Defend Negros Network

Defend Negros Launch

Maaga akong lumuwas papuntang Commission on Human Rights upang dumalo sa Defend Negros Network Launching noong ika-22 ng Hunyo. Habang naghihintay ng attendees, pinanood namin ang mga ulat ng Altermidya at Umani ukol sa sitwasyon sa Negros. Si Ka Angie Ipong ang nagbukas ng programa, pinaliwanag niya ang kahalagahan ng bungkalan. Si Ka Angie ang unang nagmulat sa akin sa sitwasyon ng mga magsasaka sa bansa. Ilan sa napakarami niyang talks ang nadaluhan ko halos dalawang taon na ang nakalipas.

Tinay Palabay
Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan

Si Tinay Palabay ang sunod na nagbahagi. Isa siya sa mga nagkondukta ng Fact-Finding Mission noong Enero ngunit bigo silang makakalap ng mas marami pang impormasyon dahil sa tindi ng militarisasyon. Kailangan ding humingi ng opisyal na pahintulot upang magsagawa ng fact-finding. Sinabi niya rin na 3,000 sundalo at pulis ang dineploy sa Negros. Sa loob ng tatlong oras, 14 na magsasaka ang pinatay at 15 ang inaresto. 100 pangalan ang nakalagay sa search warrant na nagmula pa sa Cebu. Lahat ng nagsagawa ng search ay mula rin sa Cebu. Walang ideya ang local police ng Negros, kahit ang chief-of-police ng Sta. Catalina, Manjuyod, at Canalon ay clueless. Lahat ng biktima ay sinabing nanlaban. Ngunit, halos lahat ay sa likod ang tama. Nagtamo rin ng lima hanggang 12 tama ng baril ang karamihan sa biktima, halos hindi makilala, halos matanggal ang mga biyas.

Matapos basahin ang unity statement ng mga bumuo ng Defend Negros at pagtatanghal ng SinagBayan, nag-umpisa na ang pagbabahagi ng mga biktima. Dito, muling na-refresh ang alaala ko. Naalala ko ang pag-uulat ko sa aking mga mag-aaral noong Oktubre at Marso, ang mga pagtatangka naming makiisa sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanta, tula at guhit. Naalala ko ang mga komiks ng SAKA na base sa mga salaysay ng kaanak ng mga pinaslang. Naroon na sa harap ko ang mga bayani ng Negros, nagbabahagi sa amin ng kwentong ilang ulit na nilang sinalaysay. Ang bawat oras na lumipas, ang bawat kasamahang natumba, ang bawat pangalan at pagtatangka ng pulis o kawalan ng aksyon ng pulis. Sa Sagay, isang babaeng nagmamaneho ng kotse ang hiningan ng saklolo. “May pulis sa kanto, sasamahan kita,” sabi ng estranghero. Nang makarating sila sa pulis, agad na humingi ng tulong ang magsasaka. “Sir, may nangyaring patayan.” “Marami ba sila?” “Hindi ko alam, sir. Puntahan natin para madala sila sa ospital.” “Kung mas marami kayo, dalhin niyo na lang.” “Puntahan na natin sir. Ikaw ang may alam ng gagawin. Baka balikan kami.”

Pasado ala-syete ng gabi nangyari ang barilan. Alas-tres ng umaga dumating ang SOCO mula Bacolod. Alas-singko ng umaga, kinuha ang mga patay. Nilunsad ng mga magsasaka ang bungkalan noong ika-20 ng Oktubre, 2018. Noong gabing iyon din pinagbabaril ang mga magsasakang miyembro ng National Federation of Sugar Workers. Bungkalan ang kampanya sa organikong pagsasaka na inilulunsad upang patuloy na igiit ang karapatan sa lupa. Ito ay isang kolektibong aksyon laban sa kawalan ng lupa, kawalan ng subsidiya at suporta ng gobyerno sa mga manggagawang-bukid. Sa pamamagitan ng bungkalan, naka-iiral ang mga magsasaka, napayayabong ang kanilang kaalaman sa organikong pagsasaka at napupunan ang kumakalam na mga sikmura. Ilang araw bago ilunsad ang bungkalan, nasa DAR ang mga magsasaka dala ang kanilang papeles. Pilit na sinasabi ng DAR na 1986 pa na-release ang Deed of Donation. Nag-file ng petisyon ang mga magsasaka at ilang ulit giniit na walang pang nabibigyan ng lupa. “Balik-balik kami sa DAR. Naghihiram lang kami ng pamasahe pa-Bacolod. P120 lang ang sweldo namin sa Hacienda bawat araw.”

Defend Negros vic

Sunod na nagbahagi ang anak ng isang biktima ng Oplan Sauron. “Si tatay, lider-magsasaka. Chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Mabait, walang-rekord.” Ang Oplan Sauron ay bersyon ng Oplan Tokhang sa Negros, joint forces ng AFP at PNP laban sa kriminalidad, droga at terorismo.

“2:30 ng umaga pinasok ang bahay. Nagulat ako nang biglang may sumipa sa pinto. Hinila ako at kinaladkad palabas papunta sa harap ng chapel. Sinipa ako, mabuti at naroon si nanay upang saluhin ako. Bandang 3:00 ng umaga, may narinig kaming tatlong putok. Pumasok kami ng chapel. May sumunod sa amin at sinuntok ako. Ang sabi, ‘Halika, sumama ka sa amin.’

Di namin alam ang ginawa kay Tatay. Bandang 6:00 ng umaga, may dumating na pulis. Nilapitan si Nanay, ‘Ma’am pwedeng samahan nyo kami sa bahay. May titignan lang kami.’ Naiwan kami ng kapatid kong babae sa chapel, pinagtawanan kami ng mga pulis habang takot na takot kami. Nang pumasok na ako sa bahay, nadatnan kong nagkalat ang dugo sa loob ng kwarto ko.

‘Anong ginawa kay Tatay, Sir?’

‘Okay lang tatay ninyo, dinala namin sa ospital.’

Bandang 7:30 ng umaga, sinabihan kaming pumunta na sa ospital. Sabi nila okay lang ang tatay, pagdating namin wala na si tatay. Ang naisip ko lang, Paano na si mama? Ang babaeng kapatid ko bumalik sa pagkabata, kung ano-anong sinabi. Di namin alam. Di namin kaya. Walang kasalanan si tatay. Walang katarungan ang ginawa sa amin. Gusto kong humingi ng tulong sa gobyerno pero gobyerno ang gumawa sa amin nito.”

Tuloy ang laban ng mga naulila ng mga biktima. Marami sa amin ang nahabag sa karanasang ibinahagi ng mga kaanak ng biktima ngunit alam namin na hindi maaaring magtapos sa pakikiramay. Inilunsad ang Defend Negros Network dahil sa tindi ng militarisasyon sa Canalon, Manjuyod, Sta. Catalina, Sagay at kalakhan ng Negros. Inilunsad ang Defend Negros Network upang ituloy ang laban, upang patuloy na manawagan sa tunay na reporma sa lupa at upang ipaalam sa rehimeng kumikitil ng buhay ng mga magsasaka na hindi maaaring magpatuloy ang pamamaslang. Hindi maaaring gamitin ang Oplan Kapanatagan at Oplan Sauron upang pagbintangan ang mga magsasakang lumalaban at kinikilala ang halaga ng lupa bilang mga kasapi ng NPA at gayon ay dapat patayin. Hindi makataong maglabas ng listahan mula sa Cebu upang paslangin ang mga magsasaka sa Negros. Hindi kami mananahimik sa operasyong nililinlang tayo na nais lang panatilihin ang peace and order gayong ang totoo’y minamasaker ang mga ordinaryong manggagawang-bukid. Pinapaslang sila ng estadong naka-maskara at bonet, walang name plate, naka-full combat attire at magpapaputok ng lima hanggang 12 beses gamit ang high-powered rifle. Kakaladkarin ang mga miyembro ng pamilya sa oras ng pagtulog upang paslangin ang kanilang asawa, ama at anak sa loob mismo ng kanilang pamamahay.

Nalaman naming ninakawan rin ang karamihan sa mga biktima. Ninanakaw ang buhay ng mga magsasaka halos araw-araw. Ninanakawan ng buhay ang mga taong nagpapakain sa atin habang natutulog tayo. Gigising tayo sa balita ng isang pesanteng “nanlaban” gayong halos hindi makilala sa dami ng tama ng baril. Ninanakawan tayo ng mga kapatid na nagsusustina sa mga lupang agrikultural. Ninanakawan tayo ng mga kasamang ang tanging ipinaglalaban ay ang karapatang magkaroon ng lupang matatamnan upang patuloy na maglingkod sa bayan at upang mabuhay. Kailangan nating umalma, kumilos at lumaban.

Sinulat ni Rae Rival

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.