Paglalathala at Pamayanan

Tunay na nabibigyang-daan ng independent publishing ang paglikha ng komunidad, partikular among writers, creators, readers. Lakas at kapangyarihan talaga ng paglalathala ang paglikha ng komunidad. Pero malaki rin ang magagawa ng paglalathala kapag nakipagtulungan sa mga komunidad na umiiral na. Ang mga komunidad na nakakatrabaho namin sa Gantala Press ay matagal nang umiiral, in fact. Nauna sila sa sining at paglalathala at mananatili sila pagkatapos ng sining at paglalathala. Ito ang mga komunidad ng kababaihang magsasaka at manggagawa.

Binuo namin ang Gantala Press noong 2015 bilang tugon sa kawalan ng feminista o kahit all-women presses o collectives sa bansa. Ganoon naman nagsisimula ang mga grupong katulad namin, para may tugunang mga inaakala naming gap o kakulangan sa mga bagay-bagay. Noong una, ang concern namin ay kung bakit puro lalaki ang kasama sa mga panel discussion at workshop tungkol sa panitikan (problemang nagpapatuloy hanggang ngayon). Gayundin sa mga antolohiyang pampanitikan. Kaya sa una pa lamang naming proyekto, ang antolohiyang DANAS, ipinilit na naming puro babae ang papagsulatin, papagsalitain.

Nais naming idemonstrate ang paglawak ng komunidad, na natural na nangyayari sa aming gawain. Sa DANAS ay naging kontribyutor namin si Mye Tiburon na kaibigan ni Bebang (Beverly Siy ng Balangay Books), na kasapi rin ng Gantala Press. Nagsulat si Mye ng sanaysay tungkol sa kasalang Meranaw. Inilunsad namin ang DANAS noong Marso 2017. Nang sumunod na Mayo, pumutok ang Marawi Siege. Naisip namin, surely may puwede pa tayong tangkain bukod sa simpleng paglalathala ng libro? Inorganisa namin ang LAOANEN information and fundraising drive kasama si Mye. Ito ang nagbigay-daan sa dalawang koleksiyong nagtatampok sa mga akda ng babaeng Meranaw, at sa cookbook ng pagkaing Mranao. Ito rin ang nagbigay-daan sa pakikipagtulungan namin sa Me & My Veg Mouth at Good Food Community na organisahin ang Food for Peace noong Nobyembre 2017. At ngayon, pagkatapos ng isyu tungkol sa pang-aabuso ng NutriAsia sa mga manggagawa nito, at ng isyu ng Rice Tariffication Law, at ng pagpatay sa mga magsasaka, binubuo naming muli kasama ang Me & My Veg Mouth ang isang libro tungkol sa pagkain at protesta.

Nakatagpo namin ang Amihan Peasant Women sa isang feminist conference sa Chiang Mai noong 2017, at mula noon ay para na silang naging ate namin o mas nakatatandang kapatid. Sa mga pag-aaral namin kasama ang Amihan, nakita namin na gayong maraming akda sa DANAS ang sinulat sa iba’t ibang wika, may kulang pa rin. At ito ang tinig ng mga babaeng mula sa kalakhan ng populasyon ng bansa – ang mga magsasaka, ang mga maralita. Ayon nga sa mga grupo ng kababaihan sa bansa noong late 1990s hanggang early 2000s,

Half of the 70 million population of the country are women. Almost 70 percent of these women are from the basic sectors – they are farmers, workers, fisherfolks, urban poor or members of tribes or of indigenous communities.

The problem of these 70 percent of women stems from the overarching systems of nationality, class, gender, and ethnicity. As citizens of a Third World country, they are victims of underdevelopment and domination by foreign interests. As part of the marginalized classes, they have no access to resources which will help them achieve a just and humane existence. As women, they are subject to oppression and domination in a patriarchal society.

At ito ang sinikap tugunan ng pinakahuli naming proyekto, ang LUPANG RAMOS. Ang LUPANG RAMOS ay koleksiyon ng talambuhay ng kababaihang magsasaka sa huling lupang agrikultural sa Dasmariñas, Cavite. Pinaaalis sila roon ng mga Ayala, para umano magawa itong lupang komersiyal. Ito ang kuwento ni Nanay Bining, na isa sa pinakamatanda kundi man pinakamatandang magsasaka sa lugar:

Ipinanganak ako noong Mayo 20, 1941. Kinalakihan ko ang Digmaan ng Hapon. Noong mga panahong iyon, wala kaming ginawa kung hindi magtago sa aming mga bahay. Ang aking tatay ay nagsilbing interpreter para sa mga Hapon. Gayong siya ay magsasaka, may pitong wika siyang nalalaman. “Titser” ang tawag sa kanya.

Hindi na kami nakapag-aral. Pagbubukid na talaga ang aming nakagisnan. Nagbubuwis kami sa may-ari ng lupa. Nagkakaingin kami sa gilid ng ilog. Namumutol kami ng kahoy na ang tawag ay rahita, ibinibigkis namin iyon at ibinebentang panggatong.

Nabuhay kami sa lugar na ang tawag ay Kamaligan. Doon nagtitipon ang mga nakatira sa Lupang Kano. Doon na ako nagdalaga. Minsan, pumupunta kami sa Cavite City. Nag-iiras ng asin ang mga kamag-anak namin doon. Pag-uwi sa Lupang Kano, may isang sakong asin na kami, sapat nang pang-ulam.

Matapos ang giyera, heto na si Mr Ilao na nag-iikot sa lugar, namimilí na ng mga lupa-lupa. Kasama sa mga nabenta ang Kamaligan na pag-aari ni Tandang Kulasa de la Torre. Nagkawatak-watak kaming magkakapit-bahay. Natulog lang ako nang saglit, kinabukasan, may opisina na ang mga Ramos sa Lupang Kano.

Nagtinda ako ng meryenda sa mga sakada ng tubó. Drayber-mekaniko ng traktora ng mga Ramos ang aking napangasawa. Disisais ako nag-asawa, beinte-otso nang magkaanak. Baog ang aking napangasawa. Laging sinasabi ng aking nanay na mahirap ang walang anak pagtanda, kaya dapat daw ay magkaroon ako ng anak. Pagkatapos ay biniro-biro ako ng katiwala ng mga Ramos, na may dalawampung taon ang tanda sa akin. Nagkaroon kami ng dalawang anak ng katiwala.

Hindi ito nalihim sa aking asawa at sa mga tao. Nag-usap pa ang aking asawa at ang ama ng aking mga anak na sasabihin sa mga bata ang tungkol sa kanilang tatay pagdating ng tamang panahon. Lumayo ang katiwala para alagaan ang asawa niyang maysakit. Ako naman ay napalapit ang loob sa katiwala ng kontratista ng tubó, dahil tubuhan na nga noon ang Lupang Kano. Nagkaroon din kami ng dalawang anak. Tuluyan na kaming naghiwalay ng aking asawa. Ibinenta niya ang lahat ng ari-arian namin at inikot ang lahat ng beerhouse sa Cavite. Nagkasakit siya ng herpes at namatay siya.

Ayala rin ang nagpapalayas sa mga residente ng Sitio San Roque sa Quezon City. May proyekto kami recently para maipaalam sa publiko ang kinakaharap na demolisyon ng komunidad na ito. Kasama namin ang mga katuwang na kolektibo sa BLTX small press expo, partikular ang Youth & Beauty Brigade. Youth & Beauty Brigade din ang nag-ugnay sa amin noong 2017-2018 sa Batis Aware, isang grupo ng dating migranteng manggagawa na kababaihan. Tumulong kaming ilathala ang pangalawang koleksiyon ng mga sulatin nila.

Sa aming pulitikalisasyon, naging natural lamang na lumabas na kami mula sa tinatawag na “literary” or even “publishing” world. Bigla, parang naging maliit na bagay ang sining. O kaya, hindi na ganoon kaimportante ang “kasiningan” ng mga bagay, ang tinatawag na “craft.” Ang mahalaga, sa una’t una pa lamang, ay makapagsalita.

Lalo na at tila lalong hindi makapagsalita ang mga dati nang hindi makapagsalita, dahil ang mismo nilang pag-iral ay binubura ng kasalukuyang rehimen. Pinapatay ng militar ang mga magsasaka habang natutulog. Sinasampahan ng gawa-gawang kaso ang mga lider ng mga komunidad. Binabastos ng Pangulo ang kababaihan, ginagawang katatawanan, parausan, sex object lamang. Ginagawang biyuda at ulila ang asawa’t anak ng mga tinotokhang. Kailan lamang, tinanggal ng Korte Suprema ang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo. “The limits of my language are the limits of my world,” sabi nga ng pilosopong Aleman na si Wittgenstein. Sa paglilimita ng mga maykapangyarihan sa ating wika, lalo nilang pinaliliit, kinukuyumos, ang ating mundo hanggang maglaho ito, at ang mismo nating pag-iral.

