06262020

Ngayong International Day in Support of Victims of Torture, at ika-14 na anibersaryo ng paglaho ng mga aktibistang sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, inaresto ang pitong Lumad sa Balingasag, Misamis Oriental at dinakip ang 20 kasapi ng Pride Protest sa Maynila. 

Inaalala ng Pride Protest kaninang umaga sa Morayta ang 1969 Stonewall Riots sa Amerika na itinuturing na mahalagang sandali sa malawakang pagkilos para sa kalayaan at karapatan ng mga bakla, lesbiyana, bisexual, transsexual, at iba pang kasarian. Sa Stonewall Riots pumutok ang galit ng mga LGBT+ sa matinding diskriminasyon na humahadlang sa kanilang pagtamasa sa mga batayang karapatan, kasama na ang karapatan sa tirahan, disenteng trabaho, at kalusugan. 

Hindi nalalayo ang hinaing ng Stonewall Riots sa mga panawagan ng Pride Protest sa Morayta. Siningil ng Pride Protest ang gobyerno para sa serbisyong medikal at pangkalusugan, pagkain at kabuhayan, at tulong sa sambayanan sa panahon ng pandemya. Isinulong din nito ang protesta laban sa mapanganib na Anti-Terror Bill, na dalawang linggo na lamang ay tuluyan nang magiging batas.

Marahas na binaklas ng kapulisan ang Pride Protest, at 20 aktibista kasama na ang Pambansang Tagapagsalita ng Bahaghari na si Rey Valmores-Salinas ang dinala sa Manila Police District nang walang pormal na kaso. Ginamitan ng puwersa at pananakot ang mga nagprotesta. Hinatak ang mga aktibista sa kalsada at sapilitang ipinasok sa mga sasakyan ng pulis. Ang marahas na paghuli sa mga aktibistang LGBT+ at kaalyado ng mga puwersa ng estado ay nagpapakita sa mapagmuhi, panatiko, at anti-konstitusyonal na katangian ng administrasyong Duterte. 

Samantala, ilegal ding inaresto sa Barangay Blangko batay sa ebidensiyang tanim-bala ang pitong kasapi ng Kalumbay Regional Lumad Organization na nakikibaka laban sa interes ng lokal na pamahalaan at mga dayuhang korporasyon sa kanilang lupang tinubuan. Kasama sa mga inaresto ng pulis, militar, at mga opisyal ng barangay sina Datu Reynaldo Ayuma Pablita Hilogon, Glenn Hilogon, Bambi Hilogon, Toto Hilogon, Junjun Ayoman, at Jesson Langka. Ang kanilang kalupaan ay pinagbabantaang sirain ng mga negosyo ng logging at pagmimina, at ng masidhing operasyong militar. Dahil dito, napalayas sa kanilang lupa ang mga Lumad mula pa noong 2018. 

Ang pandarahas at di-makatarungang panghuhuli sa mga Lumad sa Hilagang Mindanao at ng mga aktibistang LGBT+ sa Maynila ngayong araw ay nagbabadya sa papatinding atake sa mga progresibong organisasyon na nagsusulong ng kapakanan ng mga aping sektor kasama ang mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, katutubo, kababaihan, at LGBT+, at sa ating mga demokratikong karapatan kapag tuluyan nang naisabatas ang Anti-Terror Bill. 

Ang Anti-Terror Bill ang papalit sa 2007 Human Security Act na ipinatupad sa administrasyon ni Gloria Arroyo. Ang HSA ay naunang huwad na batas laban sa “terorismo” na ang totoong layunin ay kitilin ang lahat ng porma ng pagtutol sa mga di-makatarungang pang-ekonomiko at pampulitikang pulisiya na lalong nagpapahirap sa mamamayan. Kabilang sa mga biktima ng administrasyong Arroyo ang mga aktibistang sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan na dinakip ng mga militar noong Hunyo 26, 2006 sa ilalim ng berdugong si Jovito Palparan. Nakikipamuhay sina Karen at Sherlyn sa isang komunidad ng mga magsasaka sa Bulacan noong dakpin sila. Hindi pa nakikita ang dalawang kababaihang aktibista hanggang ngayon.

Nakikidalamhati ang Gantala Press at nakikiisa sa paniningil ng hustisya para sa lahat ng biktima ng tortyur, sapilitang pagpapalaho, di-makatwirang pag-aresto at pagpapakulong, at iba pang anyo ng karahasan ng estado. Nananawagan kami kasama ang taumbayan para sa buong saklaw ng karapatang pantao para sa malusog, matiwasay, at makabuluhang pamumuhay. Layunin ng mga patakarang gaya ng Human Security Act at Anti-Terror Bull na tupukin ang malawakang pagkilos at pakikibaka ng mamamayan. Ngunit ang kalupitan ng estado ay lalong nagpapaigting sa ating galit, at nagpapatibay at nagpapalakas sa ating pwersa upang wasakin ang mapang-aping tambalan ng kapitalismo at patriyarka tungo sa paglikha ng lipunang makatarungan at malaya. 

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.