Hangad ng Gantala Press ang maayos at ligtas na pagpapatupad ng pamahalaan sa enhanced community quarantine, sakaling pahabain pa ito. Nakikipagkaisa kami sa iba’t ibang sektor upang matiyak na maisakatuparan ito. Kaakibat ng mga hakbangin upang sugpuin and COVID-19 ay ang pagsang-alang alang sa kalagayan ng kababaihan!
Mahigit isang buwan na mula nang ipinatupad ang enhanced community quarantine na sagot daw sa tumitinding pandemya. Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagkalat ng coronavirus sa Pilipinas. Kasabay nito ang pag-usbong ng takot at galit: sa gobyernong hindi magawang protektahan ang mga mamamayan, sa nandarahas na militar at kapulisan, at sa mga naghaharing-uri na sinasamantala ang pandemya para sa sariling interes.
Daig pa ng sakit ang administrasyon sa tindi ng banta sa buhay ng mga Pilipino. Hindi lamang coronavirus ang papatay sa atin, kundi kalam ng tiyan. Walang kongkretong solusyong medikal ang naihain. Sa halip na isulong ang mass testing, contact tracing, at isolation, napako na lamang sa lockdown ang solusyon sa pagsugpo ng coronavirus.
Pagtatalaga ng militar sa buong Luzon at ilang mga probinsya ang naging tanging sandigan ng enhanced community quarantine. Wala pa ring kasiguraduhan ang pagdating ng ayudang ipinangako sa mahihirap na komunidad. Karaniwang mamamayan ang sumasalo sa responsibilidad ng gobyernong tugunan ang mga pangangailangan ng bayan.
Kababaihan ang ilan sa mga pinakadehado sa estadong nakapailalim sa lockdown. Ilang kaso ng panggagahasa, panghaharass, at pagpatay sa walang-laban ang ginawa ng kapulisan magmula nang ipatupad ang lockdown. Dahil mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas sa bahay, tumaas ang bilang ng mga biktima ng karahasan sa tahanan o domestic violence. Dahil walang masakyan at sarado ang mga kanlungan, walang matakbuhan ang kababaihang inaabuso ng kanilang mga kasama. Kasabay nito ang potensyal na pagdami ng mga wala-sa-planong pagbubuntis, biktima man ito ng pang-aabusong seksuwal o ng kawalan ng akses sa seksuwal at reproduktibong kalusugan. Higit sa lahat, kababaihan ang kumakatawan sa mayorya ng mga senior citizen at informal settler sa bansa — dalawa sa mga sektor na malubhang apektado ng pandemya at lockdown.
Hinihimok ng Gantala Press ang lahat na maging mapagmatyag at kritikal sa mga hakbang ng administrasyon patungkol sa krisis na ating kinakaharap. Kailanman ay hindi nararapat samantalahin ng administrasyong Duterte ang kahinaan ng bansa sa gitna ng pandemya upang ipatupad ang batas militar at abusuhin ang kapangyarihan. Hindi kamay na bakal at pagdidisiplina ang kailangan ng mamamayang Pilipino, kundi solusyong medikal, makatao, at makababae.
Ayuda, ibigay na!
Leave a Reply