One Publishes to Find Comrades

Image from here.

Bago pa man ang pandemya, mga dantaon bago ang pandemyang ito, nagpuprotesta na ang taumbayan, kabilang na ang kababaihan, laban sa mapaniil na pamamalakad ng maykapangyarihan. Sa katunayan, ang unang batid na welga ng manggagawa sa Pilipinas ay gawa ng mga cigarrera noong 1816. Humiling sila ng tamang mga kundisyon sa paggawa, tamang oras ng paggawa, at tamang sahod. Mabilis at paborable namang tumugon ang pangasiwaan. Hindi nila magagawang balewalain at itakwil ang mga cigarrera dahil sila ang pangunahing mga manggagawa sa dambuhalang industriya ng tabako noong mga panahong iyon. Hanggang sa pagdating ng mga Amerikano sa bansa at magpasakasalukuyan, kalahok ang manggagawa at magsasakang kababaihan sa mga protesta. Maraming anyo ang protesta: rallies, strikes, pickets, marches, vigils, information campaigns, petition signing, riots, boycotts, press conferences, statements, online rallies, armed struggle, atbp.

Sa kahabaan ng kasaysayan ng Pilipinas, ang protesta ay ginagatungan ng sining, kasama na ang panitikan at paglalathala. Sa katunayan, isang tagapaglimbag o printer at makata ang tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, na numero unong reklamador, kumbaga, laban sa kawalang-katarungan at katiwalian sa lipunang Filipino. Umubra ang sulat-petisyong iniabot ng kababaihan ng Malolos kay Gob.-Hen. Valeriano Weyler simula 1888 para payagan silang mag-aral ng Espanyol; ang mga awit na nagbigay-lakas at -buhay sa mga gerilyang Hukbalahap; ang mosquito press noong panahon ng Batas Militar na pinangunahan ng mga babaeng mamamahayag, at marami pang ibang anyo ng pulitikal na pagsulat at paglalathala.

Kaya, ang protesta sa panahon ng pandemya ay pagpapatuloy lamang ng laban na matagal nang nagsimula, sa larangan ng mismong kasaysayan at sa larangan ng sining o paglikha. Maaari nating pag-usapan ang mga anyo o hubog na sinuotan ng protesta sa harap o loob ng di pangkaraniwang mga kondisyong dulot ng pandemya. Pero ang mahalaga, sa aming palagay, ay pagmuni-munihan sa pagkakataong ito kung ano ba ang laban na iyon na matagal nang umiiral, at paano at bakit kailangang lumahok sa labang ito, bilang mga artist at manunulat at publisher.

‘Yung pamagat ng aming presentation ay sinambit ng Pranses na makatang surrealist (at pagkuwa, anarchist) na si Andre Breton. Sinipi ito nina Eva Weinmayr, Stevphen Shukaitis at Joanna Figiel sa kanilang mga sulatin tungkol sa radical publishing. Pinili namin ang pahayag na ito bilang pamagat dahil nagresonate sa amin ito bilang small press. Nagkataon ding inilalarawan nina Shukaitis at Figiel ang mithiin ni Breton bilang “publishing of resonance.”

“It is not a publishing practice that is necessarily intent on trying to convince anyone of anything, but rather is working towards establishing conditions for the co-production of meaning. … Thus publishing is not something that occurs at the end of a process of thought, a bringing forth of artistic and intellectual labor, but rather establishes a social process where this may further develop and unfold.”

Ang tuon sa publishing of resonance ay ang proseso ng paglalathala, ang proseso ng sama-samang paglikha ng kahulugan, at hindi ang produkto lamang. Ang tuon ay ang paglikha ng mga kundisyon para sa mas masikhay pa na gawaing pansining at intelektwal sa hinaharap. Sabi nga nina Deleuze at Guattari, “There is no difference between what a book talks about and how it is made.”

