HeART of Gaza: Children’s Art from the Genocide

Noong nakaraang ika-4 ng Oktubre, opisyal na inilunsad ang HeART of Gaza: Children’s Art from the Genocide—isang exhibit ng mga dibuho at likhang-sining ng ilang mga bata mula sa Gaza.

Sa mga dibuho ng mga batang mula apat na taong gulang hanggang 17 taong gulang ay makikita ang lipunang ibinunga ng nagaganap na henosidyo. Sa mahigit 67,000 na Palestinong kinitil, nasa 20,000 ay mga bata. Ibig sabihin, isang bata ang namamatay kada oras sa Gaza. Nasa 3,000 hanggang 4,000 bata ang naputulan ng isa o dalawang bahagi ng katawan. Dahil patuloy din ang food blockade, sa 459 na namatay sa kagutuman, 154 ay mga bata.

Nitong Hulyo lamang, higit 12,000 bata na ang may malnutrisyon. Isa sa apat na bata ang dumaranas nito habang isa sa limang bata ang ipinapanganak na premature o hindi kaya ay kulang sa timbang. Samantala, sa 10,800 na detinado ng Israel, 450 ay mga bata rin. Hindi pa kasama sa mga bilang na ito ang mga kabataan at mamamayang hindi pa natatagpuan o hindi pa naitatala.* Sa bawat oras na lumilipas ay maaaring lumobo pa at madagdagan ang mga bilang na ito.

Sa kanilang mensahe ng pagkakaisa na binigkas sa pambungad na programa, ibinahagi ni China De Vera mula sa children’s book publisher na Aklat Alamid ang pangangailangan ng pagtataguyod ng isang lipunan kung saan ang mga kuwento ay hindi na lamang tungkol sa digmaan kung hindi tungkol sa pagkakapantay-pantay at kapayapaang nakabatay sa panlipunang hustisya. Para naman sa Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA), ang kasalukuyang digmaan ay hindi lamang banta sa kasalukuyan kung hindi maging sa posibilidad ng isang malayang bukas. Binigyang-diin naman ng Rural Women Advocates (RUWA) na hindi maihihiwalay ang pakikibaka ng mga Palestino sa pakikibaka ng mga Pilipino para sa tunay na reporma sa lupa.

Kuha ni Erick Calilan

Para kay Lenchel ng Sining Lila, isa sa mga dumalo sa paglulunsad, mahalagang namumulat ang mga bata dahil gaano man kabigat ang lahat, sila ang magmamana ng kinabukasan ng mundo at ng masa. Para sa kaniya, konektado ang pakikipaglaban ng mga Palestino sa pakikipaglaban ng mga Pilipino dahil parehong nasa gitna ng pangunguha at pang-aagaw sa lupa ang mamamayan ng Palestina at ang mga magsasaka at mangingisdang Pilipino. Ayon sa kaniya, kailangang makita ng mga Pilipino ang kanilang mga sarili sa mga Palestino dahil pareho silang mga biktima ng opresyon at pang-aabuso ng gobyerno at ng mga dayuhan.

Para naman kay Paris, na isa rin sa mga dumalo sa paglulunsad, bilang saksi sa nangyayaring henosidyo, tungkulin niyang makita maski bahagi man lamang ng pinagdaraanan ng mga batang Palestino. Tumitindig siya na ang ating pribilehiyo at pagka-ignorante ang bumubulag sa atin sa araw-araw at obligasyon nating buksan ang mga mata upang makita kung sino ang dapat nating ipinaglalaban.

Para naman kay Khai ng bandang Grrrlyera ng Tambisan sa Sining, na nagtanghal sa programa, ang lugar ng mga artista ng bayan ay sa kalsada at sa rebolusyon sa paghaharaya ng lipunang walang pagsasamantala. Ang lugar ng mga artista ay nasa pagsusulong ng kulturang pambansa, siyentipiko, at makamasa. Ang mga aksiyon gaya ng pag-boycott sa Frankfurt Book Fair ay hindi umano isang maliit na bagay kung hindi napakalaking bagay para sa mga Palestino. Para sa kaniya, ipinapakita nito ang pagtindig ng isang tao at kung kaninong interes nga ba ang isinusulong—sa naghaharing-uri o sa uring inaapi at pinagsasamantalahan.

Ang exhibit ay proyekto nina Mohammed Timraz ng Palestine at Feile Butler ng Ireland at kasalukuyang umiikot sa iba’t ibang sityo sa Europa. Ito ang unang dating ng exhibit sa Asya. Ang exhibit sa Pilipinas ay inorganisa ng Gantala Press sa pakikipagtulungan ng Chapterhouse, Library Una, Better Living Through Xeroxography (BLTX), at Independent Study.

Para sa mga nais bumisita, bukas ang exhibit mula Miyerkules hanggang Linggo, ika-3 ng hapon hanggang ika-10 ng gabi, hanggang sa ika-5 ng Nobyembre, 2025. Matatagpuan ito sa 32 Madasalin Street, Sikatuna Village, Quezon City.

Boycott Frankfurt Book Fair!
Pilipino, Palestino Laban sa Imperyalismo!
Laban Palestina, Durugin Zionismo

* Al Jazeera, “Two years of Israel’s genocide in Gaza: By the numbers,”
https://www.aljazeera.com/news/2025/10/7/two-years-of-israels-genocide-in-gaza-by-the-numbers

Sinulat ni Aila Mae Bermejo; Mga Larawan ni Iya Crisostomo


Comments

Leave a Reply

Discover more from Gantala Press

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading