
1.
Ang itim na TV screen ay nagmistulang belo ng pagdadalamhati sa pagkawala ng pang-ekonomikong kapasidad ng 11,000 na manggagawa ng ABS-CBN bunsod ng di-makatwirang pagpapasara ng gobyerno rito. Nakikidalamhati ang Gantala Press. Dama rin namin ang kahalong takot at pangamba lalo na at nasa gitna tayo ng sala-salabid na krisis na dulot ng pandemiko at nagpapalala nito.
Ang mga manggagawa ay pinagsasamantalahan sa anumang panahon — panahon man ito ng “normalidad” o kalamidad; nagkakasundo man o nag-aalitan ang naghaharing-uri at maykapangyarihan. Pirming bulnerableng sektor ang mga manggagawa. Sila ang tagapaglikha, ngunit araw-araw ay umuuwi silang puno ng ligalig para sa kinabukasang walang katiyakan. Samantala, ang mga kapitalista at nagmamay-ari ay malayang lumalangoy sa kabang-yamang likha ng dustang mamamayan.
Sa neoliberal na sistema, laganap ang kontraktwalisasyon na nagnanakaw sa mga trabahador at empleyado ng katibayan na hindi sila maaaring dispatsahin ng kanilang kumpanya anumang oras na naisin nito. Kung kaya, bahagi ng pagsuporta natin sa mga manggagawa ng ABS-CBN ang ating aspirasyon at pakikibaka na sila ay magkaroon ng disente, panatag, at makataong hanapbuhay.
2.
Mabalasik at marahas ang rehimeng Duterte. Sinumang sumusuway sa utos, nagsasambulat ng karumihan at kadekantehan ng mga namumuno, o sumasalungat sa pamamaraan ng pamamahala ay dinarahas at pinapaslang nito.
“Umuulit ang kasaysayan, sa una bilang trahedya, pagkuwa ay bilang katatawanan.” Minsan nang naipasara ng diktadurya ang ABS-CBN kasunod ng hidwaan ng oligarkiya. Iba’t ibang kuwento ng karahasan at katapangang tumindig ang iniwan sa atin ng Martial Law. Sa paniniil ng kasalukuyang rehimen, hamon ang mga kuwento at aral ng nakaraan upang tayo ay mas maging mapanuri, determinado, at palaban.
Nakasadlak man tayo sa pandemya, may bagong mundo tayong kinakaharap, inaasam, nililikha. Kasabay ng pagkawala ng ABS-CBN — sandali man ito, o pangmatagalan na — ang pagkakataong magpanday ng mas makapangyarihan at mapagpalayang media. Mula pa noong kolonisasyon hanggang sa kasalukuyan, nagsusumikap na ang mga rebolusyonaryo at mamamahayag na itindig ang alternatibang media na nagsisiwalat sa totoong kundisyon ng mga tao sa bayan, kapalit man nito ang kanilang buhay. Mula sa La Solidaridad, Kalayaan, sa ‘mosquito press’ noong Martial Law, hanggang sa lokal na makabagong media, itinatanglaw nila ang mga kuwento at kasaysayang pilit sa ating ikinukubli ng naghaharing-uri.
Sa bagong mundo na paparating, asahan at kamtin din natin ang isang media na naglilimi sa kalagayan ng bansa, kumukuwestiyon sa kawalan ng lupa ng mga magsasaka at disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa, nagsusulong sa nararapat na kasarinlan ng Pilipinas. Ito ay media na hindi lamang nang-iiwan sa manonood o mambabasa ng anekdotal na kuwento ng kaapihan at pagsasamantala. Bagkus, ito ay naglalantad ng mga katotohanan — karunungan — na nagbibigay ng pag-asa, at lakas upang maipaglaban at mabuo ang bagong kamalayan at pamayanan. Ito ay media na malayang linilikha ng mga mamamahayag nang walang bantang sila ay dakpin, patayin, o patahimikin.
Ito ay media na pangmasa, siyentipiko, makabayan, at peminista. Hindi nito itinuturing ang katawan ng babae bilang bagay o kalakal. Ito ay media na hindi nakasalalay sa pang-aabuso: ng kapitalista sa manggagawa; ng lalaki sa babae; ng sinumang mayhawak ng kapangyarihan sa sinumang mas maliit at mahina sa kanya.
3.
“The revolution will not be televised.”
Hindi mga patalastas, mga teledrama, morning shows, noontime shows, o panggabing balita ang maghahatid sa atin ng bagong mundo.
“The revolution will be no re-run.”
Sa bagong mundo, ang kasaysayan ay hindi na palasak na drama kung saan habambuhay na aasamin ng dalagang anak ng magsasaka na siya ay ibigin din ng mestisong anak ng panginoong-maylupa at iahon sa kahirapan.
Sa mundong ito, ang taumbayan mismo ang lilikha at maghahayag ng kasaysayan, kung saan panatag, marangal, at makatarungan ang buhay para sa lahat.
“The revolution will be live.”
*Tula at awit ni Gil Scott-Heron, Flying Dutchman Productions, 1970
0 Comments
·Leave a Reply