Halimbawa, nitong pandemya, naglabas ang Gantala Press kasama ang Amihan National Federation of Peasant Women at Rural Women Advocates ng isang digital zine na pinamagatang “Kumusta Kayo? Naratibo ng Kababaihang Magbubukid Ngayong Pandemya.” Ipinadala namin ito sa mga nagbigay ng donasyon para sa kababaihang pesante na unang-unang nakakalimutan ng gobyerno sa mga pananalanta, at hindi nga nagbago ang sitwasyon ngayong COVID-19. Gayundin, sunod sa mandato ng Gantala na idokumento ang buhay at laban ng kababaihang sinisiil, nagsisilbi itong nakasulat na kasaysayan, patunay ng paniniil. Dahil kung magdaan na ang pandemya, siguradong malilimot na naman ang masa, aaribang muli ang kapitalismo, papapaniwalain tayo ng maykapangyarihan na okay na ulit ang lahat. Kaya kailangan natin ng kasaysayang panghahawakan, kasaysayang sinulat mismo ng mga siniil.

Pero ang pinakamahalagang aspekto ng paglalabas ng librong katulad nito ay hindi ang humanitarian na mithiin nito. Ni hindi ang kolektibong lakas at talino ng mga nanay sa kanayunan at ng mga artist at manunulat sa lungsod na pinairal sa pagbuo ng libro. Ang pinakamahalagang aspekto sa paglalathala, para sa amin, ay ang mas mahabang proseso ng pulitikalisasyon na siyang nagbigay-daan sa paglalabas ng librong katulad ng “Kumusta Kayo?”

Kung hindi organisado ang Gantala Press — ibig sabihin, kung wala kaming tinitindigan, tinatanaw, at binubuo — bilang mga boluntaryo halimbawa ng Amihan, hindi namin bibigyang-prayoridad ang paglalabas ng partikular na zine na ito at mga katulad na zine. Ang “Kumusta Kayo?”, katulad ng marami naming mga publikasyon, ay hindi naman pangkomersiyal na lathala. Wala kaming kikitain dito ni isang kusing. Hindi rin pera ang nakikita naming salalayan ng ganansya o reward sa bawat publikasyon na aming linilikha, bagkus ay ang pagtataas ng kamalayan ng mga mambabasa, na siyang magbibigay-daan upang mabago ang lipunan.

Ang pulitikalisasyon, ang pagpapaorganisa, ang siya ring gumagabay sa aming pagpapasya kung ano ang ilalathala, kung saan kami lulugar sa kolektibong pagkilos. Pulitikalisasyon ang nagturo sa amin na dapat tayong lumahok sa kolektibong pagkilos, dahil ang kailangan ngayon ay rebolusyon. Kapitalismo kakambal ang patriyarkal na sistema ang naghatid sa atin sa krisis na ito; at tinatangkang pakinabangan ng tambalang ito ang krisis para ito pa rin ang mananaig paglipas ng krisis. Pero rebolusyon ang magwawakas sa sistemang ito at magbibigay-daan sa isang malaya, pantay-pantay, at makatarungang kaayusan ng kolektibang buhay.

Nitong pandemya, pinalad akong makatapos ng isang koleksiyon ng tula. Pero hindi ko maatim na gumastos ng ilang libong piso para ipaimprenta ito habang kabi-kabila ang natatanggap na sigaw para sa saklolo. Iba ang hinihingi ng ganitong panahon mula sa mga artist at manunulat. Maraming tao ang nawalan ng trabaho, ang nagugutom, ang kinukulong sa gawa-gawang kaso, ang ginagahasa, ang pinapatay. Higit kailanman, hindi ngayon ang panahon ng paglalathala ng burgis na panitikan; ng paglilimbag ng sining na hindi nagsisilbi sa rebolusyon.

Sa pagpapaorganisa, nauunawaan namin ang inilalarawan nina Shukaitis at Figiel na publishing of resonance bilang “pagpupunyagi para sa sama-samang paglikha ng kahulugan.” Sabi ng mga awtor, “The production of the community of shared meaning and collaboration, the production of a public, contains within it a wealth that is often greater than a single text. The production of the text can only be valuable because of the social relationships it is embedded with and produces meaning through.” Lagi naming binabanggit ang tungkol sa komunidad na nalilikha sa larangan ng small press, isang komunidad na binubuo ng mga manlilikha at mga mambabasa. Pero higit pa rito ang mga relasyon sa mga komunidad na napapanday sa bawat librong ginagawa namin. Halimbawa, pinakamataas na karangalan na sigurong natanggap namin ang pagbigay sa amin ni Ka Marites Nicart, ang makata ng bayan ng agrikultural na komunidad ng Lupang Ramos sa Cavite, ng bago niyang mga sinulat na tula para gawin naming libro. Ito ay matapos naming ilathala ang koleksiyon ng talambuhay nilang mga nanay sa Lupang Ramos. Masyadong precious ang gayong tiwala.

