The year 2023 marks the 25th publication anniversary of Delia Aguilar’s book Toward a Nationalist Feminism. This collection of essays explores the “intersection of gender and material life” in the experience of Filipino women, a landmark in the field of Women’s and Gender Studies in the Philippines.
To celebrate this, Kritika Kultura, together with Dr Jeffrey Cabusao of Bryant University, will spearhead a lecture series in honor of Delia Aguilar and her book Toward a Nationalist Feminism. The first of a series of lectures will be held on November 14, 2023, Tuesday, 5:00 pm, at the Natividad Galang Fajardo Conference Room, De La Costa Hall, Ateneo de Manila University, with Faye Cura of Gantala Press as speaker.
Faye Cura’s lecture, titled, “Ang Feminista Bilang Manunulat ng Bansa,” will delve into the contribution of Delia Aguilar to feminist discussions in the country, particularly in the areas of literature and publishing.

Ang Feminista Bilang Manunulat
Magandang hapon sa lahat. Maraming salamat sa Kritika Kultura, kina Prof. Vincenz Serrano at Prof. Jeffrey Cabusao, sa pag-imbita sa Gantala Press na magsalita ngayon. Maraming salamat sa mga kaibigan at estudyanteng narito. Malaking karangalan.
Actually, pangalawang beses na ng Gantala Press na magsalita sa Kritika Kultura. Noong 2017, inanyayahan din kami ng KK na magbahagi tungkol sa feminist publishing. Kasisimula lang halos namin noon. Dadalawang libro pa lamang ang aming nailalabas, ang Danas na isang antolohiyang pampanitikan, at ang Laoanen na isang koleksiyon ng mga akda tungkol sa Marawi Siege.
Kinakapa pa lamang namin noon ang feminismo. Which is not to say na kapado na namin ang feminismo. Katulad ng aktibismo, lagi naman tayong nasa proseso ng pagpapakahusay. At ang panayam o lecture na ito ay bahagi ng prosesong iyon ng palagiang pag-aaral. Pauna na akong humihingi ng pang-unawa para sa mga kakulangan at ikauunlad pa ng panayam na ito.
Ngayon, anim na taon pagkatapos ng unang lecture na iyon sa KK, aabot na sa kuwarenta ang mga libro, zine, at e-book na aming nailabas. Lahat, feminista, lahat nasyunalista.
Sa panayam na ito, tatalakayin ko ang tatlong ideya o kaisipan: ang feminismo, nasyunalismo, at pagsusulat at paglalathala. Magbabatay ako sa akda ni Delia Aguilar na Toward a Nationalist Feminism, na siya nating pangunahing ipinagdiriwang ngayon. Susubukan ko ring iugnay ang mga ideyang ito sa gawain ng Gantala Press bilang isang feminist small press.
Feminismo
Sa TNF, tinunton ni Aguilar ang kasaysayan ng kilusang kababaihan sa Pilipinas lalo na noong dekada 1970, 1980, at 1990. Sa librong iyon, binanggit ng awtor na maraming kababaihan ang nag-alangang tawagin ang sarili na feminista, lalo na sa loob ng kilusang pambansa demokratiko. Para hindi tayo malito, ang national democratic movement ay malawak na alyansa ng mga progresibong grupo at indibidwal na nakikibaka para sa pambansang industriyalisasyon, tunay na reporma sa lupa, at demokratikong gobyerno na pinangungunahan ng batayang masa — ang mga manggagawa at magsasaka.
Ayon kay Aguilar, lumakas ang kilusang kababaihan mula sa pakikibaka ng sambayanan laban sa diktaduryang Marcos. Si Aguilar mismo ay naging feminista sa panahong ito.
Sa TNF, naglahad ng kritisismo si Aguilar laban sa white feminism o feminismong puti na siya noong dominante sa diskurso, lalo na sa akademya. Sa pananaw ng white feminism, ang kasarian o gender ay tinuturing na sentro ng opresyon. Kung kaya, ang feministang pakikibaka ay nakatuon sa paglaya ng katawan at sekswalidad mula sa pang-aapi ng kalalakihan. Sa feminismong puti, hindi napalilitaw ang iba pang mga sityo ng pananamantala at pang-aabuso na nararanasan ng mga babaeng itim o kayumanggi. Sa partikular, hindi napalilitaw ang abusong nararanasan ng kababaihan dahil sa kanilang uri at lahi. Sa katunayan, may mga white feminist daw na kumukuwestiyon sa paglahok ng ilang mga feminista sa mga kilusang pambansa na itinuturing na “patriyarkal.”
Isa sa mga prinoblematisa ni Aguilar ang pagturing ng mga feministang puti sa pamilya bilang pundamental na lunan o lugar ng opresyon sa kababaihan. Para sa white feminists, ang tradisyunal na set-up ng pamilya at ang mga inaasahang katungkulan o role ng babae sa loob ng pamilya ay isang uri ng bilangguan. Kung gayon, ang pagbuwag daw sa konsepto ng pamilya ay makakapagpalaya sa kababaihan. Pero ayon kay Aguilar, ang pamilya, sa Pilipinas, ay maaari ring maging lunan ng paglaban. Makikita ito halimbawa sa magkakasamang paglahok ng mga magulang at anak sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka sa lipunan.
Inilarawan ni Aguilar ang feminismo sa so-called Third World o Ikatlong Daigdig bilang anti-imperyalista at kolektibo, at hindi indibidwalista na gaya ng feminismo sa Kanluran.
“The ‘personal’ for Filipino feminists, because it developed within the context of grassroots organizing which necessitates speaking to the exigencies of day-to-day living, is firmly rooted in a critique of the socioeconomic structure. Feminist practice is thus also primarily collective.”
Kabilang sa mga isyung binaka ng mga Filipina ang mga base militar ng Estados Unidos, ang pagpapatayo ng Chico River Dam at Bataan Nuclear Power Plant at pagkasira ng kalikasan, ang krisis sa ekonomiya at kawalan ng disenteng trabaho, ang abusong kinakaharap ng mga migranteng manggagawa at mail order bride, bukod pa sa violence against women at mga isyu ng reproduksiyon gaya ng birth control at abortion.
Dagdag ni Aguilar,
“Freedom from oppression as women can become possible only when the nation is liberated from US domination and when the majority of the people can be released from poverty, illness, malnutrition, and other forms of deprivation rampant in a neocolony.”
Malinaw ang pagtingin ng awtor na ang kilusan ng kababaihan ay dapat na nakatuon sa paglantad, pagkundena, at pagwasak muna ng sistemang umiiral upang maitayo ang isang panlipunang sistemang tunay na kikilala sa pantay na katayuan at karapatan ng kababaihan at kalalakihan. Ibang-iba ito sa uri ng feminismo na ang ipinaglalaban lamang ay pantay na katayuan ng babae at lalaki sa loob ng umiiral nang sistemang kapitalista, o pantay na akses ng kababaihan sa mga benepisyo at pakinabang na dulot ng sistemang ito.
Bukod sa anti-imperyalistang tindig, ang isang mahalagang ambag ng TNF sa diskurso ng feminismo sa Pilipinas ay ang imbitasyon sa kilusang masa na bigyan din ng puwang ang feminismo. Pinansin ni Aguilar ang tila umiiral na “sexismo” sa loob ng kilusan, at ang pag-aalangan ng mga kasama na suriin kung paano makakatulong ang feminismo sa artikulasyon ng tinatawag ni Aguilar na “transformational politics”.
