Rebyu sa Nanay Magsasaka: Mga Tula ni Marites N. Nicart, Gantala Press, 2025
ni Aila Mae Bermejo

LAGOM NG KOLEKSIYON
Ang Nanay Magsasaka ay koleksiyon ng mga tula tungkol sa isa sa pinakamalaking kabalintunaan sa lipunan: silang mga nagbubungkal, nagtatanim, at nag-aani ay sila ring walang makain at lupang pagmamay-ari. Ginalugad ang mga ito sa mga tula ni Marites N. Nicart o Nanay Thess ng Cavite. Sinasalamin ng mga tula ang pakikibaka ng mga magsasaka, kababaihang magbubukid at mga kabataan tungo sa isang lipunang wala nang pang-aapi, pagsasamantala, at pangangamkam.
MAY TULA ANG KASAYSAYAN NG LUPA
Ang lupa ay buhay para sa kanilang nagbubungkal nito. Samantala, para sa mga nang-aangkin, ang lupa ay ang mukha ng kaunlarang nagsisilbi lamang sa iilan, bilang mahahaba at malalawak na kalsada at matatayog na gusali. Nailalarawan ito ng aklat lalo at higit ang mayamang mga kuwentong inani ng deka-dekadang pakikipaglaban para sa lupa, mahal sa buhay, at kapuwa.
Habang ipinagdiriwang ng sambayanang Pilipino ang Buwan ng mga Pesante ngayong Oktubre, huwad naman ang lahat ng pagpupugay at pagkilala ng gobyerno sa mga magsasaka. Sa nakalipas na buwan, pinirmahan ni Ferdinand Marcos Jr. ang 99-Years Land Lease Act. Sa nasabing batas, pinapayagan ang mga dayuhang mamumuhunan na umupa sa pribadong mga lupa sa bansa nang hanggang siyamnapu’t siyam na taon. Magreresulta lamang ito sa mas malawakang pagpapalayas at pang-aangkin habang marami pa rin ang hindi nababahaginan ng lupang dapat ay para sa kanila. Ibinubukas lamang ng batas na ito ang Pilipinas sa dayuhan habang nangamamatay sa gutom at tuluyang nalulubog sa utang ang abang
magsasaka at ang mamamayang Pilipino.
Idagdag pa, ang Rice Liberalization Law na dahilan ng malawakang pag-aangkat ng bansa ng bigas ay huwad ding solusyon sa krisis sa pagkain. Habang walang ampat ang pagpasok ng mga inaangkat na bigas, nalulugi pang lalo ang lokal na mga magsasaka sa pambabarat ng mga panginoong maylupa at mga negosyante.
Ang mga huwad na batas na ito ang isa sa mga ugat ng kahirapang iniinda ng mga magsasaka. Sila ang direktang nakararanas ng mga epekto nito at hindi rito maihihiwalay ang karanasan ng mga magsasaka mula sa Lupang Ramos sa Dasmariñas kagaya ni Nanay Thess. Mayaman at masalimuot ang kanilang
kasaysayan sa loob at labas ng 372-ektaryang lupa. Sa ilang mga tula ni Nanay Thess ay binabalangkas niya ang kasaysayang ito. Sa tula niyang “Lupang Ramos”, binabanggit na ang
Lupang Ramos, dati ay Lupang Kano kung tawagin,
Ano’ng meron sa iyo at marami ang umaangkin?
May magsasakang nais kang pagyamanin
At isang gobyernong nais kang debelopin.
Taong 1965 nang bilhin ng Emerito Ramos and Sons Inc. ang nasabing lupa. Sasaklawin na dapat ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang pagpapamahagi sa lupa ngunit iginiit ng pamilya Ramos na ang lupa ay isang residential area alinsunod sa petisyon na inihain nila noong 2011. Gayunpaman, noong 2019 ay napatunayang walang tala at kopya ng nabanggit na dokumento. Nakasasapat na dapat ang kawalang katibayan at hindi mapatunayang petisyon ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nakabinbin pa ang petisyon ng mga magsasaka sa DAR at nagpapatuloy pa ang pakikipaglaban para sa lupang dapat ay naipamahagi na sa kanila. Malawak at malaki ang pakinabang ng lupaing iyon at “Dahil dito, marami ang umaangkin, / May Ramos, Ayala, Central Bank, Roxas.” Buwan ng Hunyo noong nakaraang taon nang ipaalis ni Kiko Barzaga ang marka sa entrada ng Lupang Ramos na itinayo ng mga magsasaka gamit ang isang demolition notice.
Mataman ding inilalahad ng mga tula ni Nanay Thess ang pang-araw-araw na buhay ng mga magsasaka. Sa tulang “Bayanihan”, inilalarawan ng may-akda ang pakikipagdaupang-palad ng mga magsasaka sa panibagong umaga:
Bago pa sumikat ang araw, heto na si Kabayan,
May tangan nang itak at kanyang tanghalian.
Sa kanyang hulihan, hila pa si Kalabaw,
Ang destinasyon, kanilang bayanihan.
Tampok din sa maraming tula ang bungkalan—ang paraan ng paggigiit ng mga magsasaka ng kanilang karapatan sa lupa sa pamamagitan ng pagtatanim at paggamit dito—at ang Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR). Mapapansin na bagaman mahaba ang kasaysayan ng pangangamkam ay may isang bahagi ng kasaysayang sumigla ang kanilang pakikibaka. Inilalarawan sa tulang “Lupang Ramos” ang esensiya ng isinasagawang bungkalan ng mga magsasaka:
Lupang Ramos, nais gawing luntian,
Pangunahing tanim, mais at palay.
Meron din namang masustansiyang gulay
At di mawawala ang walang-kamatayang sitaw.
Sa panahon kung saan pinagtatakpan ng tradisyonal na media ang tunay na dinaranas ng mamamayan, instrumento ang sining sa paglikha ng kasaysayan ng taumbayan. Hanggang nabubuhay ang mga makata, artista, at uring magsasaka, lagi’t laging may tula ang kasaysayan ng lupa.
BINHI NG PAG-ASA
Ginagamit na instrumento ang panunupil at pandarahas upang ang pangangamkam at pang-aangkin ay mapanatili at hindi makapangyari ang mamamayan. Sinasabi ni Nanay Thess sa tulang “Paglaban at Pagkakaisa” na
“May isang panahon ding kami ay tinakot. / May pagbabanta pa at panunutok, / Mga putok ng baril at mga hambalos.”
Gayunpaman, kalikasan nang sa gitna ng pinakamasahol na mukha ng pamamasismo ay ang hindi nauupos na lakas ng mamamayan na umigpaw at lumaban. Mababanaagan ng pag-asa ang mga tula ni Nanay Thess at hindi nakalilimot ang mga ito na ipaalala ang panawagan ng panahon sa kabataan at sa mamamayan na ipagpatuloy ang laban. Palaging “may dapat gawin ngayon na! / Kung hindi ngayon, ay kailan pa?”. Dahil itinuturing ang kabataan bilang hindi natutuyong balon, wastong sabihin na, “Kabataan, dapat nang baguhin ang inyong kapalaran.” Nauunawaan at nakikita ni Nanay Thess ang kabataan bilang tunay na kakampi ng magsasaka at ng mamamayan at tagapagmana ng lupang magiging para sa lahat din balang araw.
TANGAN ANG LANGIT, TALI SA LUPA
Sa lipunang mala-kolonyal at mala-pyudal, tinatangan ng kababaihan ang kalahati ng kalangitan habang atrasadong nakatali ang sarili sa lupa. Doble ang pasaning kailangang isipin habang nilalabanan ang sistemang mapang-api at nananamantala. Sa ilang mga tula ni Nanay Thess ay nakikita ito mula sa muling pag-usbong at paniniwala niya sa pag-ibig, pagpapalaki ng anak hanggang sa paghahanap-buhay. Sa gitna ng lahat ng ito at ng kawalan ng pag-abante, makatwiran ang pagtatanong ng isang “Nanay Magsasaka” kung
Bakit nangyayari ang ganitong kalakaran
Sa pobreng magsasakang mga nanay?
Di kasi itaas ang bilihan ng palay
Upang sila naman ay makaagbang sa buhay.
samantalang “Bago pa pumutok ang araw, abala na si Nanay / Sa paggapas doon sa palayan.” Sinasalamin lamang nito na kahit maghapong kumayod ang abang magsasaka, hanggang nananatili ang sistema ay walang espasyo ang kaalwanan para sa kababaihan at sa mamamayan.

SA SINAPUPUNAN NG LUPA
Habang pinapasan ng kababaihan ang kalahati ng kalangitan, nakalapat naman at nakalubog ang kanilang mga paa sa lupang hindi maibigay-bigay sa kanila. Ang lupang ito, gaya nila, ay may sinapupunang may punla ng kinabukasang mamanahin ng kabataan—lipunan at kinabukasang mamanahin nang ibinubuwis ang pawis at dugo. Hanggang nananatiling mala-kolonyal at mala-pyudal ang lipunang Pilipino sa ilalim ng nabubulok na sistema, magpapatuloy ang pagluluwal sa maraming akda at mga tula. Dahil “tama nga ang kasabihan / Na kapag may nawala ay may isisilang.” At ang kapalit ng matagalang pagsasamantala at pang-aangkin ay mas marubdob na pagkatha ng maraming tula at mas matagalang pakikibaka tungo sa isang lipunang malaya.
Hindi kailanman maitatanggi na ang lupa ay ang buhay at kung atrasado ang namamayaning kaayusang panlipunan, aanihin ng mga magsasaka ang palay na binabarat at sapilitang ibinebenta nang mura. Hindi roon natatapos ang pakikibaka. Aanihin mula sa lupa ang sanlaksang mga tula at ang matagalang pakikibaka ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.
MGA SANGGUNIAN:
Ellao, Janess. “‘Bungkalan’ in Lupang Ramos: The collective struggle for land and climate-resilient and community-led food production.” Bulatlat, 21 Oct. 2021, https://share.google/xwAZ02GR3vel81cjG.
Nicart, Marites. Nanay Magsasaka: Mga Tula. Gantala Press, 2025.
Umali, Justin. “Despite protests, state security forces attempt to enter Lupang Ramos.” Bulatlat, 11 Sept. 2024, https://share.google/NXZ6it7rir5Yb4Up7.

Leave a Reply