Defend Negros

Mariing kinukundena ng Gantala Press ang sunod-sunod na atake sa mga progresibong organisasyon sa Negros at iba pang bahagi ng bansa. Noong 31 Oktubre, hinalughog ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang mga opisina ng Gabriela, Bayan Muna, at National Federation of Sugar Workers (NSFW) sa Bacolod City. Kasabay ng raid ay ang pag-aresto sa mahigit 50 na pesante at human rights activists. Ika-4 ng umaga 1 Nobyembre, ay hinalughog din ang opisina ng NSFW sa Escalante City.

Ang matinding atake sa Negros sa ilalim ng rehimeng Duterte ay pinagtibay ng Memorandum Order 32 na nagdeklara ng “state of lawlessness” sa Samar, Negros Oriental, Negros Occidental, at Bicol region, at nag-deploy ng dagdag na pwersa ng AFP at PNP sa mga nasabing probinsya. Bahagi ang MO 32 ng Executive Order 70 o “whole-of-nation approach” laban sa Communist counterinsurgency sa bansa. Ngunit ang naging biktima at target ng MO 32 at EO 70 ay mga pawang sibilyan na magsasaka at aktibista. Ang MO 32 at EO 70 ay basbas ng estado sa pagpatay at sa iba-iba pang porma ng atake sa mga magsasaka at aktibista.

Kahina-hinala ang search warrant na ginamit sa raid ng mga opisina ng mga nasabing progresibong grupo sa Bacolod City dahil inisyu ito ng Quezon City Regional Trial Court Branch 89. Hindi ito ang unang pagkakataon na kahina-hinala ang issuance ng search warrant sa Negros—noong Marso nitong taon, ang search warrant naman na ginamit sa isa ring atake sa mga pesante at aktibista ay inisyu sa Cebu City.

Noong 31 Oktubre din sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group at Manila Police District ang tahanan ng mag-asawang aktibista na sina Cora Agovida, tagapangulo ng Gabriela Metro Manila at Mickael “Tim” Tan Bartolome ng Kadamay Metro Manila. Tinaniman ng .45 caliber na baril at dalawang granada ang mag-asawa, at inaresto sila kasama ang kanilang dalawang menor de edad na anak na 10 taong gulang at 2 taong gulang pati ang kanilang tagapag-alaga. Ang Quezon City RTC Branch 89 din ang nag-isyu ng search warrant sa insidenteng ito. Ayon sa naunang ulat ng Gabriela, ihiniwalay ang dalawang menor de edad sa kanilang mga magulang. Nakababahala ito lalo na at labis pa ang pag-asa sa magulang ng dalawang bata dahil sa kanilang murang edad. Sa katunayan ay sumususo pa ang 2 taong gulang sa kanyang nanay Cora.

Pareho ang taktika na ginamit sa atake sa mga opisina sa Negros at Maynila—hahalughugin ang opisina o tahanan ng mga target na pesante at aktibista, tataniman ng mga espisipikong armas na nakasaad sa search warrant, at saka aarestuhin.

Ang patuloy na paniniil ng estado sa mga organisasyon ng mga magtutubo sa Negros at sa iba pang progresibong organisasyon na naggigiit sa karapatan ng mga magsasaka at iba pang manggagawang agrikultural ay nagbubunyag sa malalang problema sa lupa ng bansa. Samantala pinapatunayan ng machopasistang rehimen na siya ang tunay na kaaway ng kababaihan sa patuloy na karahasan nito sa mga babae at bata. Nakikiisa ang Gantala Press sa panawagan na agad palayain ang mga inarestong pesante at aktibista sa Negros at Maynila.

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.