Writing About Women

TINIG poster - Gabriela Youth-UPD

Poster by Giulia Lopez

Maraming maaaring pag-usapan tungkol sa pagsusulat sa danas ng babae. Sapagkat ang akto ng pagsulat ay akto ng dokumentasyon, sa akto ng pagsulat nakasalalay kung paano nagbabalik-tanaw at kung paano tinitingnan ang hinaharap. Malaon nang usapin ang kakapusan sa mga nakalimbag na talá hinggil sa babae at sa kaniyang danas dahil na rin sa kakapusan sa mga babaeng nagsusulat mula noon hanggang ngayon. Habang patuloy nating pinupunan ang puwang ng makababaeng naratibo sa kasaysayan, itinatala din natin ang mga kasalukuyang makababaeng naratibo alang-alang sa hinaharap.

Gayunman, hindi natatapos ang usapin sa akto ng pagsulat sapagkat kaakibat ng gawaing ito ang ilang pagwawasto at pagsasaalang-alang. Pangunahin dito ang pagtitiyak kung ano ang ating isinusulat sa tuwing nagsusulat tayo tungkol sa babae at sa kaniyang danas. Sapagkat ang danas ng babae ay karaniwang danas ng kaapihan, hindi maaaring ihiwalay ang babae sa kaniyang sosyo-politikal na konteksto.

Palagi, ang ating paglilinaw sa madalas na ipinupukol: Marami nang naging “matagumpay” na babae sa ngayon. Sa katunayan, dalawang babae na ang naging pangulo ng ating bansa. Paano natin nasasabi na ang danas ng babae ay danas pa rin ng kaapihan? Ang ating tanong pabalik: Kinakatawan ba ng mga babaeng nabanggit ang kalakhan ng kababaihan sa buong bansa o kahit pa sa buong mundo?

Ang naratibo nina Aquino at Arroyo ay naratibo ng elite sa ilalim ng patriyarkiya na hindi maaaring kumatawan sa naratibo ng kababaihan sa pangkalahatan. Gayundin ang mga kakarampot na mga naratibo ng iilang babae sa iba’t ibang larang. Ang mayoryang kababaihan ay nasa tahanan, sa mga pabrika, sa mga sakahan, patuloy na dumaranas ng mga tradisyunal at neoliberal na anyo ng pang-aabuso.

Huwag na tayong lumayo. Walang ligtas ang babae–mapa-bise presidente, madre, hukom, OFW, mamamahayag, o pesante, maging ang estatuwa ng comfort woman–sa pagsasalaula ng rehimeng Duterte. Araw-araw ay pag-akda ng naratibo ng pambabastos, ng pagpapakulong, ng paggutom, ng pang-uulila, ng pagpatay, ng tuluyang pagbura. Malaking hamon sa ating lahat na tapatan ito ng mga tunay na makababaeng naratibo–ang mga naratibo ng pag-igpaw.

Sa paggampan ng tungkuling ito, hinihingi sa atin bilang nagsusulat ang pagiging maláy hindi lang sa ating intensiyon kundi maging sa maaaring implikasyon ng ating isinusulat. Maaari na nating iwan kay Rizal ang pag-akda ng mga Maria Clarang mahinhin, mga Huling nagpapakamatay, at mga Sisang nababaliw.

Noong nakaraang taon, nagpaskil ng tula sa social media ang isang lalaking manunulat hinggil sa danas ng babae. Maláy man siya o hindi sa usapin ng pag-aangkop ng boses na naging pangunahing puna ng ilang nakabasa sa kaniyang tula, hindi niya maitatangging palaging may kaakibat na bagahe ang babae bilang paksa at ang pagsusulat mismo bilang isang gawain. Ito at ang iba pang mga anyo ng pag-aakda ng makababaeng naratibo ang pinanghahawakan ng Gantala Press.

Bilang maliit na palimbagang feminista, tumitindig ang Gantala na hindi siya sumasalok mula sa kilaláng balon ng motibasyon sa kaniyang pagsusulat at paglilimbag, kinikilala niya na hindi sapat ang pagsusulat at paglilimbag sa mas malaki nitong tungkuling makapag-ambag sa pag-aakda hindi lang ng makababaeng naratibo kundi ng makabayang naratibo.

Sa Laoanen (2017), ang aming unang antolohiya ng mga sanaysay, sinikap naming unawain at idokumento ang pagkubkob sa Marawi na nagpahirap at patuloy na nagpapahirap sa kababaihan at kabataan. Dito, sinimulan naming isapraktika ang lalaging paalala sa sarili at sa kapwa nagsusulat: na ang babae ay hindi lamang isang paksang natatapos sa pahina, na ang kaniyang danas ay singtunay ng digmaan at ng kaakibat nitong mga pagkamatay.

Sinikap naman naming tipunin ang mga salaysay at sanaysay hinggil sa karahasan sa kababaihan sa iba’t ibang sektor sa antolohohiyang Umaalma, Kumikibo (2018). Dito ko iniambag ang The Filipino is a Battered Grandmother, ang salaysay ng aking pakikipagdaupang-palad kay Nanay Leticia Retiza, kasapi ng Kadamay-Bulacan na malubhang nasaktan sa marahas na dispersal sa NutriAsia Hulyo ng nakaraang taon. Pinagtibay sa akin ng proseso ng pagsusulat nito ang halagang ginagampanan ng autentisidad sa pagsusulat ng danas, autentisidad na nangangailangang papuntahin ang nagsusulat sa kung nasaan ang kaniyang isinusulat, malayo sa komportable niyang mesa.

Noong Disyembre 2018, nagtungo naman kami sa Liwasang Bonifacio kung saan nagkakampo ang mga manggagawa ng Sumifru na naglakbay mula pa sa Compostella Valley upang ipanawagan sa DOLE ang kanilang malubhang kalagayan sa paggawa tulad ng kontraktuwalisasyon at kawalan ng benepisyo. Nagsagawa kami ng “writing workshop” (isang gawaing karaniwang inisyatiba lamang ng malalaking akademya sa kasalukuyan) sa kababaihang manggagawa upang hikayatin silang italá ang kanilang danas sa paggawa na siyang magluluwal sa munting proyektong Mamumuo (2019), isang zine na naglalaman ng mga maiikling salaysay na isinulat mismo ng mga kababaihang manggagawa ng Sumifru. Sa proyektong ito pinagtitibay ng Gantala ang diwa ng pagsusulat na hindi nalilimitahan sa kung sino ang may “kasanayan” sa “masining na paglalahad”, na hindi nag-aangkop ng boses ng o tinatangkang “magbigay boses” kahit mismo sa kapwa babae.

Bukod sa pagsusulat at paglilimbag, sinisikap ng Gantala Press na mag-ambag pa sa pag-aakda ng makababae at makabayang naratibo sa pamamagitan ng paglikha ng mga espasyo para sa mga katulad na layunin. Tumutulong kami sa pag-oorganisa ng mga gawain tulad ng BLTX, pag-oorganisa ng mga katulad na gawain tulad ng Gandang-Ganda sa Sariling Gawa na nasa ikalawang taon na ngayon, pagsasagawa ng mga palihan sa pagsulat sa mga  komunidad, at pagtulong sa mga gawain ng mga alyadong organisasyon tulad ng Amihan Federation of Peasant Women.

Sa kasalukuyan, binubuo namin ang isang briefer hinggil sa tatlong dekada nang pakikibaka ng mga kababaihang magsasaka sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite.

Sa tuwing isinusulat natin ang danas ng babae, isinusulat natin ang ating pagtutol sa kaapihan. Ang pagsusulat ay nagiging pag-aakda. Inaakda natin ang makababae at makabayang naratibo ng kasalukuyan na siyang panghahawakan ng hinaharap.

Unang binasa ni Roma Estrada para sa Gantala Press sa TINIG: Public Lecture on Writing About Women ng Gabriela Youth – UP Diliman (Palma Hall, 21 February 2019)

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.