Unang binasa sa unang Kapihan Session ukol sa “Art and the Domestic” ng Ateneo Fine Arts Department at Ateneo Heights tampok ang Gantala Press, Pebrero 24, 2018.
Alam natin ang kasaysayan: ang mga babae ay matagal na nasa tinatawag na positions of power — bilang babaylan o tagapangalaga ng alaala (keeper of memory) at tagapagsalaysay, o bilang manunulat na katulad ng mga makatang Hanunuo Mangyan na nagsulat ng kanilang mga ambahan sa kawayan. Noong dumating ang kolonyalismo at ang istruktura nitong patriyarkiyal, na pinamumunuan ng Haring mortal at Diyos na lalaki, tinanggalan ng kapangyarihan ang kababaihan at nakulong sila sa tahanan. Dito, naging tungkulin nilang alagaan ang mga lalaki bilang ina, kapatid, asawa, o anak na ipakakasal sa isa pang lalaki para lalong yumaman o lumakas ang pulitikal na kapangyarihan ng ama.

Ito ang sinabi ng feminist art historian na si May Datuin tungkol sa 19th century women artists, na sa palagay namin ay angkop din sa 19th century women writers:
Home is often denigrated as the ‘domestic sphere’ of women’s feminine and ‘private’ lives, of tedium and housework – a primary site of women’s subordination and brutalization, but also of empowerment and subversion. On the one hand, home is a site of patriarchy, where mothers pass on patriarchal values to their daughters, who will in turn pass them on to their daughters. On the other hand, home is ‘a room of one’s own,’ a space where we find comfort, peace, security, and everyday forms of resistance. In the case of the 19th century women visual artists, their homes became the site of their creative endeavors.
Ang mga babaeng artist noong ika-labinsiyam na dantaon ay nagkasya sa pagbuburda, o sa pagpinta ng bodegones (still life), o, katulad ni Adelaida Paterno, pagbuburda ng landscapes gamit ang kanyang buhok bilang sinulid. At hindi itinuring na fine art ang mga likhang ito, di katulad ng mga gawa nina Luna at Hidalgo, halimbawa. Tinuring itong mga dekorasyon lang sa bahay, kasama ng mga mantel o kurtina.
Katulad ng women artists, ang tahanan ay nagsilbing sityo ng kapangyarihan at rebelyon para sa 19th century women writers. Isa sa mga manunulat na ito si Leona Florentino ng Vigan. Kilala siyang makata sa Ilocos kahit na hindi siya nakapaglathala ng mga akda niya noong siya ay nabubuhay. Ang progresibo niyang anak at labor leader na si Isabelo de los Reyes ang nagsumite ng kanyang mga tula sa 1899 Paris Exposition at International Library of the Works of Women. Tantiya ni de los Reyes, aabot sa 10 ang volume ng akda ng kanyang ina kung titipunin. Pero 22 na tula lang ang nakalap niya, kasi hindi naman tinago ni Florentino ang kanyang mga tula. Kasi, tunay siyang makata ng bayan. Kino-commission siya ng mga kababayan niya na magsulat ng mga tula para sa mga ikakasal o kaya magbe-birthday.
Nanggaling siya sa mayamang pamilya pero hindi siya nag-aral nang pormal at maaga siyang nag-asawa sa isang lalaki na pinili ng mga magulang niya para sa kanya. Pero lasenggo si Elias de los Reyes, at ayon kay Leona ay may kahinaan ang utak. Kaya nang papiliin siya ng kanyang asawa: ako, o ‘yang pagtula mo? Pinili niya siyempre ang pagtula. Pinaalaga niya ang anak niya sa kapatid niyang babae (dahil ayaw iwan sa kanya ng asawa at angkan nila ang bata) at tumira siya nang mag-isa sa isang bahay sa bundok. Doon na siya namatay sa TB sa edad na 35.
Si Magdalena Jalandoni naman ay taga-Jaro. Sampung taon pa lang siya, nagsusulat na siya ng mga korido na ipinagbibili niya sa palengke sa halagang limang sentimo. ‘Yung kinikita niya ay ipinambibili niya ng mga manika na gagamitin niya sa kanyang mga diorama.
