Kalampag Kontra Kagutuman

Sa ikalawang taon ng pagpapatupad ng RA 11203 o Rice Liberalization Law (RLL), nangangalampag ang kababaihan at taumbayan kontra kagutuman. Gamit nila ang mga kaldero at platong walang laman, at boses mula sa sikmurang hindi mapalamnan.

Bunsod ng RLL, tuluyang natanggal ang limitasyon sa pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa, habang ang lokal na produksyon ng bigas na nararapat lamang paunlarin ng pamahalaan ay lalong nabansot. 

Sa umiiral na neoliberalismo, nagiging paborable ang mga batas na tulad ng RLL sa mayayamang bansa na may kakayanang malinang ang malakihang produksyon. Sa bansang atrasado ang agrikultura, tulad ng Pilipinas, talo ang maliliit na magsasaka. Lalong bumagsak ang presyo ng lokal na palay na binibili sa mga magsasaka — tinatayang Php 10 kada kilo na lamang ito mula sa Php 20 kada kilo bago ipatupad ang RA 11203 noong 2019. Samantala, tumaas ang presyo ng bigas na ibinebenta sa merkado. At mismong mga nagtanim ang hindi na kayang bumili.

Nangangahulugan ito ng malaki ring pagbawas sa kita ng mga magsasaka. Ang dati nang masahol na sistemang usura ay lalong lumala. Maraming magsasaka ang nalulubog sa utang para lamang makapagpatuloy sa produksiyon. Dumami ang napipilitang isangla o ibenta ang kanilang lupang sinasaka. Sa RLL, ang mga rice dealer at dayuhang importer lang ang nabubundat at nakikinabang, samantalang walang masaing ang mamamayan.

Kaugnay din ng batas na ito ang patuloy na pagkamkam ng maykapangyarihan sa mga sakahan para sa mga Land Use Conversion project o ang pagpapatayo ng mga subdibisyon, mall, engklabo ng mga pabrika, at iba pa sa mga lupang agrikultural. Ang mga espasyong dating taniman ay nagtransporma sa mga proyektong hindi rin naman naging kapaki-pakinabang sa taumbayan, sapagkat ito ay pag-aari ng iilan. Ito ay isa rin sa mga dahilan ng pagliit ng lupain para sa mga palayan at ng kaakibat na krisis sa seguridad ng pagkain sa bansa.

Dahil dito, patuloy ang dinaranas na kahirapan hindi lamang ng mga magsasaka, at karaniwang konsumer lalo na ngayong pandemya, kundi ng iba’t ibang sektor. Sa pagbagsak ng lokal na agrikultura, apektado tayong lahat, maliban sa iilang nakikinabang sa neoliberal na sistema. Ang sistemang umiiral ang siya ring ugat ng pagtaas ng presyo ng iba pang lokal na pananim at produkto. Maraming nawalan ng trabaho at kakayanang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan. 

Pagkalugmok at hindi pag-unlad ang dinaranas ngayon ng mga Pilipino dulot ng RLL. Ang patuloy na pananalig ng administrasyong Duterte sa kaunlarang nakabatay sa “malayang” pamilihan at kapital sa halip na sa kaunlaran ng buhay at paggawa ng mga magsasaka at mamamayan ang siya ring esensya ng batas na ito.

Ang ganitong panggigipit ang nagtutulak sa mga magsasaka, kababaihan at taumbayan na manawagan para sa subsidya at tunay na reporma sa lupa. Sa sama-samang pagkilos, karahasan ang sagot ng pamahalaang pumuprotekta sa interes ng naghaharing-uri. Ngunit, hindi tayo magpapagapi; ang gutom at kahirapan ang patuloy na magtutulak sa pag-aaklas ng taumbayan. 

Patibayin ang lokal at pambansang industriya ng bigas! Ibasura na ang Rice Liberalization Law at isulong ang tunay na repormang agraryo! 

Lupa sa nagbubungkal! 

#StopKillingFarmers

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.