Lalo na ngayong pandemya, lalo naming nauunawaan na ang paglalathala ay higit sa paglalathala. O hindi lamang ito paglalathala. Kaakibat ng paglathala ang pakikiisa at pagdalo sa mga kilos protesta, ang paglahok sa mga banner making activity, ang pagpunta sa mga komunidad para sa sama-samang pagbasa ng mga tula at pagsulat ng sariling mga karanasan hindi bilang mga awtor, kundi bilang mga kasama sa laban.

May resonance sa amin ang pahayag ni Breton dahil sa halina ng salitang comrade. Kasama. Ayon sa Amerikanang komunista na si Jodi Dean, “Comrades are those you can count on. You share enough of a common ideology, enough of a commitment to common principles and goals, to do more than one-off actions. Together you can fight the long fight.” Maaasahan mo ang mga kasama. Nagbabahaginan kayo ng paniniwala, ng commitment sa parehong mga prinsipyo at mithiin, na higit pa sa simpleng mga minsanang pagkilos o isahang libro. Sama-sama, mailalaban niyo ang mahabang laban — hangga’t hindi nagwawakas ang sistemang umiiral, hangga’t hindi nakakapagbuo ng bago at makatarungang lipunan.

Pinagtambis ni Dean ang comrade sa simpleng ally na wala masyadong political commitment, tumutulong lamang ayon sa saklaw ng kanyang mga pribilehiyo at limitasyon, at anumang oras ay maaaring mang-iwan. Sa paglalathala, na hindi na lamang simpleng paglalathala kundi tuwiran nang paraan ng pakikipaglaban, hindi lamang simpleng collaborators ang mga katuwang natin sa produksiyon. Kaya sinisikap ng Gantala Press na bumuo ng mga relasyon na hindi magtatapos sa isang libro. Dahil ang lahat ng kasama sa paggawa ng libro ay ating mga kasama sa nagkakaisang pakikibaka, sa pagbagtas ng linyang rebolusyonaryo. Sapagkat nasa dulo ng linyang iyon, ng tinatawag na “revolutionary horizon,” ang ating nagkakaisang mithiin o ang maayos na kolektibong pamumuhay nga na nabanggit ko kanina.

Kapag tinawag nating “comrade” o “kasama” ang mga katuwang natin sa paglikha o paglalathala, ibig sabihin ay may inaasahan tayo mula sa kanila at may inaasahan sila sa atin. Maaasahan natin ang ating kasama, inaasahan din tayo ng ating mga kasama. May pangako at pinanghahawakan na hindi natin iiwanan ang isa’t isa at ang bawat isa. May paniniwala at pananalig sa kanila at sa atin na hindi magmamaliw.

Kaya, kung tatanungin kami kung paano magprotesta sa gitna ng isang pandemya, isasagot namin na: ituloy lang ang laban. Ang krisis na dala ng pandemya ay isa lamang sa mga dadaanan sa rebolusyonaryong landas. Ang mahalaga ay malinaw sa ating magkakasama ang pupuntahan.

Linatag ni Dean ang apat na linilikha o dinudulot ang comradeship: disiplina, ligaya, katapangan, at enthusiasm o sigasig. Isa-isahin natin ito.

