Mariing kinukundena ng Gantala Press ang crackdown ng estado laban sa mga aktibista at lider organisador. Nakikiisa kami sa pagluluksa ng taumbayan para sa mga biktima ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar nitong Marso, kabilang ang siyam na unyonista, pesante, maralita, katutubo at kababaihang pinatay noong ika-7 ng Marso na sina Emmanuel “Manny” Asuncion, ang mag-asawang Ana Marie “Chai” Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista, sina Melvin Dasigao, Mark Lee Coros Bacasno, Abner Damas Mendoza Esto, Edward Damas Mendoza Esto, Puroy Dela Cruz, at Randy Dela Cruz. Nitong ika-28, pinatay din ang unyonistang si Dandy Miguel.
Ipinapanawagan namin ang paglaya ng kababaihang aktibistang iligal na inaresto sa nakaraang buwan kabilang ang 61-taong gulang paralegal na si Nimfa Lanzanas na nag-aasikaso sa pangangailangan ng mga bilanggong pulitikal pati ng kanyang anak na si Edward; ang lider-kababaihang si Joan Ignacio Efren; ang lider-maralita na si Connie Opalla; at si Renalyn Tejero, isang katutubong Lumad na nagtatanggol ng mga karapatang pantao.
Sabado de Gloria
Sinasanay tayo ng mga pasista sa pagpatay,
Wala silang pinipiling araw.
Panakaw silang pumapasok sa mga kubo,
Nambubulabog ng tulog, nangwawasak ng pinto,
Nagtatanim ng bala, nang-iiwan ng mga ulila.
Nanunuot sa buto ang lagim ng mga balita,
Sinusubok ang sikmura ng bawat isa.
Ngunit tayo ay pinalakas ng araw-araw na pakikibaka
Ng mga api at sinasamantala.
Itatala natin ang pangalan ng bawat pinatay,
Ipagluluksa sila at aalalahanin.
Titiyaking laging sariwa ang bulaklak sa kanilang puntod,
Kukupkupin ang mga supling.
Itinaga ni Majd Barbar* sa bato
Nang muli siyang dakpin ng mga sundalo
Nitong ika-30 ng Marso, sa ikalawang araw lamang ng kanyang paglaya
Mula sa dalawampung taong pagkakabilanggo:
“Kahit ano’ng gawin nila, hindi tayo matatalo.”
Ito ang hindi kailanman mauunawaan ng mga pasista.
Hindi matutupok ng karahasan at kalupitan,
Ng walang habas na paulan ng bala ng imperyalista
Ang pakikipaglaban natin para sa nararapat:
Lupa, pagkain, sahod, tirahan, kalusugan, edukasyon,
Kalayaan mula sa diskriminasyon at karahasan,
Soberanya at hustisya.
Mahaba ang gabi, dumadanak ang dugo nang madaling-araw;
Mahaba ang laban, ngunit sa huli ay liwanag
At sa lahat ng bukas, ang muli’t muling pagkabuhay.
*Palestinong bilanggong pulitikal
Leave a Reply