
Noong umaga ng Abril 10, dinakip at sapilitang inilipad ng Department of Social Welfare and Development papuntang General Santos City ang limang batang Lumad na kabilang sa 26 na Lumad bakwit na iligal na inaresto ng mga pulis mula sa University of San Carlos-Talamban (USC) sa Cebu noong Pebrero 15, 2021. Hindi pinahintulutan ng mga kabataan at kanilang mga magulang ang biyahe, at makikita rin sa video ng insidente na inilabas ng Save Our Schools Network ang pagtutol ng mga kabataan dito (Tingnan: https://www.facebook.com/saveourschoolsnetwork/). Makikita sa video ang pangangaladkad ng DSWD employee na si Brenda Abilo sa mga kabataang Lumad. Isa si Abilo sa nagpaparatang na “terorista” sa mga kabataang Lumad. Bukod sa paglabag sa kapasyahan ng mga kabataan, kanilang mga magulang at guardian, walang court order o ligal na basehan ang DSWD para dalhin ang mga kabataang Lumad sa General Santos City.
Mariing kinukundena ng Gantala Press ang sistematikong pandarahas ng mga pwersa at ahensya ng estado sa taumbayan, kabilang ang DSWD na dapat nagtataguyod sa kapakanan ng mamamayan lalo na ng mga sektor na malaon nang pinagkakaitan ng batayang karapatan at sariling pagpapasya.
Bago inaresto ang 26 na Lumad bakwit noong Pebrero, pansamantala silang tumutuloy sa USC dahil kinailangan nilang lisanin ang kanilang mga komunidad sa Mindanao bunga ng matinding militarisasyon. Kaakibat ng militarisasyon ang panghihimasok at pangangamkam ng malalaking korporasyon sa kanilang lupang ninuno. Dinadahas ang mga katutubong Lumad na umaalma at naggigiit ng kanilang karapatan. Pinagkakaitan din sila ng pagkakataong makapag-aral at paunlarin ang kanilang mga sarili. Sa ilalim ni Duterte, 176 na paaralan ng mga Lumad na ang pinasara. Noong 2017, nagbanta si Duterte na bobombahin ang mga eskwelahan ng mga Lumad. Sa kabila ng kanilang malagim na karanasan, buong tapang na itinataguyod at pinagpapatuloy ng mga katutubong Lumad ang kanilang pag-aaral sa kanilang mga tinutuluyan sa Metro Manila at Cebu.
Ipinapanawagan ng Gantala Press ang ligtas na pagbalik ng mga kabataang lumad sa kanilang mga guardian at magulang, at ang paglaya ng mga kabataang Lumad, nakatatanda, at gurong inaresto noong Pebrero, kabilang sina Roshelle Mae Porcadilla, Chad Booc, Jomar Binag, Moddie Mansumoy-at, Benito Bay-ao, Segundo Melong at Esmilito Oribawan na sinampahan ng mga gawa-gawang kaso. Nakikiisa ang Gantala Press sa pagtindig para sa karapatan ng lahat ng pambansang minorya. Itinatambol namin ang pagwawakas ng militarisasyon sa kanayunan at mga lupang ninuno, at ang pagbaklas ng marahas na kampanya ng gobyerno laban sa mga nagtatanggol sa mga batayang karapatang pantao at nagsusulong ng kagalingan ng sambayanan.
#LetLumadChildrenSpeak
#HandsOffLumad
#SaveLumadSchools
#StopTheAttacks
#DefundNTFELCAC
Leave a Reply