
Bilang pakikiisa sa #DefendPeasantWomen campaign ng Amihan National Federation of Peasant Women at iba pang organisasyon, inilunsad ng Gantala Press ang “Taludturan: Poetry for Peasant Women” noong Hulyo 2, ika-4 ng hapon sa Zoom.
Ang palihan ay binuksan ng isang mensahe ni Zenaida Soriano, Pambansang Tagapangulo ng Amihan, tungkol sa #DefendPeasantWomen at ang mga panawagan nitong Lubayan ang kababaihang lider magbubukid na biktima ng panliligalig at redtagging; Palayain ang kababaihang bilanggong pulitikal; at Hustisya para sa mga lider magbubukid na pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Ang Amihan mismo ay biktima ng redtagging at panunupil nang i-freeze kamakailan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang bank account nito bunsod ng mga akusasyon na sila ay nagpopondo ng mga gawaing “terorista.”
Sa palihan, ipinakilala ng mga tagapagpadaloy ang mga elemento ng tula gamit ang mga halimbawang sinulat ng kababaihang magbubukid at mga kaalyado. Kasama sa mga elementong ito ang Repetition o Pag-uulit; Imahen o Imagery; Metaphor o Metapora; Dramatic Situation; Persona; at Himig.
Ang palihan ay kinapalooban din ng ilang minutong Writing Exercise batay sa mga writing prompt. Isang halimbawa ng tulang produkto ng ehersisyo ang sinulat ni Ka Miriam Villanueva, pinuno ng Komite sa Kababaihan ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos o KASAMA-LR:
BILAO
Hugis bilog akong matiyagang hinulma;
Matapos ang anihan, gamit sa tuwina
Sa pagpapahangin ng palay
Upang ipa ay ihiwalay;
Sa pagbabayo ng palay,
Ang bigas sa balat humihiwalay.
Hawak ako sa magkabilang kamay,
Matiyaga sa pagtahip si nanay.
Bilao akong ginawa mula sa pagtitiyaga,
Larawan ng atrasadong pagsasaka sa ating bansa.
Hindi man ako magamit sa hinaharap na panahon,
Masaya ako kung maunlad na ang atrasadong produksiyon.
Ang palihang ito ay isang paraan ng pagtalakay sa ugnayan ng sining at mga isyung panlipunan. Ipinakikita sa palihan na ang pagsusulat ng tula o iba pang uri ng sining ay magagamit upang madokumento at maibahagi ang mga naratibo ng sambayanan. Tulad nga ng sinabi ni Nanay Zen, sana ay magamit ang mga tulang maisusulat para mas maipahayag pa ang mga pinagdadaanan ng kababaihang magbubukid at mas magkaroon pa ng malalim na pagpapahalaga sa kanilang mga papel sa lipunan.
Hinihikayat ng Gantala Press ang lahat na magboluntaryo o mag-ambag sa #DefendPeasantWomen campaign at suportahan ang mga kaugnay na proyekto ng Amihan at mga katuwang na organisasyon: GABRIELA Youth, NNARA Youth, SAKA, RUWA, at Gantala Press.
Leave a Reply