Karaniwang Daniw: Babae, Tula, at ang Araw-araw

Magandang hapon sa lahat. Narito po ako ngayon bilang publisher na nagsusulat din ng tula, at ang ibabahagi ko sa araw na ito ay mga tulang nakaengkuwentro o nakatagpo ng Gantala Press sa apat na taon pa lamang naming pag-iral bilang feministang kolektibang pampanitikan o feminist literary collective. Lilinawin kong hindi ito arál o akademikong papel kundi pangkalahatang sipat lamang at personal na mga obserbasyon, batay sa personal ding mga karanasan sa independent publishing.

Bilang feminist small press, marami sa aming mga linathala ay inakda ng mga di-propesyunal na manunulat na babae: mga estudyante at kabataan, magsasaka at manggagawa, guro at empleyada. Marami sa kanila ay hindi pa nakakapaglathala noon. Karamihan sa mga akda ay sanaysay. Pumapangalawa sa bilang ng mga akdang nailathala na namin ang tula. Ang una naming libro ay isang all-women literary anthology na inilabas noong 2017. Naglalaman naman ng tula sa wikang Meranaw, Filipino, at Ingles ang antolohiya namin ng mga sulatin tungkol sa Marawi Siege. Ginawang batayang teksto ng kasama naming si Rae Rival ang mga press release ng Amihan National Federation of Peasant Women sa kanyang koleksiyon ng erasure poetry. At nitong nakaraang buwan, inilathala namin ang tinipong mga tula ng feminista at aktibistang si Aida Santos. So far, ang kay Rae Rival at Aida Santos ang dalawang buong koleksiyon ng tula na inilathala namin. (Kapag sinabi kong “buo,” ibig sabihin, ang koleksiyon ay nagtatampok ng mga tula ng isang makata lamang.)

Halos mabibilang sa dalawang kamay ang buong mga koleksiyon ng babaeng makatang nagsusulat sa Filipino at iba pang lokal na wika. Kapag sinearch mo ang salitang “tula” sa website ng Ateneo Press, isa sa lilitaw na labing-isang libro ang sinulat ng babae, ang kay Gloria Villaraza Guzman. Sa UP Press website naman, siyam sa dalawampu’t anim ang sinulat ng babae, at tatlo roon ay hindi buong mga koleksiyon per se. Ang isa ay antolohiya ng feministang tula ng nakaraang dantaon, ang isa naman ay may kasamang mga kuwento at sanaysay din ng may-akda. Ang isa ay tulambuhay ni Lorena Barros – nasa likod ng talambuhay niya ang sandakot niyang mga tula, gayong ang kanyang buhay ay inaral sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanyang mga tula.

Ang mistulang pagkasalat sa buong mga koleksiyon mula sa mga makatang babae ay bunga marahil ng matamlay na paglalathala ng tula sa pangkalahatan, dahil hindi rin naman masasabing kakaunti kasi ang babaeng nagsusulat ng tula. Napakarami, kung tutuusin, ng babaeng tumutula. Halos lahat siguro ng babae ay nakapagsulat ng isang tula, kahit na tula ng pag-ibig lang. Kundi man naisulat, nasambit. Subukin lang nating makipagkuwentuhan sa mga kusinera sa mga bahay-bahay, may mapupulot na tayong matulaing kaalaman o karunungan.

Ang poetry collective na High Chair ay halos dalawang dekada nang naglalathala ng koleksiyon ng mga tula. High Chair ang naglabas ng ilang buong koleksiyon ng tula sa Filipino na sinulat ng babaeng makata sa nakaraang mga taon: Pag-aaral Sa Oras ni Kerima Tariman, Bago Mo Ako Ipalaot ni Luna Sicat Cleto, Ang Nalalabi Rito ni Nikka Osorio, re-issue ng Pali-palitong Posporo ni Benilda S. Santos, at ang aking Halaw at Bruha. Masigasig ang mga small press sa paglalabas ng mga koleksiyon ng tula sa wikang FIlipino ng mga babae. Halimbawa nito ang Balangay Books, na kasalukuyang nagtitipon ng mga tulang sinulat ng kababaihang kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo o LIRA. To date, ang mga nailathalang koleksiyon ng LIRA ay pawang sinulat ng mga lalaki nilang kasapi. Mabuti pa ang Kataga, isa ring organisasyon sa pagsulat, at nailabas nila ang Hanggang Doon Na Rin Lang ni Maki dela Rosa.

Sa pagtingin sa mga tulang sinulat ng mga karaniwang babae sa mga libro ng Gantala Press, kitang-kita ang paghango nila, namamalayan man o hindi, sa tradisyon ng tinatawag na women’s poetry. Kapag sinabi kong “karaniwang babae,” tinutukoy ko silang mga hindi naman talaga awtor na nakakapaglathala ng mga sulatin. Kapag sinabi kong “tradisyon,” tinutukoy ko ang mga tulang bahagi na ng ating kolektibong kamalayan — namamalayan man natin o hindi. At pagdating sa women’s poetry, ito ang mga tulang karaniwan din — mga tulang sinulat hindi upang ilathala.

Siyanga pala, ang daniw ay salitang Ilocano para sa “tula.” Naaaliw ako na magkatunog ang salitang karaniwan at salitang daniw. Kunsabagay, Ilocana ang kinikilalang ina ng women’s poetry sa bansa, si Leona Florentino, na nagsulat ng commissioned poems — para sa birthday, binyag, kasal — mga karaniwang pangyayari. Isusulat niya ang tula, ibibigay sa kliyente, pagkatapos ay kalilimutan na ito. Kundi dahil sa anak niya, na itinuturing na “man of letters,” tuluyan na sigurong mababaon sa limot si Leona at ang kanyang mga daniw.

Sina Leona Florentino, Angela Manalang-Gloria, maging si Lorena Barros – ay tila nagsulat lamang ng mga tula nang walang pangingimi kung tula ba ang mga iyon, o kung may pakinabang ba ang mga ito sa lipunan. Para bang ang mahalaga lamang ay may pakinabang ito sa kapwa. Kahit na ito ay simpleng pagpapasaya sa kapitbahay na nagdiriwang ng kaarawan (“Pagbating Pabiro”); o pagpapaliwanag kung paano umubra ang katawan ng babae (“Revolt to Hymen”); o pag-alala sa pinaslang na kasama habang pinalalakas ang sariling loob upang makapagpatuloy sa pakikibaka (“Sampagita”). Sapat nang nakasulat ang tula sa karaniwang anyo ng tula, at sapat nang halaga nito ang simpleng mga halaga nito. Sapat nang maging tula ang isang tula.

Marami sa mga tulang nakaengkuwentro namin sa Gantala Press ay pumapaksa sa inaasahan nang mga paksa ng tinatawag na women’s writing: pagreregla, o paggawa sa loob ng bahay, o mga sentimyento ng ina. Mga tula tungkol sa araw-araw na buhay, na hindi na kagulat-gulat. Tingnan halimbawa itong sinulat ni Nanay Miriam na lider ng mga magsasaka sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite. Isa ito sa pinakamagagandang tula na aking nabasa recently. Sa aking palagay, dapat ang mga tulang ganito ang itinuturo sa mga kurso sa Malikhaing Pagsulat:

ANG MAGKAPATID

Alas-kuwatro na ng umaga.

Malakas ang tilaok ng tandang.

Bumangon si Ate,

Wala na si Nanay —

Nagluwas na ng kalakal.

Mabilis ang kanyang galaw.

Ang pagsindi ng posporo,

Pagdudupong ng kahoy sa kalan.

Ang paghuhugas ng bigas sa kaldero,

Pagsasalang sa kalan.

Ang pagwawalis,

Habang hinaharap ang sinaing.

