Panimula sa DANAS: mga pag-aakda ng babae ngayon (2017)
Maikling kasaysayan ng mga antolohiyang maka-babae sa bansa
Sa panahon ng Batas Militar noong simula ng 1970s hanggang huling mga taon ng 1980s, pinatunayan ng lawak ng People Power at lalim ng kilusang lihim ang lakas ng mamamayang magpasya para sa sarili at bayan. Kasama ng mga manggagawa, magsasaka, mga propesyunal, taong simbahan, at iba pa, umigting din ang pagkilos ng kababaihan sa Pilipinas. Lalong lumakas ang kaisipang makababae at/o feminista sa panahon ng pasismo ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Noong 1984, binuo ang General Assembly Binding Women for Reforms, Integrity, Equality, Leadership and Action (GABRIELA) na nagsilbing payong ng iba’t ibang grupo ng kababaihan sa bansa.

Sa ganitong pampulitikang klima, inilabas noong 1984 at 1985 ng Women in Media Now (WOMEN) ang dalawang edisyon ng Filipina: poetry, drama, fiction na unang mga kalipunan ng akdang babae sa Pilipinas. Noong 1987, inilathala naman ng Pilipina ang Kamalayan: feminist writings in the Philippines habang tumuon din sa mga akdang feminista ang ikalimang isyu ng Ani ng Cultural Center of the Philippines noong 1988. Nasundan agad ito ng Sarilaya: feminism, art, and media ng Institute of Women’s Studies ng St. Scholastica’s College noong 1989. Sa dagsa ng mga feministang akda, nabuo ang Women Involved in Creating Cultural Alternatives (WICCA) sa mga taon matapos ang EDSA 1. Tumuon ang WICCA sa kultural na gawaing maka-babae hinggil sa pagpapaunlad ng wika at panitikan.
Nanguna ang higanteng Anvil Publishing, Inc. sa paglalathala ng mga akda ng kababaihan noong ika-siyam na dekada ng nakaraang dantaon. Nagsimula ito sa Forbidden fruit: women write the erotic noong 1992, na sinundan ng Kung ibig mo: love poetry by women noong 1993. Pawang liberasyon ng sekswalidad ang tinatalakay ng dalawang librong ito, na hindi madalas mababasa sa mga akda ng babae noong nakaraang mga siglo. Inilabas naman ang Ang silid na mahiwaga: kalipunan ng kuwento’t tula ng mga babaeng manunulat at Songs of ourselves: writings by Filipino women in English noong 1994; at noong 1998 inilathala ng Circle Books sa tulong ulit ng Anvil ang “unang librong lesbiyana sa Pilipinas,” ang Tibok. Sa parehong taon din inilimbag ng National Committee on Culture and the Arts ang Fern garden: anthology of women writing in the South upang pagtuunan ng pansin ang mga manunulat na babae sa Mindanao.
Sa pagpasok ng bagong siglo, nagtipon ang malalaking palimbagan sa unibersidad gaya ng University of the Philippines Press ng feministang mga antolohiya tulad ng Women’s bodies, women’s lives: an anthology of Philippine fiction and poetry on women’s health issues (2001) at In the name of the mother: 100 years of Philippine feminist poetry, 1889-1989 (2002), isa sa mahahalagang kalipunan hindi lamang ng feministang tula kundi ng panitikang Filipino sa pangkalahatan. Samantala, naging aktibo rin sa pagpasok ng bagong siglo ang indipendyenteng paglilimbag. Noong 2000, inilunsad sa San Francisco, California ang Babaylan: an anthology of Filipina and Filipina-American writers mula sa Aunt Lute Press habang inilabas noong 2013 ng Balangay Productions ang Lita: anthology of poems on women. Sinundan ito ng Work is work, isang zine ng mga migranteng Filipina at Indones sa Hong Kong na inilathala ng Mission for Migrant Workers (MFMW) at HERFund (Her Empowering Resources) noong 2015. Pinakabagong antolohiyang lumabas noong 2016 ang Daloy: a collection of writings by migrant women mula sa Youth and Beauty Brigade sa tulong ng organisasyong migrante na Batis AWARE (Association of Women in Action for Rights and Empowerment).
Bukod sa mga paksang relihiyoso at pastoral; sa liberasyong sekswal; sa pagiging ina, asawa, at anak, at pagkalas sa mga tradisyunal na gampanin; sa pagiging biktima ng opresyon at paglansag sa patriyarkal na kaayusan; hanggang sa pagpapanday ng gampanin ng kababaihan sa bayan at rebolusyon, uminit din sa pagsisimula ng 2000 ang usaping migrante at pagiging babaeng manggagawa sa labas ng bansa. Dahil sa tulak ng globalisasyon, nagkaroon ng mga pagkakataon ang kababaihang mag-organisa at maglathala ng mga internasyunalistang akdang sumasalamin sa isyu ng mga babae sa buong mundo.
~ ~ ~
Hindi lamang sa mga antolohiya matatagpuan ang sulatin ng mga babae sa Pilipinas. Babae – si Luisa Gonzaga de Leon ng Bacolor – ang unang Kapampangan na nakapaglimbag ng sariling libro (isang aklat ng mga dasal noong 1844). Sumikat sa mga Exposición sa Europa ang mga tula ni Leona Florentino; nasa Pambansang Aklatan ang ilan sa maraming nobela ni Magdalena Jalandoni; laging nasa antolohiya ng “Philippine Literature in English” ang “Dead Stars” ni Paz Marquez-Benitez. Nagsulat o nagsusulat din ang mga babae para sa Liwayway, Bannawag, Hiligaynon, at iba pang popular na babasahin, at ang nobelang romansa at chic lit ay produkto ng mga industriyang ginagatungan at kinokonsumo ng mga babae. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, napakaraming babae ang nagsulat sa iba’t ibang larangan – sa panitikan, media, at akademya.
Ngunit tila kakaunti ang bagong lipon ng panitikan mula sa kababaihan. Tila natigil na ito sa Sarilaysay: tinig ng 20 babae sa sariling danas bilang manunulat, na Anvil din ang naglimbag noong 2000, at ilan pang indipendiyenteng zines at e-books na nabanggit na sa itaas. Kunsabagay, mas marami nang babae ang awtor at editor ng mga libro at ulo pa nga ng mga palimbagan, o sila mismong naglalathala at nagtitinda ng sariling komiks o nobela o lipon ng kuwento o tula, sa milenyong ito (kalakarang hindi naman bago sa kasaysayan: sa Pampanga, naging gawain ng poeta laureada na si Rosario Tuazon-Baluyut ang maglimbag ng sariling mga romansang inilalako niya sa mga fiesta sa karatig-bayan noong gitnang bahagi ng 1900s).
Pulitika ng kalipunang pampanitikan: ang Danas bilang antolohiya
Nakapaglimbag nga ang ating mga ina, tiya, at lola ng mga aklat, at ng mga aklat na maka-babae. Pagkatapos, ay ano? Sabi nga ni Mary Eagleton, ang pagdami ng mga palimbagang feminista sa kanluraning bansa ay mahalaga ngunit ito ay
only partially adequate as a political strategy since representation cannot in itself solve the structural problems of racism, ethnocentricism and heterosexism; a widening of representation does not have any necessary political effects.
Dito na pumapasok ang aspektong pulitikal na dala ng panulat ng kababaihan na natugunan sa ikalawang hati ng 1900s simula nang mabuo ang mga kilusang sumusuporta sa pagpapalaya ng kababaihan, kaalinsabay ng pagpapalaya ng bayan. Mula sa pampulitikang radikalismo noong 1960s na nagbunga rin ng Sigwa sa Unang Kuwarto noong 1970s, itinatag ang Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) bilang organisasyong sumusuporta sa armadong pakikibaka laban sa kolonyal at patriyarkal na lipunan at pyudal na relasyon ng babae, lalaki, at iba pang kasarian. Dito sumikhay ang ugnayan ng gawaing pampanitikan at gawaing pampulitika sa mga akda nina Lorena Barros, Joi Barrios, Lilia Quindoza-Santiago, at iba pa. Hindi maiwasang pasanin din ng antolohiyang katulad ng Danas ang ganitong tunguhin ng feministang pag-aakda, kung kaya ang ilang mga akdang nakapaloob sa antolohiyang ito ay sinulat ng mga babaeng gerilya, bilanggong pulitikal, at aktibista.
Sa pagtalakay sa all-women art shows sa UK at US, natumbok ni Hannah Rubin ang madalas na isyu sa pagtitipon ng mga likhang-sining na pawang gawa ng kababaihan:
Is it progressive and liberating to create these spaces of opportunity for a historically oppressed group … or does it ghettoize them, and end up doing exactly the opposite of its intention: confining an artistic work to the particulars of the body that created it?
Itong pag-iwas na ma-“ghettoize” ang madalas na dahilan ng mga manunulat at artistang babae sa pagtangging mapabilang ang kanilang gawa sa mga antolohiya o eksibit ng mga likhang babae lamang, o kaya ay tawaging “babaeng makata” sa halip na simpleng “makata.” Kitang-kita ang malapit na ugnayan ng salitang ghettoize sa usaping pangkababaihan sa pagpapakahulugang ito ng Cambridge Dictionary:
ghettoize. To treat a particular group in society as if they are different from the other parts of society and as if their activities and interests are not important to other people: Feminist writers, she claimed, had been ghettoized, their books placed on separate shelves in the shops.
Kung tutuusin, ganito pa rin naman kung ituring ang kababaihan gaya ng ipinakikita ng nararanasan ng mga babae na seksismo sa araw-araw. Ang paniniwalang “iba” ang babae, o hindi kawangki ng lalaki, ay nakaangkla sa mga pamantayang batay sa mga katangian ng lalaki, pamantayang nanaig matapos ang mahabang kasaysayan ng kolonyalismong Espanyol at imperyalismong US. Itinuturing na iba ang babae sapagkat inaakalang mas mahina ang katawan niya kaysa lalaki sa mga industriyal na paggawa na siyang bumuhay o bumubuhay sa bansa sa neoliberalistang ekonomiya. Gayundin, ang pagiging iba ng babae ay sinasalungguhitan ng paglalagay sa kanya ng institusyong Katoliko sa pedestal bilang inang mapagkalinga at asawang kimi. Inaakalang iba ang babae sa lalaki sapagkat nariyan siya upang punan ang mga pangangailangan ng lalaki: kaya tinatawanan na lamang ang rape joke ng Pangulo; o inuungkat sa senate hearing ang sekswal na aktibidad ng senadorang inakusahang drug lord; o walang kakurap-kurap na nililinaw ng isang dating “bold star” na nagdadala siya ng “karne,” hindi ng droga, sa Bilibid.
Wala o mabibilang sa isang kamay ang akda ng babae na kasama sa mga antolohiyang pampanitikan na tinipon ng mga manunulat na lalaki mula pa noong 1949. Ibig sabihin, ang pagwawalambahala sa mga akda ng kababaihan sa kasaysayan ng panitikang Filipino ay isa lamang anyo ng ghettoismo, othering, na matagal naman nang umiiral sa ating kultura. Kaya nga minamabuti ng mga manunulat na babae na “ituring siya at ang kanyang akda na pansamantalang nasa labas ng kasaysayan ng kalakaran,” sa mga salita ni Benilda S. Santos. May lakas ang mga taga-labas, ang laylayang kubkubin ang namamayaning kamalian. Dito nabibigyang-puwang ang balintuna ng awtonomiya ng sining sa lipunan, habang mabigat pa rin ang pag-angkla sa karanasan ng babae sa latag ng kasaysayan.
Ang pagtipon ng mga antolohiyang katulad ng Danas ay maaaring ghettoismo rin, ngunit sapagkat binuo ng mismong mga taga-ghetto, ng mismong mga babae, ay maituturing na ring paglikha sa sariling espasyo, at pag-igpaw. Kung mabibigyang-katuturan at maaari ng kababaihan ang pagka-ibang ito, marahil masisimulan na rin naming hilingin na huwag timbangin ang aming akda sang-ayon sa mga pamantayang panlalaki o itinalaga ng lalaki. O kung kailangang timbangin, dapat munang pagkasunduan ng babae at lalaki ang susunding pamantayan.
Samantalang wala pang gayong kalinaw na pamantayan sa ngayon, nais mag-ambag ng Danas sa pagbubuo ng pamantayang ito sa pamamagitan ng pagpili sa mga akdang nakapaloob sa antolohiya.
Una, kailangang likha ng cis o trans na babae ang akda. Isinara ang tawag sa mga manunulat na lalaki sa paniniwalang mas marami silang pagkakataon o espasyong makapaglabas ng akdang maka-babae o feminista, kung gugustuhin lamang nila. Kaugnay nito ang sumasailalim na pamagat ng Danas: “mga pag-aakda ng babae ngayon.” Hindi kami naniniwalang ipinapasya ng kasarian o kabahagi ang pagkakakilanlan ng isang babae. Inaakda ng tao, ng sarili at lipunan, ang pagiging babae. Gayunpaman, nilimitahan sa cis o trans na babae ang mga may-akda sa Danas dahil nga tila mas kaunti ang pagkakataon ng babaeng makapaglimbag lalo na ng mga akdang pumapaksa sa “pagkababae” – tingnan na lamang ang kawalan ng mga palimbagang feministang katulad ng Virago o The Feminist Press o Zubaan Books sa bansa.
Pangalawa, kailangang tungkol sa karanasan ng babae o pagiging babae ang akda. Hindi tinanggap ang mga akdang gayong sinulat ng babae ay pinagbibidahan ng lalaki o nakatuon sa pakikipagsapalaran ng lalaki.
Pangatlo, kailangang feminista o may bahid ng feminismo ang akda. Hindi tinanggap ang mga tulang naghahayag ng ganap na pagpapasailalim sa lalaki, o kuwentong gayong makatotohanan ay tila walang pagkasalba (redemption) para sa tauhang babae, o kaya ay inaakalang sumasang-ayon sa mga nilalabanan ng feminismo, katulad ng sexual objectification.
At huli, bukod sa mga tunggaliang babae at lalaki at pagbasag sa patriyarka, binigyang-pansin din ang tunggalian sa uri. Hindi tinanggap ang mga akdang labis ang burgis o gitnang-uring sensibilidad at sumusuporta sa pang-aalipin ng kapitalismo at komersiyalismo. Habang malay ang mga editor na kulang ang antolohiyang ito sa mga akdang sinulat hindi ng mga guro at estudyante ng panitikan, o mga petiburgis na propesyunal, sinubok namang iturol ang mga pag-aakda sa kaisipang mahalagang palayain ang kababaihang kabilang sa mga uring inaapi ng kapital. Kasama sa Danas ang mga akdang tumatalakay sa rebolusyon at mithiing palayain ang buong bayan (kasama na ang kababaihan) sa iba’t ibang uri ng pagsasamantala.
Nakatanggap kami ng isa o dalawang piyesa mula sa mga lalaki, gayong walang lalaki o babaeng trans ang nagpasa ng akda at walang akda ang tungkol sa karanasang trans. Kung gayon, hindi na namin napaglimiang mabuti ang mga itinakdang pamantayan para sa mga tagapag-ambag: maaari bang tanggapin sa Danas ang akda ng isang lalaking trans? (Ang mabilis na tugon ay: depende sa akda). Gayundin, masasabing tradisyunal at realistiko ang namamayaning istilo sa mga panulat; wala masyadong “eksperimental” o “fantastiko” na teksto na napasama sa mga pinagpilian.
Iba-iba ngunit pinagbabahaginan (shared) ang danas na inihahayag ng mga akda sa antolohiyang ito. May mga tula, kuwento, komiks, at sanaysay na naglilimi sa katawan at sex; sa pagiging ina at anak; sa mga pakikibaka sa lipunan. Tinatalakay ang lahat ng ito sa panayam sa pangunahing makatang Filipino na si Ruth Elynia S. Mabanglo. May tula at kuwentong lesbiyana at tungkol sa pagkakaibigan ng mga babae, bagay na wala sa mga antolohiya ng ating mga ninuno.
Sa tanong na “Kailangan pa ba ng antolohiya ng mga akda ng babae ngayon?” sapat na sigurong sagot ang daan-daang piyesang natanggap namin mula nang ipakalat ang tawag para sa mga akda. Bukod sa Maynila, Cavite, at Laguna, iba-iba ang pook na pinagmulan ng mga awtor: Cordillera, Bisaya, Mindanao, at Amerika. Kung gayon, may mga akdang nakasulat sa Iloko, Hiligaynon, at Cebuano, bukod sa Filipino at Ingles.
Malay kami na hindi nga matutugunan ng simpleng representasyon ang istruktural na pagsisiil, at na hindi maiiwasang maisantabi ng mas maraming tinig ang mas kakaunti: halimbawa, sa antolohiyang ito, iilan lamang ang mga hindi pa nakapaglalathala noon, gayong namamayagpag ang kabataan at estudyante. Kailangan din namin, nating, tayong mga manunulat at mambabasa, makipagbuno ngayon at kailanman sa binanggit ni Eagleton na kinalaman ng uring panlipunan sa paglaganap ng kamalayang feminista:
At the beginning of the twenty-first century, working class people are, by and large, neither the authors nor the readers of feminist literature and feminist literary criticism or, one could add, feminist thought generally. That truth must have serious implications for the political project of feminism.
Kailangan nating bunuin ito sa konteksto ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga akdang sinusulat at binabasa ng babae mula noon hanggang sa kasalukuyan, at kailangan natin ng materyal para sa pag-aaral na ito. Ayon kay Lilia Quindoza-Santiago,
For in truth, there has been no qualitative change and Philippine society remains patriarchal. This is the beginning and the end, the reason, the ultimate cause why there are feminists and why there is feminism in the Philippines.
Ang Gantala Press ay binuo ng ilang magkakaibigang babae noong Hunyo 2015 upang tugunan ang kawalan ng tagapaglathalang nakatutok sa pagpapayaman ng mga akda ng babae sa bansa. Pinapangarap naming makapaglabas ng marami pang antolohiya, gayundin ng indibidwal na kalipunan ng akda ng mga Filipina, sa darating na mga taon. Ang Danas ay unang supling ng pulitikal na proyektong ito.
MGA SINANGGUNING AKDA
Azcuna, Ma. Asuncion at Fe Mangahas. “Introduction.” Sarilaya: women in arts & media. Sr. Mary John Mananzan, et al (eds.). Manila: Institute of Women’s Studies, St. Scholastica’s College, 1989.
Eagleton, Mary. “Literature.” A concise companion to feminist theory. Mary Eagleton (ed.). United Kingdom: Blackwell Publishing, 2003.
Freisen, Dorothy. “The Women’s Movement in the Philippines.” NWSA Journal, Vol. 1, No. 4. (p.676-688). John Hopkins University Press, 1989.
Quindoza-Santiago, Lilia. “Roots of feminist thought in the Philippines.” More Pinay than we admit: the social construction of the Filipina. Maria Luisa T. Camagay (ed.). Quezon City: Vibal Foundation, 2010.
Reyes, Soledad S. “Introduksiyon.” Ang silid na mahiwaga: kalipunan ng kuwento’t tula ng mga babaeng manunulat. Soledad S. Reyes (ed.). Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 1994.
Rubin, Hannah. “The problem isn’t all-women art shows.” Ni-retrieve October 4, 2016.
Leave a Reply