
Ang pagpapalaya kay Beatrice Belen ay pagpapalaya sa api at pinagsasamantalahan.
Labag sa ikabubuti ng kalagayan ng kababaihan at mamamayan ang arbitraryong pag-aresto sa kabaro at kasamang si Beatrice “Betty” Belen. Si Betty ay lider-katutubo at dating Regional Vice-Chairperson ng Innabuyog-Gabriela at kasalukuyang bahagi ng Advisory Council nito. Siya ay arbitraryong inaresto sa kanyang tirahan sa Uma, Lubuagan, Kalinga noong madaling-araw ng 25 Oktubre ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine National Police (PNP), at 503rd Infantry Brigade ng Philippine Army. Ibinahagi ng mga kaanak na bago hinuli si Betty Belen ay nanggulo muna ang mga pwersa ng CIDG, PNP, at AFP sa kanilang komunidad at hinalughog ang sampu pang mga kabahayan dito. Tinaniman ng mga pulis at militar ng gawa-gawang “ebidensya” si Betty at inaresto’t ikinulong dahil sa gawa-gawang kaso na iligal na pagmamay-ari ng armas.
Ang dati nang pamamaraan ng pagsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista ay pagsupil sa karapatan ng mga kababaihan at mamamayang umaalma sa sistemang hindi sumasalamin sa interes ng nakararami. Sadlak tayo sa kahirapan, gutom, at sa pang-aapi ng iilan. Kaya’t ang pakikiisa sa panawagang pagpapalaya sa mga lumalaban at dakilang kababaihan tulad ni Beatrice Belen ay pagbibigay-daan upang matiyak na sisibol ang isang pamayanang makatarungan, makababae, at makatao.
Itigil ang atake sa kababaihan at katutubo! Palayain si Beatrice Belen!
Leave a Reply