Isang Libong Pighati: Kababaihang Mamamahayag sa Panahon ng Lagim

Sapagkat ang talas ng panulat ay gaya ng sa tabak, kaya rin nitong makasugat.

Ang pagiging manunulat at mamamahayag ay mabigat na responsibilidad dahil may pinapasan ang bawat salitang binibitawan sa papel. Ang nakaraang paghatol ng libel kay Maria Ressa kasunod ng sandaling libreng pagpapalabas ng A Thousand Cuts (Ramona Diaz, 2020) sa YouTube ay nagpapaalala sa atin sa malaong laban ng mga manunulat at mamamahayag sa naghaharing-uri at maykapangyarihan. Sa napipintong pagpapatupad ng Anti-Terror Bill, lalong nagiging mapanganib ang pamamahayag sa bansa.

Ayon sa Committee to Protect Journalists, may 145 mamamahayag ang pinatay mula 1992 hanggang 2020. Pito sa mga naiulat ay babae. Ang kwento ni Ressa ay isa lamang sa daan-daang kwento ng mga manunulat na napahamak sa kanilang propesyon. Marami pang kababaihan sa alternatibong midya na ginagawa ang mga paglalantad o exposé sa grassroots level na hindi taglay ang mga koneksyon ni Ressa. Buhay at hindi lamang kalayaan ang kanilang itinataya sa pakikipagsapalaran para sa katotohanan. Makikita natin ito sa kwento nina Liliosa Hilao, Benjaline “Beng” Hernandez, at Frenchie Mae Cumpio.

Si Liliosa Hilao ng Sorsogon ay punong patnugot ng Hasik, ang student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, na naglimbag ng mga artikulong bumabatikos sa pamamalakad ng diktador na si Ferdinand Marcos. Dinukot siya ng mga pulis noong April 4, 1972. Nalaman ng kanyang pamilya noong April 7, 1973 na itinakbo siya sa Camp Crame Station Hospital dahil sa “serious injuries”. Pinaniniwalaang siya ay ginahasa at pinahirapan bago pinatay. Siya ay 23 taong gulang.

Si Beng Hernandez ay campus journalist din sa Ateneo de Davao at opisyal ng College Editors Guild of the Philippines. Siya ay isang mamamahayag at human rights activist sa termino ni Gloria Macapagal-Arroyo, isang panahon na laganap ang political repression ng administrasyon sa loob at labas ng bansa. Ipinatupad ni US President George Bush ang “War on Terror” noong 2001, at ginamit ang United States Special Operations Command-Pacific upang tulungan ang AFP na lipulin ang Abu Sayyaf. Pinaslang si Beng ng mga sundalo ng Philippine Army noong 2002 habang iniimbestigahan niya ang pagpapatupad ng peace process sa Cotabato. Halos dalawang dekada na ang nakalilipas ngunit wala pa ring hustisya para sa 22-taong-gulang na manunulat. 

Hanggang ngayon ay sinusupil pa rin ang alternatibong pamamahayag. Nito lamang Pebrero 7 ay inaresto si Frenchie Mae Cumpio kasama ang apat pang human rights activists sa Tacloban sa gawa-gawang kaso. Si Frenchie, 21 taong gulang, ay direktor ng community newspaper na Eastern Vista at brodkaster sa mga independent news outfit. Kasama sa kanyang mga isinisiwalat ang mga paglabag sa karapatang pantao at militarisasyon sa mga pesanteng komunidad sa Samar. 

Hindi pa man naipapasa ang Anti-Terror Bill ay dinig na dinig at damang-dama na ang lalong pagpapalaho sa mga naratibong sa una pa lamang ay hirap na hirap nang iparating sa publiko.

Katangian ng mga manunulat na katulad nina Liliosa, Beng, at Frenchie na lumaban sa pasistang gobyerno upang bawiin at panatilihin ang kapangyarihan ng mamamayan na pamunuan ang sarili nito. Samantala, ang pakikipaglaban ng malaking media sa rehimeng Rodrigo Duterte ay tila pagpapasa lamang muli ng kapangyarihan sa kabilang panig ng oligarkiya.

Kasama rin sa nilabanan at nilalabanan nina Liliosa, Beng, at Frenchie ang sarili, upang maipaloob ito sa malawak na kolektiba. Sa kabilang banda, hindi lingid sa ating kaalaman ang pagsusulong ng corporate media sa interes ng mga burgis na nagpapalakad at kumukontrol dito. Ang impormasyon ay kapangyarihan, at ginagamit ng mga pribadong korporasyon ang pamamahayag o media upang bigyang-hugis ang katotohanang angkop sa kanilang mga layon.

Ang tunay na kahulugan ng Press Freedom bilang isang constitutional right ay ang pagkakaroon ng kalayaang lumikha ng malaya at mapagpalayang pamamahayag na tapat sa masa. Bilang mga manunulat, responsibilidad nating magsiwalat ng katotohanan, magtanggol ng ating mga karapatan, at magtakda ng makatwirang pamumuhay hindi lamang para sa sarili kundi para sa bayan. Isinabuhay at isinasabuhay nina Liliosa, Beng, at Frenchie sampu ng kanilang mga kabaro ang ganitong tungkulin. Kung hindi dahil sa people’s media, magiging salat ang kamulatan natin sa kalagayan ng bansa mula sa pananaw ng mga nasa kanayunan. Bago pa man ang kaso ni Ressa ay pinapatay na ng estado ang mga mamamahayag ng alternatibong media. Gayunpaman, patuloy silang lumulubog sa masa at lumalaban. Alam nilang marami pang kailangang gawin upang tuluyang mawala ang mga tanikala at busal sa taumbayan. 

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.