Paglulunsad: PULANG PAG-IBIG

LUNSAD-AKLAT
Pulang Pag-ibig ni Alexandra Kollontai,
salin ni Faye Cura mula sa 1927 na edisyong Ingles

Oktubre 25, 2024 (Biyernes)
Ika-3 ng hapon
Balay Kalinaw, UP Diliman

Tampok ang isang talakayan tungkol sa panitikan at pagsasalin, estado ng kababaihang manggagawa, at patuloy na halaga ng Rebolusyong Ruso sa ika-107 na anibersaryo nito. Kasama ang Nexperia Philippines, Inc. Workers’ Union, Kilusan ng Manggagawang Kababaihan, Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, at marami pang iba!

Tungkol sa Libro:

Ang nobelang Vassilissa Malygina (Vasilisa Malygina sa iba) ay inilathala sa Russia noong 1923. Noong 1927, inilabas ng Seven Arts Publishing Co. sa New York ang salin nito sa Ingles na pinamagatang Red Love at siyang pinaghalawan ng popular na bersiyon sa Hapones na inilimbag sa parehong taon at pinaghanguan ng iba pang mga edisyon sa Koreano at Tsino. Ang tekstong Ingles ding ito, na matatagpuan ngayon sa Marxists Internet Archive, ang batis at batayan ng saling ito sa Filipino.

Ang nobela ay tungkol sa isang babae na nagsisikap na maging mabuting asawa, kasama, at komunista sa panahon ng rebolusyon sa Russia. Sa kasaysayan, sakop ng rebolusyonaryong panahong ito ang pagbubuo ng Partido Komunista ng Russia mula pa noong 1898; ang pagkatalo ng Russia sa gera laban sa Japan noong 1904-1905 at paghina ng monarkiya nito; at ang pag-aalsa ng libo-libong manggagawa na nagbigay-daan sa Bloody Sunday massacre noong 1905. Partikular sa kuwento, sakop ng panahon ang Unang Digmaang Pandaigdig (1914-1918) na nilahukan ng Russia at nagresulta sa matinding krisis at kagutuman sa masa; ang Rebolusyon ng 1917 na tuluyang nagpabagsak sa Imperyong Ruso; ang digmaang sibil mula 1917 hanggang 1923 sa pagitan ng mga Komunista at kanilang mga katunggali; at ang mga sumunod na taon ng dekada 1920s, matapos itatag ang Unyong Sobyet (USSR) noong 1922. Makikita sa nobela ang mga tunggalian, kontradiksiyon, pakikibaka, at pag-igpaw ng mga Bolshevik sa sarili, mga kasama, at kinagisnang kultura ng bansa sa pagtatayo ng isang sosyalistang lipunan.

Tungkol sa May-akda:

Si Alexandra Kollontai ay ipinanganak noong Marso 31, 1872 sa St. Petersburg. Kilala siya bilang sosyalista na puspusang nagsulong sa karapatan at kapakanan ng kababaihan sa Soviet Russia. Matatas sa maraming wika kabilang na ang Ingles, Aleman, at Pranses, siya ay awtor ng mga talumpati, sanaysay, at prosa tungkol sa kababaihan, komunismo, at rebolusyon.

Inaanyayahan ang lahat ng mga guro, estudyante, manunulat, aktibista, at ang pangkalahatang publiko na dumalo at makipagtalakayan. Limitado ang kakayanan ng lugar na pagdarausan kung kaya hinihiling ang mga interesado na mag-rehistro sa: tinyurl.com/pulangpag-ibig

Maraming salamat at magkita-kita po tayo!


Comments

Leave a Reply

Discover more from Gantala Press

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading