Peministang Pag-ibig: Pagbasa at Pag-igpaw sa THE ART OF LOVING ni Erich Fromm

Isa sa mga unang pilosopo sa teorya at praktika ng pag-ibig na aking kinahumalingan noong nagsisimula pa lamang akong maging aktibista si Erich Fromm. Paborito naming (magkakaibigang) kabataang aktibista noon ang linyang, “If I can say to somebody else, ‘I love you,’ I must be able to say, ‘I love in you everybody, I love through you the world, I love in you also myself'” at paulit-ulit namin itong ibinabahagi lalo na kapag buwan ng Pebrero. Ipinaliwanag ni Fromm na, “Kung ang tao ay nagmamahal ng isang tao ngunit hindi siya nagmahahal ng kapwa, ng sangkatauhan, ang kanyang pag-ibig ay hindi pag-ibig, bagkus ito ay isang symbiotic attachment o enlarged egotism [salin].

Bakit? Upang palawigin, pipitas ako ng tatlong esensyal na punto sa aklat at magtatangkang bigyang kahulugan ito batay sa ating kontesktong ginagalawan.

Una: Bakit nga ba nagmamahal ang tao?

Binanggit sa aklat, “Ang tao ay likas na may katwiran; siya ay buhay na may kamalayan sa paghinga at pagtigil nito; siya ay may kamalayan sa sarili, sa kapwa, sa kanyang nakaraan at sa mga posibilidad ng kanyang hinaharap. Ang kamalayang ito sa sarili bilang isang hiwalay na nilalang; ang kamalayan ng kanyang maikling buhay, ng katunayan na wala man sa kanyang kagustuhan, siya ay ipapanganak; na labag man sa kanyang kalooban, siya ay mamamatay; na siya ay mamamatay bago ang kanyang mga mahal sa buhay o sila bago siya; ang kamalayan ng kanyang pagiging mag-isa at hiwalay; ng katotohanan na hindi niya mapipigilan ang natural na galaw ng kalikasan at lipunan — ang lahat ng ito ang nagbibigay sa kanya ng pakiramdam na siya ay hiwalay, at ang kanyang pag-iral ay hindi lang ibabatay sa kanyang kagustuhan; siya ay nakapiit sa katotohanang ito [salin].”

Samakatuwid, ang tao ay mulat sa katotohanang siya ay hiwalay, at siya ay nagiging maligalig kung walang kabigkis. Upang maalpasan ang ligalig na ibinabahagi ng katwiran, ang tao ay nakikihalubilo, nakikipagkaisa, at nagmamahal ng kapwa.  

Pero anong uri ng pagbibigkis ang itinatakda ng lipunang mayroon tayo? Sa ilalim ng kapitalismo, ano ang salalayan ng mga umiiral na relasyon ng tao sa tao, ng mga damdamin — pagkapoot, pagkahumaling, pagmamahal?  Bagtasin natin ang ikalawang esenyal na punto.

Hinuhubog ng sistemang kapitalista ang koneksyon ng tao sa tao sa pamamagitan ng batas ng pagsunod o conformity. ‘Ika ni Fromm, “Ang tao ay nagiging bahagi ng tinatawag na “‘nine to fiver’ — bahagi siya ng pwersa ng paggawa, ng burukrasya ng mga kleriko at tagapangasiwa [o ng tagasunod at tagapagsunod] (salin).”

“Mula pagsilang hanggang pagkamatay, mula Lunes hanggang Lunes, mula umaga hanggang gabi — lahat ng kanyang aktibidad ay paulit-ulit at naibalangkas na [salin].”

Noong nagkaroon ng palihan sa pagsulat ang Gantala Press kasama ang kababaihang manggagawa ng Sumifru Corp., malinaw kung paano nila inilatag ang kanilang 24 oras. Ibinahagi ni Elsa:

4:00 AM, magluto ko pamahaw

5:00 AM, magligo dayon, mag-ilis dayon, magpakaon sa pamilya

6:00 AM, magtrabaho sa [packing plant] ng Sumifru.

Ang akong trabaho, clustering 11:00 AM, kaon pagkatapos pahuway

12:00 NN, balik trabaho dayon pag-uli namo, gabi na

10:00 PM, pagkaon kahaman tulog

Gigising, magluluto — para sa anak, sa asawa — aalis ng bahay, magtatrabaho (at mas malala dahil lampas ang kanilang oras ng paggawa sa walong oras na sapilitang itinakda ng kapitalismo; na mas malala dahil itinoka rin ng patriarkal na sistema sa kababaihan ang pag-aalaga at pangangasiwa sa bahay); uuwi, matutulog, gigising muli. Pare-pareho ang ubod ng mga salaysay ng bawat babaeng manggagawa.

 Sa salita ni Fromm, “Ang manggagawa ay nagiging kapupunan (appendix) ng makina o ng burukrasya [salin].”

Ikatlo, sa larangan ng pag-ibig, itinatakdang maging pare-pareho ang ating pagtanaw at pakiramdam na nakahulma sa pundamental na salalayan ng sistemang kapital: ang pangangalakal.  

Kung gayon, idinidikta ng sistemang ito na ang aking mahal ay batay sa kung ano ang halaga niya sa merkado. At makukuha ko siya batay sa kakayanan kong bumili. Sa mga telenobelang tulad ng Pangako Sa Iyo, binibigyang pantasya ng kapitalismo ang manonood sa mga “pagmamahalang” tulad ng kina Ina at Angelo — isang anak ng magsasaka at anak ng panginoong maylupa.

Ano ang halaga sa merkado ng isang babaeng nasa ilalim ng sistemang sinusuhayan ng kapital at patriarkiya? Ng babaeng sexy, maputi, bata pa rin ang itsura kahit singkwenta na, atbp.? Tubo at ganansya ang katumbas ng pagtatakdang ito kaya naknakan ang ibinebentang pampaputi, pampapayat, pampabanat ng mukha. Halimbawa, sa isang babaeng propesyunal, pagtitiisan niyang pumasok mula alas-nuebe ng umaga hanggang alas-singko ng hapon; at dahil pinaghirapan niyang kitain ang pera, pabuya na niya sa sarili ang pagpunta sa spa, para maging makinis ang paa, mukha, buhok — nang sa gayon ay maabot ng katawan niya ang halagang itinakda sa kanya ng merkado, halaga kung saan siya ay tatangkilikin ng kalalakihan, ng kanyang kapwa, ng madla.

Sa tindi ng pagkalat ng lason ng conformity, at commodification ng katawan ng babae, isang maigting at bumabalikwas na pwersa ang kinakailangan upang kanyang makita na ang tanging pabuyang maibibigay sa sarili ay walang iba kundi rebolusyon.  

Sa puntong ito, nais kong alpasan pa ang tatlong puntong nabanggit sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pakikibaka ng mga rebolusyonaryong peminista. Lalo na’t ilan sa mga binitawang salita ni Fromm ay delikado o marahas pa nga para sa kababaihan, sa mga lesbyana, bakla, o homosexual.

Kumpyansang binitiwan ni Fromm: “Ang kulminasyon ng sekwal na tungkulin ng lalaki ay pagbibigay; ibinibigay niya ang kanyang sekswal na organo sa babae. Sa orgasmo, ibinibigay niya ang kanyang tamod sa babae … Ibinibigay din ng babae ang kanyang sarili; ibinubukas niya ang tarangkahan ng kanyang pagkababae; sa akto ng pagtanggap, siya rin ay nagbibigay … Mula sa kanya, ang akto ng pagbibigay ay nangyayaring muli hindi lang bilang isang mangingibig, kundi bilang isang ina … nagbibigay siya ng gatas sa anak, nagbibigay siya ng sigla ng katawan [salin].”

Mula sa sulat ni Jenny von Westphalen sa tinitingalang rebolusyonaryong si Karl Marx:

“Para sa kalalakihan maaaring ito ay iba, ngunit para sa isang babae, na ang kapalaran ay manganak, manahi, magluto, at mag-ayos, pinupuri ko ang kalunos-lunos na Alemanya … Kami ring [mga babae] ay nais sanang masiyahan, gumawa ng mga bagay at maranasan ang ligaya ng sangkatauhan sa aming mga sarili [salin].”

(“For men it may be different, but for a woman, whose destiny it is to have children, to sew, to cook and to mend, I commend miserable Germany … We, too, want to enjoy ourselves, to do things and to experience the happiness of [hu]mankind in our own persons.”)