1) Disiplina. Bumabalik tayo sa islogan na “Educate, Agitate, Organize” na ginamit ng mga sinaunang sosyalista. Kasama sa disiplina ang pag-aaral. Sina Lenin, ang ginamit na salita sa kanilang bersiyon ng slogang ito ay Studieren — mag-aral. Mag-aral, magpropagandisa, mag-organisa. ‘Yung salitang Educate, tumutukoy iyan hindi lamang sa masang mumulatin, kundi maging sa sarili. We must educate ourselves. Tumalima tayo sa payo ng dakilang rebolusyonaryang Ruso na si Nadezhda Krupskaya: “To know the subject thoroughly, one must take hold of and study all its sides, all the connections and its proper place in the given situation.” Sinabi ni Krupskaya na kaya nagtagumpay ang Rebolusyong Ruso noong 1917 ay dahil inaral nang mabuti kung paano aangkupin ng kilusan ng manggagawang Sobyet ang mga teorya nina Marx at Engels. Ganoon din ang hinihiling ng comradeship sa atin bilang mga disiplinadong kasama. Bilang mga tagapaglikha ng libro sa Pilipinas, hindi rin dapat tayo tumitigil sa pag-aaral sa kung ano ang nangyayari sa ating lipunan, sa kung ano ang mga dapat nating isulat at isalibro. Siyempre, ang pag-aaral ay may iba’t ibang anyo: may direktang paglubog sa masa, may pagbabasa o pakikinig sa podcast, may paglahok sa mga ED. Naniniwala kami na ang masusing pag-aaral ay natural na magtutulak din sa mga tao na lumahok sa protesta, sa anumang tangkang ituwid ang mali. Minsan nga, pagkatapos mag-aral, mag-iiba ang pananaw natin at maiisip natin na, naku, ano ba ang silbi ng librong sinusulat ko? Okay iyon, mabuting bagay iyon.

2) Ligaya. Maligaya ang karanasan ng pagiging kasama, ng pagsisilbi sa bayan, ng taos-pusong pagbibigay. Hindi ito nalalayo sa ligayang nararamdaman natin bilang mga artist sa proseso ng paglikha.

3) Katapangan. Ang lakas na dinudulot ng disiplina at ng mga kasama, ng pagiging bahagi ng kolektiba, ang siya ring magbibigay ng tapang na gawin ang dapat gawin.

4) Sigasig. Muli, ang katiyakan sa kung para kanino at para saan ba ang ginagawa natin ang natural na magbibigay sa atin ng sigasig na gawin ang ating trabaho. Kaya, partikular sa karanasan ng Gantala Press, maraming natagpuan ang mga kasapi na mga kasama sa gawain ng paglalathala. Nariyan ang Amihan at RUWA, na katuwang sa pag-aaral sa kondisyon at pagsulong sa kapakanan ng kababaihang pesante na unang-unang nalilimutan sa kasaysayan, katulad ng nasabi ko na. Nariyan ang mga kasama sa Kadamay na nagpakilala sa mga bago ring kasama sa Pandi, ang mga nanay na kabilang sa Occupy Pandi movement noong 2018. Nariyan ang mismong mga miyembro ng aming grupo, na lumalaki na, awa ng Diyos, dahil sa interes ng mga boluntaryo na sumali. Nariyan ang marami pang ibang kaibigan at bagong nakikilala. Kung wala ang bawat isa, siguro ay ginupo na kami ng lungkot, desperasyon, at sakit ngayong pandemya.

Dito pumapasok ang potensiyal ng paglalathala bilang instrumento sa Pag-aaral, Pagpapakilos, at Pag-oorganisa. As early as 1896, isinulong na ng rebolusyonaryang Aleman na si Clara Zetkin ang halaga ng pagturing sa kababaihan bilang bahagi ng dakilang uring proletaryado, at hindi bilang mga ina o asawang nakakulong lang sa bahay. Ayon kay Zetkin, dapat ipropagandisa ang kababaihan para mapatibay ang uring manggagawa, na minimithing bumalikwas laban sa naghaharing-uri nang nagkakaisa at buong lakas. At mapapatupad ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kababaihan ng mumunting libro na nagtatalakay ng partikular na mga problema, at maganda dapat ang pagkakagawa. Maiuugnay ito sa sinabi ni Mao na dapat ay makapagpa-elevate o makapagpataas ng kamalayan ng masa ang sining.

“Propaganda among women is difficult and burdensome and requires great devotion and great sacrifice, but these sacrifices will be rewarded and must be brought forth,” pangako ni Zetkin. Ang pangakong iyon ang pinanghahawakan namin ngayon, mahigit isandaang taon na ang nakalilipas, habang nakiki-online selfie at -hashtag at -statement at -rally at dumadalo o nagsasalita sa mga webinar at tumutulong sa relief efforts at bumibiyahe sa mga komunidad at patuloy na nakikiisa sa masang api. Iyon ang pinanghahawakan namin habang naglalathala ng libro, at hindi naglalathala ng libro, sa gitna ng pandemya.

Maraming salamat po.

Unang binasa ni Faye Cura sa “Protest Between the Lines,” Pandemic Playbook, Nobyembre 28, 2020

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.