Siguro, ang maipupuna ko bilang kontemporaryong mambabasa, ay medyo bitin ang pagtalakay ni Aguilar sa usaping ito na sa tingin ko ay isa pa ring palaisipan ngayon. Ano nga ba ang kritisismo ng pambansa demokratikong kilusan sa feminismo? At paano sasagutin ang mga kritisismong ito nang hindi nakakalimutan ang rebolusyonaryong tanaw? Isa na rin siguro itong paanyaya sa mga feminista at aktibista na mas mag-usap pa tungkol sa kung paano nga ba masusuportahan ng feminismo ang kilusan, lalo na sa mga espasyong inuusbungan ng feminismo, katulad ng akademya, kultura, at sining. Gayundin, maaaring pag-usapan kung paano matitiyak ang nasyunalismo sa feminismong isinasapraktika ng mga feminista ngayon.
Siyempre, magiging mabunga lamang ang dayalogo sa pagitan ng mga feminista at ng kilusan kung isasaalang-alang ng dalawang panig ang kasaysayan ng feminismo. Ayon sa popular na kasaysayan, ang feminismo ay burges na kaisipan na kinasangkapan ng mga naghaharing-uri para panatilihin ang kanilang kapangyarihan sa lipunan. Makikita ito sa kasaysayan ng woman suffrage o pagboto ng kababaihan sa Estados Unidos o kahit dito sa Pilipinas. Mayayamang puting babae ang nanguna sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga Amerikana na bumoto. Ito ay upang magkaroon sila ng boses sa legal at pulitikal na mga institusyon at maprotektahan ang kanilang mga pag-aari.
Pero may mga pag-aaral ding katulad ng kay Kumari Jayawardena (1986) na tumutunton sa kasaysayan ng feminismo at nasyunalismo sa Ikatlong Daigdig, at nagsasabing ang feminismo ay organikong umusbong sa loob ng social movements sa mga bansang ito (kalakhan sa Asia at Africa). Sa palagay ko ay mainam ding suriin kung ano ang mga mahahalaw na aral mula sa mga pananaliksik na katulad nito.
Sa TNF, nagbabala si Aguilar na ang dominasyon ng white feminism sa diskurso ay nagkukubli sa kung paano nagiging complicit ang mga white feminist sa pagsasamantala at pang-aapi ng ibang babae. Dito papasok ang tinatawag natin ngayon na “imperial o imperialist feminism.” Ito ang paniniwala na kailangang palayain ang mga babae sa itinuturing na “less developed countries.” Ito ang ideolohiya na nasa likod ng pagpunta ng mga gurong Thomasite sa Pilipinas para turuan ng sibilisasyon ang mga barbarong Pilipino, o ang pananaw ngayon halimbawa na tama lang na durugin ng Israel ang Hamas dahil hindi malaya ang mga babaeng Muslim at oppressive ang pagsuot nila ng belo. Ang masaklap, hindi na lang mga babaeng puti ang nagpapakalat ng imperial feminism ngayon. Tingnan halimbawa ang US Vice President na si Kamala Harris, o ang mga artista sa Hollywood na women of color na sumusuporta sa nagaganap na genocide sa Palestine. Kung papansinin, mayayaman at makapangyarihang babae ang mga ito. Pinakikita nito na ang loyalty nila ay hindi sa kapwa nila kababaihan at people of color, kundi sa kanilang uri.
Malaking bagay na pinansin ni Aguilar ang relasyon ng pambansa demokratikong kilusan sa feminismo. Ipinaaalala nito na ang pakikibaka ay lumalawak, lumalalim, at lumalakas batay sa interaksiyon nito sa iba’t ibang kaisipan at realidad kabilang na ang feminismo. Gayundin, lumalawak at lumalalim ang kahulugan ng feminismo. Hindi na lang ito isang balangkas ng pagsusuri na nakabatay sa kasarian, o pagpipilit sa superyoridad ng babae sa lalaki, o pagtatangi sa kalagayan at kabutihan ng mga babae lamang. Sa esensiya, ang mga kritika at pagpapahalaga o values ng feminismo ay magagamit sa paglantad, pagkundena, at pagwasak sa mga pananamantala at pang-aabuso sa babae, lalaki, at iba pang kasarian. Tinitiyak din ng feminismo ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian maging sa loob ng mga progresibong kilusan. Pero higit sa lahat, ang feminismo ay pinakamalakas sa pagkilala nito sa pantay na lakas ng babae, lalaki, at iba pang kasarian na makipaglaban para sa liberasyon ng uri at pambansang soberanya.
Para sumahin ang bahaging ito ng panayam, mainam na balikan ang programa ng Malayang (Makabayang) Kilusan ng Bagong Kababaihan o MAKIBAKA, na binuo noong 1970 para isulong ang pambansang liberasyon:
“To liberate the creative potential of women, it is first of all necessary to liberate the Filipino masses of which they are part. No sector of the population can be free from exploitation of any sort unless the primary exploitative relation, that between U.S. Imperialism and domestic feudalism on the one hand and the broad masses of the Filipino people on the other, is totally destroyed. Moreover, it is in their participation in the national struggle for liberation from feudal and foreign oppression that women can achieve their own liberation.”
Nasyunalismo
Inilarawan ni Aguilar ang mga problema ng mga babae sa Ikatlong Daigdig: kawalan ng disenteng trabaho, kawalan ng nakabubuhay na sahod at maayos na mga kundisyon ng paggawa; kawalan ng maayos na pamamahay, sapat na pagkain, at serbisyong medikal; pagtaas ng mga presyo ng bilihin; katiwalian at pagpapabaya ng gobyerno; at kalupitan ng makinaryang militar na suportado ng mga imperyalista.
Parehong-pareho pa rin sa sitwasyon natin sa kasalukuyan.
Ayon kay Aguilar, kailangan natin ng feminismo na marubdob na anti-kolonyal at matatag na nasyunalista. A feminism that is vehemently anti-colonial and staunchly nationalist. Panahon na raw na muling isulat o i-reinscribe ang nasyunalismo sa agendang feminista.
Paano gagawin ito? Ayon kay Aguilar, kailangang tukuyin ng mga feministang Pilipino ang pambansang pagkakakilanlan o national identity. Sabi niya, “Our colonial mentality makes it almost second nature for us to assume the persona of our colonizer.” Halimbawa nito ang pagturing nga sa western feminism bilang tamang hibo ng feminismo, o ang pagtingin sa mga babaeng nagtagumpay sa sistemang kapitalista bilang ideyal o huwarang empowered woman. Kaya nariyan ang mga konseptong katulad ng girl boss, o women breaking the ceiling, at iba pa.
Nagbabala si Aguilar na hiwalay ang teorya at praktika sa white feminism. Naglahad siya ng kritisismo sa mga postmodern feminist na allergic sa tinatawag na “grand narratives” sa pagsuri sa lipunan at kundisyon ng kababaihan. Ayon kay Aguilar, kailangan pa rin ng pangkalahatang balangkas o general framework na tulad ng Marxismo sa pagsusuri sa lipunan upang lalo natin itong maunawaan.
Paano nga ba tutukuyin ang ating pambansang pagkakakilanlan? Ito ay sa pamamagitan ng pag-alam sa ating kasaysayan. At paano aalamin ang kasaysayan? Bukod sa pagbabasa at pag-aaral, kailangang makinig sa mismong mga taong lumilikha ng kasaysayan. Nauna nang pinaalala ni Aguilar ang rebolusyonaryong diwa nina Gabriela Silang at Lorena Barros hanggang sa mga babaeng NPA. Sila, kasama ang kalakhan ng populasyon ng Pilipinas — mga magsasaka at manggagawa — ang lumilikha ng kasaysayan. Katulad ng inilarawan ni Aguilar, hindi magkahiwalay ang teorya at praktika kapwa sa kilusang masa at sa feminismo sa Pilipinas dahil nga ang mga ipinaglalaban ay direktang nakakaapekto sa araw-araw na buhay.
