Panawagan

Lupa: paulit-ulit nating naririnig ang salitang ito sa mga protesta. Sinisigaw ng mga lider-magsasaka at raliyista. Dito nakaugat ang tradisyon, kabuhayan, at lahi ng mga lumad at iba pang katutubo. Ito ang nais angkinin ng naghaharing-uri. Samantala, sa hanay ng manggagawang agrikultural, maraming pinapaslang sa hangarin nilang mabungkal at masakahan ito. Maraming nagbubuwis ng buhay upang alagaan at protektahan ang kanilang lupang ninuno. Dapat itong ipinamamahagi sa mga nagbubungkal at pinakikinabangan ng komunidad na naglinang nito. 

Tayong mga manggagawa sa opisina, halimbawa ang copy writer, bagama’t araw-araw na binubuno ang teribleng EDSA at byahe papunta sa trabaho, bagama’t kailangan din ng matinding research, kahit papaano’y abot-kamay ang requirements para makapag-produce ng copy.  Ang magsasaka, bago pa man makapagbungkal ng lupa, malulubog muna sa utang upang makabili ng binhi, pestesidyo, abono, kontribusyon sa irigasyon at iba pa. May pagkakataong binubuwis muna niya ang buhay niya. Tulad ng mga pinaslang sa Sagay, ulit-ulit silang nagpabalik-balik sa DAR para igiit na wala pang naipamamahaging lupa kaya nagdesisyon silang maglunsad ng bungkalan. Bilang sagot, pinaulanan sila ng bala. Ito ang digmang kinahaharap ng magsasaka bago pa siya makapagsaka. Bago pa makapag-ani dalawang beses (kung walang bagyo at kalamidad) sa loob ng napakahabang taon. 

Kaya inuugat ng Gantala Press ang “art practice” sa lupa. Inuugat namin at nilalapat ang pagkilos sa pagkilos ng mga nanay, kababaihang pesante’t manggagawa. Layon naming patuloy na makipamuhay, makipag-ugnayan at makiisa. Hangad namin na ma-archive pa, ma-document ang mga kwento ng pesante. Ang mga tulang sinusulat nila habang ginagampanan ang shift nila sa pagbabantay, habang nangangambang masaktan, ma-haras ng kapwa magsasakang ginawang galamay ng estado (estratehiya ng pulis at militar upang mahati ang kolektiba). 

Kaya’t kasabay ng mga nanay, nagtimpi kami at nanawagan sa nakalipas na tatlong taon. 

Bilang feministang kolektibang kumikilala sa diskriminasyon, karahasan at pananamantala sa kababaihan at nakikipagtulungan sa kababaihang pesante, manggagawa at propesyunal upang ilantad ang mga kaapihang ito, nakikiisa ang Gantala Press sa Amihan Federation of Peasant Women at iba pang pangkat ng mga pesante sa panawagang wakasan na ang rehimeng Duterte at ang karahasan nito lalo na sa sektor ng agrikultura. Sunod-sunod ang masaker sa mga hanay ng mga magsasaka–na mas pinaigting pa ng Memorandum Order 32–simula nang maupo ang kasalukuyang diktador na ngayon ay nasa kalahati pa lamang ng kaniyang nakatakdang termino. Habang isinusulat ito, 214 magsasaka na ang pinaslang at 30 dito ay mga babae at 9 ang menor de edad. Bukod sa mismong mga pinapaslang, mas lalong biktima ang mga nababalo at nauulila. Makapangyarihang kasangkapan ang militarisasyon–ang maituturing na peste sa pananim, lupa, at kabuhayan ng mga magsasaka–sa pagsasakatuparan ng mga pagpaslang na ito. Sa kanayunan, patuloy na umiiral ang mga pambobomba, pagharang ng pagkain, sapilitang pagbabakwit, red tagging, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, mga iligal na pag-aresto at pagpapakulong, at iba pang uri ng pananamantala na doble ang pahirap sa kababaihan. Kung hindi mapatay sa pitik ng gatilyo, sa gutom naman pinapatay ang mga magsasaka. Sa halip na tunay na reporma sa lupa o kahit kaunting ayuda man lang, RA 11203 o ang Rice Liberalization Law na nagpapahintulot sa pag-aangkat ng bigas na may mababa o halos walang taripa ang ipinatupad ni Duterte. Bukod sa pinapatay ng batas na ito ang sektor ng agrikultura, tila paraan ito ng kasalukuyang rehimen upang pangatwiranan ang pangangamkam ng lupa at gawing trabahador na lamang ng malalaking haciendero ang mga magsasaka. Ang pananatili ng rehimeng Duterte sa poder ay siya ring unti-unting pagkamatay ng ating agrikultura at ng ating mga magsasaka.

Kaya hinihikayat namin kayong i-ugat ang sining o pagtuturo o gawain sa lupa. Maging boluntaryo ng Amihan National Federation of Peasant Women. Samahan niyo kami sa aming mga proyekto at tumulong na mag-organisa ng mga porum. Sumulat ng mga artikulong nagsisiwalat ng pamamaslang at militarisasyon sa kanayunan. Makiisa sa panawagan naming #StopMilitarizationNow #StopKillingFarmers #SaveLumadSchools.

Binasa sa NANLALABAN: Artists Unite Against Fascism, Taumbayan, Kamuning, Quezon City, Hulyo 26, 2019

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.