Laging hindi patas at makatarungan ang pamamaraan ng mga nagtatanggol ng sistemang kumikitil sa karapatan at dignidad ng mamamayan. Tulad ng magnanakaw, pupuslit ang mga pusakal sa gitna ng kahimbingan — kung kailan malaki ang posibilidad na walang makakasaksi sa karahasang pwedeng ikubli at baliktarin sa harap ng madla.
Alas-tres ng umaga, sa mismong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, hinalughog ang bahay at arbitraryong inaresto ang organisador ng mga manggagawa na si Dennise Velasco. Sa kwento ng mga umarestong kapulisan, may baril, granada, at kung anu-ano pang kagamitang pandigma si Dennise. Makalipas ang ilang oras, dinakip ang isa namang kabaro at mamamahayag na si Lady Ann Salem, editor ng Manila Today at opisyal ng International Association of Women in Radio and Television. Tulad ng kwento ukol kay Dennise, ang mamamahayag na simpleng gumagampan sa kanyang tungkulin na ilantad ang mga paglabag sa karapatang pantao ay may itinatago raw na baril at granada,
Sina Dennise at Lady Ann ay dalawa sa pitong aktibista na inaresto ngayong araw, halos isang linggo matapos ikulong sa gawa-gawang kaso ang organisador ng Amihan-Cagayan at manunulat na si Amanda Echanis kasama ang kanyang sanggol.
Ngayong laganap ang lantarang paglapastangan sa karapatan, pagkatao, at buhay ng taumbayan, makatwiran ang makipagkaisa sa aping sektor tulad ng mga manggagawa at magsasaka. Makatwiran at isang hamon ang pag-alma, pagsisiwalat, paglaban. Sina Dennise at Lady Ann ang ilan sa mga matapang na kumakaharap sa hamong ito. Sino ang maniniwala sa kwento ng kapulisan — na sila ay mga terorista, o bandido, o kriminal?
Sa mata ng mga mapagsamantala, kriminal ang mga naglilingkod sa sambayanan, ang bumabalikwas sa di-makatarungang sistema. Ngunit sa mata ng mga mamamayang nilalabag ang karapatan, sila ay makatwiran, sila ay dakila, sila ay dapat lamang tularan.
Palayain sina Dennise at Lady Ann! Isulong ang karapatan ng mamamayan!
Leave a Reply