Panawagan para sa mga Akda: DANAS NG PAGGAWA

Matatagpuan ang kababaihang manggagawa sa iba’t ibang saray ng lipunan. Sa kabila ng ambag sa ekonomiya, hinahambalos ang kababaihang manggagawa ng matinding kahirapan, kagutuman, pang-aabuso, pagsasamantala at karahasan. Masasalamin ang masaklap na kalagayan ng kababaihang manggagawa sa sala-salabid na pasanin nila tulad ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin, tubig, at kuryente; kawalan ng libre at de-kalidad na serbisyong publiko tulad ng edukasyon at kalusugan; hanggang sa delikadong mga trabaho at hindi sapat na arawang kita para mabuhay nang maalwan ang isang pamilyang Pilipino. Bukod dito, tumitindi rin ang atake sa mga unyon at patuloy ang panggigipit sa kanila na magsagawa ng mga pagkilos.

Sa kanayunan naman, napipilitan ang kababaihang magsasaka na maging kasama o manggagawang bukid na tumatanggap ng napakababang pasahod at nagtitiis sa masahol na kondisyon ng paggawa. Samantala, hindi kinikilala ang gawaing-bahay at ambag ng kababaihan sa produksiyon kung kaya marami sa kanila ay nabibilang sa unpaid family labor.

Iniimbitahan ng Gantala Press ang kababaihang gumagawa – manggagawa, magsasaka, empleyada, propesyunal, kabataang estudyante, taong simbahan, migrante, kababaihan sa impormal na sektor, organisador, unyonista at sinumang kalahok sa paggawa, maging ang mga grupo ng kababaihan, kapwa cisgender at transgender, na magsumite ng kanilang akda, awit, sining biswal, at likhang eksperimental na tumatalakay sa danas ng trabaho at paggawa. Ang proyektong ito ay pangalawang tomo ng antolohiyang Danas: mga pag-aakda ng babae ngayon at bahagi ng pagdiriwang sa ika-10 anibersaryo ng Gantala Press sa 2025. 

Magsumite ng 1-2 na bago at di-pa-nalalathalang piyesa sa Filipino, Ingles, at iba pang wika (may salin sa Filipino o Ingles) alinsunod dito: 

– Tula at awit 

– Maikling kuwento at sanaysay: 1-5 pahina 

– Manipesto at pahayag: 1-2 pahina 

– Panayam: 2-5 pahina 

– Iba pang porma (eksperimental, hybrid, o kolaborasyon): 1-5 pahina 

– Komiks: 1-5 pahina

– Guhit, digital art, at litrato

Sa mga akda maliban sa tula, kinakailangang nasa 8.5 x 11 na dokumento, double spaced at may page number. Maliban sa mga eksperimental na piyesa, ang font size ay 12 at nasa Calibri, Arial, o Tahoma lamang. I-save sa .docx o .doc na file. Hindi kami tatanggap ng PDF upang mapadali ang proseso ng pag-edit at pag-oorganisa ng akda.

Sa mga awit, lagyan ng chords ng instrumento.

Sa mga sining biswal, litraro, at komiks, mangyaring i-render ito sa black-and-white, lagyan ng caption, isumite sa pormang .jpg o .png, at tiyaking mataas ang resolusyon. 

I-save sa pormat na ito: Apilyedo ng Awtor_Titulo ng Akda_Danas. (hal. Cruz_Bonggang Bahay_Danas) at isumite sa danas.gantalapress@gmail.com na may subject na katulad ng file name.

Ang deadine ng pagpasa ng mga kontribusyon ay sa Pebrero 28, 2025. Makatatanggap ng munting honorarium at kopya ng libro ang mga kontribyutor. Gayundin, makatutugon lamang kami sa mga awtor ng mga matatanggap na piyesa. Mananatili sa mga kontribyutor ang copyright ng kanilang mga gawa. 

Hihintayin namin ang inyong mga kontribusyon. Sulong, kababaihang manggagawa!


Comments

Leave a Reply

Discover more from Gantala Press

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading