Ang kasaysayan ng kababaihan ay kasaysayan ng sambayanan: Nagkakaisang Pahayag sa SONA 2020

Ang kasaysayan ng kababaihan ay kasaysayan ng sambayanan. Sa mga kuwentong tinipon namin bilang tugon sa SONA 2020, maisasalaysay kung paanong pinananatili ng rehimeng Duterte ang pyudal, patriyarkal, at maka-imperyalistang kaayusan ng bayan; mababasa kung paano binubura ang mismong pag-iral ng mga Pilipino at ang Pilipinas mula sa mapa ng nagsasariling mga bansa. Masasaksihan dito ang mga kwento ng pang-aapi, pagbangon, at patuloy na pagsulong.

Nagsisimula ang salaysay ng bayan sa lupa, sa karagatan. Kaya unang-unang umaalma ang sambayanan sa pangangamkam ng mga dayuhan, ng panginoong maylupa, ng oligarkiya, sa mga ito. Sinusupil ng pasista ang pag-alma — tinatakot, dinarakip, pinapaslang ang sinumang tumataliwas sa kanyang kagustuhan. Sa kabila nito, matapang na humaharap at walang puknat na lumalaban ang kababaihan sa rehimeng Duterte at sa pinagsisilbihan nitong dayuhang imperyalista.

Lanie

Habang tinutuhog ni Lanie Insigne, 44, ang panindang isaw sa istik, mataman niyang pinapakinggan ang desisyon ng Presidente hinggil sa panghihimasok ng Tsina sa karagatan ng Pilipinas. “Parang wala nang karapatan ang Pilipinas doon [sa West Philippine Sea]. Parang Chinese na lang ang sinusundan niya [ni Duterte].


“Kalayaan,” Kim Nguyen, July 26, 2020

Sa kanilang barangay sa San Roque 1 sa Kipot ng Mindoro, tanaw ang yaman ng matandang karagatan. Kabilang sa mga mangingisdang nakikipasapalaran para sa biyaya at hamon ng dagat si Junel, asawa ni Lanie, kapitan ng GEM-VER-1 — ang bangkang binangga ng dambuhalang barko ng Tsina noong Hunyo 9, 2019 sa katubigan ng Recto Bank. Kasama ang 21 pang mangingisda, sadyang iniwan na lamang ng bumangga ang tumaob na bangka, na marahil ay hangad ang tuluyan nang pagkalunod ng mga mangingisda. Sa pagmamalasakit ng kapalaran, narinig ng mga naglalayag ding Vietnamese ang insidente, kaya’t sila ay agad na sumaklolo sa kapwa rin nilang sinusupil na Pilipino.  

Mabalasik ang paglalayag ng Tsina. Binabangga, tinatakot, pinapaslang ang sinumang mangingisdang nagmumula sa ruta ng Pilipinas at mga karatig-bansa, tulad ng Vietnam. Inaangkin ng papalakas nang imperyalistang Tsina ang nais ariin — ang yamang tubig na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas, ang ating nakagisnan, ang ating kinabukasan. Kaya’t sa kagiliran kung saan nagtatagpo ang langit at tubig, ipinapamalas ng mga naghahari ang masalimuot na bagong kasaysayan. 

Bukas, magtutuhog muli ng mga panindang isaw si Lanie, kasama ang pangarap at pagsusumikap ng asawang mangingisda, aasang mapapakain ang pamilya, mapaaral ang mga anak sa kakarampot na kita. 

Nora

“Nanay Nora,” Faye, July 25, 2020

Babaeng panginoong maylupa — si Sen. Cynthia Villar — ang awtor ng Rice Liberalization Law na nagbubukas sa ekonomiya ng Pilipinas sa mga angkat na produkto, partikular ang bigas. Dahil sa urong na produksyong agrikultural sa bansa, hindi makasabay ang ating mga magsasaka sa kompetisyon sa inangkat na bigas. Napipilitan silang ibenta nang mura ang kanilang ani, na lalong nagbabaon sa kanila sa utang at sa maraming pagkakataon ay nagbibigay-daan sa tuluyang pagkawala ng kanilang lupang isinangla. Dahil pasan ng kababaihan ang “multiple burden” ng pagtatrabaho at pangangalaga sa pamilya, direkta nilang ipinagdurusa ang mga epekto ng Rice Liberalization Law: ang kawalan ng lupa at pagkain, ang paghahanap ng alternatibang pagkakakitaan, ang pagpapailalim sa sekswal na pang-aabuso kapalit ng kanin at isda, atbp. 

Karamihan ng lupaing agrikultural ay linilipat sa mga industriyang pag-aari ng iilan at hindi ng pamayanan, tulad ng real estate. Paano na ang seguridad natin sa pagkain kung lahat ng lupang agrikultural ay mapupunta sa mga real estate developer na katulad ng mga Villar, o sa multinational companies na malaon nang nangangamkam sa mga lupang katutubo?

Noong Marso 31, binaril at napatay ng di-kilalang kalalakihan ang magsasakang si Nora Apique sa Barangay Patong, San Miguel, Suriago del Sur. Siya ang ika-35 kababaihang pesanteng pinatay ng rehimen. Tulad ng maraming biktima, pinaslang si Nanay Nora nang pauwi na siya. Senior citizen si Nanay Nora. Kasapi siya ng Kahugpungan sa mga Mag-uuma sa Surigao del Sur. Dekada 1980s pa siya aktibo sa pakikibaka para sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa at pagkain, at para sa katarungan.

Beverly, Leah

Pandarahas at pagpatay ang sagot ng pamahalaan sa panawagan ng kababaihang nakikibaka para sa lupa. Kakila-kilabot, ngunit pangkaraniwan na ang paghulog ng walong bomba ng AFP 3rd Special Forces Battalion sa kalupaan ng mga Lumad sa Sitio Panukmoan at Decoy sa Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong madaling-araw ng Hulyo 15. Noong Hulyo 8, ang kalapit na bayan naman ng Tago ang hinulugan ng AFP ng bomba.

Hulyo rin dalawang taon na ang nakalilipas nang lumikas ang 1,600 Lumad mula sa Diatagon at San Agustin kung saan nagtayo ng kampo ang 75th Infantry Battalion upang bigyang-daan ang operasyon ng mga kumpanyang Benguet Corp., Abacus Coal Exploration and Development Corp., Great Wall Mining and Power Corp., ASK Mining and Exploration Corp., at CoalBlack Mining Corp. Pagmimina ang isang malaking interes ng mga dayuhang korporasyon sa Mindanao. Sa Agusan del Sur noong Mayo 2018, pinaslang ng pinaniniwalaang mga ahente ng 25th Infantry Battalion ang katutubong si Beverly Geronimo, 27, sa kalsada habang pauwi siya at kanyang walong-taong gulang na anak mula sa pagbili ng mga gamit sa eskuwela. Si Beverly ay aktibong kasapi ng Tabing Guangan Farmers Association na tumutuligsa sa pagpasok ng malalaking korporasyon ng pagmimina gaya ng OZ Metals at Agusan Petroleoum sa kanilang lugar. At sa Bukidnon, binaril sa noo ang 45-anyos na si Bai Leah Tumbalang, Tigwahanon na lider ng Kaugalingong Sistema Igpapasindog Tu Lumadnong Ogpaan na matagal nang humaharang sa pagpapalawak ng isang plantasyon na tatama sa kanilang katutubong lupa (ancestral domain). Si Bai Leah ang ika-14 na human rights advocate na pinatay sa probinsiya noong 2019.

Dolores, Algen

Sa kawalan ng lupa at oportunidad sa marangal na kabuhayan, pare-parehong napalalayas sa lupang tinubuan ang mga taga-probinsiya at mga OFW. Mahirap man mawalay sa pamilya ay mas mahirap manatiling mahirap. Ganito ang kwento ni Dolores, isang domestic worker sa Hong Kong na 25 taon nang nagtatrabaho roon. Nasaksihan niya ang kahirapan ng kababayan sa gitna ng COVID-19. Samantala, humaba ang kanilang oras ng pagtatrabaho at nadagdagan ang kanilang pinagsisilbihan araw-araw dahil walang pasok. Wala silang sapat na pahinga at ang iba ay wala pang day-off. Ayon kay Dolores, ang komunidad ng mga Pilipinong manggagawa ang nagtutulungan sa panahon ng pandemya. Walang ibinibigay na tulong ang gobyerno ng Pilipinas at Hong Kong sa mga migranteng trabahador na nawalan ng trabaho. Dagdag pa rito, may mga pwersahang bayarin ang PhilHealth, SSS, at PAG-IBIG sa OFWs kahit na wala silang pakinabang dito.

“Algen,” Hannah, July 27, 2020

Si Dolores ay isa lamang sa daang-libong kababaihang nangingibayong-dagat taon-taon mula pa noong dekada 1960s para magtrabaho. Nang tanungin siya kung ano ang mithiin niya para sa Pilipinas, sinabi niyang nais niya lamang na makamit ng api ang katarungan, magkaroon sila ng maayos na trabaho, at libreng edukasyon at social services para sa kanilang pamilya. Dahil sa kakulangan ng pinansyal, sikolohikal, at medikal na suporta ng gobyerno, maraming migranteng manggagawa ang walang magawa. Si Algen Cadungog, 42, isang trabahador sa Kuwait, ay nagpakamatay habang nasa isang quarantine facility sa Pasay para sa nagbalik na OFWs. Isang buwan pagkatapos nito, isang Pinay domestic worker ang namatay matapos tumalon mula sa tinutuluyan niyang migrant center sa Lebanon. Ayon sa DFA, maraming pamilya sa Lebanon (at ibang mga bansa) ang hindi nagpapasweldo ng kanilang mga banyagang katulong dahil sa pandemya. Gayunpaman, hindi pa rin makauwi ang maraming kababaihang OFW sapagkat ang mga pamilya nila ay umaasa sa kanila sa pinansyal na suporta. At ano ang dadatnan nila sa Pilipinas? 

Katherine

Litaw na litaw sa tugon ng pamahalaan sa pandemya ng COVID-19 ang katiwalian nito at kahinaan. Sa panahon ng krisis, kinakasangkapan ng pasistang estado ang batas at mga polisiya para sa pansarili nitong interes, kahit pa dahasin nito ang taumbayan. 

Doble ang hirap na pinapasan ng kababaihan sa gitna ng pandemya. Naiulat ang pag-akyat ng bilang ng mga kaso ng domestikong karahasan simula noong mag-lockdown. Sapagkat kailangang manatili ng mga tao sa loob ng bahay, mas dumarami ang pagkakataon sa pananakit ng mga babae at bata. Kung hindi man tumatanggap ng direktang dahas, naaabuso naman ang kababaihan ng di-matapos-tapos na gawaing-bahay. Tumataas din ang bilang ng pagbubuntis at pagpapalaglag, panggagahasa, at pagpatay. Nasawi si Katherine Bulatao, 26, isang bagong ina na nakaranas ng pagdurugo, matapos siyang di tanggapin ng anim na ospital sa iba’t ibang kadahilahan, kabilang na ang kakulangan ng pasilidad at ang kawalan ng mag-asawa ng kakayahang makapagbayad ng downpayment. 

Michelle

“Michelle,” SG, July 26, 2020

Kung mayroon mang konkretong makapagpapakita ng hirap ng kababaihan sa gitna ng pandemya, marahil ito ay si Michelle Silvertino, 33, isang single mother sa apat na anak at kasambahay na kinamatayan ang paghihintay ng masasakyang bus para umuwi sa Calabanga, Camarines Sur. Hunyo 5 nang isugod siya sa ospital pagkatapos ng limang araw na pagtigil sa isang footbridge sa lungsod ng Pasay bilang Locally Stranded Individual (LSI). Idineklara siyang dead on arrival dahil sa hinihinalang COVID-19. Larawan si Michelle hindi lang ng kababaihan kundi ng sambayanang Pilipino sa gitna ng pandemya sa ilalim ng rehimeng Duterte. Napakaraming Michelle ang kasalukuyang naghihirap, nagkakasakit, at namamatay sa iba’t ibang paraan dahil sa kapabayaan ng gobyerno. Kung may maayos na trabaho sa probinsiya, hindi kinakailangang lumuwas ng marami papuntang lungsod o ibang bansa. Kung may maayos na plano, kapiling sana ng marami ang kanilang pamilya. Kung maayos ang programang pangkalusugan, hindi sana karaniwan sa mahihirap ang gayon-gayon lamang na pagkamatay. Nasa mababaw na libingan sa Pasay ang mga labi ni Michelle. Aabutin pa ng tatlo hanggang limang taon bago siya maiuwi sa Bicol. 

Kristelyn

Sa panahon ng pandemya, malaking usapin din ang akses sa edukasyon. Karamihan ng mga paaralan ay napipilitang ipagpatuloy ang pagkaklase gamit ang mga platapormang online — isang hakbang na agarang mapag-iiwanan ang mayorya ng kabataan at pamilyang Pilipino na walang maayos na kagamitan at akses sa Internet.

Ang biglaang pagkamatay ni Kristelyn Villance noong Mayo 18 ay isa sa mga nagpaigting sa panawagang suspindihin ang online classes at itulak ang mass promotion. Isang estudyante ng Capiz State University ang 20-anyos na si Villance, at nasa ikalawang taon sa programa ng Kriminolohiya nang siya ay masawi. Dahil sa pangangailangang makapagpasa ng class requirement, tumungo si Villance sa kabilang baryo upang makigamit ng kompyuter sa isang Internet shop. Hindi na siya nakauwi sa kanilang tahanan. Naaksidente ang motorsiklong sinasakyan ni Kristelyn at ng kanyang ama. 

Sa kabila ng panawagan ng hustisya para kay Kristelyn at sa mga estudyanteng gaya niya, ipinakita ng Commission on Higher Education ang pagwawalambahala nila sa trahedya nang kanila itong tawaging “sensationalized” na taktikang ginagamit ng ilang mga grupo para sa politikal na layunin.

Hindi lamang aksidente ang kumitil sa buhay ng batang babaeng nangarap na pagsilbihan ang bayan. Bagkus, marapat na tingnan ang sistema ng edukasyon na walang patawad at simpatya sa ordinaryong Pilipino. Sa binubuong “new normal” sa panahon ng pandemya, pribilehiyo ang magiging pangunahing pamantayan. Kinakaligtaan na lamang ang mga karapatan ng karamihang hindi abot-kamay ang mga pribilehiyong ito, gaya ng electronic devices, signal, at Internet connection na maaaring maging regular na bahagi ng ating pamumuhay.

Pride 20

Ang estadong nagtatanggol sa naghaharing-uri at sa maykapangyarihan ay kumakasangkapan sa karahasan at pasismo. 

“Bahaghari,” Faye, July 26, 2020

Ang pag-aresto sa 20 LGBTQIA+ rallyista habang mapayapang nagmamartsa sa Pride noong Hunyo 26 ay maituturing na isang paunang demonstrasyon ng Anti-Terror Law, ng pagpapasikat ng estado sa taglay nitong lakas na gawin anuman ang nais nito.

Nauna nang iginiit ng National Union of Peoples’ Lawyers na walang legal na basehan ang pag-aresto ng mga pulis sa mga raliyista. Lumalabas sa mga nakuhang video at litrato na payapang nagdaraos ng programa ang mga nagmartsa sa Pride nang may pagsunod sa social distancing protocol ng pandemya bago sila puwersahang pinagwatak-watak at bayolenteng inaresto ng mga pulis. Makikita rin na tanging mga banner at plakard lamang ang dala ng mga rallyista samantalang naka-riot gear ang sangkapulisan. Bukod pa rito, natengga nang ilang araw ang Pride 20 sa Manila Police District HQ kahihintay ng pormal na pagkakaso sa kanila. Patikim lamang ito ng isa sa di-makatarungang probisyon sa ATL, na maaaring idetina ang isang tao nang hanggang 24 araw nang walang malinaw na kaso, at walang anumang kabayaran para sa “wrongful imprisonment.”