Lalabas siya ng bahay upang kumuha

Ng dahon ng saging.

Iniinin na sa baga ang sinaing.

Tutuhugin ang tuyo at iihawin sa baga.

Hahanguin ang sinaing. Luto na ang tuyo.

Dudupunging muli ang apoy

At ilalaib ang dahon.

 

Alas-singko na. Tatawag sa kapatid,

“Bangon na.”

Habang ibinabalot ang kanin

Sa dahon, kasama ng tuyo,

Baon sa pagpasok sa eskuwela.

Magkasabay na kakain.

Pagkatapos, maliligo sa katabing poso.

 

Alas-sais na. Nag-uunahan ang paa

Sa pagpasok sa eskuwela

Ng magkapatid na anak ng magbubukid.

Pero mas marami ang mga tulang masasabi na tuwirang pulitikal. Sa una naming antolohiya, mayroong tula mula sa isang estudyanteng aktibista na kinulong dahil sa gawa-gawang kaso sa panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Binubuo ng siyam na saknong ang tula; sa bawat saknong ay nagsasalita ang isang babaeng detenidong pulitikal. Lagi kong binabanggit ang tulang ito bilang halimbawa ng tulang tiyak kong hindi papasa sa mga palihan sa pagsulat ng mga institusyon: salat sa metapora, sablay sa caesura, at iba pa. Ngunit ang tulang ito ang unang nagpaisip sa akin tungkol sa halaga ng pagtula, sa kaugnayan nito sa pagsasalita at pagsusulat ng babae sa lipunan.

Isa ito sa napansin ko sa maraming tulang sinulat ng babae: tungkol ito sa kapwa babae, at lagi itong may hamig ng pakikibaka. May haibun si Geraldine Flores na umaalala kay Gregoria de Jesus, na isa ring makata, by the way. Maraming tula si Aida Santos na alay sa mga yumao niyang kasama sa pagtindig laban sa diktadurya: kina Estrella Consolacion at Adul de Leon, pati ang labingwalong taong gulang na aktibistang Costa Ricana na si Viviana Gallardo, na ang dugo at laman ay kumalat sa seldang pinagkulungan sa kanya matapos siyang pagbabarilin ng militar noong dekada otsenta.

At pakinggan ang tulang ito na sinulat ni Nanay Tess na kasamahan ni Nanay Miriam sa Lupang Ramos. Si Nanay Tess ang parang official poet ng samahan ng mga magsasaka sa Lupang Ramos. Binibigkas niya ang kanyang mga tula sa kanilang mga pangkalahatang pulong, misa, at Christmas Party. Sinusulat niya ang mga ito sa isang munting notebook kung saan nakalista rin ang mga paninda niyang gulay. Sabi niya, nakakapagsulat siya ng tula habang nagbabantay sa kanilang kampo laban sa pagdating ng mga kaaway at militar. May nabuo rin siyang tula tungkol sa abogado nilang babae na katuwang nila sa laban. Sinulat niya ang nasabing tula habang naghihintay sa nasabing abogada sa opisina ng huli.

Ang sumusunod na tula ay alay niya kay Nanay Miriam:

MIRIAM

Isang batang babae, malayo ang tanaw,

Dito sa Lupang Ramos, siya ay isinilang

Lupang tinulaan, nais gawing luntian

Dahil magsasaka rin ang kanyang magulang.

 

Ang batang babae, naging kabataan,

Lalong lumawak, pananaw niya sa buhay

Nag-aral siya sa ibang lugar

Upang dumami pa’ng kaalaman sa buhay.

 

Nang natutong magmahal,

Bumalik sa lupang sinilangan

Upang dito palakihin

Mga supling na mahal.

 

Ngunit kanyang adhikain, di mawawala

Na makatulong pa sa kapwa

Dating samahan, binigyang-buhay

At naging KASAMA-LR.

 

Mga desisyon niya’y piling-pili

Upang sa bandang huli, siya’y di magkamali

Ang babaeng nabanggit, tapatan man ng salapi

Prinsipyo niya’y di mababali.

Sa palagay ko ay hindi maiiwasang tulaan ng babaeng makata ang kapwa babae, dahil sa kapwa babae naman talaga umiinog ang araw-araw niyang buhay: sa kanyang ina, anak, kapatid, lola, tiya, kaibigan, kasintahan, kapitbahay, sa imahinaryong babaeng gusto niyang maging. Sabi ni Luna Sicat Cleto, “Hindi ba’t ang pagtula ng mga babae’y isinasabay lang sa marami niyang gawain, at sa marami niyang panahon at espasyong tinutuluyan? Hindi ba’t manipestasyon din ito ng pagsilang, pagkamatay, at muling pagsilang ng samu’t saring mga sarili?” Sabi niya pa, “Hindi espesyal ang babaeng makata. Ang pagiging ordinaryo niya ang kanyang lakas.”

Gayundin, hindi espesyal ang mga tula ng babae; ang pagiging karaniwan ng mga ito ang siya nilang kapangyarihan. Ang inilalarawan ni Ma’am Luna na “kahubdan ng mga linya” ng mga tulang katulad ng kay Aida Santos ay hindi dahil sa kawalan ng kakayanan ng makata sa sining ng pagtula, kundi dahil ang pinag-uusapan sa tula “ay higit pa sa magandang poetic line. Ang pagiging hubad ng linya mismo ang tatak ng tapang na pinaghuhugutan, dahil sinasagupa ng tula ang pagsasalirikal ng danas.”

Sumasalok nga kasi sa rebolusyonarya at makabayang tradisyon ang pagtula ng mga babae. Kaya nagagawa ng mga karaniwang daniw na palawakin at palalimin ang pag-angkin ng mga karaniwang babae sa karaniwang espasyo, mula sa tahanan at bakuran hanggang sa bukid at bundok kung saan naroroon ang kalakhan sa karaniwang tao sa ating bayan. Sabi nga ni Santos, muli: “Anger, like love, is an acceptance of the finiteness of things, and with that, the acceptance that one day, my poetry will cease to write itself, but will write in the memories and herstories of the new generation of women and men.” Sa ibang salita, ang talagang mapagpalayang kahahantungan ng lahat ng pinagsusumikapang ito ng mga babaeng makata ay isang lipunan kung saan hindi na kailangang tukuyin kung ang umaawit o tumutula ay babae o lalaki, sapagkat dumadagundong na ang talagang malakas na tinig ng masa.

Nais kong magwakas sa isang tula ni Luchie Cruz Maranan. Sinulat niya ito noong at para sa Buwan ng Kababaihan:

BABAE

Digmaan ang sinusuong mo sa bawat araw,

Handa man o hindi,

Kailangang lumusong sa larangan.

Minsa’y nakikipagsapalaran,

Pagka’t mayroon ding umaasa sa swerte lamang.

Oo, sa panahon ng panghihinang sukdulan

At walang katiyakan.

Mayroon ding buo ang loob at isipan,

Lalo’t maaliwalas ang langit sa panahon ng sagupaan.

 

Ngunit ang babaeng karaniwan ay di pangkaraniwan.

Gapang, takbo, lundag, ilag, atras, sugod sa mga hamon ng buhay.

Sa dalas at tagal ng pakikihamok, napilitan na ring masanay.

Tatag, tapang at paninindigan ang sandata sa paghakbang,

Ang pagsuko ay mang-aakit, mambubuyo,

Mayroon ding minumulto ng tunggalian,

Ngunit naitataboy ang agam-agam ng malinaw na paninindigan.

Pagkat lagi’t lagi ang bukas,

Sa anak at bayan iniaalay.

Binasa ni Faye Cura sa “Kalagayan ng Panulaan sa Filipino at Iba pang Lokal na Wika” lectures and roundtable discussion, De La Salle University, Hulyo 10, 2019

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.