
Unang nilahad sa “Indie Talks: Literary Production and Contemporary Writing in Alternative Publishing Spaces,” UP Los Baños, Abril 18, 2024. Bahagyang inedit at pinalawig ang teksto.
Kapag sinabing “independent publishing” sa Pilipinas, agad matutukoy na hindi ito ang malalaking publishing house na gaya ng Anvil; o ang academic publishing houses gaya ng UP Press. Karaniwan, mas mabilis ang produksiyon ng indie publishers, gayong mas kaunti rin ang bilang ng naipalilimbag na mga publikasyon. Maraming hitsura at anyo ang indie publishers. Nariyan ang small presses na pinatatakbo ng mga manunulat din at naglalabas sa pangunahin ng mga librong pampanitikan (literary works). Nariyan ang mga nagpapatakbo sa publishing house nila bilang mga negosyo sa primarya: babayaran mo sila para tulungan ka nilang gawin at ilimbag ang iyong libro. (Kasabay nito ang maiikling kurso sa pagsulat na ang bayad ay umaabot sa Php 50,000!) Nariyan din ang indibidwal na mga manunulat at visual artist na nagse-self publish ng kanilang mga zine, komiks, at libro.
Sa panahong ito ng naglalakihang kultural na kolaborasyon sa pagitan ng mga institusyon at maliliit na organisasyon, mahalagang balikan sa tuwina ang kahulugan ng “independent.” Paano nananatiling independent o nagsasarili ang isang publisher relatibo sa mga institusyong gaya ng gobyerno, malalaking negosyo, at akademya? Kasi, habang palalim nang palalim ang pag-asa o reliance ng isang independent publisher sa mga institusyon, palabnaw nang palabnaw na rin ang “kalayaan” nito. Hindi porke indie publisher at inaasahang “anti-mainstream” ay ito na ang ideyal. Gayundin, hindi porke institusyon ay masama na sa kabuuan at hindi na dapat i-engage. Kailangang matalino rin tayo sa paggamit ng mga institusyon bilang mga rekurso sa pagsusulong ng ating mga pulitika at praktika.
Maraming indie publisher ang maliit dahil iyon lang ang kaya nila sa ngayon, pero layunin pa rin nilang lumaki at maging bahagi ng mainstream kalaunan. Ibig sabihin, nagpupunyagi silang lumaki ang negosyo nila at makapaglathala ng mas marami pang libro, nang wala na masyadong pagsasaalang-alang sa kalidad ng mga librong inilalabas nila. Ibig sabihin din nito, nagiging pangunahin nilang layunin ang makapaglathala ng mga libro na mananalo ng premyo, o kaya ay mabibitbit sa mga international book fair, o isasalin at ilalathala sa ibang bansa. May partikular na economic and cultural capital na itinatangi ang mga pagpupunyaging ganito ng ilang independent publishers.
At dahil ganito ang kanilang pananaw, hindi sila ang unang maaasahang maging kritikal o magkaroon ng pakialam sa mga isyung pulitikal. At siyempre, may matinding epekto sa araw-araw nating buhay ang kawalang-pakialam: sa minimum, nagiging presidente ng isang maliit na bansa ang anak ng dating diktador. Sa maksimum, napahihintulutang umiral ang isang henosidyo.
Maraming kasamang indie publisher ang naghahanda para sa 2025 Frankfurt Book Fair, kung saan Guest of Honor ang Pilipinas. Maraming webinar ang inilunsad tungkol sa copyright, translation rights, contracts negotiation, at iba pang kaalaman na makakatulong sa sinumang makadadalo sa Frankfurt Book Fair. Sa kabila ng pahayag ng curator ng 2025 Philippine Pavilion na “the book fair is not a travel or trade fair and therefore should not function as a marketing initiative that favors themes easily and readily captured by the populist mind accustomed to the short hand of advertising,” hindi maikakaila na ang mithi ng Frankfurt Book Fair, Angouleme International Comics Festival, at Bologna Children’s Book Fair, na nilahukang lahat ng Pilipinas, ay ibenta ang ating mga libro sa pandaigdigang merkado.
Kaalaman sa industriya na matagal na trinabaho ng National Book Development Board sa tulong ni Senator Loren Legarda ang pagiging Guest of Honor ng Pilipinas sa Frankfurt Book Fair. Siyempre, ayon lang naman ito sa mandato ng Estado at ng NBDB “to promote the continuing development of the book publishing industry, with the active participation of the private sector, to ensure an adequate supply of affordable, quality-produced books not only for the domestic but also for the export market.” Sa laki ng pera, panahon, at pagod na ginugol ng gobyerno para matupad ang pangarap na ito (nino?), mauunawaan ang puspos na paghahanda ng NBDB at ng mga katuwang nito sa industriya para sa 2025.
Gayunpaman, talagang masaklap ang timing o panahon ng pagiging Guest of Honor ng Pilipinas dahil sa nangyayari ngayong henosidyo sa Palestine. 34,000 ang casualties ayon sa pinakahuling ulat na nabasa ko. Germany ang pangalawang pinakamalaking supplier ng armas sa Israel. At tumitindi ang crackdown ng kapulisan ng Germany sa mga raliyistang maka-Palestine. Maging sa mismong Frankfurt Book Fair, may censorship na nagaganap. Noong 2023, binawi ang premyong iginawad kay Adania Shibli, ang awtor ng isang nobela tungkol sa matagal nang gera ng Israel laban sa Palestine.
Ang ginawa ng ibang bansa na kasinliit ng Pilipinas? Noong 2023, binoycott ng Indonesia at Malaysia ang Frankfurt Book Fair bilang pagpapakita ng pakikiisa sa mga Palestino. At ang mga manunulat mula sa mga bansang ito ay naglabas ng mga pahayag ng suporta sa Palestine at nanawagan na itigil na ang henosidyo.
