Hustisya kay Jennifer Laude!

“Ngunit poot ko’y yayabong,
Tutubong patuloy
Sa sinapupunan ng bumabangong laksang kamay —”

mula sa “Anyaya ng Imperyalista” ni Ruth Elynia Mabanglo

Kaisa ng kababaihan at sambayanan ang Gantala Press sa mapoot na pagkondena sa pagpaslang noong 2014 kay Jennifer Laude, isang Pinay transwoman, at sa traydor na paggawad ng Pangulong Duterte ng absolute pardon sa salarin na si US marine Lance corporal Joseph Scott Pemberton.

Kasunod ito ng pag-abswelto kamakailan ni Olongapo City Regional Trial Court Judge Roline Ginez-Jabalde kay Pemberton batay sa kontrobersyal na batas na Good Conduct Time Allowance (GCTA). Iginigiit ng korte na maayos nang nairaos ni Pemberton ang kanyang sintensya sa loob ng limang taon sa kabila ng kawalan ng ebidensiya nito.

Maging ang anim hanggang 12 taon na pagkakakulong na naunang ipinataw kay Pemberton ay hindi sasapat na parusa sa Amerikanong sundalo. Ang paggawad ngayon ng absolute pardon sa kanya ay lalong pagsalaula sa alaala ni Jennifer. Pagkamuhi sa transwomen ang naging dahilan ni Pemberton sa kanyang krimen, at isang marahas at mapanganib na manipestasyon ng ganitong kaisipan ang ginawang aksyon ng administrasyong Duterte — isa na namang pagbabaligtad at pagpapahamak sa kababaihan, LGBTQ, at mamamayan.

Hindi natatangi ang karanasan at sinapit ni Jennifer Laude. Laganap ang karahasan laban sa kababaihan sa ilalim ng isang lipunang macho-pyudal  kung saan nananaig ang kapangyarihan at interes ng imperyalistang US. Matatandaan ang kaso ni “Nicole” na ginahasa noong 2005 ni US marine lance corporal Daniel Smith kasama ang iba pang mga Amerikanong sundalong nakaistasyon sa Pilipinas bunsod ng Visiting Forces Agreement (VFA). Guilty ang hatol kay Smith na pinatawan ng 40 taong pagkakabilanggo ngunit nakaranas ng special treatment habang nakadetine sa US Embassy (sa halip na sa bilangguang lokal). Noong 2009, binawi ng biktima ang kaso at napawalang-sala si Smith, na matagal nang nakabalik sa Amerika. Makikita sa mga ganitong kalunos-lunos na pagkabigo na hindi maaasahan ng taumbayan ang gobyerno na ipagtanggol ang pambansang soberanya at dangal mula sa mga dayuhang interes. Makikita ito sa patagong pagpapatanggal noong 2018 sa estatwa ng Comfort Women na simbolo ng militaristang panggagahasa. Makikita ito sa masidhing militarisasyon na ipinatutupad ng mismong gobyerno sa kanayunan at kabundukan para sa mga korporasyong multinasyunal.

Sumasang-ayon ang lahat ng ito sa machopasistang pamumuno ni Duterte at ng militar, na kamakailan lamang ay naghayag ng pagtutol sa Sexual Orientation and Gender Identity Expression Equality (SOGIE) Bill para protektahan umano ang karapatan ng nakararami. Ipinakikita rin ng kaso ni Pemberton na hindi lahat ng babae ay makababae. Mga kapwa babae — ang Olongapo RTC Judge, ang abogado ni Pemberton — ang ilan sa mga unang lumimot sa dinanas ni Jennifer upang patuloy na pagsilbihan ang machopasistang pamumuno, talikuran ang mga kabaro at taumbayan, at maging tapat lamang sa mapang-aping uring kinabibilangan.

Samantalang halos napawalang-sala na si Pemberton sa kanyang krimen, tuloy-tuloy ang pagkulong sa mga aktibista batay sa gawa-gawang kaso. Sapilitang inihihiwalay ang mga bilanggong pulitikal mula sa kanilang bagong silang na sanggol. Nagdurusa rin ang mga karaniwang bilanggo sa mabagal na usad ng kanilang mga kaso at kawalan ng proteksiyon laban sa COVID-19 bukod pa sa ibang mga sakit. 

Ang paggawad ng absolute pardon kay Pemberton ay patunay na hindi ang masang Pilipino ang pinagsisilbihan ng rehimeng ito. Lantarang ipinapamukha hindi lamang sa pamilya ni Jennifer kundi sa sambayanan na interes ng imperyalistang US ang prayoridad ng presidente. Ang patuloy na pagkakatali ng Pilipinas sa mga di-pantay na kasunduan tulad ng VFA, Mutual Defense Treaty (MDT), Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), at iba pa ay tiyak na magdudulot ng ibayo pang panggagahasa, pamamaslang, at pagyurak sa pambansang soberanya. 

Malalim na ang iniwang sugat ng rehimen ni Rodrigo Roa Duterte sa kababaihan at mga mamamayang daantaon nang nakikibaka para sa marangal at makatarungang buhay. Magmamarka ito at hindi malilimutan sa kasaysayan. Patalsikin ang taksil sa bayan!

#JunkVFA
#USTroopsOutNow
#JusticeForJenniferLaude
#KeepPembertonInJail
#OustDuterte

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.