Gaya ng ibang bagay, maituturing na microcosm din ng mas malaking konteksto–ang Pilipinas mismo–ang pagsusulat sa bansa. Kapwa sila pinatatakbo ng mga institusyon.

Ano ang kasalukuyang lagay ng pagsusulat at paglalathala sa Pilipinas?
Lalo noong hindi pa nae-empower ng alternative publishing ang mga manunulat, pangunahing institusyonalisado at propesyunalisado ang pagsusulat at paglalathala.
Dahil sa mga kursong tulad ng Creative Writing na karaniwang iniaalok lamang sa mga pamantasan, nagiging “lehitimo” ang pagsusulat bilang gawain ng mga arál at akademiko. At dahil nasa pamantasan na rin ang access sa paglalathala (ang mga guróng editor at ang mismong palimbagang pinaglalaanan ng budget), ang karaniwang mga nailalathala ay ang mga nasa institusyon ding iyon.
Binabayaran ang kasanayán kaya karaniwang arál at/o akademiko ang nagsusulat. Ang kasanayáng ito ang hinahasa sa pamantasan. Sa paghahasa ng kasanayang ito tungo sa propesyunalisayon, hindi maiiwasang hasain na rin ang panlasang pampanitikan na siyang nagdidikta ng institutionalized aesthetics: ang itinuturing na “masining” at ang hindi, ang “publishable” at ang hindi.
Masusubok ang mga katangiang ito sa mga institusyong nagbibigay parangal na bagaman nasa labas ng pamantasan, ay pinatatakbo pa rin ng mga arál at akademiko bilang mga hurado. Ang balidasyon ng “artistry” at “publishability” sa pamamagitan ng parangal ay nasa dikta pa rin ng akademya.
Ngunit hindi lahat ng maituturing na “masining” ay publishable kung nais magpalathala sa labas ng pamantasan. Marketability o ang populistang aspekto ang pangunahing nagdidikta ng publishability sa malalaking institusyong naglalathala. Maaaring ituring na masuwerte ang mga manunulat sa Ingles sapagkat maaari silang malathala sa ibang bansa kung saan mas masigla ang industriya ng pagbabasa at pagsusulat.
Ano ang kasalukuyang lagay ng “babaeng manunulat” sa Pilipinas?
Microcosm din ng marhinalisasyon ng babae sa pangkalahatan ang marhinalisasyon ng mga “babaeng manunulat”. Iyong mismong pariralang “babaeng manunulat” ay nagsasabing hindi karaniwan sa babae ang pagsusulat at ang paglalathala. “Hindi karaniwan” hindi dahil hindi nila kayang gawin ito kundi dahil hindi sila pinahihintulutan ng kalagayang sosyo-politikal. Kung pahintulutan man ang kakaunti, kailangan pa rin nilang harapin ang mga hamon ng nabanggit na institusyonalisasyon at propesyunalisasyon na mga anyo rin ng patriyarkiya sa larang ng pagsusulat at paglalathala.
Marami-rami na rin kaming naisulat tungkol sa paksang iyan. Sa pagkakataong ito, nais naming bigyang-diing: ang marhinalisasyon ng “babaeng manunulat” ay hindi naiiba sa marhinalisasyon ng uring magsasaka/manggagawa sa lipunang Pilipino. At kung pagtutulayin ito, ang marhinalisasyon ng huli ay makikita rin sa kawalan nila ng espasyo sa ating panitikan. Kung maisulat at mailathala man ang kanilang kuwento, sa pamamagitan pa rin ng akademiko sapagkat sila ang arál at may kasanayan sa pagsusulat.
Paano tayo makapag-aambag sa paglikha ng pagbabago?
Kung paano natin niyayanig ang status quo. Sapagkat ang status quo sa larang ng pagsusulat at paglilimbag ay siya ring status quo ng lipunan sa pangkalahatan. Hinahamon tayong muling suriin ang kalikasan, proseso, at layunin ng gawain ng pagsusulat.
Sa paglilimbag ng mga akdang isinulat mismo ng uring magsasaka/mangagawa na aming kinakasalamuha sa kanilang pamayanan, nagagawa ng Gantala Press na kahit paano’y makalikha ng espasyo para sa mga nasa labas ng akademya na maituturing na hindi “masining” at “publishable”. Bukod sa nahahámon ang dominanteng espasyo at ang panlasang itinatakda nito, mahalagang nahahamón mismo ang konsepto ng pagiging “manunulat”.
Maituturing na bunga ng awards culture ang pagdakila sa manunulat at ang romantisasyon ng gawain ng pagsusulat. Na para bang hindi sinasalok ng manunulat ang kaniyang imahinasyon sa kolektibong kamalayan.
Hangga’t maaari, sinusubukan naming maging kolektibo ang pamamaraan ng aming pagsusulat sa pamamagitan ng pagtuturing sa mga akda ng magsasaka/mangagawa bilang amin din, at sa mga akda ng isa’t isa bilang sa buong kolektiba. Hangga’t maaari, sinusubukang iwaksi ang pagnanais na mag-angkin sapagkat ang gawain ng pagsusulat ay mas para sa susunod na henerasyon kaysa kasalukuyan.
Unang binasa sa Komura Solidarity Meetup, Warehouse 8, Makati City, May 18, 2019
Leave a Reply