
Nakikidalamhati ang Gantala Press sa pagpanaw ni baby River, ang tatlong buwang gulang na sanggol ng aktibista’t pulitikal na bilanggo na si Reina “Ina” Mae Nasino.
Ang pagpanaw ni baby River ay bunga ng sistematikong atake ng estado sa mga aktibista at progresibong organisasyon. Ang karumal-dumal na karanasan ng mag-ina ay hindi nalalayo sa pang-araw-araw na nararanasan ng malawak na mamamayan lalo na ng kababaihan sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa maikling buhay ni baby River ay samu’t-saring karahasan ang dinanas nito mula sa estado — mula pa lang sa pagdadalantao ni Ina Nasino sa loob ng kulungan nang dahil sa gawa-gawang kaso; sa pilit na paghihiwalay sa mag-ina dalawang buwan matapos ang panganganak; sa pagtanggi ng korte sa apela na payagang manatili ang bagong-anak na si Ina at ang kanyang sanggol sa ospital upang mabigyan sila ng kinakailangang medikal na atensyon; hanggang sa makupad na responde ng korte sa kahilingan ng mga abogado mula sa National Union of People’s Lawyers na panandaliang palayain si Ina upang makasama nito ang sanggol na nag-aagaw-buhay noon sa intensive care unit ng Philippine General Hospital. Mula sa simula ay pinagkaitan na ng estado si baby River ng pagkakataon na mabuhay nang malusog at masaya, at hanggang sa huling sandali niya ay pinagkaitan pa ito na mahimlay sa kanlungan ng kanyang ina.
Matagal nang nagpapahirap sa sangkakababaihan ang rehimeng Duterte. Wala itong pagbabalat-kayo sa muhi nito sa kababaihan — mula sa ilang ulit na paglalapastangan ni Duterte sa kababaihan sa kanyang mga talumpati; sa pagpapatupad ng mga neoliberal na polisiya gaya ng Rice Liberalization Law na nagpapahirap sa kababaihang magsasaka alang-alang sa imperyalistang interes; hanggang sa pagsupil at pagpatay sa kababaihang aktibista sa ilalim ng Executive Order 70, Memorandum Order 32, at Terror Law. Ayon sa huling ulat ng Center for Women’s Resources, sa ilalim ng rehimeng Duterte ay may 40 na kababaihang aktibista at 35 na kababaihang pesante ang pinatay; 100 na kababaihan ang naging bilanggong pulitikal; habang may 63 na kaso ng karahasan ang pwersa ng estado laban sa kababaihan.
Nakikiisa ang Gantala Press sa paniningil ng hustisya para kay baby River at sa pangangalampag sa pagpapalaya kay Ina Nasino at sa lahat ng bilanggong pulitikal. Dapat managot ang lahat ng kinauukulan sa pagkamatay ni baby River. Kasama rito ang huradong si Cecilyn Burgos Villavert na nagpahintulot sa malawakang panghuhuli sa mga akbista kasama si Ina Nasino noong November 2019; ang kapulisan sa pangunguna ni Debold Sinas na nagsagawa ng marahas na panghuhuli at pagpapakulong sa mga aktibista; ang korte suprema na bumalewala sa petisyon ng mga bilanggong pulitikal kasama si Ina Nasino noong Abril na palayain sila alinsunod sa pandaigdaigang panawagan na palayain ang mga bilanggong pulitikal lalo na ang mga pinaka-bulnerable sa COVID-19; at ang Manila Regional Trial Court Branch 37 na nagsantabi sa apela na sandaling palayain si Ina para maaruga ang anak na nag-aagaw-buhay.
Walang kasiguraduhan na hindi na mauulit ang sinapit ng mag-inang Ina at baby River sa ilalim ng isang machopasistang estado. Lalo nitong pinapagtibay ang tindig ng sangkababaihan at mamamayang Pilipino na pabagsakin ang rehimeng ito. Walang hustisya hanggang hindi napapatalsik si Duterte!
0 Comments
·Leave a Reply