
May dalang bigat ang bawat araw ngayong tinakda na ng maruming eleksyon ang literal na pagsasailalim natin muli sa isang rehimeng Marcos. Napapanahon ang paglabas ng librong Sa Aking Henerasyon sa gitna ng pighati, pangamba, takot, at galit na nararamdaman ng marami sa atin. Kailangan ng mapagkukunan ng lakas upang ipagpatuloy ang mahaba-haba pang laban, at mapalad tayong magkaroon ng espasyo, sa pamamagitan ng librong ito, na mamalagi sa imahinasyon ni Kerima Lorena Tariman.
Kung “ang tula ang siyang dapat na lumikha sa makata”—na siyang linya sa tulang pinagmulan ng pamagat ng librong inilulunsad ngayon—narito sa kalipunan ng mga tula at salin ni Kerima hindi lang ang salaysay kundi ang lunan ng paghubog sa makata bilang babae, aktibista, at mandirigmang bayan. Ang pagpirmi natin sa wikang linikha ng makata na siya ring lumikha sa kanya ay pagkakataong makilala nang masinsinan ang arkitektura ng kamalayan na humubog sa kanyang pakikiisa sa masa, pagmamahal sa bayan, at pagsulong sa rebolusyonaryong kilusan. Mula sa mga mapaglaro at bagot na bagot na tula sa koleksyong isinulat noong high school, ang Biyahe hanggang pagtuligsa sa sistemang asyenda at pagpupugay sa mga martir ng Hacienda Luisita sa koleksyong Luisita, pati na rin sa mga salin sa Filipino ng mga tula ng kapwa-rebolusyonaryo, matutunghayan ang tuluyang pagyakap sa sining bilang rebolusyonaryong gawain.
Sa muling pagbabasa ko ng Pag-aaral sa Oras, naging matingkad ang presensya ng katawan sa mga tula. Lumilitaw sa mga linya ang iba’t ibang bahagi ng katawan—tiyan, dila, mukha, utak, braso, puso, bituka, bungo, paa, buto, siko, lalamunan, at mata—na tila binibigyang-diin ang halaga ng paglagay ng buong sarili—hindi lang panulaan kundi pati katawan, hindi lang salita kundi pati gawa—sa bawat pakikipag-ugnayan at pakikipagsapalaran. Maaaring sabihin na ang hangaring ito ang umuudyok sa paglikha; sabi nga sa tulang “soul-searching ng maangas at mala-religious experience,” “patuloy ko pa ring hinahanap ang aking bibig./ngunit kasama ng iba pang nawawalan ng pagkatao,/natagpuan ko ang aking tinig.” At doon sa kanayunan, sa piling ng mga magsasaka at manggagawang-bukid, sa armadong pakikibaka, nagtagpo ang bibig at tinig.
Masasabing ang ganitong pagsusumikap na burahin ang linyang naghihiwalay sa sining at buhay ang pinakamatalas na aral mula sa panulat ni Kerima. Lagi kong binabalikan ang sanaysay niyang “Manggagawang Pangkultura,” kung saan nabanggit niya ang tila naudlot na landas bilang makata (at least sa mata ng iba), lalo na’t hindi nasundan ng ilang dekada ang nailimbag na libro noong high school. Aniya:
Ngayon, may mga makakasalubong ako na nagtatanong: “nagsusulat ka pa ba ng tula?” o kaya “maglalabas ka na ba ng libro”? Tumutugon ako minsan ng diretsahang “hindi,” at sila’y manghihinayang. Sayang naman anila. Banggitin na natin ang nasa isip nila – “naging aktibista na kasi siya kaya siguro tumigil na siya sa pagsusulat.”
Ang totoo niyan, hindi naman ako tumitigil sa pagsusulat. At hindi na nga lamang tula o kaya pagsusulat. Hindi ako tumigil sa paggawa ng iba’t ibang anyo na malamang sa hindi ay nababasa, nakikita, naririnig at nababalitaan naman sa kung saan-saan. Ang kaibahan lang ngayon, mas madalas ay wala na sa isip ko ang paggamit ng sarili kong pangalan. Hindi ko na iniintindi na maglagay pa ng indibidwal na byline o pirma dahil kolektibo naman ang karaniwang paraan ng paggawa at pagpapalaganap ng mga pahayag, akda o likhang-sining.
Para sa ating nakagisnan na ang pagturing sa sining bilang karera, o larangan ng mga aral at may diploma, radikal na pagtingin sa paglikha at pagiging makata ang inihahayag ni Kerima. Buhay na buhay ang sining sa kamay ng mga manlilikhang siguro’y di na natin makikilala sa pangalan, dahil na rin sa pagturing sa sining hindi bilang espesyal na kakayahang umaani ng karangalan para sa mga natatanging indibidwal kundi karaniwang gawain na nakapaloob sa paglikha ng mapagpalayang kultura at lipunan. At naroon matatagpuan—higit pa sa akademya o merkado o industriya—ang kanyang halaga.
Hindi man prayoridad sa revolutionary art practice ni Kerima ang paglathala ng komprehensibong tomong ito, siguro nama’y ipagpapaumanhin niya ang maalab na pagdiwang ng kanyang buhay at sining, na pinapakita sa atin na ang pag-asa ay nililikha, at nasa atin ang pagpasyang bigyang-hugis ito sa patuloy na pakikibaka. Gaya ng sabi sa mga tulang nagpupugay sa martir ng Hacienda Luisita na sina Jhaivie Basilio at Jhune David:
Gunitain natin ang kanyang maigsi ngunit makabuluhang buhay!
Gunitain natin ang kanyang dakilang ambag!
Maraming salamat.
Binasa ni Prof. Chingbee Cruz sa paglulunsad ng Sa Aking Henerasyon: Mga Tula at Saling-Tula ni Kerima Lorena Tariman, Mayo 29, 2022, Conspiracy Garden Cafe, Quezon City.
Leave a Reply