
Mariing kinokondena ng Gantala Press ang pagpaslang kay Ritchie Nepomuceno!
Noong Marso 9, nagkondukta ang mga pulis ng Pasil Police Station 6 (Sawang Calero Police Station) sa Lungsod ng Cebu ng warrantless search operation sa bahay ng 35-anyos na si Nepomuceno para diumano sa ilegal na armas. Ayon kay Nepomuceno, ninakawan siya ng mga pulis ng mahahalagang gamit. Noong sumunod na araw, dinala ng mga pulis sa pamumuno ni SSgt. Celso Colita si Nepomuceno sa isang ATM at pinilit siyang mag-withdraw ng Php 170,000. Pagkatapos, dinala siya sa isang motel kung saan ginahasa siya ni Colita.
Nitong Abril, si Nepomuceno ay naghain ng kaso laban sa 11 na pulis para sa pag-torture, pangingikil, at panggagahasa. At kagabi, Abril 19, binaril siya ng mga di-pa-kilalang salarin sa Cebu.
Noong Hunyo 2020, minolestiya ang 15-anyos na si Fabel Pineda at ginahasa ang kanyang 18-anyos na pinsan sa Ilocos Sur. Mga pulis din ang maysala sa krimeng ito. Pinaslang si Pineda matapos siyang magsampa ng kaso laban sa mga salarin. At hanggang ngayon, hinihintay pa rin ng pamilya ni Pineda ang katarungan.
Ang kaso nina Ritchie at Fabel ay naglalantad sa masaklap na realidad na kinakaharap ng mga babae at batang babae na ginagahasa o dinarahas ng mga awtoridad o habang nasa poder ng mga pulis. Pinapatunayan din nito na hindi kapakanan ng kababaihan at mamamayan ang pinoprotektahan ng mga pulis. Sa halip na tulungan ang mga biktima, tinatakot sila para manahimik o bawiin ang kanilang mga isinampang kaso, kung hindi ay paghihigantihan sila o sasaktan ang kanilang mga pamilya.
Sa ating pagluluksa at pag-alala sa buhay nila Ritchie at Fabel, dapat nating ipagpatuloy ang kanilang laban upang wakasan ang karahasang pumapatay at sumisira sa buhay ng kababaihan.
Hustisya para kay Ritchie! Hustisya para kay Fabel!
#EndVAWNow
#LabananAngAbuso
Leave a Reply