‘PAGKAT TAYO MAN AY MAY SAMPAGA

HAMZA
Fadwa Tuqan
salin ni Amanda Socorro L. Echanis
mula sa salin sa Ingles ni Michael R. Burch

Karaniwang tao lamang si Hamza, 
katulad ng marami sa bayan ko, isang kahig, isang tuka.

Nang makita ko siya noong isang araw,
nakabelo pa ng pagluluksa ang buong lupain 
sa gitna ng nakatutulilig na katahimikan
at nakaramdam ako ng pagkabigo.

Ngunit sabi ni Hamza-ang-karaniwang-tao:
“Kapatid, walang-maliw sa pagtibok ang puso ng ating lupain, 
walang-humpay sa pagpintig, matibay na napangingibabawan 
ang tila hindi mapangibabawan, naikukubli nito 
ang mga lihim ng mga sinapupunan at burol. 
Ang lupaing ito na hitik sa mga palmera at pataba sa lupa 
ay siya ring lupa na nagsisilang ng mga mandirigmang-bayan.
Kung gayon, ang lupa, kapatid ko, ay ang ating ina!”

Lumipas ang mga araw at hindi ko na nakita si Hamza,
ngunit naramdaman ko ang paghilab sa sakit ng sinapupunan ng lupain.
Sa edad na animnapu’t lima, si Hamza ay kasimbigat
ng bato sa balikat ng aming ina.

“Sunugin, sunugin ang bahay niya,”
ang sigaw ng kumand,
“at igapos ang kaniyang anak sa isang selda.”

Kinalaunan, nagpaliwanag ang pinunong militar,
kinailangan daw iyong gawin para sa pagpapatupad ng mga batas at kaayusan,
para sa bayan, at tunay ngang para sa pag-ibig at kapayapaan!

Pinalibutan ng mga armadong sundalo ang kaniyang bahay;
sumikip ang pagkakalingkis ng halimaw na sawang pumupulupot dito.

Isang utos ang kumalabog sa pintuan:
“Lumayas kayo, mga buwisit!”
At dahil mapagbigay sila sa oras, ibinulyaw pa nila ito:
“Sa loob lamang ng isang oras, oo!”

Binuksan ni Hamza ang bintana.
Hinarap niya ang nakapapasong araw sa labas,
at matapang na sumigaw: “Mabubuhay at mamamatay ako 
sa tahanang ito, kasama ang mga anak ko, para sa Palestine!”
Umalingawngaw ang tinig ni Hamza 
at tumagos sa duguang katahimikan ng bayan.

Makalipas ang isang oras, eksakto empunto,
gumuho ang bahay ni Hamza, nawasak ang mga kuwarto, 
at sumambulat ang mga semento at bato, tumilapon sa ere,
hanggang sa natapos ang lahat, kasamang inilibing sa bahay 
ang mga pangarap, ang mga luha, at ilang masasayang alaala 
ng isang buhay na puno ng pagsisikap.

Kahapon, nakita ko si Hamza,
naglalakad sa isang kalsada sa aming bayan …
si Hamza-ang-karaniwang-tao ay katulad pa rin ng dati: 
walang-maliw, walang-humpay, matibay sa kaniyang determinasyon.

‘Pagkat Tayo Man ay May Sampaga:
New Philippine Writing and Translation for a Free Palestine
Edited by Joi Barrios, Faye Cura, Sarah Raymundo, Rolando B. Tolentino

Unang publikasyon ng Publikasyong Iglap ang Pakikiramay: Alay ng mga Makata sa mga Magsasaka ng Hacienda Luisita na inilathala ng CONTEND at ng Alliance of Concerned Teachers. Pagtugon ang koleksiyong ito sa naganap na pamamaril sa mga manggagawang bukid noong Nobyembre 2004. Dalawa pang libro na nailabas ang Truth and Consequence: Poems for the Removal of Gloria Macapagal Arroyo, 2005 at ang Subverso, 2006. Sa pakikipagtulungan sa Gantala Press, binubuhay ang seryeng ito upang tugunan ang panawagan ng Publishers for Palestine. Sa papel ng panulat naka-angkla ang panawagan:

“An industry central to the global circulation of information and the direction of cultural tides, the publishing world has an important role to play in pursuing
accountability for genocide and apartheid, as part of the global Palestinian-led Boycott, Divestment and Sanctions (BDS) movement.

It is in the spirit of that effort and in support of the Palestinian-led BDS movement that Publishers for Palestine, a network of nearly 600 publishers based in 50 countries around the world, now calls for an industry-wide boycott of the world’s largest publishing event, the Frankfurt Book Fair (Frankfurter Buchmesse–FBM), for its complicity in genocide, its refusal to assert and uphold the rights of the Palestinian people under international law, and its refusal to condemn and sever economic and cultural ties with Israeli apartheid.”

Kagitla-gitla ang mga detalye ukol sa Book Fair: 1) pakikipag-partner sa Israeli at Alemang mga korporasyon na may investment sa Israel [2] kaya’t maituturing na kasangkot sa krimen; 2) pagpo-programang nakakiling sa mga Israeli habang tumutulong sa pagbubura sa mga Palestino; 3) pagkansela ng paggagawad ng karangalan sa Palestinong si Adania Shibli pero pagtatampok kay Anne Applebaum na pumuri sa pambobomba; 4) pahayag ng direktor ng Book Fair na si Juergen Boos noong 2024 na tumitindig ang fair nang may “complete solidarity on the side of Israel.”

Ang panawagang ito ang kumumbinsi sa maraming manunulat at publisher na huwag tangkilikin ang Book Fair, at sa halip ay magsulat o magsalin, at/o sumama sa proyektong ito. Samakatwid, gamitin mismo ang sining ng panitikan upang makapagpahayag ng tindig sa usapin ng Palestine.

– Mula sa Introduksiyon

Tampok ang bagong mga salin sa Filipino ng mga tula nina: Rasha Abdulhadi, Salah Abu Lawi, Hiba Abu Nada, Refaat Alareer, Basman Aldirawi, Samar Al Ghussein, Samih Al-Qasim, Muin Bseiso, Ahlam Bsharat, Mahmoud Darwish, Mohammed El-Kurd, Fady Joudah, Rajiv Mohabir, Layla Selmy, Mejdulene Bernard Shomali, Fadwa Tuqan, Ghassan Zaqtan

at bagong mga akda nina: Joey Baquiran, Joi Barrios, shane carreon, Miguel Paolo Celestial, Conchitina Cruz, Jun Cruz Reyes, Bliss Cua Lim, Faye Cura, Soleil David, Dear Meg, Ma. Cecilia C. De La Rosa, Adora Faye De Vera, China De Vera, Emmanuel V. Dumlao, Amanda Socorro L. Echanis, Angela Fabunan Flores, Vlad Gonzales, Bomen Guillermo, Luisa A. Igloria, Marra PL. Lanot, Kris Lanot Lacaba, Laurence P. Lanuria, Karen Llagas, Francine Medina, Merlita Lorena Tariman, Maricristh T. Magaling, Luchie Maranan, Will P. Ortiz, Ralph B. Peña, Fidel Rillo, Elyrah L. Salanga-Torralba, Chiles Samaniego, Charlie Samuya Veric, Eileen R. Tabios, Neferti X. M. Tadiar, Mubarak M. Tahir, John Iremil Teodoro, Rolando B. Tolentino, Januar Yap

Publication Year: 2025
Language: English, Filipino, Ilocano
Format: Print
Pages: 140
Size: 6” x 8”
Selling Price: Php 590


Comments

Leave a Reply