Sa taun-taong pagdiriwang ng Pride, ang martsang ito sa Mendiola ay naiba sa mga nakaraang martsa, bunsod na rin ng pinaigting na mga isyu sa panahon ng pandemya. Ang makasaysayang ugat ng Pride march bilang isang protesta ay lalong nabigyang pansin ngayon. Ang marahas at salaulang tugon ng gobyernong ito sa anumang kritisismo, protesta, at di-pagsang-ayon ng nakararami sa samu’t-sari nitong kagahaman at kapalpakan ay makikita sa nilalaman ng ATL. Malinaw lang na ang kritikal na pag-iisip, pakikilahok sa protesta, at aktibismo ay responsibilidad nating lahat kung tunay nating pinahahalagahan ang ating mga buhay at karapatan.

Frenchie Mae

“Frenchie,” Deniz, July 27, 2020

Matagal nang pinaghandaan ng rehimeng Duterte ang Terror Law. Isa sa pangunahing manipestasyon nito ang pagsupil sa malayang pamamahayag at pandarahas sa mga kaaway nito. Maraming buwan na ang nakalilipas noong pagbantaan ng Pangulong Duterte ang ABS-CBN hanggang sa tuluyan na itong ipinasara ng Kongreso noong Hulyo 10. Samantala, hinatulan naman si Maria Ressa, CEO ng online media outfit na Rappler, ng cyberlibel noong Hunyo 15. Patindi nang patindi ang atake ng rehimen sa mga mamamahayag. Hindi nito pinalampas ang batang mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, 21, ng Tacloban. Pebrero 7 nang salakayin ng 8th Infantry Batallion ang opisina ng Eastern Vista, isang alternative media outfit sa Visayas na bahagi ng Altermidya Network kung saan nagsisilbing executive director si Frenchie. Ito ay matapos niyang mapansin na minamanmanan siya ng mga hinihinalang elemento ng militar. Bago ang insidente, sinabi ni Frenchie sa kanyang mga kasama na may mga lalaking umaaligid sa labas ng kanilang opisina. Mayroon ding bumisitang di-kilalang lalaki dala ang larawan niya at mga bulaklak na tila mensahe ng pagbabanta. Tinaniman ng mga pekeng ebidensiya si Frenchie at sinampahan ng kasong walang piyansa. Pinagbintangan din siyang mataas na kasapi ng CPP-NPA. Siya at ang iba pang kabataang nahuli ay tinaguriang Tacloban 5. Nakakulong pa rin sila hanggang ngayon. Kilala si Frenchie sa kanyang matalas na mga sipat bilang mamamahayag. Karamihan sa kanyang mga iniuulat ay tungkol sa mga paglabag sa mga karapatang pantao at militarisasyon sa mga pesanteng komunidad sa Samar. Naniniwala ang mga nakakikilala sa kanya na ang walang takot niyang pag-uulat ang dahilan kung bakit siya pinag-initan ng gobyerno. Lalo at pasado na ang Terror Law, inaasahang marami pang mga tulad ni Frenchie ang bubusalan at ikukulong dahil sa pagsisiwalat ng katotohanan.

Cora, Reina, Adelaida

Napakahalaga ng tungkulin ng kababaihang aktibista sa pagmumulat at pag-oorganisa ng iba’t-ibang komunidad, sa mga magsasaka’t mangingisda sa kanayunan, sa mga manggagawa at maralitang lungsod, at sa kanilang kapwa kababaihan mula sa iba’t-ibang sektor pati na ang mga maybahay. Bagaman maalam ang iba’t-ibang sektor hinggil sa mga problema at isyung kanilang kinakaharap, ang mga aktibista ang tumutulong sa pagpapalalim ng pag-unawa sa tunay na kalagayan ng sambayanan, sa mga organisadong paraan ng pagbalikwas, at pagbawi ng nararapat ay sa mamamayan — lupa, kabuhayan, karapatan, soberanya. Sa halip na pahalagahan ang kababaihang aktibista dahil sa ambag nila sa pagpapaunlad ng kakayanan at pamumuhay ng mga komunidad, itinuturing silang kaaway ng mga nasa kapangyarihan na nais mapanatili ang mapagsamanatala at mapang-aping lipunan. Ayon sa huling ulat ng Center for Women’s Resources nitong Marso, may 81 na kababaihang bilanggong pulitikal. Samantala, 30 kababaihang aktibista ang nakumpirma ng Office of the High Comissioner on Human Rights na pinatay mula Enero 2015 hanggang Disyembre 2019.

“Cora,” Pyx, November 4, 2019

Noong nakaraang taon, madaling-araw ng undas sumugod ang pwersa ng Manila Police District at Criminal Investigation and Detection Group sa tahanan ng mag-anak ni Cora Agovida, 37, tagapagsalita ng GABRIELA-Metro Manila. Sampung pulis ang nagpumilit pumasok sa kanilang tahanan at nambulabog sa pagkakahimbing ng mag-asawang Cora at Michael Tan Bartolome, ng kanilang dalawang batang anak, at ng isa pa nilang kasama. Hinuli at ikinulong ang mag-asawa batay sa gawa-gawang kaso ng iligal na pagmamay-ari ng armas. Sa pagkakakulong ni Cora at ng kanyang asawa, pinagkakaitan ng estado ng pagkalinga ang kanilang mga anak na labis pa ang pag-asa sa kanilang mga magulang dahil sa kanilang murang edad. Sa katunayan ay sumususo pa ang dalawang-taong gulang na sanggol nila Cora. 

Ilang araw lamang makalipas matapos ireyd ang tahanan nina Cora, sinalakay ng mga pulis ang opisina ng Bagong Alyansang Makabayan sa Tondo, Maynila ng ala-una ng madaling araw. Inaresto si Reina Mae Nasino, 23, tagapangasiwa ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap, kasama ang dalawa pang lider-manggagawa batay din sa gawa-gawang kaso ng iligal na pagmamay-ari ng armas. Masigasig na nangampanya ang ina ni Reina na si Marites Asis kasama ang iba pang kaanak ng mga bilanggong pulitikal magmula nang makulong sila noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan. Nitong Hunyo ay umapela si Marites na palayain ang kanyang anak kakabit ng pangdaigdaigang panawagan na palayain ang mga bilanggong pulitikal, matatanda, at iba pang bulnerableng populasyon upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Nanatiling nakapiit si Reina hanggang manganak ito nitong Hulyo 1. Tulad ng pagkakait ng estado kay Cora upang mapakain at maalagaan ang kanyang mga anak, ipinagkait din kay Reina na kalingain ang kanyang sanggol. Tinanggihan ng korte ang apela na payagang manatili ang bagong-anak na si Reina at kanyang sanggol sa ospital upang mabigyan sila ng kinakailangang medikal na atensyon lalo na at mababa ang timbang ng sanggol. 

Noong Mayo 4, pumanaw sa sakit ang 61-anyos na lider-magsasaka na si Adelaida Macusang sa Tagum City Provincial Rehabilitation Center, kung saan siya nakakulong mula nang arestuhin din sa gawa-gawang kaso noong Marso 2018. Si Adelaida na kilala bilang “Nanay Ede” ay organisador  ng Montevista Farmer Association sa Davao de Oro. 

