Panimula ni Faye Cura sa LAOANEN: Kababaihan / Digmaan / Kapayapaan (2017)
Nagsimula ang krisis sa Islamikong Siyudad ng Marawi sa pagkubkob dito ng militar noong Mayo 23, 2017. Sa ulat ng militar, sila ay nakipagsagupaan sa pinuno ng Abu Sayyaf Group, si Isnilon Hapilon, at mga kasapi ng Islamistang pangkat na Daulah Islamiyah o ipinakilala bilang Maute Group. Nagdeklara si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Martial Law sa Marawi noong Mayo 24, 2017. Nagsimula na ring magsilikas ang mga residente ng lungsod patungong Iligan, Cagayan de Oro, at iba pang lugar.

Agad na tumugon sa krisis ang kababaihan sa Maynila at mga karatig-pook sa Mindanao. Sa Facebook, nanawagan ang iba’t ibang indibidwal at grupo para sa tulong pinansiyal at materyal para sa mga nagsilikas: de-lata, instant noodles, bottled water, damit, kumot, malong, banig, kaldero, toothbrush, sabon, shampoo, napkin, pati lipstick. May nanawagan din para sa diaper, baby food, at gatas [1].
Pagdating ng Hunyo, inorganisa ang National Interfaith Humanitarian Mission (NIHM) ng mga grupo at indibidwal mula sa Maynila na naghahangad makatulong sa anumang paraan sa mga evacuation center. Kasama sa misyong ito si Kristine Valerio na bagong kasapi ng Gantala Press. Si Tin ay matagal na nagtrabaho bilang international peace volunteer sa mga conflict zone.
Kasabay ng NIHM ang panawagan ng filmmaker na si Adjani Arumpac para sa tulong at kagamitang ispesipiko sa mga nanay. Kakasampa pa lamang noon sa isang taong gulang ang pangalawa niyang anak. Matalik kong kaibigan si Jaja; magkasama kaming nag-aral ng Malikhaing Pagsulat sa Philippine High School for the Arts sa Bundok Makiling. Taga-General Santos siya (taga-Baguio ako). Maid of Honor ako sa kasal niya sa Sagada. Kay Jaja ko unang narinig ang Lake Lanao, gayundin ang Marawi, Cotabato, at Maguindanao bilang bahagi ng mga salaysay: tungkol sa lolo at lola niya na migrante mula Ilocos; sa mga pinsan niyang prinsesa; sa mga magulang niyang Muslim at Kristiyano. Kay Jaja ko nga yata unang namalayan ang Mindanao bilang isang totoong lugar.
Ibig sabihin, nakikisangkot na ang mga kaibigan sa isyu sa Marawi. At nagsisimula na rin ang Gantala Press, na nabuo noong 2015, na makisangkot sa mga isyung pampanitikan na panlipunan din.
Kakalunsad lamang namin noong Marso ng una naming antolohiya, ang Danas: mga pag-aakda ng babae ngayon, kung saan nag-ambag ng dalawang sanaysay tungkol sa magkaibang aspekto ng maringal na kasalang Meranaw ang manunulat at tagasalin na si Almayrah Tiburon. Sa kasagsagan ng digma sa Marawi, dinaos namin katuwang ng Youth and Beauty Brigade ang Better Living Through Xeroxography (BLTX) Women and Queer small press expo and forum sa isang bagong-bukas na kainan sa Maginhawa Street. Sa madaling salita, tinatawag na kami ng mga pangyayari na makilahok.
Napag-usapan sa forum sa BLTX na ang mga sektor sa laylayan, katulad ng kababaihan (kabilang na ang kababaihang manunulat), ang mismong dapat maggiit sa mga institusyon na ipagtanggol ang katarungan at pakinggan ang mga walang tinig. Magagawa natin ito kung aangkinin natin at patitibayin ang sariling mga espasyo bilang lunan ng mga pagkilos. Bilang indibidwal, madaling mag-ambag ng tulong pinansiyal sa mga kababayang nasalanta. Ngunit isa na kaming grupo na may mga kaibigan ding mga grupo at iba pang indibidwal na may kani-kanya ring grupo. Kung gayon: may magagawa pa tayo.
Kaya, linunsad ng Gantala Press ang Laoanen: Women Stand for Marawi Information & Fundraising Drive noong Hulyo 1, 2017 sa Uno Morato, Quezon City. Bukod sa lumikom ng pondo para sa mga “bakwit,” lalo na para sa mga bakwit na babae, nag-organisa rin kami ng talakayan tungkol sa kababaihan at digmaan sa konteksto ng krisis sa Marawi. Kailangan ding unawain ng mga nasa labas ng sityo ng sagupaan ang nangyayaring sagupaan, upang mabantayan ito at hindi na maulit saanman. Pinalabas namin ang dokumentaryo ni Jaja na War is a Tender Thing (2013) na tungkol sa matagal nang suliranin sa Mindanao – hindi ang salungatan ng pananampalataya, kundi ang labanan para sa lupa. Sinundan ito ng forum ukol sa legalidad ng pagdedeklara ng Martial Law; epekto ng digmaan sa kababaihan; at mga posibilidad sa muling pagbangon ng Marawi. Lumahok si Mye Tiburon na nasa Pampanga noon sa talakayan sa pamamagitan ng Viber call. Sinalaysay niya kung paano siya tumakbo sa gitna ng kaguluhan, dala ang unang anak sa kanyang sinapupunan.
Nakalikom kami ng Php 12,000 mula sa screening, forum, at sa pinagbentahan ng mga libro, lumang damit, at accessories sa mini-fair. Binigay namin ito sa Modern Nanays of Mindanao (MNM), na tumulong magpakain ng tama sa mga ina at anak na bakwit; at sa Rural Missionaries of the Philippines-Northern Mindanao Region (RMP-NMR), na tumiyak na naaabutan din ng tulong ang mga kababayang hindi makalikas mula sa kanilang tahanan.
Positibo ang tugon sa Laoanen, at nabuo kasunod nito ang Babai Women’s Network na kinabibilangan ng mga organisasyon at indibidwal na tumututol sa sistematikong pagsasalaula sa kababaihan, katulad ng ispesipikong nararanasan sa Marawi. Nagkaisang magtutulungan ang mga organisasyong ito sa kani-kanilang proyekto para sa Marawi hanggang sa katapusan ng taon [2].
Ang aklat na ito ay pagpapatuloy sa mga pagpupunyagi sa Laoanen. Nais nitong aklat na itala ang mga kaisipan, saloobin, at karanasan ng kababaihan kaugnay ng Mindanao at ng digmaan, sa pangkalahatan. Tinatangka nitong tugunan ang malaon nang pagbubura ng linalathala at tinuturong panitikan sa tinig ng kababaihan, lalo na ng kababaihan sa labas ng Maynila. Kasama sa munting aklat na ito ang personal na sanaysay ng manunulat sa Ingles na si Diandra Macarambon; personal na salaysay ni Mye ng karanasan niya sa pagkubkob sa Marawi; mga pulitikal na pagsusuri ng iskolar na si Teresa Jopson at development consultant na si Ica Fernandez sa ekstremismo at Martial Law; kuwento ng manunulat sa Filipino na si Bebang Siy sa isang di malilimutang biyahe sa Marawi noong 2012; artist’s statement ni Jaja tungkol sa paggawa ng pelikula sa panahon ng malaong ligalig; mga sosyolohikal na tala ni Tin tungkol sa kababaihan at gyera; luma ngunit napapanahon pa ring talumpati ni Samira Gutoc sa kabataang Muslim; mga larawan ng pakikiisa mula kay Maki Bajit; at pahayag ng Gantala Press laban sa digma ng pamahalaan sa kababaihan at sambayanan.
Tuloy-tuloy ang mga pagkilos. Pagkatapos ng Laoanen sa Uno Morato, dinaos namin ang ikalawang Laoanen sa Fully Booked, Bonifacio Global City noong Agosto 12, 2017. Dinagdag namin sa programa ang isang maikling pelikula ng interbyu kay Samira, na nangunguna sa panawagan para sa pagwawakas ng Martial Law at pagpapabuti sa kalagayan ng mga bakwit. Daan-daan na ang kababaihang nasisiraan ng bait at namamatay dahil sa pisikal, emosyonal, at spiritwal na pagkagitla sa nagbagong kapaligiran. Dinagdag din namin ang isang panayam ukol sa halaga ng mga serbisyong psychosocial. Gayong pinahaba pa ng Pangulo ang Martial Law hanggang Disyembre 2017, nauunawaan namin na marapat nang pagtuunan, masakit man, ang paghilom.
Sa ikalawang Laoanen, nakalikom kami ng Php 80,000 mula sa pinagbentahan ng tiket at iba pang donasyon ng mga indibidwal at maliliit na kumpanya sa loob at labas ng bansa. Muli, binahagi ang pondo sa MNM, RMP-NMR, Ranao Rescue Team, at The Moropreneur, Inc. para sa mga programa sa pagpapakain at pagbibigay ng mga serbisyong psychosocial, kabilang na ang paghahawan ng espasyo sa mga evacuation center para sa pananampalataya kasama ang imam.
Pero sino si Laoanen?
Natiyempuhan ko ang pangalang ito mula sa palakdaw-lakdaw na pagbabasa sa A Maranao Dictionary (1967) nina Batua A. Macaraya at Howard P. McKaughan habang naghahanap ng pamagat sa proyekto. Ang tanging pagpapakahulugan sa Laoanen ay “sister of Bantogen.” Kahit na hindi ko pa nababasa ang epiko ng mga Meranaw na Darangen, kilala ko si Bantogen (Bantugan) bilang bayani dahil tampok ang kuwento niya sa English textbook noong high school. Hindi ko kilala si Laoanen. Noon ko pa lamang naengkuwentro ang ngalan niya.
Pero nagustuhan ko ang tunog na “lawa” sa Laoanen, dahil naaalala ko ang Lawa ng Lanao, na una ko ngang narinig na sinambit ng matalik kong kaibigan na taga-Mindanao. Lawang ngayon ay sityo ng madugong digma, at pinaglulubugan ng mga nadurog na piraso ng isang matandang syudad.
Tumimo rin sa akin na kapatid siya na babae ng isang kilalang lalaking mandirigma. Katulad ng maraming kuwento ng kababaihan, hindi ang kuwento niya ang kinukuwento sa mga textbook ng Philippine Literature na pinababasa sa kabataang Filipino/a.
Sa pagbabasa-basa tungkol kay Laoanen (Lawanen) kalaunan, nalaman ko na isa siyang prinsesa. Ito ang pagpapakilala ng isang aklat sa kanya:
Princess Lawanen is Arkat a Lawanen, the sister of Pasandalan a Morog and Paramata Bantogen. Her name means “peerless, perfect.” She is the princess of Bembaran who is given many titles, one of which being Inalang Ko Mimbala, which means “standing between two communities,” i.e., between Bembaran and Madaraba Kalinan. [3]
Sa Darangen, nagbubukas ang kabanatang “Kapmadali” sa pagpigil ni Lawanen sa pinsang si Madali na umalis at hanapin, paghigantihan ang mga lumusob sa Bembaran noong siya (si Madali) ay naglalakbay sa malalayong lugar. Si Madali na lamang ang lalaki sa kaharian, ani Lawanen; nasa digmaan ang iba, at kung aalis pa siya ay wala nang maiiwang magtatanggol sa Bembaran. Ngunit hindi mapigilan si Madali, at walang nagawa sina Lawanen at ang pinsan nilang prinsesa rin (si Ikaedara) kundi ilabas ang mga binuburda nilang damit at bihisan ang kanilang pinsang sasabak muli sa digma. Ang pakikipagsapalaran ni Madali ang siyang kinukuwento sa kalakhan ng kabanata.
Sa “The Abduction of Princess Lawanen” na hinalaw ni Dr Nosca Khalid, ganito linalarawan ni Mabaning na kasintahan ni Lawanen ang prinsesa:
She deserves the praise of unparalleled beauty prettier than new moon emerging above the mountains. The only noticeable flaw is the red hair but of course, she is an alien who speaks the foreign tongue of a sea-faring people. [4]
Gayong nasa pamagat ang pangalan ni Lawanen, ang kabanatang ito ay mas tungkol kay Mabaning at sa iba pang mga prinsipe ng iba’t ibang kaharian na muntik nang magkaubusan ng lahi bunsod ng pagdakip ni Haring Dimasangkay kay Prinsesa Lawanen upang siya ay piliting maging asawa nito. Pinakikita ang kalidad ng pagkatao ni Lawanen sa katapatan niya sa kasintahan: “I have not chewed a single betel nut from the time I disappeared in Bembaran. I was asked almost every night and day by King Dimasangkay to offer him the chest of betel nuts but I would rather die than grant him the pleasure. You,” wika niya kay Mabaning, “… I will offer you a betel nut between my fingers …” Ngunit sa kalakhan ng kuwento, mas tinatampok ang tapang at talino ni Mabaning habang hinahanap niya ang prinsesa.
Pumapangalawa lagi ang kuwento ni Lawanen sa kuwento ng mga tauhang lalaki ng Darangen, ngunit lagi siyang naroon sa epiko: bilang tagapayo sa mga pinsan at kapatid, bilang matalik na kaibigan ni Putri Gandingan na asawa ni Bantogen, bilang tapat na kasintahan ni Mabaning. Nang siya ay dinakip, nangagsipaghimatay sa siphayo ang mga mamamayan ng Bembaran. Sa paghahanap sa kanya, nagkagulo ang mga kahariang naglaban-laban “hanggang sa hindi na makilala kung sino ang kakampi at sino ang kaaway.”
Dahil kay Lawanen, gusto kong basahin nang buo ang Darangen, at kahit sa kamalayan lamang ay magawa ko siyang sagipin mula sa talagang dumakip sa kanya: ang pagkakabaon niya sa limot, o ang pagbubura sa kanya buhat ng kamangmangan at poot. Sa paghahanap sa Bembaran sa modernong mapa ng Lanao del Sur, natagpuan ko ang bayan ng Bumbaran. Sinasabing ipinangalan nga ito sa Bembaran. May pitong oras ang layo nito mula sa Marawi City, at parang sa Baguio raw ang klima sa bulubunduking ito. Gayunpaman, noong 2015, nagbago ang pangalan ng bayan at naging Amai Manabilang ito. “Manabilang” din ang apelyido ng mayor na nagpabago sa pangalan ng Bumbaran.
Nariyan ang Darangen, salaysay ng mga marilag na Meranaw, mga naninirahan sa Marawi, puso ng Islam sa Pilipinas, ngayon ay pinulbos ng mga bomba at bala, ngayon din ay nagsisikap makabangon. Kung nais nating makiisa sa paghahanap sa nawawalang prinsesa, tayong nasa kabilang kaharian, mga nasa kontemporanyong Madaraba Kalinan, kailangan din nating bumangon: bumangon mula sa kawalang-muwang at magsimulang magbasa. At bilang pagkubkob sa mga institusyon, bilang pagtatanggol sa katarungan, bilang pagbibigay-tinig sa mga wala, kailangan nating bumangon – bumalikwas – matapos magbasa.
MGA TALA
[1] Lumabas sa mga comment thread na ipinagbabawal ng Department of Health, na
nagsusulong sa breastfeeding, ang pagbibigay ng formula milk bilang donasyon.
Mahalaga umanong hindi pabagu-bago ang uri ng gatas na paiinumin sa sanggol
hanggang sa kaniyang paglaki, kaya hindi uubra ang iba-ibang brand ng formula
milk na iaambag, kunsakali. Isa pa, walang malinis at sapat na tubig sa mga
evacuation center na maaaring gamitin sa pagtimpla ng gatas. Gayunpaman, sa
kabilang banda, paano naman ang mga babaeng nahihirapang maglabas ng gatas?
Gayundin, paano makapaglalabas ng gatas ang isang ina kung ang tangi niyang
nakakain sa mga evacuation center ay de-lata at instant noodles?
[2] Kasama sa mga gawain ang patuloy na pagboboluntaryo ng Gabriela Network of
Professionals sa evacuation centers; Finding Peace concert ng Jovenes
Foundation, Inc.; film screening ng Saltwater Cinema; Food for Peace forum at
solidarity meal ng Me & My Veg Mouth at Good Food Community; at ang
pinalawak na usapan ukol sa paniniil, kasama na ang isyu ng EJKs at paggigiit
sa mga lumad, ng Filipina Pen & Ink at Feminista PH.
[3] Cali, D, Hadji Lawa, Maria Delia Coronel, trans. 1986. Darangen: in
original Maranao verse, with English translation. Marawi City: Mindanao
State University. Iba pang pangalan ni Lawanen ang Tambing Oray Masaleg, Potri’
Dayangsaema, Araga’ Labi a Taw, at Lengga ko Mindibaloy.
[4] Khalid, Nosca. 2017. The Abduction of Princess Lawanen.
Independently published.
Leave a Reply