Rebolusyonaryong Pag-ibig

ng Tambisan sa Sining
Binasa sa paglulunsad ng Pulang Pag-ibig ni Alexandra Kollontai, salin ni Faye Cura, Gantala Press 2024
October 25, 2024

Mula sa Tambisan sa Sining, maalab na pagbati sa Gantala Press, kay Faye Cura, at sa lahat ng nagsumikap para sa pagsasalin ng Pulang Pag-ibig ni Alexandra Kollontai. Bukod pa sa selebrasyon ng sining, wika at panitikan, nandirito tayo upang kilalanin ang rebolusyonaryong pag-ibig bilang isang mapagbuklod na aspekto ng ating pakikibaka.

Rebolusyonaryo ang pag-ibig sa makauring ugat nito at sa paglalandas nito sa panlipunang pagbabago. Bunga ito ng pinagbuklod na adhikain at interes ng masang inaapi at lahat ng nakasandig sa pagwawakas ng pang-aapi. Ang rebolusyonaryong pag-ibig ay ang pinakadakilang pag-ibig na iaalay natin dahil langkap ang kahandaang tuldukan ang lahat ng anyo ng pang-aapi at pananamantala; nakikibaka sa gitna ng krisis pampulitika’t ekonomiya; nakikibaka para sa masang api. Ito ay pag-ibig at pag-iibigang nakasandig sa pinagsamang lakas ng manggagawa at magsasaka, at linalayon ang pagpawi ng uri.

Buhat ng ating pagsinta ang ating tungkulin sa pagpapanibagong-hubog upang paghusayan ang paggampan sa mga pampulitikang gawain. Bilang kababaihan sa kilusang mapagpalaya, naniniwala tayo na ang pakikipagrelasyon at pagpapakasal ay nakasalalay sa mga materyal na kondisyon, na gaya ng maraming bagay ay may sariling kontradiksyon na namumukod-tangi sa bawat tao at panahon.

Ang pag-ibig ay panata sa masa sa ating walang humpay na pagkilala sa ating mga sinisinta. Nanunumpa tayo na sa panahon ng ligalig, ang ating mga minamahal ang siyang ating pinakamababaw na kasiyahan at kasangga sa pinakamabigat na kahirapan at pasakit, na kahit ipaglayo man ng ating mga tungkulin, mananatili tayong tapat sa ating sinumpaan sa ngalan ng masang pinaglilingkuran. Dahil kahit dalhin man tayo sa kabundukan, sa sakahan, sa mga pagawaan, o sa lansangan, ang ating pag-ibig ang makapagpapatibay ng ating prinsipyo para sa ating tinatanaw na tagumpay tungo sa proletaryadong lipunan ng sosyalismo hanggang sa komunismo na babasag sa anumang porma ng pang-aapi.

Kaya ngayon pa lang, ating tungkulin na palayain ang isa’t isa bunsod ng malalim at mapagbuklod na pagsinta, maging patas at respetuhin ang karapatan ng bawat kasarian lagpas pa sa isang lipunang walang uri. Tungkulin nating pataasin ang pamantayan ng pag-ibig sa pagtataguyod ng proletaryadong kultura na makabayan, siyentipiko, at maka-masa. Gawing halimbawa ang Bagong Hukbong Bayan na kumikilala sa mga karapatan sa diborsyo at pag-iisang dibdib ng iba’t ibang kasarian. Itakwil din natin ang lahat ng porma ng pang-aabuso. Sikapin natin na waksiin ang mga reaksyonaryong tendensiya at ibigay ang buong katapatan sa ating mga relasyon at organisasyon. Sa katapatan ding ito nakasandig ang akda ni Kollontai, isang dakilang rebolusyonaryo at isang bukod-tanging Komunista.

Sa huli, maraming salamat po sa pagpapaunlak ng isang mahusay na forum patungkol sa pag-ibig ng kababaihan, bilang mga rebolusyonaryo, aktibista, at lumalaban. Sinabi nga ni Kollontai, “Love is profoundly a social emotion. Love is not in the least a ‘private’ matter between two loving persons: love possesses a uniting element which is valuable to the collective.”

Gawin nating bahagi ng saligan sa pagpapahusay ang akda ni Kollontai! Muli, maraming salamat at maalab na pagbati po sa Gantala Press sa matagumpay na paglimbag ng salin ng Pulang Pag-ibig ni Alexandra Kollontai!


Comments

Leave a Reply

Discover more from Gantala Press

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading