Nobyembre 17 ang nakatakdang araw ng aming “writing workshop” kasama ang mga manggagawa na noon ay nakapiket sa tapat ng pabrika ng Regent Foods Corporation. Ngunit isang linggo bago iyon, Nobyembre 9, marahas silang dinisperse ng mga pulis, guwardiya, at goons na siyang dahilan ng pagkabuwag ng kanilang piket na ilang linggo pa lamang nakatayo. Dahil dito, minabuti ng Gantala Press na kanselahin na ang palihan at sa halip ay mag-organisa ng fundraising event hindi lang pampiyansa ng mga hinúling manggagawa kundi bilang suporta na rin sa kanilang unyon.
Katuwang ang Defend Job Philippines, Concerned Artists of the Philippines, Me & My Veg Mouth, at Artists in BPO Unite for Social Change (AUX), ikinasa namin ang Defend the Picketline 3, isang two-part fundraiser para sa Regent Foods Workers Union.
Ginanap noong Nobyembre 23 sa Commission on Human Rights ang Solidarity Merienda bilang unang bahagi ng fundraiser. Ibinahagi ng mga manggagawa ang mga di-makatarungang kondisyon sa kanilang paggawa kabilang na ang 14 oras na trabaho, mababang pasahod, hindi pagkilala sa kanilang unyon, at iba pang mga anyo ng pang-aapi nina Ricky at Susan See, may-ari ng Regent Foods Corporation. Marami sa mga kasapi ng unyon ay dalawa o tatlong dekada nang nagtatrabaho sa Regent. Kabilang din sa mga isinalaysay nila ang danas sa maikling panahon ng pagpipiket, kung saan ay hinagisan sila ng limang piso at minura-mura ng mga may-ari, ang marahas na pagdisperse, at ang danas ng iba sa kanila sa kulungan kung saan isang timba lang ng tubig ang ibinigay para sa apat na tao bilang pampaligo.
Naging emosyonal ang ilan sa kanila sa pagsasalaysay. Mabuti na lang at naroon ang Me & My Veg Mouth na naghanda ng espesyal na champorado upang pagsaluhan ng lahat. Tumugtog din si Danny Fabella ng Musikang Bayan upang palakasin ang loob ng mga manggagawa. Nakalikom ng P7,500 ang unang bahaging ito ng fundraiser.




Nobyembre 30, sumunod na Sabado at kaarawan ng bayaning si Andres Bonifacio, ginanap naman ang ikalawang bahagi, ang benefit gig sa Tomato Kick Tomas Morato. Iba’t ibang banda at mga artista ang libreng nagtanghal para sa mga manggagawa ng Regent kabilang ang Limbs, Assouls, Skin x Bones, The Insektlife Cycle, Punk Magalona, Pasada, KM 64, Jonel Revistual, Dissent & Counter-Consciousness, at Z. Nakalikom ng P7,000 sa gabing ito.

Ito ang tulang itinanghal ng manggagawang si Melanie de la Cruz sa solidarity gig:
PASIG JAIL
Melanie dela Cruz
Napakalungkot ng aming karanasan
Sa loob ng Pasig Jail, aming napasukan
Pader nakapaikot, gilid at likuran
Mga rehas na bakal sa aming harapan
Ang sinimulan ng aming pagkakulong
Kami [ay] nagwelga sa aming trabaho
Dalawang dekada kaming sinamantala
Kaya nag-aklas na [ang] mga manggagawa
Alas-kwatro ng umaga kami’y gising na
Para di masigawan ng aming mayora
Malamig na tulugan ang pinagtiisan
Walang kumot at unan ang aming higaan
Aming pinagdusahan sa loob ng piitan
Kami ang utusan, tambak ang hugasan
Panis na kanin, aming pinagtiyagaan
Para magkalaman ang aming tiyan
Aming ipinaglalaban, sahod at karapatan
Kami pa ang hinuli [ng] bayarang kapulisan
Kaming manggagawa, kami ang nahabla
Ang tunay na maysala, sila ang malaya
Kaming manggagawa, kami ang nahabla
Ang tunay na maysala, sila ang malaya
Bagaman napalaya ang mga hinúling manggagawa sa tulong ni Pasig Mayor Vico Sotto, ang mga unang nakapagpiyansa ay baon pa rin sa utang. Hindi na rin ibinigay ng Regent Foods Corporation ang kanilang suweldo para sa mga araw na itinrabaho nila bago ikasa ang welga. Tumatanggap pa rin ng donasyon ang Regent Food Workers Union para maipagpatuloy ang pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan.
Bilang pakikiisa sa kanilang laban, i-boycott natin ang mga sumusunod: Cheese Ring, Cheese Ball, Snacku, Sweet Corn, Tempura, Labzter, Jelly Candy, Fiesta Cakes, Mixed Cakes, Melon Cake, Strawberry Cake, Mocca Cake, Custard Cake, Lemon Cake, Cheese Cake, and Belgian Waffle. Para sa ano mang tulong, makipag-ugnayan lamang sa amin o sa Defend Job Philippines. #BoycottRegentProducts
Leave a Reply