SALOOBIN

Nagpapasalamat po ako sa mga sumusuporta sa amin hanggang sa ngayon. Nagpapatatag sa akin ang pagsuporta ng mga tao. Sa mga kasama, nagpupugay ako sa inyo dahil sa ganitong kinahaharap natin ngayon, patuloy pa rin ang suporta ninyo sa akin. Sa pamilya ko rin po, sana ay magtuloy-tuloy pa rin po ang pagkakaisa natin.

Iyong nangyari po kasi, siyempre, nakita ko rin po iyong pamilya ko noon. Na-trauma rin po kasi si Mama, pati iyong kapatid ko rin po, sa nangyari. Saka hindi matatawaran iyong galit na nararamdaman ko dahil sa anak ko. Noong pinaharurot nila ang karo ng anak ko. Hindi naman mapatutunayan kasi hindi naman totoo iyong ginawa sa amin. Isang tanim lang iyon, trumped-up cases lang ang ginawa sa amin. Hindi mapatutunayan ng korte dahil walang katotohanan iyon.

Hindi totoo iyon.

– Reina Mae Nasino

SaLoobin: mga akda ng/para sa kababaihang bilanggong pulitikal
Published with KAPATID-Families and Friends of Political Prisoners

Na ang SaLoobin ay “mga akda ng/para sa kababaihang bilanggong pulitikal” ay tahasang pagsalungat sa pormalismong pampanitikan na salalayan ng “sining para sa sining lamang.” Sa katunayan ay maigting ang SaLoobin sa partisanong paninindigang pampulitika at panlipunan, at ito ay matutuklasan sa tinipon nitong mga tula, maikling kuwento, sanaysay, at guhit. Ang namamayaning imahen sa mga likhang ito ay taas-kamao at bandilang pula nang walang pangimi.

Ngunit bago husgahang istiryo-tipikal, huwag kaliligtaang ang mga makata, manunulat, at artistang nagtatanghal ng mga nasabing simbolo ay isinadlak sa bilangguan gayong walang sala sa sambayanan, o kaya’y mga makabayan at makamasang mamamayang dumanas ng lupit ng estado sa iba’t ibang paraan. Hahangaan mo sila sapagkat sila’y lumilikha ng sining ng pakikibaka gayong sakmal na ng halimaw kundi man nasa bingit ng panganib. Sa kanilang mga akda, ang mga simbolo ay may laman at dugo, may ningning at taginting dahil hindi simpleng kathang-isip kundi laman at dugo ng mga artistang naglandas kung saan higit na mahirap ang daan sa tunay na pagbabago ng lipunan.

Ihahatid ka ng SaLoobin sa kaloob-looban ng katauhan ng mga detenidong nakilala natin sa balita, gayundin ng mga detenidong hindi natin nabalitaan, maging ng kanilang mga nakasama o kaya’y tagapagtaguyod. Mauulinig mo ang kanilang hinaing at pangungulila sa mga supling at kabiyak. Papatak sa iyo ang tikatik ng luha, madarama mo ang kanilang pulso, makikipaglamay ka sa mga gabing hindi sila dalawin ng antok. At oo, makikigalak ka rin naman sa kanilang mga mumunting kasiyahan. Maging sa Koreanobela ay nakakasumpong pala sila ng pagpapahalaga sa sarili nating kilusang mapagpalaya.

Mayamang ambag ang SaLoobin sa prison literature at prison art ng Pilipinas. Subalit teka muna, mainam ba ito? Ang pagyabong ng ganitong sining, bilang isang genre, ay hindi magandang palatandaan ng kalagayan ng lipunan, sapagkat ang ibig sabihin, dumarami ang mga mamamayang pinagdurusa; at sa tiwaling estado ng sistemang hudisyal sa Pilipinas, ang mga lumalaban sa katiwalian ay ibinibilanggo gayong walang sala.

Pinatutunayan ng SaLoobin, gayunman, na ang prison literature at prison art ay hindi humihinto sa pagsasalaysay ng siphayo at karanasan ng mga bilanggo, laluna ng kababaihan. Ito’y makapangyarihang plataporma upang payabungin ang panitikan ng paglaya. Ng mga bilanggo. Ng bayan. Ng sangkatauhan. – Bonifacio P. Ilagan

Cover art by Reina Mae Nasino

Publication Year: 2021
Language: Filipino, English
Format: Print
Pages: 144
Size: 5.8” x 8.3”
Selling Price: Php 300. Part of the proceeds will go to the Free Amanda Echanis Network, #DefendPeasantWomen campaign, and KAPATID-Families and Friends of Political Prisoners. Order from https://shopee.ph/gantala_press.

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.