Paglikha bilang pahinga at paglaban

Zine-making session kasama ang mga manggagawa ng NPIWU-NAFLU-KMU at IOHSAD, Setyembre 19, 2020, Zoom

Magmula noong Marso, marami nang sinusubok, at patuloy na hinahamon, ang pandemya: ang mamamayang babad sa araw at mga banta sa kalusugan, salat sa proteksyong ipinangako sa kanila; ang ating pagtanaw sa buhay at kalagayan ‘di lamang ng mga sarili kundi ng mga kababayan; ang mismong sistema na matagal nang problematiko, at ngayon ay patuloy na sa pagbitak.

Panibagong danas ito para sa lahat, isang salpukan ng mga suliraning pansarili—pampinansyal, sikolohikal, pisikal—at pangkabuuang bayan. Paano nga ba makakaalpas kung hindi makakapagpahinga, kung hindi hihinga? Para sa Gantala Press, makabuluhang porma ng pa(g)hinga ang sining—lalo na ang sining na malaya, na hindi limitado, walang panuntunang dapat sundan, binubuo para sa sarili at kapwa tagalikha.

Noong ika-19 ng Setyembre, matagumpay na naisagawa ng Gantala Press, Institute of Occupational Health and Safety Development (IOHSAD), NPIWU-NAFLU-KMU, at development worker na si Meg Yarcia ang “Sama-samang Pagkilos, Sama-samang Pagbangon: Palihan sa magaang pagdadala ng buhay sa gitna ng pandemya.” Bunga ng pagtutulungang ito ang isang masaya’t makahulugang talakayan kasama ang mga miyembro ng Nexperia Workers Union, PEPMACO Workers Union (NAFLU-KMU), Wyeth Philippines Progressive Workers Union, Solidarity with the Workers Network – Bulacan, at Tanghalang Tatsulok.

Nagsimula sa Kamustahan at Pakilanlan ang palihan. Pagkuwa, nagbahagi si Anne Castillo, punong miyembro ng Nexperia Workers Union, patungkol sa sitwasyon ng mga manggagawa sa panahon ng pandemya. Ayon kay Anne, kinailangang iangkop ang porma ng protesta sa tawag ng panahon, kaya naman social media ang naging pangunahing plataporma ng mga manggagawa. Bilang kalahok sa mga industriyang patuloy na nagpapasok sa kabila ng sakuna, nakatanggap naman ang mga manggagawa ng libreng tutuluyan, Wi-Fi access, at pangakong hazard pay. Ngunit No Work, No Pay pa rin ang sistema sa kanila, at gaya ng mga trabahador sa ibang sektor, hindi rin tiyak kung magkano ang hazard pay. Hindi kasama sa ayuda ng gobyerno ang mga manggagawa ng Nexperia sapagkat isa itong multinational firm. Patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID sa loob ng kumpanya, at balita na may lokal na transmission na kaya naman hindi maalis ang pangamba ng mga manggagawa. Dagdag pa ni Anne, halo-halo ang emosyong dinaranas ng mga manggagawang nag-positibo sa COVID, nakaranas ng sintomas, o nagpa-swab test. May mga ipina-force leave para maiwasan ang hawaan, na kaltas sa leave credits ng empleyado. Kasalukuyang nakikipag-usap ang unyon sa pamahalaan upang itaas sa 80% ang bilang ng mga empleyadong papayagang pumasok. Hindi hiwalay sa iba ang danas ng mga manggagawa ng Nexperia. Isa itong karanasang dama ng karamihan, kundi lahat, ng manggagawang masa sa panahon ng COVID.

Sa realidad na ito isinentro ni Meg Yarcia, isang psychologist, manunulat, at development worker, ang kalagayan ng mga manggagawa. Paano nga ba aalagaan ang sarili at kapwa sa kabila ng napakahirap na estado ng buhay dahil sa COVID? Hindi lamang kalusugan ang nakukumprumisa kundi kabuhayan. Una sa serye patungkol sa collective care o sama-samang pangangalaga na ibinahagi ni Meg ang mga mungkahi para sa magaang na pagdadala ng buhay sa gitna ng pandemya. Mga paalala gaya ng paglalaan ng oras sa pahinga at sariling hilig, paglikha ng sining, at pag-iyak kung kailangan.

“Ang pagpapahinga ay hindi pagbitaw, kundi pagpapanibagong-lakas upang harapin ang bukas,” pagpapaalala ni Meg.

Sa sumunod na open forum, nagbahagi ng mga saloobin at ilang katanungan ang mga kalahok. Sa tanong tungkol sa kung paano dadamayan ang mga nakakaranas ng depresyon at diskriminasyon sa gitna ng pandemya, sagot ni Meg ay: “‘Pag ang prinsipyo na pinanghahawakan mo ay compassion o pakikiramay […], compassion will guide you kung anong aksyon ang gagawin. Ang layunin mo, mabuo ng kausap mo ang kanyang kwento sa halip na bigyan mo [siya] ng sariling kwento. Maliliit na bagay para maibsan ang kanilang pinagdaraanan.”

Ipinaalala rin ni Meg ang kahalagahan ng “golden rule” sa panahong ito: kung ayaw makaranas ng diskriminasyon, ‘wag ding magdiskrimina.

Para sa palihan ng paggawa ng zine, nanguna ang Gantala Press sa pagpapakita kung ano nga ba ang zine at ano ang potensyal nito bilang isang midyum ng pagpapahayag ng sarili. Alinsunod sa naunang usapin tungkol sa pagbigay-pahinga sa sarili, nabigyan ng oportunidad ang mga kalahok na ilapat ang kanilang pagkamalikhain sa pagbuo ng zine. Iba-iba ang naging bunga ng maikling palihan; lahat personal, makabuluhan, at sumasalamin sa kasalukuyang buhay ng manggagawang Pilipino—mga naratibong nagpapakita sa kanilang pamilya, trabaho, mga pangarap para sa sarili at kapwa, mga kani-kaniyang laban na lagi’t lagi ay nagbubuklod pa rin. Gaya nito ang zine na likha ni Anne, kung saan gumuhit siya ng isang taong naka-facemask, na hinalintulad sa pagbubusal ng boses at opinyon ng mga karaniwang mamamayan. Si Deb naman ay gumuhit ng kaniyang “dream world” kung saan ang lahat ng uri ng pananampalataya ay nirerespeto, ang mga magsasaka ay may angkin nang mga lupa, at may libreng pangangalaga sa kalusugan para sa lahat. Ginuhit naman ni Aida ang sariling nagpapakain ng kaniyang tatlong anak, at ang bahay niya kasama ang isang minimithing hardin kung saan maaari siyang magtanim ng sariling gulay—pagtugon sa kaniyang pagsulong para sa food security. Si Marie naman ay piniling ipokus ang gawa sa masasayang alaala sa kabila ng pandemya, ginuhit ang paboritong pagkain at mga gawain, at ipinahayag ang layuning maipaglaban ang mental health o kalusugang pangkaisipan lalo na ng mga manggagawa sa panahong ito.

Ayon kay Nadia de Leon, executive director ng IOHSAD, isang magandang oportunidad ang zine workshop upang bumuo ng kolektibong karanasan sa gitna ng pandemya. Nagsilbing plataporma ang palihan para sa pagpapahayag ng mga sariling takot at pangamba, pangarap at pag-asa—isang paalala na, kahit tila layon ng maykapangyarihan na ihiwalay ang isa sa kapwa, mayroon tayong makakatuwang.

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.