Hanggang sa pagharap nina Jenny at Karl sa kanilang mortalidad, sa himlayan nilang mag-asawa: samantalang nakalimbag sa ilalim ng pangalan ni Karl Marx ang ika-labing isang tisis ni Feuerbach, sa lapida ng isang malikhain, mapagmahal, at rebolusyonaryong babae naman ay nakaukit:

Jenny von Westphalen

Ang mahal na esposa ni Karl Marx

Hindi man naisakatuparan noon sa Alemanya o Inglatera ang isang lipunang nasa hiraya ng Manipesto ng Komunista, sinikap itong pakatotohanan sa Unyong Sobiet. Isa sa mga naging dakilang babaeng lider nito si Alexandra Kollontai na “nagsulong ng kolektibong pag-aaruga sa anak, reporma sa pagpapakasal at pag-aari, at pagpapalaya sa mga babae na tanging inatangan ng pangangasiwa sa bahay at maging kalahok sa  kolektibisasyon nito; kasama rin sa kanyang isinapraktika ang teorya ng sekswalidad para sa isang kolektibong lipunan.”  

Sa suri ni Teresa Ebert, ibinukas ni Alexandra Kollontai ang isang “kumplikado, magkakakawing, at materyalistang pag-unawa sa rebolusyonaryong posibilidad ng mga relasyong hindi na nakabatay sa commodification, sa palitan sa merkado o pinansyal na konsiderasyon. Sa halip, tinanaw niya ang isang mapagpalaya — at iyon ay pantay — na relasyon sa pag-ibig, at pagiging kasama, na kinakailangan para sa katuparan ng esensya ng sangkatauhan at para sa pagpapaigting ng koneksyon sa mga miyembro ng kolektiba [salin].”

Ayon kay Fromm: “Ang homosekswal na paglihis ay isang kabiguan na kamtin ang pagbibigkis ng magkasalungat [babae at lalaki], kaya nga ba ang homosekswal ay nagdurusa sa sakit na dulot ng hindi nalutas na pagkakahiwalay [salin].” (“The homosexual deviation is a failure to attain this [female and male] polarized union, and thus the homosexual suffers from the pain of never-resolved separateness.”) Malinaw na kinilala at inilinaw ni Kollontai ang iba pang hulma ng relasyong labas sa idinikta sa atin.

Sabi ni Ebert, “Sa ubod ng ‘komunistang moralidad’ na binigyang mukha ni Kollontai ay ang paniniwala sa pag-unlad ng iba’t ibang antas at uri ng pagsinta — ng sekswalidad, pagmamahal, samahan — sa pagitan ng mga indibidwal, na nag-uugnay-ugnay para sa pagbubuo ng kolektiba.”

Dagdag niya, “Sa maikling salita, ipinapakita ni Kollontai kung paano paunlarin ang rebolusyunaryong teorya ng sekswalidad, kung saan ang pagkakaiba ng kasarian ay hindi na batayan sa panlipunang dibisyon ng pagnanasa dahil hindi na rin ito ang salalayan ng panlipunang dibisyon ng paggawa [salin].” (“Kollontai, in short, shows the way to develop a revolutionary sexual theory in which sexual difference is no longer the basis for the social division of desire because it is no longer the basis for the social division of labor.”) Sa lipunang ito, maglalaho ang relasyon ng kleriko at tagapangasiwa, ng magsasaka at panginoong maylupa, ng manggagawa at kapitalista, ng tagasunod at tagapagpasunod.

“Para kay Kollantai at sa Bolshevik, sa maagang yugto ng Rebolusyong Ruso, ang ganitong uri ng mga relasyon ay isang makatotohanang posibilidad sa kasaysayan.”

Daang-taon ang nakalipas, sa Pilipinas, naglalayag ngayon ang kababaihan at mga kasama upang pagbigkisin ang masang anakpawis, buuin ang iba’t ibang uri ng relasyon na ang magiging batayan ay katarungan.

Sa pagsasakatuparan ng isa pa lamang posibilidad noong nakaraang siglo, isang paghihikayat ang iniiwan ng Gantala Press: tayo ay tumaya at sumugal, tayo ay mag-aklas at umigpaw, tayo ay umibig nang lubos.

Litrato mula sa Ibong Adorno

Binasa at tinalakay ni Tin Valerio sa “The Art of Loving” Book Discussion, TAuMBAYAN, Kamuning, Quezon City, Pebrero 22, 2020

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.