
Di pa man naghihilom ang sugat ng sambayanang anakpawis sa pagpaslang sa dinadakilang ama ng mga maralitang magsasaka na si Ka Randall Echanis, habang patuloy na nagdadalamhati ang mga ina at anak ng bayan sa sinapit nina Reina Mae Nasino at Baby River, patong sa napakaraming panliligalig at pagkitil sa karapatang pantao ng libu-libo pang kababaihan at aktibista, ay dumagok na agad sa pinto ng Disyembre ang isa na namang napakabigat na pangyayari.
Pambubulabog, panghihimasok, at pandarahas ang itinanghal na pag-aresto ng mga militar at kapulisan sa bagong panganak na si Amanda Socorro Lacaba Echanis kasama ng kaniyang isang-buwang-gulang na sanggol.
Inaresto si Amanda at ang kaniyang sanggol noong ika-2 ng Disyembre, 3:30 ng umaga. Tinatayang 100 militar at kapulisan ang pumalibot sa kaniyang tinitigilang tahanan sa Baggao, Cagayan. Pinaratangang terorista ang 32-taong gulang na manunulat, aktibista, at organisador ng Amihan-Cagayan at ikinulong sa gawa-gawang kasong iligal na pagmamay-ari ng armas, tulad ng isinampa sa mga aktibista’t ina na sina Reina Mae Nasino at Cora Agovida.
Nasa dugo na ni Amanda ang pagiging malikhain at palaban. Siya ang pinakabatang bilanggong pulitikal nang makulong kasama ang kaniyang mga magulang na sina Ka Linda at Ka Randy noong 1990s sa gawa-gawa ring kaso. Mga tiyuhin din ni Amanda ang mga aktibistang sina Jose at Emmanuel Lacaba na manlilikha ng progresibong panitikan sa panahon ng Diktaturyang Marcos.
Nagtapos si Amanda ng Malikhaing Pagsulat sa Mataas na Paaralan ng Pilipinas para sa Sining kung saan niya isinulat ang kaniyang unang aklat na pinamagatang Tatlong Paslit na Alaala. Inilarawan niya sa aklat na ito ang maraming gunita ng kaniyang kabataang may katangi-tanging karanasan sa linya ng pulitika at pakikibaka. Pagkatapos tumuntong ni Amanda sa kolehiyo bilang organisador ng kabataan ay pinili niyang pumakat sa mga maralitang taga-lungsod. Dito siya nanguna sa pagtutulak na umabante ang kultural na gawain sa hanay ng mga maralita habang nakikiisa sa laban para sa mga batayang karapatan tulad ng edukasyon, maayos na pabahay, at mga pampublikong serbisyo. Itinangi ni Amanda ang mga kwentong pakikibaka ng masang-api tungo sa pagbabago ng lipunan sa kaniyang akdang Nanay Mameng, Isang Dula na tungkol sa buhay ng isang babaeng lider-maralita. Sa dula, makikita kung paanong ang manunulat ay nagpapanday ng matalas na pagsusuri sa kaniyang lipunan sa pamamagitan ng paglubog sa danas ng api habang ang kaniyang sining ay nakakawing sa pagtataguyod ng isang buhay na makatarungan at malaya.
Naiugat ni Amanda na kakambal ng pakikibaka ng mga maralitang taga-lungsod ang kawalan ng lupa sa kanayunan, kaya pinili niyang makipamuhay at makilahok sa pakikibaka ng mga magbubukid at magsasaka para sa lupa at kapayapaang nakabatay sa hustisya.
Ang isang estadong nagsusulong ng interes ng mga dayuhan at iilan lamang ay takot sa paglaban at determinasyon ng kababaihan, mga manunulat, at aktibistang tulad ni Amanda. Isang malalim na balintuna na ang mga umaalma ay ginagawan ng kaso, inaaresto, o pinapaslang upang manaig ang isang sistemang makatwiran lamang na pagbalikwasan. Sa pag-aresto at patuloy na pandarahas ng macho-pasistang estado sa mga rebolusyonarya, inilalantad nito ang kanyang likas na terorismo. Sa kanyang karahasan, lalo lamang iigting ang himagsik ng sambayanan.
Palayain si Amanda Echanis!
Leave a Reply