Kabuluhan ng Rebolusyong Ruso sa Ating Pakikibaka

ni Sarah Raymundo
Pakikiisa sa Paglulunsad ng Pulang Pag-ibig ni Alexandra Kollontai, salin ni Faye Cura, Gantala Press 2024
25 October 2024

Noong Nobyembre 6 at 7, 1917, (Oktubre 24 at 25 sa Julian calendar) naging posible ang tila imposible sa napakahabang panahon: ang pagkakamit ng mga manggagawa at magsasaka ng karapatang lumikha ng isang estadong sosyalista. Inokupa nila ang mga pabrika at pribadong ari-arian ng mga naghaharing-uri.

Isangdaan at pitong taon na ang nakalipas, may dalawang umiiral na ideya sa yanig na dulot ng rebolusyong Ruso. Magkatunggaling ideya ang tinutukoy ko. Ang una’y may pagtutuon sa materyal na kasaysayan ng rebolusyong ito—ang mga nakamit at kinahinatnan nito para sa uring proletaryado. Ang ikalawa ay may pagtuturing din sa mga nakamit ng Russian Revolution na may magkahalong pagmamaliit at sandamakmak na pagbabaluktot na dudulo sa aral ng burgesya para uring proletaryado: “Hindi na kayo makauulit, bigong-bigo kayo!”

Mahirap sumandig sa ikalawa, hindi ba?

Makauring paninindigan at pakikibaka

Una, hindi naman tayo mga burgis o bahagi ng naghaharing-uri na nagtatamasa sa pananamantala at kaapihan ng nakararami.

Samakatuwid, isang mahalagang aral ng rebolusyong Ruso para sa atin ay ang malinaw na pagsasapraktika nito ng makauring pagsusuri at pagkilos. Kapag sinabing bawal mag-unyon o bawas-bawasan ang oras sa pag-oorganisa ng unyon, hindi ito interes ng ating uri, kundi interes ng management na maka-kapitalista. Bagamat nakasalalay sa mga manggagawa ang patuloy na produksyon sa pabrika o anumang mahalagang trabaho sa mga opisina, tila mas mabigat pa rin ang sulsol ng management o mga boss na bawas-bawasan o kung di man tigilan ang pag-oorganisa ng unyon.

Mabigat hindi pa dahil takot ang nakararaming manggagawa. May basehan ang takot. Sa isang mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunan tulad ng Pilipinas, napakaraming reserba na paggawa sa hanay ng mga mala-proletaryado na kalakhan ay walang trabaho o kaya nasa impormal na sektor. Sila ang posibleng ipalit sa “matitigas ang ulo sa pabrika.” Sa kanayunan, maging ang mga magsasakang walang lupa at nakapaloob sa sistemang sahuran ay dumaranas din ng ganitong hadlang sa pag-oorganisa sa sarili. Mas malala pa nga dahil kadalasan, masaker at EJK agad ang ipinapataw sa kanila.

Sa madaling salita, ito ang nagtutunggaliang praktika sa ating panahon: ang pag-oorganisa ng uring proletaryo para sa makauring kapangyarihan, at ang pagpipigil sa pag-oorganisang ito sa pamamagitan ng panggigipit, paniniil, pananakot, pagpatay, pagdukot at pangmamasaker ng burgesya at ng estadong kontrolado nito. Malinaw ang pagkakaiba ng dalawa. Ang una ay para sa nakabubuhay na mga kondisyon ng paggawa na may dulot na alwan, dignidad at ligaya sa buhay. Ang ikalawa ay para pigilan ang mga ganitong pananaig at pagpupunyagi sa pinakamarahas na mga pamamaraan.

Tugon dito ng Rebolusyong Ruso mahigit isangdaan taon na ang nakalipas: Hindi na ito maaaring magpatuloy. Dudurugin namin ang burgis na estado-poder at aagawin namin ito; at patatakbuhin na naaayon sa interes at kapangyarihan ng proletaryo—ang nakararami.

Weakest Link at ang Pambansang Paglaya

Ang ikalawang mahalagang aral ng Rebolusyong Ruso ay ang pagsasagawa ng isang matagumpay na rebolusyon sa isang bansang nasa laylayan ng kapitalismo at imperyalismo. Iginiit ni Lenin—lider ng Rebolusyong Ruso—na ang mga rebolusyon sa epoko ng imperyalismo ay maisasakatuparan sa mga bansang may pinakamahinang kawing dito, o ang bansang weakest link ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at imperyalismo.

Dito maidudugtong ang isa pang obserbasyong ginawa niya hinggil sa aristokrasya ng paggawa o labor aristocracy sa Kanluran. Bagamat may mga batayang kaisahan ang uring manggagawa sa buong daigdig, lumikha rin ng di-pantay na mga kondisyon sa paggawa ang imperyalismo. Sa isang imperyalistang sistema, mas matindi ang kaapihan ng mga manggagawa at magsasaka sa mga bansang saklot ng imperyalismo. Ang matinding kaapihang ito ay may dalang relatibong pakinabang naman sa mga manggagawa sa mga bansa sa Kanluran sanhi ng imperyalistang pandarambong ng kanilang mga estado. Mula sa malayong agwat ng sahod hanggang sa presyo ng mga bilihin, matutunghayan ang ganitong realidad.

Ang sinasabi ni Lenin ay may pagheheleng dulot ang realidad ng labor aristocracy sa mga bansa sa Kanluran sa pagkilos ng mga manggagawa roon at may epekto ito sa antas ng militansya at kompromiso na handa nilang suungin. Samantalang ang mga aping uri sa mga bansang pinakamahinang kawing ng kapitalismo o weakest link ay may makitid na pagpipilian: pagtatagumpay sa pakikibaka o kamatayan—mula sa gutom, kawalan ng akses sa serbisyong pangkalusugan, walang bahay, o mula sa pasismo ng estado, at iba pang makauring paniningil sa mga lumilikha ng yaman ng daigdig. Ang sambayanang walang napapala at walang kinabukasan sa ilalim ng kapitalismo at imperyalismo ay ang mauunang kakalas mula rito.

Sa pagtatagumpay ng mga Bolshevik, naipakita ng Rebolusyong Ruso na mahalaga ang national question o ang usapin ng bansa sa pagtatagumpay ng mga uring manggagawa at magsasaka. Kung gayon ay mahalagang nakaangkla ang mga organisasyon at unyong manggagawa at magsasaka sa isang bisyong lampas pa sa sektor nila. Pakikibakang nakabatay sa interes ng mga uring ito na may pambansa at demokratikong tanaw patungong sosyalismo.

Tayo sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ay patuloy na nagpupunyagi sa pakikibaka para sa pambansang paglaya sa pamamagitan ng kilusang nakabatay sa alyansa ng manggagawa at magsasaka at ng mga demokratikong interes nito, kasama pa ng mga ibang sektor na may patriotiko at demokratikong tindig sa usaping pambansa o national question. Ang tindig na ito ay anti-imperialista at anti-pasista.

Hindi nagpagupo ang Unyong Sobyet sa mga imperyalistang sabotahe rito simula’t sapul ng pagtitindig nito ng estadong proletaryo. Sa yugto ng pasismo sa Alemanya, mga hukbong sobyet ang nanguna at nagsakripisyo ng libo-libong buhay para talunin ang pasismo ni Hitler.

Sa Vietnam, sa pamumuno ng sosyalistang si Ho Chi Minh, hindi umubra ang mararahas na taktikang pandigma na ginamit ng imperyalistang US sa Pilipinas sa pamamagitan ng Central Intelligence Agency (CIA). Ito ang tambalang Ramon Magsaysay at Edward Lansdale na naghasik ng matinding parusa sa mga anti-imperyalistang Huk. Ano ang pinagkaiba? Bakit umubra sa Pilipinas at hindi sa Vietnam? Dahil konsolidado at may malawak at malalim na sandigan ang Partido Komunista doon są panahong iyon kaya nagawa nilang talunin ang mabagsik na gerang dala imperyalistang Estados Unidos. Kung gayon, ipinakita ng mga sosyalistang bansa ang halaga ng pambansang paglaya na nakabatay sa organisasyon ng proletaryado, ang Partido Komunista.

Organisasyon ng Proletaryada

Ang ikatlong aral ay kaugnay ng ikalawa sa usapin ng organisasyon. May hinahanap na tipo ng biktima ang mga burgis—mula sa burgis na media, mga institusyon at unyon sa kanluran. Susuporta sila sa ating paglaya kung tayo ang mga perpektong biktima. The “perfect victim,” ‘ika nga ng kritika mula sa mga feminista.

Ayon dito, babaeng “perfect victim” ang hinahanap-hanap ng batas, ng husgado, ng barangay, ng mga kumite gender grievance, hanggang sa mga usapan sa opisina, eskwela, pagawaan, sa kanto, sa mga sari-sari store. Kapag may abusong sekswal o anumang karahasang ginawa sa isang babae, ang tanong agad ay, Ano ba ang suot niya? Paano ba siya magsalita? Baka naman palaban pa? Baka naman babaeng pasaway? Baka naman “liberated”? Baka naman “nagger”? Baka naman “gold digger”? Baka naman talagang “pokpok”? Baka naman kasi “puta.” Ibig sabihin, may kundisyon sa paglapat ng mga karapatang pantao para sa kababaihang inaabuso.

Hindi ito ekslusibo sa usaping kababaihan, hindi ba? Ganito rin sa usaping kilusan.

“Makikisimpatya, susuporta at kakampi kami sa inyong pagkilos kung kayo ay perfect victim.” ‘Yung aping-api at walang kalaban-laban. ‘Yung hindi organisado. ‘Yung walang unyon. ‘Yung walang demokratikong prente. ‘Yung walang partido. ‘Yung walang hukbo. ‘Yung walang kagyat at pangmatagalang plano para sa pagkamit ng tagumpay.

Kabaligtaran ang “perfect victim” ng lahat ng pagtataya at isinbuhay ng mga rebolusyanarong katulad ni Alexandra Kollontai.

Sa Pulang Pag-ibig, matutunghayan ang mas malawak na mga aspeto ng pagrerebolusyon—ang pakikipagrelasyon sa kapwa tao sa iba’t ibang mukha nito ngunit may pagdidiin sa mga kiwal at piglas mula sa luma nang mga usaping sekswal at kasarian habang nagrerebolusyon.

Para kay Kollontai, hindi pansamantalang pagpasok sa personal na buhay ang punto ng nobela, kundi ang pagbasag sa mga nakagawiang pananaw sa buhay. Likas sa pagbabago ng lipunan ang pagbabago ng mga pananaw at aspirasyon. Ngunit ginawang hiwalay ng kapitalistang lipunan ang personal at pampubliko. Dahil hindi natin maaaring masapul ang kaugnayan ng ating danas na hirap sa labas ng pagawaan, kasama na rito ang mga ugnayan natin sa kapwa tao, sa pagawaan o lugar ng trabaho mismo. Kailangan, hiwalay. Kailangan, manggagawa at magsasaka o empleyado tayo para sa mga kapitalismo at kapitalista at imperyalista. Hindi natin maaring masuri, malaman, masapul at pag-igihan pa ang ating pagsusuri sa ating mga danas kaugnay ng ating paglahok sa produksyon. Sa Pulang Pag-ibig, lumilikha ang babae at ang uring proletaryo ng lipunan sa pamamagitan ng rebolusyon, na para bang walang uubrang sagka o limitasyon sa usapin ng paglaya. Ito rin naman ang tungkulin at pangako ng pakikibaka.

Mabuhay ang Rebolusyong Ruso!
Mabuhay si Alexandra Kollontai!
Mabuhay ka, Faye Cura, malayo ang mararating ng pagsasalin na ito, titiyakin nating lahat na narito iyon.
Mabuhay ang Gantala Press!
Mabuhay ang sambayanang nakikibaka!


Comments

Leave a Reply

Discover more from Gantala Press

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading