LUPA
Lupa, masdan mo ang magsasaka
Na sa iyo ay nagpapayaman,
Nagpapakahirap, tunay na nagpapagal,
Di alintana ang kainitan ng araw
Gayundin ang kalam ng tiyan.Ang masakit nga lamang,
Ang lupang pinagyaman,
Di sa kanila nakapangalan
Kundi sa iilang mayaman.Lupang ilang dekadang binungkal,
Sa pamilya ay ibinuhay.
Pinagyamang lupa, minana pa sa magulang,
Nabubuhay kami nang may dangal.Ngayon ay gayon na lamang
Ang paghahangad ng iilan.
Lupang pinagyaman, nais nilang sila ang makinabang,
Magsasaka ay kung saan lamang ilulugar.Magsasaka ay tunay na may dangal,
Ilalaban ang kanilang ikinabubuhay
Gayundin ang kinatitirikan ng bahay
Upang patuloy na mabuhay sa lupang minamahal.
Nanay Magsasaka: Mga Tula
ni Marites N. Nicart
INTRODUKSIYON
Miriam Amor A. Villanueva Secretary-General, KASAMA-LR
Bahagi ng kultura ng mga Pilipino ang pagiging makata. Ang ating mga bayani mula sa himagsikan ay maraming iniwang mga kathang tula na naglalarawan ng kalagayan ng lipunang Pilipino. Tumatagos sa puso ang bawat talata nito, nakapagmumulat, siyentipiko, at makabayan.
Ganito rin ang mga tula ni Marites Naval Nicart o “Nanay Thess” ng Lupang Ramos. Ang bawat tula ay isinulat sa mga lilim ng puno, sa kubo sa gitna ng sakahan, sa ibabaw ng mga bato ng ilog, sa hapag-kainan at balisbisan ng kanilang tahanan. Ang pagtutula ay paraan niya kung paano matatakasan ang pagod at kahirapan bilang isang babae, nanay, asawa, at lider-kababaihan ng lupaing matagal nang nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Hindi man nagtapos sa mga pamantasan, ang malawak na 372-hektaryang lupain ng Lupang Ramos ang kanyang paaralan.
Si Nanay Thess ay ipinanganak sa saklaw ng kalupaan ng Lupang Ramos, Langkaan 1, City of Dasmariñas, Cavite noong ika-3 ng Nobyembre, 1974. Mula sa pamilya ng manggagawang bukid ang kanyang mga magulang na sina Francisco Ortinez Nicart at Rupinita De Castro Naval. Mula Langkaan 1, napauwi sila sa kalapit-barangay na Sampaloc 2 sa tawid-ilog noong siya ay mga limang taong gulang. Tumawid sila ng ilog dahil nagkasakit ang bunso niyang kapatid at naospital sa Silang, Cavite. Ngunit namatay din ang kanyang kapatid. Hindi na sila pinabalik sa Langkaan ng lolo at lola niya dahil maulan noon at mahirap na ang patawid-tawid sa ilog. Hindi nagtagal ay namatay din sa sakit ang sinundan ng bunsong kapatid niya at hindi na nadala sa ospital. Apat silang magkakapatid at dalawa na lamang silang naiwan.
Saksi si Nanay Thess sa tunay na mukha ng kahirapan. Sa kabila ng lahat ng ito, sinikap ng kanyang magulang na sila ay makapag-aral. Subalit elementary lang ang kanyang natapos, samantalang ang kanyang kuya ay nakatapos ng vocational course. Lahat ng klaseng trabaho ay pinasok niya. Ilang panahon din siyang naging manggagawa sa pabrika.
Natutong magmahal, ngunit sabi niya, palpak at huwad ang una niyang pag-ibig. Muli siyang nagmahal kay Charlito Estaton Agarpao na nagpakilala sa kanya ng tunay na pag-ibig ayon sa kanya. Biniyayaan sila ng limang anak, tatlong babae at dalawang lalaki.
Simple lang si Nanay Thess, pero isang masipag, mapanlikhang babae at higit sa lahat, makabagong kababaihan ng kanyang henerasyong hinubog ng mga karanasan sa tuluy-tuloy na paglahok sa produksiyon.

Publication Year: 2025
Language: Filipino, English
Format: Print
Pages: 94
Size: 5.5” x 8”
Selling Price: Php 350


Leave a Reply