Sinulat niya ang una niyang nobela sa edad na 15 at hindi siya tumigil magsulat hanggang sa kanyang kamatayan. Isa siya sa pinaka-prodigious na nobelista sa Pilipinas; nakasulat siya ng 24 na kumpletong nobela na linabas serially sa mga lingguhang magasin.
Tumanggi siyang mag-aral at magpakasal; sabi niya magpapakasal lang siya sa manunulat din. At dapat, mahusay na manunulat. Ang unang pagsubok daw sa kanyang manliligaw ay kung nakapagsulat ito ng isang mahusay na nobela. Sa kanyang palagay, si Rizal lang ang nakagawa niyon.
Minsan daw, nagsulat si Magdalena ng isang marubdob na love poem na ang pamagat ay “Lilia.” Galit na galit sa kanya ang nanay niya. Lalong nagalit nang minsang sumama si Magdalena sa grupo ng suffragettes na nagtipon sa plaza. Ayun, ‘kita naman natin sa relasyon ni Magdalena sa kanyang ina kung paano pinapasa ng mga ina sa kanilang mga anak ang mga pagpapahalagang patriyarkal.
“Her death did not elicit much comment outside of Iloilo for she belonged to no school of letters, she was unknown to readers of English or Pilipino, organizations did not interest her, and as for writer’s workshops, the concept behind such ventures would have puzzled her, and she had no literary barkada to fall back on” (Feria, 1991). Gayunpaman, nabuhay talaga si Jalandoni bilang manunulat.
Nang pumasok ang mga kolonyalistang Amerikano, nagbago ulit ang kalagayan ng kababaihan. Mas nabigyan sila ng pagkakataong makilahok sa public life, sa mga espasyo sa labas ng bahay. Isang partikular na halimbawa ng espasyong ito ang mga silid-aralan, ang mga paaralan. Naging aktibo sa mga lunang ito sina Paz Mendoza-Guazon, isa sa mga unang doktor ng medisina, suffragette, at manunulat; si Paz Marquez-Benitez na awtor ng “Dead Stars” at Carnival Queen noong 1912, kung kailan din siya nagtapos ng Liberal Arts. Nariyan din si Encarnacion Alzona, na unang Filipina na nagkamit ng PhD (in History, mula sa Columbia University noong 1923).
Kaugnay nito ang pagpasok ng Ingles sa ating kamalayan. Para sa kababaihan, nagsilbing equalizing force ang Ingles dahil kasabay nila ang mga kaklaseng lalaki na natuto ng bagong wika. Pare-pareho ang headstart, kumbaga. Na-expose ang mga manunulat sa panitikang Ingles-Amerikano, pero napalayo naman sila o na-alienate mula sa tradisyong bernakular. Kaakibat ng pagkatuto sa Ingles ang kayamanan, edukasyon sa unibersidad na nagbibigay-daan sa propesyunal na trabaho, at paglalakbay sa ibang bansa (katulad ng mga pensionado).
Bagong mundo ng pagsusulat ang binuo ng wikang Ingles. Kasangkot dito ang akademya, ang mga palihan sa “creative writing” na katulad ng sinimulan ni Edith Tiempo, at ang paglalathala o publishing. Laging masigabo ang self-publishing, mula noon hanggang ngayon. Mula pa nang itala ng mga makatang Hanunuo ang kanilang ambahan sa kawayan hanggang sa mga zine ng iba’t ibang collective sa kasalukuyan. Mula 1990s, naging pinuno rin ng commercial & university presses ang kababaihan, at mas maraming akda ng kababaihan tungkol sa danas ng kababaihan ang nailathala. Siyempre nariyan din ang foreign publishing houses katulad ng mga naglathala kina Ninotchka Rosca, Jessica Hagedorn, Gina Apostol, Eileen Tabios, at iba pa. At hindi nawawala ang mga diyaryo at magasin na laging naglalathala ng mga artikulo, serialized novels, at komiks na sinulat ng kababaihan. Sa wikang bernakular, malaki rin ang naiambag ng mga babaeng manunulat sa mga drama sa radyo at TV.
