Pagkondena ng Gantala Press sa Desisyon ng Korte Suprema na Alisin ang Wika at Panitikang Filipino sa Kolehiyo

Mariing naninindigan ang Gantala Press, bilang mga feministang manunulat at tagapaglathala, laban sa desisyon ng Korte Suprema na alisin ang wika at panitikang Filipino sa kolehiyo.

Inilabas ng Korte Suprema ang pasya noong Linggo, ika-26 ng Mayo, kasabay ng bastos na pahayag ni Duterte laban sa kababaihan sa kaniyang talumpati sa Philippine Military Academy.

Pansinin kung paano rin binabastos ng Maka-Duterteng Korte Suprema ang mismong Konstitusyon: Article XIV Section 6: “The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.”

Sa paghahatol na tanggalin ang wika at panitikang Filipino sa kolehiyo, malinaw na nilalabag ng Korte Suprema ang mismong batas na nagsasaad na linangin ito.

Sa mas malawak na sipat, mas lalong pansinin kung paano binabastos ng rehimeng Duterte ang buong sektor ng edukasyon:

*Inalis ang Konstitusyon ng Pilipinas sa kolehiyo

*Inalis ang asignaturang Kasaysayan ng Pilipinas sa mataas na paaralan

*Ipapasok ang ROTC sa mataas na paaralan

Sa mga hakbang na ito na suportado ng DepEd at CHED, malinaw na nais ng rehimeng Duterte na humubog ng mga mamamayang pasibo — mga mamamayang walang alam sa kanilang mga karapatan, walang alaala ng kanilang sariling kasaysayan, at banyaga sa sariling wika at kultura upang maging lubos na sunud-sunuran sa mapanupil na pamahalaan.

Hindi pahihintulutan ng Gantala Press na mangyari ito. Kami bilang isang kolektiba ay nagtuturo, nagsusulat, at naglalathala ng mga akda ng kababaihan na pangunahing nakasulat sa Filipino, sapagkat ito ang wika ng mayoryang kababaihan, magsasaka, at manggagawa.

Sapagkat Filipino ang wika ng pangkaraniwang mamamayan.

Dahil tila kailangang igiit pa, sariling wika ang nagbubuklod sa isang lipi sa pagiging daluyan ng kasaysayan at ng kultura nito. Ang pagtatanggal nito sa kolehiyo — kung saan ito lubos pang magagamit lalo na sa intelektuwalisasyon — ay isa lamang sa marami pang hakbang upang lansagin ang pundasyon ng diwa at ng kulturang Filipino alang-alang sa pandaigdigang neoliberal na interes.

Kasama ang Gantala Press sa laban ng @Tanggol Wika, @ACT Teachers Partylist, at ng iba pang mga pangkat sa hamon na baliktarin ng Korte Suprema ang hatol nito.

“[A]ng sitwasyon ng kawalang kakayahang magpasya para sa sarili at para sa bansa ay dahil hawak lamang ng iilan ang wika ng kapangyarihan. Kung gayon, ang paggamit, pagpayaman, pagtaguyod, at pagsulong ng wikang Filipino, pambansang wikang nagmula sa mamamayan, ay paraan para maibalik ang kapangyarihan sa nakararami.”

– Teresita Gimenez-Maceda, pagpapakilala sa Ang Wikang Filipino: Atin ito ni Consuelo J. Paz

0 Comments

·

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.