
Anim na taon na ang Gantala Press. Marami kaming nakilala, nakabalikat sa mga proyekto, at naging kaibigan. Nasasabik kami sa mga makadadaupang-palad pa, makakasama, at makakatuwang sa susunod na mga taon.
Tulad ng maraming bagay, iniluwal ang Gantala ng maraming pangangailangan—ng alternatibong espasyo para sa paglikha, alternatibong pagtanaw, at paghamon sa mga kinagisnang kultura pangunahin sa panitikan at paglalathala. Sinimulan itong kamtin sa Danas (2017) sa pagtitipon ng mga akda ng kababaihan sa kasalukuyan na sinundan ng Laoanen I at II (2017/2018), mga antolohiya ng kababaihang Muslima hinggil sa malupit na pagkubkob sa Marawi. Mahalagang salik ang kasaysayang ito ng mismong kasaysayan ng pangkat sapagkat pinalawak nito ang aming perspektiba mula sa maliit na mundo ng panitikan tungo sa mas malawak na mga usaping panlipunan.
Nakapaglathala na kami ng 28 na publikasyon at utang namin ito sa mayamang danas mula sa mga komunidad na mapalad naming nakilala. Ilan sa mga ito ang Daloy (2018), antolohiya ng kababaihang migrante ng Batis AWARE; Lupang Ramos (2019), antolohiya ng kababaihang pesante sa Dasmariñas, Cavite katuwang ang Amihan National Federation of Peasant Women; “Mamumuo” (2019), mga kuwento ng mga manggagawa ng SUMIFRU Food Corporation, at “Biag Dagiti Agay-Aywan” (2019), mga kuwento ng mga nars sa San Fernando, La Union. Dalawa sa mga aklat na inaasahang lumabas ngayon taon ang SaLoobin (2021), mga akda ng/para sa kababaihang bilanggong pulitikal, at Let the River Flow Free (2021), isinakomiks na kuwento ng kababaihang taga-Kordilyera na nagpanalo sa laban ng Chico Dam noong dekada ‘70-‘80. Ang mga ito at iba pang mga aklat kaakibat ang mga kaugnay na gawain at pakikibaka ang siya ring pangunahing humuhubog sa aming pagsasabuhay ng Feminismo na hindi lamang limitado sa usapin ng kasarian ngunit maging sa uring kinabibilangan.
Bilang isang kolektibang kinikilala rin ang pangangailangang wakasan ang mga mapang-aping sistemang pinakikinabangan ng kasalukuyang rehimeng Duterte, ipinagmamalaki naming mailathala kasama ng RESBAK ang “Dalawampu’t Siyam na Libo” (2019), mga kuwento ng mga pamilya ng biktima ng Giyera Kontra Droga at ang Kumusta Kayo? (2020), mga kuwento ng kababaihang pesante sa gitna ng pandemya, katuwang naman ang Amihan.
Sa kasalukuyang lagay ng ating bansa at ng kalakhan ng kababaihang Pilipino, tunay na marami pang kailangang gawin at ilathala. Sinusubukan ng Gantala Press na makapag-ambag sa pagtugon dito sa pamamagitan ng pagbuo ng koneksiyon sa iba pang feministang mga pangkat tulad ng Southeast Asia Feminist Network (SEAFAM) at pagpapalawak sa sarili nitong kasapian. Nagpapasalamat kami sa mga kasalukuyang boluntaryo sa pagtugon sa mga lumalawak na gawain ng pangkat.
Nagpapasalamat din ang Gantala Press sa mga patuloy na sumusuporta sa nakalipas na anim na taon. Ang pagsuporta ninyo sa aming mga aklat at proyekto ay pagsuporta sa kuwento ng mga Filipinang halos walang espasyo upang mailathala o marinig man lang. Tinatanaw namin ang hinaharap nang may pananabik sa mas marami pang makabuluhang proyekto. Sana’y patuloy na makasama namin kayo!
Leave a Reply