Mariing kinokondena ng Gantala Press ang lahat ng uri ng paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang karahasang batay sa kasarian na umiiral din sa mga industriya ng sining at panitikan. Nagsimula ang aming kolektiba bilang tugon sa kakulangan ng representasyon ng mga babaeng manunulat sa paglalathala, akademya, at mga sityong katulad ng writers’ conferences at workshops. Ngunit mas malalim at masalimuot ang dahilan kung bakit wala o tinatanggalan ng tinig ang mga babae. Matagal nang umiiral ang pyudal-patriyarkal na sistema sa sining, magmula sa mga babaeng hinuhubaran ng damit at ahensiya sa mga pinta at teksto hanggang sa mga insidente ng paghipo, panunukso, panggagahasa, at iba pang kaso ng gender-based violence sa mga paaralan, organisasyon, at institusyon.
Ang pundasyon ng harassment ay pang-aabuso sa kapangyarihan — bilang lalaki, guro, workshop panelist, direktor, awtor/artist — upang mapagsamantalahan ang kapwa. Bilang kolektibang nagsusulong ng mga karapatan ng kababaihan at alternatibong espasyo na bumabaka sa opresibong pananahimik/pagpapatahimik ng mga institusyon, pumapanig ang Gantala Press sa mga babae (at lalaking) inaabuso at pinagsasamantalahan ng mga kinikilalang “eksperto” at “awtoridad” sa kanilang larangan. Nananawagan din kami sa mga institusyon na maging responsable at accountable sa pagharap sa mga kaso ng sexual harassment at iba pang uri ng karahasan. Kailangan nilang makinig sa mga inihaharap na reklamo, lalo na sa mga biktima at nasa dehadong posisyon. Ang lakas nila bilang institusyon ay masusubok sa kakayanan nilang tumugon nang patas at makatarungan.
Panahon nang baklasin ang kulturang mapaniil sa kababaihan at marhinalisadong mga sektor. Ang kulturang hindi naniniwala sa mga nang-aakusa, lalo na kung ang inaakusahan ay kilalang tao. Ang kulturang naninisi at nagtatakda ng malisyosong mga motibasyon sa mga biktima. Ang kulturang nagtatanggol sa mga nasa poder ng institusyon at posisyon ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pagwawalambahala, at minsan ay pananakot pa. Panahon nang buwagin ang kulturang nagmamaliit sa pagkatao ng iba at nagbibigay ng entitlement sa mga maykapangyarihan na mang-objectify, mangutya, mandahas, manggahasa, o pumaslang. Panahon nang wasakin at wakasan ang kultura ng katahimikan.
Leave a Reply