Sinasabing nakikibaka ang mga lesbiyana laban sa “invisibility” sa maraming antas: una, sa loob ng kilusang pangkababaihan; pangalawa, sa loob ng kilusang LGBTQI+; at pangatlo, sa loob ng pangkalahatang kilusang makabayan.

Ito ay litrato at ilang alaala ng aktibistang lesbiyana na si Malu Marin, tungkol sa unang pagkakataon na nagmartsa ang mga lesbiyana sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Pilipinas. Linalarawan ng kanyang alaala ang personal na mga tunggaliang pumapailalim sa kilusang pangkababaihan sa Pilipinas.

Larawan at sipi sa ibaba mula rito

It was twenty years ago today when Filipino lesbians first marched on International Women’s Day … March 8, 1992, the last time that Filipino feminists/women activists marched together as a ‘movement’ under one collective banner. Yes, that IWD rally was peppered with women spanning across generations, crossing class boundaries and transcending conflicted political persuasions. Tragically, that same year and the many years thereafter, we saw the savage splintering of this fragile entity that we called women’s sisterhood. Triggered by ideological conflicts and personal wars (and the separation between the two had always been porous and permeable), the women’s movement, broke into smithereens (okay, I am being overly dramatic here). But what I also want to say is, despite becoming fragmented and conflict-ridden, women’s organizations continued to advance women’s rights — in various spheres and platforms. As a twenty-something self-identified feminist, I witnessed the virulence, the hostility and the brutality that had engulfed the women I had learned to regard as my ‘sisters’ and looked up to as my heroes and role models. Yes, Virginia, I was really young, then. And impressionable. (I can hear my “elder” feminist friends chuckling).

“Sa kabila ng pagkakapira-piraso at pagiging lipos sa tunggalian, patuloy na isinulong ng mga organisasyong kababaihan ang karapatan ng kababaihan, sa iba’t ibang lunan at plataporma.” Tuloy-tuloy ang pakikibaka ng kababaihan, at umigting at umiigting ito sa mapagmuhi at mapanupil na administrasyong Duterte. Maraming grupo ng kababaihan, lalo na sa sektor ng kabataan, ang nabuo mula nang maupo ang kasalukuyang presidente. Di tulad ng mga naunang aktibista, marami sa kanila ay hindi nangingiming tawagin ang sarili na feminista (ngunit hindi sila gaanong lumulubog sa mga pamayanan). Marami rin, katulad ng Gantala Press, ang nakikibaka sa kultural na larangan. Kasabay nito ang malawakang pagkilos ng kababaihan sa ibang mga bansa, katulad ng kilusang Ni Una Menos sa Argentina at Black Monday rally sa Poland noong 2016, ang Women’s March na pinangunahan ng Estados Unidos noong 2017, ang kilusang La Marea Verde mula Argentina hanggang ibang mga bansa sa Latin America noong 2018, at ang protesta laban sa panggagahasa at karahasan laban sa kababaihan sa Chile noong 2019.

Sa ngayon, minumungkahi naming balangkasin ang pakikibaka ayon sa tatlong agenda na linatag ni Mohanty para sa mga feminista sa “Ikatlong Daigdig,” na sa kasalukuyang kaayusan ng mundo na kapitalista at kanluranin o Puti pa rin ay nananatiling makabuluhan at mapapakinabangan. Ang tatlong agenda na ito ay dekolonisasyon, kritikang anti-kapitalista, at pakikiisa o solidarity (sa halip na “sisterhood,” na nakabatay pa rin umano sa isang homogeneous na pagpapakahulugan sa “kababaihan” at sa konsepto ng “shared oppression”). Ayon kay Mohanty (2003),

Decolonization involves profound transformations of self, community, and governance structures. It can only be engaged through active withdrawal of consent and resistance to structures of psychic and social domination. It is a historical and collective process, and as such can only be understood within these contexts. The end result of decolonization is not only the creation of new kinds of self-governance but also ‘the creation of new men’ (and women).