Tayong mga babaeng manunulat, lalo na tayong mga nasa akademya, lagi nating hinahanap ang ating “literary mothers.” Malaki naman ang maitutulong nu’n sa pagsulat ng kasaysayan ng panitikan sa Pilipinas, ngunit sa palagay namin ay masyado pa rin itong pyudal.

Napaka-pyudal pa rin ng lipunang Filipino, kung sisipatin. Siyempre, nag-iba na ang landscape ngayon, kasi lumalampas na tayo sa purely agricultural na uri ng pyudalismo. Binibili na ng mga Ayala at Villar ang mga lupang agrikultural para tayuan ng mga subdibisyon at mga gusaling komersiyal. Sa Sitio San Roque sa Quezon City, ang mga residenteng pinalalayas ng mga Ayala ang sila ring magsisilbing construction workers sa condominium complex na itatayo roon.

Kami man ay guilty sa paghahanap ng literary mothers. Kaya siguro namin ilalathala ang tinipong mga tula ni Aida F. Santos, dahil kailangan nating kabataang kababaihang naglalakbay sa daan ng feminismo na “kilalanin ang isa’t isa.” Kung sisipatin, ang mga alalahanin ni Santos sa ilang dekada niyang pagtula ay katulad na katulad pa rin ng mga alalahanin ng bagong henerasyon ng Filipina: mga kuwento ng Pagdadalamhati, Pagmamahal, Pagbalikwas, at Pagsulong. Sa kanyang introduksiyon sa nasabing koleksiyon, ipinakita ni Luna Sicat Cleto na sa katotohanan, maraming makata o manunulat na babae ang nakakaligtaang pangalanan, gaya rin na nakaligtaan niyang “kilalanin ang bakas ng mga babaeng naghugas ng mga pinggan, nag-alaga ng mga paslit, namlantsa ng mga uniporme, at sumalo ng tamod.”

“Hindi espesyal ang babaeng makata,” sabi ni Ma’am Luna. “Ang pagiging ordinaryo niya ang kanyang lakas.”  

Kaya nga naniniwala kaming hindi na natin dapat tinatanong kung sino-sino ang ating literary mothers, kundi: Ano-ano ang mga kuwentong sinulat ng ating mga ina? Natin, bilang mga ina? Ng karamihang ina sa ating bansa? Alam nating sinimulan ng mga Espanyol ang proseso ng kolonisasyon sa pamamagitan ng re-edukasyon sa mga batang babae. Sinabi nila sa mga ina: dapat niyong pangalagaan ang pagkabirhen ng inyong anak na babae para may magkainteres na pakasalan siya, bigyan siya ng ari-arian at maalwang buhay. Ginamit ng mga Espanyol na huwaran ang mahina, kimi, sunud-sunurang bersiyon ng nanay ni Hesukristo.

Ang mga nanay ay mahalagang kasapi ng anumang komunidad. Kung titingnan ang LUPANG RAMOS, 18 sa 20 na kontribyutor ay ina. Ang dalawang dalaga naman ay laging bumabalik sa kanilang ina bilang uliran at kasama nila sa laban sa lupa. Tuwing may dumarating na bulldozer o mga pulis/militar, mga nanay at anak nila ang humaharang sa entrance ng Lupang Ramos, sila ang humihiga sa daanan para hindi makaandar ang pang-demolish. Ina ang nagsasabing, hindi tayo aalis sa lupang ito kahit na tinatakot na kami na gagahasain ang 16-taong-gulang kong anak na babae kung hindi pa kami lalayas. ‘Yung kuwento ni Nanay Bining na binasa sa itaas, karaniwang kuwento lamang iyon ng karaniwang ina sa karaniwang lugar sa Pilipinas.

Mahalagang-mahalaga ang tinig ng ina. At mahalagang matagpuan ng mga ina ang lakas sa kanilang loob, na makapagsalita. Kaya iyan ang pinagsisikapan namin sa Gantala Press.

Bahagyang inayos na bersiyon ng papel na binasa sa Philippine International Literary Festival, Great Eastern Hotel, Quezon City, Hunyo 15, 2019

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.