Ang Pilipinas, nanatiling tahimik. Sa katunayan, isa ito sa 46 na bansang lumiban sa pagboto para sa humanitarian truce noong Oktubre. Sa halip, kinilala nito ang “right to self-defence” ng Israel. Noong Disyembre ay bumoto na ang Pilipinas para sa ceasefire, pero, kung sa Ingles nga, it is a little too late in the game. Gayundin, isolated na kaso ito; sa kalakhan, inaalagaan ng gobyerno natin ang economic and military partnership nito sa Israel na nagmula pa noong bago mag-Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan tinatakasan ng mga Hudyo ang pogroms sa Europa at ang Pilipinas ang isa sa mga bansang nagbukas ng pinto nito para sa mga lumikas. Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking mamimili ng armas mula sa Israel. Ang mga armas na ito ang ginagamit ng gobyerno sa kampanya laban sa insurhensiya.
Gayundin, todo pa rin ang suporta ng gobyerno sa pangunahing kaalyado ng Israel, ang Estados Unidos. Sa Abril 22, gaganapin sa Batanes ang isang dambuhalang military exercise na lalahukan ng 16,000 troops at dadaluhan ng 14 observer countries. Alam naman natin na pagkakataon ito para magshowcase at magbenta ng mga armas, hindi lang pisikal na armas kundi ang pinakabago sa digmaang AI. Alam din natin na bahagi ito ng paghahanda ng US sa isa na namang imperyalistang gera laban sa China, na talaga namang lumalaki ang ekonomiya at malaking banta sa dominasyon ng US sa Asya at daigdig.
Sinasabi ng lahat ng ito na hindi pa rin talaga nakakaiigpaw ang Pilipinas sa kolonyal nitong pagkakaalipin. Ang tema ng Philippine Pavilion sa Frankfurt Book Fair ay “The imagination peoples the air.” Nagmula ito sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Ang buong linya ay: “The imagination peoples the air with specters.” Mula ito sa eksena kung saan hinahanap ni Sisa ang mga anak niyang sina Crispin at Basilio at naliligalig ang isip niya sa kadiliman ng gabi, lalo na matapos siyang makarinig ng alulong ng aso. Ayon sa curatorial note para sa Philippine Pavilion, nais daw pukawin o i-evoke ng temang ito ang “metaphoric, elemental, metamorphic Philippine air.” Pero sa tingin ko, akma itong metapora para sa isang bansa na binaliw gaya ni Sisa ng ilang siglo ng kolonyalismo at pang-aapi, at patuloy na nangangapa sa dilim ng pagkabusabos sa kamay ng mga imperyalista.
Laging nasa labas ng sentro, ng mga institusyon, ang mga totoong independent. Dahil ang mga makapangyarihan ay talagang magtutulungan para manatili sila at kanilang mga kakuntsaba sa tuktok ng status quo, at ietsa-pwera ang mga nagnanais ng tunay na pagbabago o rebolusyon.
Siyempre, may mga pagkakataon na nakakapasok tayo sa loob ng mga institusyon at nakakalahok tayo sa mga dayalogo. (We should always take advantage of these opportunities.) Ang Gantala Press man ay tuwinang nakikipagtrabaho sa mga institusyon (kabilang na ang Frankfurt Book Fair, noong 2019) sa pagsusulong ng aming mga adbokasiya. Pero dapat, malinaw ang ating paninindigan bago tayo pumasok sa mga espasyong ito. At paano lilinaw ang ating paninindigan? Kumalas na tayo mula sa nativistic na imahinasyon sa atin ng kolonyalista at mga kababayang utak-kolonyalista, bilang mga nilalang na wala sa tamang rason at mamamatay na lang na api na gaya ni Sisa. Magpunyagi tayong lagyan ng katawan, bituka, isip, bibig, at kamao ang specters—mga multo—na sinasabi ni Rizal. Tumuon tayo sa sariling mga pakikibaka, sa personal at pampamayanang mga laban bilang mga komyuter sa jeep na ipe-phase out, bilang mga kumakain ng bigas na ubod ng mahal kasi nakaasa tayo sa importasyon, o kahit bilang mga simpleng mamamayan na ang mga kababayang magsasaka sa Negros ay walang awang pinapatay. Tingnan natin ang henosidyo sa Palestine bilang salamin ng dambuhalang proyektong imperyalista na matagal na nating pinapasan sa Pilipinas. Napakaraming isyu na maaari nating handugan ng ating talino at rekurso bilang mga manggagawang pangkultura. Higit sa lahat, labanan natin ang pananaw na export-oriented, na madalas ay kolonyal at imperyalista. Kahit sa mga libro man lang natin, at sa gawain bilang manggagawang pangkultura, ay atin nang hulmahin ang pambansang soberanya na kaytagal na ipinagkakait sa atin.
Maglathala tayo para sa mga mambabasa sa Pilipinas, lumikha tayo ng sariling mga espasyo katulad ng BLTX at Publishers for Palestine para magtalakayan at matuto tungkol sa mga isyu sa bansa at daigdig, lumahok tayo sa mga rally at organisasyong masa dahil, higit sa “[Pagpuno ng] hangin [sa] hiwatig,” mas pinalalamnan ng aktuwal na mga katawan ang imahinasyon ng rebolusyon. Napakaraming isyu, pero napakarami ring paraan para harapin ang mga ito, at unti-unting isulong ang gusto nating pagbabago. Iyon ang ginhawa at kapangyarihang dulot ng pagiging tunay na independent. #

Leave a Reply