Para kay Mohanty, mahalaga sa proseso ng dekolonisasyon ang umaaninaw (self-reflexive) na kolektibong pakikibaka (collective practice) sa pagbabanyuhay ng sarili; ang muling pagkonseptuwalisa sa identity o pagkakakilanlan; at ang pulitikal na pagkilos (political mobili­zation). Ang pag-unawa sa mga tunggalian sa kalagayan ng kababaihan sa iba’t ibang kaayusan ang siyang magbibigay-daan sa paglikha ng mabisang mga kilos at hamon na pulitikal (Mohanty, 2003). Ito ang ating ipagpunyagi at ibaka.


* Pinupuna ni Mina Roces ang mga kategorya ni Aquino bilang nakakiling sa Kanluraning feminismo at Kanluraning konsepto na mas lehitimo ang “official power” na taglay ng kalalakihan kaysa sa “unofficial power” (na siyang pinaiiral ng kababaihang katulad nina Imelda Marcos at Eva Peron). Ayon kay Roces (2000), ang “unofficial power” ng mga asawa, anak, at maging ng mga kabit ay maituturing ding lehitimong kapangyarihang politikal. At sa Pilipinas pagkatapos ng digmaan, dominado umano ng kababaihan ang larangang ito ng “unofficial power.” Sa proseso ng pananaliksik at pagsulat sa kasaysayang ito, naaaninag namin ang ilang pangyayaring pangkasaysayan na bunga ng pakikilahok ng kababaihan sa tinatawag na “official power.”

Sanggunian:

Belinda A. Aquino, “Filipino Women and Political Engagement,” in More Pinay Than We Admit: The Social Construction of the Filipina, ed. Ma. Luisa T. Camagay (Quezon City: Vibal Foundation, 2010).

Ma. Luisa T. Camagay, “Ang Babae ayon kay Bonifacio, Jacinto at Mabini,” Kababaihan at Kasarian, https://sites.google.com/site/kababaihanatkasarianpi100/mgaartikulo/kababaihansatextoatrealidad

Faye Cura, “Pagboto ng Kababaihan: Tungo sa Kasaysayang Bayan,” in TRAFFIC Vol. 2, eds. Lyra Garcellano, Thea Garing, at Leslie de Chavez (Quezon City: Miki Ltd., 2018).

Constance Grady, “The waves of feminism, and why people keep fighting over them, explained,” Vox, July 20, 2018, https://www.vox.com/2018/3/20/16955588/feminism-waves-explained-first-second-third-fourth

Pauline Mari F. Hernando, “Ang Rebolusyonarya sa Panitikan at Kasaysayan ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), 1970-2016,” PhD Dissertation, University of the Philippines, 2017.

Temma Kaplan, “On the Socialist Origins of International Women’s Day,” Feminist Studies Vol. 11, No. 1 (Spring, 1985).

Chandra Talpade Mohanty, Feminism Without Borders: Decolonizing Theory, Practicing Solidarity (Durham & London: Duke University Press, 2003).

“Women and the Vote: World Suffrage Timeline,” New Zealand History, https://nzhistory.govt.nz/politics/womens-suffrage/world-suffrage-timeline

Mina Roces, Women’s Suffrage in Asia, eds. Louise Edwards and Mina Roces (London: Routledge, 2004).

Mina Roces, Women, Power, and Kinship Politics: Female Power in Post-War Philippines (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 2000).

Kiel Ramos Suarez, “History of the Filipino Lesbian Movement, 1992-2013,” BA Thesis, University of the Philippines, 2014.

Judy M. Taguiwalo, Babae, Obrera, Unyonista Ang Kababaihan sa Kilusang Paggawa sa Maynila, 1901-1941 (Quezon City: UP Press, 2011).

Axle Christien Tugano, “Ang Kababaihan ng Katipunan, Ang Katipunan sa Kababaihan: Isang Diskurso sa Ambag ng mga Babae sa Himagsikang Pilipino,” 2017, https://www.researchgate.net/publication/337949713_ANG_KABABAIHAN_NG_KATIPUNAN_ANG_KATIPUNAN_SA_KABABAIHAN_ISANG_DISKURSO_SA_AMBAG_NG_MGA_BABAE_SA_HIMAGSIKANG_PILIPINO/citation/download.

0 Comments

·

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.