Ang Kuwento ng mga Liham

Mahal na Mambabasa,

Nabasa na marahil ninyo ang liham ng 24 babae na kasama sa librong ito. At marahil, napaisip din kayo kung kailan kayo huling nagpadala ng sulat sa koreo, kung ano ang pinaka-espesyal na sulat na natanggap, o kung sa pagsusulat, anong punctuation marks o bantas ang mahilig kayong gamitin — (?) (,) (!) (…). Posible rin na may liham ng ibang tao na nabasa kayo sa libro, magasin, o internet na parang kinakausap kayo o nakaantig sa inyong damdamin.

Ano nga ba ang unang nalathalang mga liham dito sa Pilipinas?

Malamang sa hindi, pamilyar kayo sa Noli me tangere ni Jose Rizal na nalathala noong 1887, dahil pinag-aaralan ito sa high school. Siguro, matatandaan ninyo sa klase ang tungkol sa pagkakabanggit sa dalawang liham na iniingatan ni Maria Clara — ang liham ng nanay niya at ang liham ni Crisostomo Ibarra.

Pero alam ba ninyo na bago pa ang Noli at bago pa ang pinakaunang nobela sa Pilipinas na Ninay, 1885, ni Pedro Paterno, ay may nalathala nang libro tungkol sa pagsusulatan? May mga nalathalang liham na kasi sa libro bago pa nauso ang nobela sa Europa. Makikita ang impluwensiya nito dahil sa unang mga nobela, may mga sulat na nakapaloob sa kuwento. Hindi nakapagtataka kung gayon, na noong 1864, nalathala ang Pagsusulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Felisa na Nagtuturo ng Mabuting Asal ni Modesto de Castro.

Sa pamagat pa lang, mahuhulaan na natin na ito ay pagsusulatan ng dalawang babae. At sa mga pangalan nila, posibleng maisip natin na si Urbana ay nakatira sa lungsod (urban nga, di ba?), at dahil magkalayo sila, siguro ay sa probinsiya naman nakatira si Feliza. Sa pagbabasa ng libro, mapapansin ang de-numerong pagbibigay ng payo tungkol sa mabuting pag-asal (kung baga sa report card, good manners and right conduct). Halimbawa, pag-iisa-isa ng dapat gawin sa pagpasok sa tahanan — kung sino ang unang babatiin, paghihintay bago umupo, pagpili ng uupuan, at iba pa. May pagdidiin din sa hindi puwedeng gawin, tulad halimbawa ng hindi dapat dumudungaw sa bintana ang babae.

Heto ang problema. Lalaking gumagamit ng persona ng babae ang nagsulat ng libro. Bukod rito, binibigyang-diin ang kaibahan ng lungsod at nayon, ng sibilisado at hindi sibilisado, at ng taga-bayan at tagabukid o taga-bundok. Samakatwid, hindi naman talaga tungkol sa tunay na karanasan ng kababaihan sa ika-19 siglo ang libro, kundi ang pagtingin ng lalaki sa dapat gawin ng mga babae.

Pero kailan naman unang nakapaglathala ng mga sulat ang mga babae? Siguro, ilang halimbawa ay ang mga liham na matatagpuan sa “P.O. Box ng Liwayway Extra, Pitak ni Bb. Remedios Perez.” Nasa mga pahina ito ng magasin na Liwayway (nalathala mula noong 1922). Sa mga liham na ito, ang sumusulat ay may problema na idinudulog sa sinusulatan.

Isang halimbawa ang nalathalang sulat ni “Estelita” (posibleng talipanpan lamang), noong Hulyo 1937. Sa sulat na ito, isinasalaysay ni Estelita ang pagkakaibigan nila ng pinsan ng kanyang asawa at pagkatapos ay humingi ng payo: “Miss Perez, mababaliw yata ako kung ipagkakait ninyo ang inyong tulong. Wala po akong tapat na kaibigang mahihingan ng payo kundi kayo at ang aking panulat.”  

Sinagot naman ni Bb. Perez si Estelita. Bukod sa pagpapayo sa kung ano ang dapat gawin, pinuri niya si Estelita sa katatagan at pagiging marangal (ayon siyempre sa mga pamantayan ng pagsukat sa karangalan noong dekada 30 ng nakaraang siglo) nito: “Lakasan ninyo ang inyong loob. Liwanagin ninyo ang inyong isip. Lumayo kayo sa kanya. Ibuhos ninyo ang pagmamahal ninyo sa inyong asawa at sa inyong tahanang dapat mapanatiling matatag at marangal…”

Sa pagsulat kay Bb. Perez, parang nakahanap si Estelita ng kaibigan na mahihingahan ng problema. At sa pamamagitan naman ng pagpapayo kay Estelita, parang nagpapayo rin si Bb. Perez sa iba pang babae. Dahil nakalathala ang kanilang sulatan, at nababasa ng iba, nagiging pampubliko ang pribadong problema. Kung magiging malikot ang ating imahinasyon, puwede nating isipin, mayroon kayang mga babaeng nagbasa nito at nagsimula ring pag-usapan ang ganitong problema? Sino ang naabot ng mga sulat na gaya ito nang malathala sa Liwayway, at ano kaya ang naging epekto naman sa kanilang buhay at pagharap sa sariling problema?

Makalipas ang dekada 30, at nang magkaroon na ng radyo at telebisyon, ang mga kolum kung saan may sumusulat ng liham sa nagpapayo, ay magiging anyong binibigkas at isinasadula. Sa radyo, pinakapopular marahil ang programang Ang Inyong Tiya Dely (DZRH) na nagsimula noong bandang 1953 at ang Kasaysayan sa Mga Liham ni Tiya Dely (DZRH). Nagkaroon din ng pelikulang Mga Liham Kay Tiya Dely, 1958, na dinirehe nina Armando de Guzman, Artemio Marquez, at Larry Santiago. Sa mga programa at sa pelikula, may lumiliham, isinasadula ang karanasan, at pagkatapos ay nagbibigay ng payo si Tiya Dely.

Sa telebisyon, isa sa pinakapopular ay ang Maalaala mo Kaya?, na nagsimula noong 1991 sa ABS-CBN at tumatampok kay Charo Santos bilang tagapayo (bagamat alam naman natin na ang scriptwriter ang nagsusulat ng payo). Pareho pa rin ang format ng palabas, kung saan may liham na isinasadula ang kuwento at may pagpapayo sa huli. Ang pagkakaiba lamang ay ang pagtatampok sa isang bagay bilang talinghaga ng kuwento, halimbawa ay rubber shoes, lobo gitara, o unan.  

Bukod sa mga liham na humihingi ng payo, makikita rin natin ang anyo ng liham sa mga akdang pampanitikan. Dalawang halimbawa nito ang Mga Liham ni Pinay, 1990 ni Elynia S. Mabanglo at ang Recuerdo: A Novel, 1996, ni Cristina Pantoja-Hidalgo.

Ang una ay kalipunan ng mga tula na nasusulat sa perspektiba ng mga babaeng nasa ibang bansa: kasambahay o tagapag-alaga ng bata; nag-asawa ng dayuhan; at “sex workers.” Sa pagsusuri ni Neferti Tadiar sa mga tula, sinabi niya na dalawa ang nagsasalita — ang makata at ang babae sa ibang bayan. Higit pa rito, dahil napakaraming karanasan ang nasa libro, maituturing na “kolektibong puwersa” ang kababaihan. Binigyang-diin ni Tadiar sa kanyang pagsusuri ang kahalagahan ng pagliham (nakasalin): “Ang mga liham ang paraan ni Pinay upang makayanan ang hirap at pagdurusang ipinadanas sa kanya — pamamaraan ito ng pag-abot sa minamahal, ng pagpapahayag ng hindi maipahayag sa iba pang paraan, at dahil dito, nagsisilbing pagpapatotoo sa kanyang karanasan.”

Ang nobela naman ni Hidalgo ay pagsusulatan ng mag-inang Amanda at Risa. Inilahad ng nobela ang kasaysayan sa punto de bista ng kababaihan gamit ang  pagsusulat ng mga alaala; pagsasalaysay sa liham, at paggamit ng kathang-isip. Sa pagsusuri ni Leonora M. Fajutagana sa nobela, tinukoy niya ang pagdidiin sa epistolaryong nobela bilang “may katangian na nakapagsusulat ng kasaysayan na mula sa kuwento at kung saan marami ang kalahok sa pagsulat (salin).”

Nakatutuwang isipin na nagamit nina Mabanglo at Hidalgo ang anyo ng sulat para maipahayag ang karanasan ng migranteng kababaihan at makapagsalaysay ng kasaysayan. Pero ang lalo pang katuwa-tuwa ay ang pagkakalathala nitong nakaraang mga dekada ng totoong mga liham.

Halimbawa, ang librong Nagmamahal, Flor: Mga Liham mula sa mga OCW, 1995, na inedit ni Justino Dormiendo ay naglaman ng saloobin ng mga nangibang-bansa. Sa isyu ng pangkulturang dyornal na Ulos noong Hunyo 2006, may nalathalang limang sulat ng “kababaihang aktibista at kadre” (“Liham para kay Ka Eden,” “Liham para kay Kasamang Esteban,” “Liham sa Isang Ama,” “Liham para sa Isang Ina,” at “Liham para sa mga Anak).” Kamakailan lamang ay lumabas bilang poster ang liham ng bilanggong pulitikal na si Renalyn Tejero at kumalat naman sa internet ang liham ni dating Senador Leila de Lima para sa babaeng detenido na namatayan ng sanggol.

Sa unang bahagi ng liham ni de Lima para kay Reina Nasino, na nasulat noong ika-20 ng Oktubre 2020, sinabi niya: “Dear Reina, Ako si Leila de Lima, Senador, ina, anak. Paano nga ba sinisimulan ang isang liham para sa isang 23 anyos na kapwa bilanggong pulitikal na nawalan ng pinakamamahal na supling?…”  

Halimbawa ang totoong liham na ito ng sulat na naging pampubiko mula sa pagiging pribado — katulad ng mga liham na nakalathala sa librong ito — at dahil dito, ay nag-aanyaya rin ng pakikilahok ng bumabasa. Bukod rito, halimbawa rin ito kung paanong sa pamamagitan ng liham, posibleng magkaroon ng bagong kaibigan, makapagkuwento at makapagbukas ng damdamin, at makaramdam ang tumatanggap ng sulat ng pagdamay.  

Tiyak namin, siyempre, na kayong mambabasa ay marami pang maiisip na halimbawa ng mga liham sa pagitan ng kababaihan. Hindi na iyong pekeng pagsusulatan na sinulat ng lalaki, o iyong parang hindi pantay na relasyon sa pagitan ng humihingi at nagbibigay ng payo, kundi iyong makatotohanang mga liham na nagpapatampok sa relasyon ng babae sa kapwa babae. At sa bantas o punctuation marks (,? ! …), na nagpapahiwatig ng paghimpil, pagtatanong, at pagbibigay-diin, higit nating mapag-iisipan ang komplikadong pagdudugtong-dugtong ng ating buhay-buhay.  

Sumasainyo,

Joi Barrios

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.