Hamak na kaduwagan ang ipinamamalas ng machopasistang estado sa kanilang atake kina Cora, Reina, at Adelaida. Alam ni Duterte at ng kanyang mga kroni na hindi magtatagal ang kanilang paghahari-harian laban sa lumalawak at lumalakas na pwersa ng militanteng kababaihan — kaya naman sa kadiliman ng gabi sumasalakay ang bulto-bultong pwersa ng mga pulis at militar, kaya labis ang kanilang pagmamalupit sa mga mag-ina at matatanda.

Fabel

“Fabel,” Pyx, July 25, 2020

Iba’t iba ang mukha ng state repression sa ilalim ng administrasyong Duterte. Maging ang karahasan laban sa kababaihan ay namamanipula ng macho-pyudal na pamahalaan upang panalitiing tikom ang bibig ng mamamayan. Patunay dito ang dinanas ni Fabel Pineda, 15, sa kamay ng kapulisan.

Ayon sa Cabugao Municipal Police Station, pinagsamantalahan ng dalawang pulis mula sa San Juan si Fabel at ang kanyang pinsan matapos silang arestuhin noong ika-1 ng Hulyo dahil sa paglabag ng curfew. Kinabukasan ay naghain ng kasong acts of lasciviousness si Fabel laban kay Marawi Torda, at ang kanyang pinsan laban kay Randy Ramos. Matapos ito ay nakiusap siyang samahan ng police escort sa pag-uwi sa kadahilanang hindi panatag ang kalooban niya at ng kanyang mga kamag-anak habang nasa istasyon, ngunit hindi dininig ng kapulisan ang hiling na ito. Sa kanilang pag-uwi ay binaril si Fabel ng di-kilalang riding-in-tandem. Walang ibang miyembro ng pamilya ang nasaktan, kaya naman klarong target ng gunmen si Fabel. Maaari itong makita bilang agarang pagpapatahimik sa biktima at kanyang pamilya matapos ang paglatag ng kaso laban sa mga pulis na umabuso sa kanya.

Batay sa statement ng PNP, naghain ng kaso ng pagpatay ang llocos Sur police laban kina Ramos at Torda. Ang dalawa ay kasalukuyang nasa kustudiya ng Ilocos Sur Police Provincial Office. Noong Hulyo 4, naglabas ng pahayag ang NAPOLCOM Regional Office No. 1 ukol sa pagpatay kay Fabel, bagaman walang pagbanggit sa dinanas niyang panghahalay. Hiwalay na mga imbestigasyon ang kasalukuyang isinasagawa patungkol sa kaso.

Higit pa sa paghabol sa hustisya para kay Fabel bilang biktima ng violence against women (VAW), dapat ding tingnan ang pagpaslang sa kanya bilang isang anyo ng police brutality, o pang-aabuso ng kapulisan sa kanilang kapangyarihan. Si Fabel ay isa lamang sa maraming kababaihang dumaranas ng karahasan ng kapulisan sa ilalim ng lockdown, at isa lamang siya sa mga buhay na nakitil upang panatiliin ang kultura ng takot at pagbubulag-bulagang pilit na tinataguyod ng mga abusadong awtoridad.

Ako, Ikaw, Tayo

Ipinapamalas ng mga indibidwal na karanasan ang pag-ambag sa kolektibong pagtindig at pagwagayway sa bandilang nakalimbag ang anti-pyudal-patriyarkal, anti-imperyalista, at anti-pasistang panawagan.    

Ibinabahagi sa atin ng kasaysayan na ang karanasan ng bawat api at pinagsasamantalahan ay kakawing ng karanasan ng kababaihan, ng sambayanan. Minsang tayong naging, o magiging sina Lanie, Nora, Beverly, Leah, Dolores, Algen, Katherine, Michelle, Kristelyn, ang Pride 20, Frenchie, Reina, Cora, Adelaida, at Fabel. Sa pagtuklas na nagiging madalas ang mga minsang ito, ilalatag sa atin ng katuwiran “…ang diwa ng paglaban at ang kakayahang lumaban na ipinamamalas ng tatag ng kolektiba, kung saan ang bawat isa ay nakikipaglaban para sa lahat at ang lahat ay nakikipaglaban para sa bawat isa.”

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.