Ang ating Lupang Ramos

Una naming narinig ang tungkol sa Lupang Ramos noong bungad ng 2019 sa The Common Ground Cafe sa Maynila, sa paggunita ng Amihan National Federation of Peasant Women at Gantala Press sa anibersaryo ng Mendiola Massacre na pinamagatang “Lingon, Sulong!” Paglulunsad din noon ng Mamumuo, isang zine ng mga sulatin ng kababaihang manggagawa ng NAMASUFA-NAFLU-KMU sa Compostella Valley, Mindanao. Kasama sa mga nagsalita sa “Lingon, Sulong!” si Ka Miriam Villanueva na noon ay Pangkalahatang Kalihim ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos o KASAMA-LR.

Ikinuwento ni Nanay Miriam na estudyante pa lamang siya noon sa Technological University of the Philippines nang mangyari ang Mendiola Massacre noong Enero 22, 1987. Malaki at madugong pakikibaka ang kinaharap ng uring magsasaka sa Mendiola Massacre, na kulminasyon ng pagtatangka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na makipagdayalogo sa gobyerno para sa tunay na reporma sa lupa. Labindalawang raliyista ang namatay matapos magpaputok ang mga pulis, at mahigit 50 ang nasugatan. 

Panahon ito ng pagkamulat kay Nanay Miriam na isinilang at lumaki sa Lupang Ramos, isang malawak na lupang agrikultural sa Dasmariñas, Cavite. Ito na nga lang ang natitirang lantay na lupang agrikultural sa kanilang bayan, na ngayon ay namumutiktik sa mga subdibisyon, mall, at mga gusaling karaniwan nang sumasakal sa ating mga lungsod. Sa katunayan, nasa gitna ng SM at Robinsons ang Lupang Ramos, na taniman ng palay, mais, kamote, at iba’t ibang gulay katulad ng sitaw, mustasa, talong, at iba pa. 

Nakita ni Nanay Miriam ang Mamumuo at sinabi sa amin, sana ay tulungan niyo rin kaming maikuwento ang laban namin sa Lupang Ramos, na tatlong dekada na ang itinatagal. Dalawang linggo lamang mula noon, sa tulong ng Amihan, nakarating kami sa Dasmariñas sa unang pagkakataon. Paglipas ng tatlong buwan, nailathala namin ang librong Lupang Ramos: Isang Kasaysayan, na punong-puno ng kuwento ng kababaihan sa Lupang Ramos, na gayong minsan-minsan lang naming makita at makasama ay laging nagtuturo sa amin ng maraming bagay — tungkol sa pagsusulat, sa pagsasalaysay, sa pakikibaka.

Sa unang bisita namin, naabutan naming nagpupulong ang KASAMA-LR tungkol sa mga loteng nakatalagang bungkalin ng bawat pamilya. Pinag-usapan din nila ang iskedyul ng pagbabantay sa kanilang kampo, mula sa paninira at iba pang pang-aatake ng mga kaaway — mga kapwa magsasakang nais nang isuko ang Lupang Ramos para bilhin ng malalaking debeloper, at ang mga bayarang pulis at goons ng mga negosyanteng interesado sa lupa. Si Nanay Miriam ang nagpadaloy ng pulong, at damang-dama sa buong kubo (na nagsisilbi ring kapilya) ang kanyang lakas, linaw ng pananaw, at paninindigan. 

Sa misa pagkatapos ng pulong, narinig naming magbasa ng tula si Nanay Marites Nicart. Napakalaking kamulatan iyon para sa aming grupo na nagpapakilalang feministang tagapaglathala. Isang kasahulan na hindi namin alam o wala kaming naunang ugnay sa mayamang panitikang nasa mga pamayanang katulad ng Lupang Ramos. Ang pagkakakilala namin kina Nanay Tess at Nanay Miriam ay talagang nagbago sa oryentasyon ng aming grupo bilang mga manunulat at gumagawa ng libro.

Labis ang pagkamangha at ligaya namin na ang makata ng bayan ng Lupang Ramos ay isang babae. Sinusulat ni Nanay Tess ang kanyang mga tula sa isang maliit na notebook kung saan nakalista rin ang mga gulay na kanyang nabebenta. Sa Lupang Ramos, buhay na buhay ang tula. Pinakikinggan ito sa mga pagtitipon ng samahan, sa mga misa, sa mga kasiyahan. Nagiging kasangkapan ito ng pakikibaka. Ang kaalamang ito ay tuwinang nagdudulot ng lakas sa amin bilang mga artista at aktibista. 

Sa mga sumunod na dalaw namin sa Lupang Ramos, naranasan naming matulog sa kanilang kubo/kapilya/guard house. Relyebo ang pagbabantay. Naranasan naming magtanim ng mustasa at sili. Kumain ng ensaladang mustasa, kamatis, sibuyas sa suka; at kamoteng-kahoy. Kahit sandali ka lamang doon, iba, at ibayo ang kapayapaang madarama sa Lupang Ramos. Mauunawaan mo kung bakit ito ipinaglalaban ng mga nanay at tatay doon; tila mararamdaman mo kung saan nahugot ni Lola Masang ang kanyang lakas nang puluputin niya ng tuwalya ang leeg ng drayber ng isang buldoser na nagtangkang wasakin ang pamayanan nila noon.

Linakad namin ang malalakad sa 372-hektaryang kalupaan. May naabutan kaming balangaw habang lumulubog ang araw. May mahinang ambon. Sa bandang gitna ng sakahan, nasabat naming muli si Nanay Tess, na duty noon sa pagbabantay. Binasa niya sa amin ang tulang ito:

LUPANG RAMOS

Lupang Ramos, dati’y Lupang Kano kung tawagin,
Ano’ng meron sa iyo at marami ang umaangkin?
Merong magsasakang nais kang pagyamanin,
Isang gobyernong nais kang debelopin.
Meron ding umeepal, Kontras kung tawagin.

Tatlong dekada nang ikaw ay usapin,
Inaplay sa DAR, at sa Mendiola ay nirali rin.
Unang samahan, ewan ang pangalan,
Di ko alam ang kanilang paninindigan,
Biglang nagkaisip, na LR ay pagkaperahan.
Benta roon, komisyon diyan nang walang alinlangan.

Biglang umarangkada, bagong samahan
At KASAMA-LR nga ang ngalan.
Bagong samahan, bagong pamunuan.
Ang presidente, Bayani Tapawan lang naman.

Lupang Ramos, nais gawing luntian.
Pangunahing tanim, mais at palay.
Meron din namang masustansiyang gulay,
At di mawawala ang walang-kamatayang sitaw.

Salamat sa mga taong simbahan,
Mga estudyante at mga kaibigan,
Mga nais tumulong, handa ring dumamay.
Magsasaka’y masaya, dahil ang laban,
May pag-asa na.

Makikita sa tula ang kasaysayan ng LEGAL NA LABAN sa Lupang Ramos: kung paanong matagal na itong may binubuhay na pamayanan ng mga magsasaka, panahon pa ng Amerikano (at bago pa iyon); kung paanong marami ang umaasam at nagtatangkang sumamsam sa lupa, partikular ang mga grupo na sariling interes lamang ang iniisip; kung paanong inilalaban ito ng mga magsasaka maging sa larangan ng batas; kung paanong tuloy-tuloy lang ang laban ng samahan, kasama ang iba’t ibang sektor.

Nakikiisa ang Gantala Press sa KASAMA-LR sa kanilang mga inilalaban, kabilang na itong tangka ng National Grid Corporation of the Philippines na palayasin ang may 400 pamilya ng mga lehitimong magsasaka at mamamayan doon upang makapagtayo ng mga tore ng kuryente na hihigop sa ilog at sapang bumubuhay sa Lupang Ramos, at tutuyot sa mga bulaklak, halaman, tanim, pagkain, puno sa lugar.

Tinututulan namin ang pandarahas na ito ng gobyerno sa mga magsasaka sa Lupang Ramos sa gitna ng pandaigdigang pandemya at iba pang delubyo, ng masahol na pagyurak sa mga karapatang-pantao ng mga magsasaka, at ng matinding gutom ng maraming Pilipino. Kinukundena namin ang NGCP sa paniniil ng mga pamayanan ng magsasaka at pangangamkam ng kanilang kabuhayan. Ipinaaalala namin ang mas malaking pinsalang idudulot ng proyektong katulad ng sa NGCP sa kapaligiran at kalikasan.

Naniniwala kami sa tula ni Nanay Tess, na ang laban — ang napakatagal na labang ito — ay may pag-asa.

Sumama sa barikada!

Depensahan ang bungkalan!

0 Comments

·

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.