Isang maningning na halimbawa ng naunang mga manunulat sa Ingles si Angela Manalang-Gloria na nagtapos ng Philosophy sa UP, summa cum laude, noong 1929. Karibal niya sa pagka-literary editor ng Philippine Collegian si Jose Garcia Villa. Pagka-graduate, sumama siya sa kanyang asawa sa Bicol at doon, nangasiwa siya ng malalaking bukirin. Hindi na siya masyadong nagsulat mula nang maging isang astute businesswoman. Sinelf-publish niya ang una at tanging lipon ng tula na sinulat ng isang babae bago ang giyera. Kasama rito ang kontrobersiyal na “Revolt from Hymen,” na tungkol sa katawan, tungkol sa pagkawala ng pagka-birhen, tungkol sa pagkababae bilang pasanin. Natalo ito sa Commonwealth Literary Awards noong 1940.
Noong 1937, pagkatapos ng ilang taon ng pagla-lobby mula pa noong mga 1905, naipasa rin ang batas para makapagboto ang kababaihan. Isa tayo sa pinakaunang mga bansa sa Asya na ganu’n. Kung papansinin, ang mga babaeng propesyunal at edukada ang nagpunyagi para sa women’s suffrage.
Tuloy-tuloy na sana ang pagpasok ng kababaihan sa public life, pero pumutok ang giyera noong 1942 hanggang 1945. Mahalagang banggitin itong giyera dahil gumuho talaga ang Pilipinas nu’n. Nasira ang Maynila, nagkumahog tayo sa kalayaan at self-administration na nakamit noong 1946. Tapos pumasok na ang Japan bilang bagong imperyalista.
Sina Yay Panlilio, isang journalist na naging guerrillera; Rosa Henson na kilala natin bilang comfort woman; at Genoveva Edroza-Matute na isa sa pinaka-prolific ding manunulat na Filipina ang ilan sa mga babaeng nagsulat ng mga talambuhay nila pagkatapos ng giyera. Tiyak na may nag-aral na nito, kung paanong maraming babae, na hindi kailangang professional writers, ang nagsulat ng talambuhay nila pagkatapos ng giyera. Para bang pagtatangkang mahanap muli ang nawala na, o kaya ay bumuo ng bago mula sa wala.
Pagkatapos ng giyera, tuloy-tuloy na ang “capital-intensive, large-scale, urban-based industrialization.” Sa katunayan, bayad ito ng Japan, bilang war reparations sa anyo ng mga pabrika, atbp. Sa halip na ibayad nila sa atin ang 550 million dollars, ibinayad na lang nila ito sa sarili nila kapalit ng pagtatayo ng mga negosyo at industriya sa Pilipinas. Kaakibat nito ang masculinization ng puwersang paggawa. Bumalik na naman ang mga babae sa loob ng bahay kasi, hindi naman daw sila singlakas ng lalaki para maging karpintero, engineer, atbp. At ang mga babaeng elite ay gumamit ng posisyon nila sa public sphere para lang palakasin ang ideyolohiyang patriyarkiyal. Ang Women’s Auxiliary of the Liberal Party (1946) at National Political Party for Women (1951) ay binubuo ng mga asawa ng mga pulitiko, na nakatuon sa “social welfare” work.
Noong 1955, kinasuhan ng Catholic Women’s League ang manunulat na si Estrella Alfon at ang This Week Sunday Magazine. “Pornographic” daw kasi ang maikling kuwento ni Alfon na “Fairy Tale for the City.” Isinakdal siya para sa obscenity, at nadiskaril ang pagsulat niya dahil sa kasong iyon ng censorship. Hindi na raw siya makasulat nang hindi natatakot kung madedemanda ba siyang muli dahil dito. Naitala ni Dolores Feria kung paano bumagsak ang produktibidad ni Alfon. Minsan talaga, ang pinakamasaklap na kalaban ng isang babae ay mga kapwa babae. Sa kilusang pangkababaihan, totoong-totoo na “your best friend can be your worst enemy.”
Sabi nga ni Lualhati Bautista noong 1986,
Ang manunulat ay mapanuri: matutuklasan niya na ang mga de-kahong papel ng babae ay naglubog pa rin sa atin sa pakiramdam na ang babae ay kalaban ng isa’t isa [amin ang diin]. Nariyan ang larangan ng pagandahan na kinukunsinti pati ng mga eskuwelahan. … At sa mga kuwento ng pag-ibig na ang tauhan ay isang lalaki at dalawang babae, isa sa dalawang babae ang masama; samantalang kung ang tauhan ay dalawang lalaki at isang babae, ang babae pa rin ang dapat sisihin.
Samantala, ang kababaihang pesante ay nanatiling matibay na nakatali sa kanilang tradisyunal na mga tungkulin bilang ina, asawa, taga-gawa sa bahay samantalang nag-aambag din sila sa kita ng pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda, paglalabada, o pangangatulong. Pagdating ng 1960s hanggang 1990s at ngayon, inasam na lang ng maraming Filipina na mag-asawa ng Amerikano o Hapon o sinumang mayamang foreigner. Kaugnay nito ang pag-boom ng prostitution sa Clark Base sa Pampanga, ang mga tinawag na “Japayuki,” ang mga mail-order bride, ang mga Flor Contemplacion at Mary Jane Veloso. Sa madaling salita, wala kasing matinong trabaho rito sa Pilipinas, kaya naging aspirasyon at realidad para sa maraming Pilipino ang pangingibang-bayan.
Ngunit patuloy na tumuon ang kababaihan sa pagkakaroon ng anak bilang paraan ng pagprotekta sa pamilya mula sa problemang pang-ekonomiko. Para sa maraming kababaihan, ang pagkakaroon ng mas maraming anak ay nangangahulugan ng mas malaking pagkakataon para makaahon sa kahirapan. Kaya nila igagapang sa nursing or seafaring schools ang kanilang mga anak. The more entries you have, the more chances of winning, kumbaga.
Ganito ang ideal woman mula noong 1950s: “a loving and loyal mate to her husband; she is responsible for keeping the marriage intact by her patience, hard work, submission, and virtue. Aside from whatever outside employment she may hold, she is also expected to be a diligent housekeeper and budgets the money for family and household needs. The husband has the larger voice in decisions involving the family. He is not expected to do household chores, except for occasional repairs to allow time for ‘manly’ activities like relaxing, drinking, and socializing with friends outside the home” (Amaryllis T. Torres). Angkop ito sa mga babae sa alinmang uring panlipunan o social class.
Nagbunga ito ng tinatawag ni Kerima Polotan na “village fiction” sa mga gitnang-uring babae na nagsusulat sa Ingles:
[Village fiction] offers no grand intellectual preoccupations, it does not venture beyond the home or the hometown or further than childhood or marriage. Such [writing] is conservative, even nostalgic in tone, though they may be brilliantly satirical in their analysis of the scene. They are short today – in fact, they are short stories – high in style and low in construction. Women doubtless have a specific gift for this sort of writing.
Noong Martial Law, lumalim ang pakikilahok ng kababaihan sa public or political sphere. Nabuo ang Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) noong 1970 sa pangunguna ng makatang si Lorena Barros. Isa sa mga unang kilos-protesta nila ang rally sa Miss Philippines Beauty Pageant sa Araneta Coliseum. Sa puntong ito, kailangang banggitin na ang pagiging beauty queen, bukod sa pagiging birhen o ina, ang isa sa mga role o tungkulin na matagal nang itinatakda sa Pilipina. Nariyan ang Manila Carnival noong early 1900s, pero nariyan din ang Miss Universe pageant na bunga ng Cold War. Sa pag-aaral ni Shirley Jennifer Lim, lumalabas na ang kababaihan mula sa mga bansang may espesyal na relasyon sa US (katulad sa isyu ng pagkakaroon ng base militar) ang napupusuang manalo sa mga beauty pageant na katulad ng Miss Universe.
Ito ang konteksto ng pagkakabuo ng MAKIBAKA ayon kay Mel Castillo (2007):
While the formation of MAKIBAKA was also inspired by the Second Wave movement of the West, the politics of Philippine feminism were drastically different. North Americans sought women’s equality in regards to labor practices and education, while championing the sexual and reproductive rights of all women. In contrast, Filipinas rallied against imperialism and fascism, while protesting the atrocities inflicted specifically on Filipino women such as sexual trafficking, domestic violence, and other forms of systemic oppression.
Ano ba ang systemic oppression na ito? Pinakahulugan ito ni Lorena Barros.
Women comprise more than half of the oppressed Filipino people and thus share with men a common burden of social and economic exploitation. In addition to class oppression, however, women suffer male oppression. This second type of oppression is justified by a feudal conservatism which relegates women to the category of domestic chattel, and by a decadent bourgeois misrepresentation of women as mere pleasurable objects.
‘Yung pagturing sa babae bilang domestic chattel ay nag-eextend sa mga kaso ng marital rape, o psychological abuse at pambubugbog, o incest; halimbawa, ‘yung tatay sa Mindoro na nanggahasa sa tatlo niyang anak na babae, at naanakan niya ‘yung dalawa. Itatanong ng mapanuring manunulat, bakit nangyayari ito?
Noong 1991, sinulat ni Dolores S. Feria ang tungkol sa pagkakaiba ng “women writers” o babaeng manunulat at ng mga babaeng nagsusulat o “women writing.”
The most advanced women of the last 100 years have invariably been writers – and those who stood their ground as women writers and not simply women writing, have generally found the cost extremely high.
Pinalayas si Leona Florentino sa bahay niya; muntik nang mamatay in obscurity si Magdalena Jalandoni kundi lang sa muling pag-aaral sa kanya ng mga katulad ni Rosario Cruz Lucero; naging convicted criminal pa si Estrella Alfon at talagang natuyo ang kanyang creative juices. Ngayon, nakikita natin ito sa pag-ban ng Malacañang kay Pia Rañada na magbalita tungkol sa palasyo. Noong panahon ni Marcos, “women journalists were routinely summoned to military interrogations where they were forced to explain articles critical of the dictatorship. Eventually, a group of them grew tired of the harassment. Journalists, led by Paulynn Sicam, Marra Lanot, and Ceres Doyo, formed Women Writers in Media Now or WOMEN, to speak out against the regime’s intimidation tactics.”
Patuloy ni Feria: “A large number [of women writing] have abdicated for more tangible rewards: from the masculine pat on the head to hard cash for ghostwriting. She learns rather early that it is a great honor to function as an influence peddler via the back door for established power structures.” Nakikita natin ‘yan ngayon sa mga kababaihang nagsusulat dati, at ngayon ay nagsisilbi at nagtatanggol kay Duterte kahit marami na ang pinapaslang, o kahit araw-araw niyang binabastos ang mga babae.
Sa aming palagay, hindi na uso ang ganu’ng distinction ngayon, sa pagitan ng “women writers” at “women writing,” kasi mas marami nang pagkakataon ang mas maraming kababaihan na angkinin (seize) ang means of production, kung gagamitin ang Marxist jargon. Hayan nga, puwede tayong bumuo ng sarili nating women’s press, puwede tayong gumawa ng zines at komiks, puwede tayong magsulat ng political statements at letters to the editor. Puwede nating baliktarin o isubvert ang mga istrukturang pangkapangyarihan “by beating them at their own game”: maging madaldal sa social media, halimbawa, o gumawa ng maiikling pelikula na shareable at relatable (katulad ng ginagawa nina Chai Fonacier).
Ngunit higit na mahalaga at pangmatagalan: dapat, hindi na natin tinatanong kung “what makes a woman writer”, kundi: “how can my writing emancipate women so that many more women can write or tell their stories through writing?” Kaya mainam na balikan ang mga linatag ni Lorena Barros na mga dapat gawin ng kababaihan at kalalakihan, kabilang na ang mga babae at lalaking manunulat:
First, a restructuring of the economic system;
Second, the broad masses of the Filipino people must first be liberated before any sector, such as women, can be liberated. The primary exploitative relation, that between the American imperialists and the landlord-comprador-bureaucrat capitalist allies on the one hand and the Filipino masses on the other, must first of all be destroyed;
Third, women must seize their freedom, women must fight for it, must smash their prison walls themselves. Otherwise, they will once more be beholden to men, captive to a new set of obligations.
Ang mabuting balita ay: maaari pa tayong umasa, na maaasahan ng isang babae ang kanyang mga kabaro sa sama-samang paglaya at pagpapalaya.
Leave a Reply