At kasama sa teorya at praktika ng rebolusyon ang paglahok sa armadong pakikibaka. Isa pang mahalagang ambag ng TNF ang pagkilala sa realidad na ito.
“Why are growing numbers of Filipino women, for centuries bound by feudal notions of passivity and subservience, now renouncing the old precepts and taking to the hills with rifle in tow?”
Ang pagdidiin ni Aguilar sa realidad ng armadong pakikibaka ay nagmumula sa tamang suri sa lipunan bilang malakolonyal at malapyudal. Semicolonial and semifeudal. Ibig sabihin, wala na ang Estados Unidos sa gobyerno pero sila pa rin ang nagpapatakbo sa ating ekonomiya at pulitika sa pamamagitan ng kanilang mga kakuntsabang pulitiko at malalaking negosyante.
Ibig sabihin ng pyudal, hindi pagmamay-ari ng mga magsasaka ang lupang kanilang sinasaka. Mga magsasaka ang gumagastos at nagpapagod para makapagtanim, pero ang higit na nakikinabang ay ang mga panginoong maylupa na binibigyan ng mga magsasaka ng parte ng ani. Malapyudal ang ating bansa dahil kinukubabawan ito ng dayuhang kapitalismo. Nagiging source tayo ng murang paggawa at hilaw na materyales na pinuproseso sa imperyalistang mga bansa bago muling ibenta sa atin bilang commodities.
Gayundin, labas-masok ang mga tropa at armas mula sa Estados Unidos dito sa Pilipinas, sa pamamagitan ng mga programang katulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at Balikatan. Kaya nagaganap ang mga pagbobomba ngayon sa Cagayan Valley.
Pinananatili ng imperyalismo ang kapangyarihan nito sa pamamagitan ng pagsupil sa pag-alma at pag-aklas ng sambayanan. Kaya isang pangunahing programa ng imperyalismo ang counterinsurgency. Hinaharass, inaaresto, dinadakip, at pinapatay ang mga aktibista at mga magsasaka at manggagawang ipinaglalaban ang kanilang karapatan. Ginagawa ito ng gobyerno sa tulong ng mga rekursong militar mula sa imperyalistang bansa. Sa madaling salita, ginagamit ng mga imperyalista at naghaharing uri ang dahas para panatilihin nito ang kontrol sa ekonomiya at pulitika ng bansa.
Lagi nating tandaan na hindi basta-bastang isusuko ng imperyalista ang kapangyarihan nito. Tingnan na lamang ang nangyayari ngayon sa Palestine. The imperialists won’t stop at even killing children to realize their project. Ito ang nagpapaliwanag sa kung bakit armadong pakikibaka ang piniling paraan ng paglaban ng mga Palestino, at ng mga Pilipino, kabilang na ang mga feminista, mula noon hanggang ngayon.
Pagsusulat/Paglalathala
Ngayong taon ang ika-25 anibersaryo ng pagkakalathala ng Toward a Nationalist Feminism. Ibig sabihin, taong 1998 ito unang linabas.
Sa taong iyon, ipinagdiriwang ng Pilipinas ang sentenaryo ng pagiging bansa nito. Siyempre, ang 1998 ay sentenaryo ng mga burges; ang ipinagdiriwang dito ay ang pagdeklara ni Emilio Aguinaldo ng kalayaan ng bansa noong Hunyo 12, 1898. Ito rin ang taon na binenta ng Espanya ang Pilipinas sa Estados Unidos sa Treaty of Paris. Kapansin-pansin na hindi ipinagdiwang ang pinangunahan ni Andres Bonifacio na armadong rebolusyon noong 1896, na kung ako ang tatanungin ay siyang tunay na nagbigay-daan sa pagpapalayas ng mga kolonyalistang Espanyol sa Pilipinas.
Kaakibat ng 1998 Philippine Centennial Celebration ang build up sa programang “Philippines 2000” ni Fidel V. Ramos. Binuksan niya ang Pilipinas sa samu’t saring foreign investors. Ginawang pribado at sinailalim sa deregulasyon ang maraming serbisyo katulad ng kuryente, tubig, transportation, telecommunications, banking, domestic shipping, airline, at langis.
Ito ang magpapaliwanag sa kung bakit hindi ipinagdiwang ang armadong rebolusyon noong 1896. Siyempre, hindi ipagdiriwang ng reaksiyunaryong gobyerno ang armadong pakikibaka. Ang sentenaryo, ang pagiging bansa ng Pilipinas, ay ipinakete na para sa aspirasyon at kapakinabangan ng naghaharing uri, ng imperyalista.
Side story lang, noong 1998 ay second year high school ako sa Philippine High School for the Arts, kung saan ako nag-aral ng Malikhaing Pagsulat. Katorse anyos ako nang una kong makaengkuwentro ang salitang “feminismo.” Natutuhan ko ito sa akda ni Nick Joaquin na “The Summer Solstice,” na pinag-aralan namin noon sa klase ng maikling kuwento. Ang imahen ni Don Paeng na mapagkumbabang hinahalikan ang mga paa ni Doña Lupeng ay isa sa mga unang larawan ko ng feminismo.
Lumalim ang pang-unawa ko sa feminismo sa mga akda ni Lualhati Bautista na binasa naman namin sa klase ng Social Studies: Dekada ’70; Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?; ‘Gapo. Sa mga librong ito ko unang nabasa ang pahayag na “It’s a man’s world,” na sa tingin ko ay naghubog sa aking feministang pananaw. Nabuo marahil ang Gantala Press para kuwestiyunin ang pahayag na ito. Kung totoong “It’s a man’s world,” sabi naman ni Marx, “The point is to change the world.”
Ang PHSA ay itinayo noong Martial Law, para isulong ang uri ng sining na burges at Kanluranin. Ang nais ni Imelda Marcos noong ipinatayo niya ang PHSA ay panghawakan o i-uphold ang “The True, The Good, and the Beautiful.” And true enough, maraming graduate ng PHSA ang nagpursige ng karera sa sining sa ibang bansa, nagtanghal sa Broadway, sa Carnegie Hall, sa Sydney Opera House, at iba pa.
Pero may mga graduate ang PHSA na piniling gamitin ang sining nila sa pagsisilbi sa mamamayang api, tulad nina Kerima Lorena Tariman at Amanda Socorro Lacaba Echanis. At karangalan ng Gantala Press na ilathala ang kanilang mga tinipong akda.
Si Kerima ay nag-organisa sa hanay ng mga manggagawang bukid at mga magsasaka bago siya sumampa sa Bagong Hukbong Bayan. Noong Agosto 2021, siya ay pinaslang sa isang engkuwentro sa Negros.
Habang nasa bundok, nagsulat si Kerima ng mga tula tungkol sa imperyalismo, malapyudalismo, at ang paglaban ng sambayanan sa mga ito sa tulong ng hukbong bayan. Hindi niya piniling gawing karera ang pagsusulat, o inambisyong makapaglabas ng maraming libro halimbawa o manalo ng mga parangal. Inuna niya ang pagsusulong sa rebolusyon. Nagkataon lamang na marunong siyang magsulat at magsalin, at ginamit niya ang talinong ito bilang pansuporta sa pangunahin niyang gawain.
Si Amanda naman ay nag-organisa sa hanay ng maralitang lungsod bago siya naging organisador ng kababaihang magbubukid. Ayon sa mga nakatrabaho niya sa pagsusulat ng dulang Nanay Mameng, sinulat niya ito bilang tugon sa pangangailangan noon ng sektor ng mga maralitang lungsod. Hindi niya ito sinulat nang dahil lamang sa indibidwal niyang kagustuhan. Bagkus, nagsulat siya ng dula bilang task o gawain para sa komunidad.
Kung pag-uusapan ang rebolusyonaryo o nasyunalistang panitikan at sining, lagi nating binabalikan ang tanong nina Mao Tsetung at Bienvenido Lumbera: For whom? Para kanino?
“The question “For whom?” seemed to have shattered forever the cherished myths about the artist and his autonomy. At present, the response to this question among the intelligentsia is joined to nationalism in various ways — decolonization, Filipinization, liberation, or national development — but the attempt is always to relate any given literary work to a vast audience, the Filipino masses.”
Dagdag na tanong ni Lumbera: “How can literature help the masses throw off the shackles that had bound them to degrading poverty?” Sina Kerima at Amanda ay dalawa lamang sa mga manunulat at artista ng bayan na nakasagot sa tanong na iyon. Ang sagot nila ay: huwag gawing end goal ang pagsusulat. Bagkus, sumali sa kilusan. At sa kilusan, magsulat ng mga pahayag, mga tula, awit, dula, polyeto, at iba pa, na naglalantad, kumukundena, at nagwawasak sa imperyalismo.
Sa kaso ng Gantala Press, paano namin inuugnay ang anumang akdang pampanitikan sa malawak na masang Pilipino?
Una, prayoridad naming ilathala ang mga akdang kolektibong sinulat ng mga komunidad, katulad ng mga magbubukid, manggagawa, at ang pangkalahatang publiko. Mahilig kaming maglabas ng mga antolohiya o tinipong mga akda. Sa pag-aaral ni Jayawardena, umusbong ang panitikan ng kababaihan kasabay ng kilusang kababaihan. Maraming feminist journal, women’s magazines, diaries, at iba pa ang nailathala at naisulat ng mga naunang feminista. Pero ang kalakhan ng panitikang iyon ay prinodyus ng mga burges at petiburges na kababaihan: mga nakapag-aral, mga literate sa iba’t ibang wika, mga may panahong magsulat. Dahil dito, ang kasaysayan nila ang naitala at naaral ng mga iskolar. Kung gayon, masasabing nakapag-aambag ang Gantala Press sa pagtitipon ng mga akdang sinulat ng kababaihang magsasaka at manggagawa, na siya namang magagamit sa mga pag-aaral sa hinaharap.
Pangalawa, pinahahalagahan namin ang wika. Kailangang nauunawaan ito ng masa. Nais naming palitawin ang karunungan at mga talinghaga na nakapaloob sa lokal na mga wika.
Pangatlo, kami mismo ay sumusuporta sa kilusang masa, at ang aming mga nilalathala ay ginagabayan ng rebolusyonaryong tanaw. Ginagamit namin ang iba’t ibang anyo ng publishing — print, podcast, mga talakayan, para palakasin ang mga panawagan ng sambayanan para sa tunay na reporma sa lupa, hustisya para sa mga biktima ng pasismo, at pambansang soberanya.
Paano naman namin isinasapraktika ang feminismo sa aming gawain?
Siyempre, sa paghahawan ng espasyo para makapagsulat ang karaniwang babae. Hindi kailangang nakapag-aral o literal na marunong magsulat ang aming mga nakakatrabaho. Minsan, nagkukuwento ang mga nanay dahil nahihirapan silang magsulat, o masakit ang kanilang kamay matapos magtanim o maglaba. Kaya tina-transcribe na lang namin ang kanilang mga kinukuwento.
Pangalawa, sa pag-engganyo sa kababaihang artist na mas aktibong lumahok sa proseso ng book production at paglalabas ng sining biswal na nasyunalista-feminista.
Pangatlo, sa masikhay naming paglahok sa internasyunalismo. Gantala Press ang national coordinator ng Southeast Asia Feminist Action Movement, isang network ng maliliit na organisasyon ng kababaihan sa Indonesia, Malaysia, at Pilipinas. Aktibo rin kaming lumalahok sa mga kumperensiya at festival sa larangan ng feminismo at panitikan sa ibang bansa. Nakikipagtulungan din kami sa ibang mga organisasyon para maibahagi sa ibang mga bansa ang anti-imperyalistang mga panawagan ng kababaihan sa Pilipinas ngayon.
At ngayon, karangalan nga para sa Gantala Press na muling ilathala ang Toward a Nationalist Feminism ni Delia Aguilar para sa bagong henerasyon ng mga feminista at rebolusyonarya. Mahalaga ito dahil nagpapatuloy ang pambubusabos ng imperyalismo sa ating malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ang lahat ng problemang binanggit ko kanina ay nananatili ngayon sa mga hacienda, sa mga tubuhan, sa mga plantasyon, minahan, katutubong lupa, kanayunan at kabundukan.
Gayundin, nagpapatuloy ang pakikibaka ng sambayanan. Kung may konkretong iniambag ang feminismo sa rebolusyon, ito ay ang introduksiyon ng pambansa demokratikong kilusan sa mga feminista. Hindi iilan ang mga rebolusyonarya na unang namulat sa kawalang-katarungan bilang mga feminista, at saka pumiling sumali sa kilusan nang mapagtanto nila na ang paglaya ng kababaihan ay magmumula lamang sa paglaya ng mga uri at paglaya ng bansa mula sa kontrol ng mga dayuhang mananakop.
Ang muling paglalathala ng Toward a Nationalist Feminism ay pagbibigay-pugay sa kasaysayan hindi lamang ng feminismo at kilusang kababaihan sa Pilipinas, kundi sa kabuuan ng kilusang masa laban sa imperyalismo. Sa muling paglalathala ng libro, muling nabubuksan ang mahahalagang isyu na una nang inilatag ni Aguilar, at naipagpapatuloy ang pagsusulat sa kasaysayang ito, at ang artikulasyon ng mapagpalayang pulitika.
Sa puntong ito, nais naming kilalanin at pasalamatan ang unang tagapaglathala ng TNF, si Gloria Rodriguez ng Giraffe Books. Isa ang Giraffe sa mga unang small press sa bansa. Sa sobrang liit, isa itong one-woman operation. Kalakhan ng backlist nito ay mga awtor na babae, kasama na ang mga nagsisimula pa lamang noon sa karera ng pagsusulat. Maraming salamat, Gloria Rodriguez, sa inyong mahalagang ambag sa paglalathala, panitikan, at feminismo sa bansa. Karangalan po para sa Gantala Press na ipagpatuloy ang nasimulan niyong diwa ng mapagpalayang paglikha.
Bilang pagsusuma: Ang magtatakda kung feminista ang manunulat ay ang kanyang paninindigan at suri sa lipunan at kalagayan, hindi lamang ng kababaihan kundi ng iba pang identidad. Kung ang kanyang akda ay tumatalakay hindi lamang ng danas kundi nag-uudyok na ibaba ang diskurso ng feminismo sa mambabasa (grounding) at itinataas ang kamalayaan ng mambabasa para kuwestiyonin ang mga institusyong pinaghaharian ng lalaki at burges na manunulat, labanan ang disempowerment, at pakilusin ang mambabasa at mamamayan para baguhin ang umiiral na sistema ng lipunan.
Sa pangkalahatan, para sa amin sa Gantala Press, ang feminista bilang manunulat ay manunulat ng isang bansang malaya. Isa siyang manunulat na tumutulong sa pagbaklas sa imperyalismo. Ang pagsusulat ay hindi lamang sa literal nitong anyo, kundi kolektibo ring pag-aaral, paglilinaw, at pagtatala ng mga isyu. Sa feministang paglalathala, kolektibo ang pagsulat; hindi ito indibidwalistang gawain na para sa indibidwalistang mga layunin. At ang mga katuwang sa pagsusulat ay mga babae, lalaki, at ibang kasarian na pawang mga kasama sa isinusulong na rebolusyon. xx


Leave a Reply