“Gahasa sa Gahasa”: Isang Pagbasa

1.

Gayong kami ay nagsusulat at naglalathala nang labas sa mga institusyong pampanitikan, marami sa amin sa Gantala Press ay produkto ng writers’ workshops. Batid namin kundi man personal na naranasan ang kultura ng sexual harassment na talamak sa mga writers’ workshop na ito. Nang mabasa namin ang “Gahasa sa Gahasa,” tulang sinulat ni Rebecca Añonuevo bilang tugon sa insidente ng sexual assault sa nakaraang Iligan National Writers’ Workshop (INWW), napaigtad kami, hindi sa inggit, kundi sa suklam. Hindi kami makapaniwalang nasikmura ng isang makata, na babae, at diumano ay feminista pa, na magsulat ng ganitong uri ng tula.

Sa taláng nasa ilalim ng tula, na nakalathala sa Facebook account ng makata, tila ipinagtatanggol ni Añonuevo ang kaibigan niyang direktor ng INWW, na kasalukuyang hinihingan ng publiko ng accountability.

“Hindi makatarungan ang halimaw ng panlilibak kay Christine Godinez-Ortega. Hindi makatarungang ipabalikat sa Iligan Workshop ang anumang pangyayaring hindi dapat nangyari ayon sa mga naisiwalat na ng mga nasasangkot. … Anuman ang politikang naghahati sa mga nanonood at nagsasalita kasama ako, lahat ay nagnanais ng katarungan laban sa karahasan. Huwag mag-aksaya ng panahon ang totoong ibig lumaban at ipaglaban ang katotohanan. Hindi korte ang social media at hindi dangal ang popularidad. Magsampa ng kaso sa dapat sampahan. Igalang ng cheering squad ang mga sugatan.”

Paglaban ba para sa katarungan at katotohanan ang pagsulat ng tulang ganito? Kung hindi korte ang social media, bakit naglathala ng ganitong tula sa Facebook, na nambabalewala sa pahayag ng biktima na siya ay dinahas, nanghuhusga at naninisi sa biktima, at mistulang nagroromantisa sa panggagahasa? Tama si Egay Samar, na sumulat ng tugong “tula” sa “Gahasa”: walang ginagawa ang “Gahasa sa Gahasa” kundi muli’t muling gahasain ang biktima, hindi lamang sa partikular na insidente sa INWW, kundi sa lahat ng kaso ng rape – na nangyayari kada oras.

Ang paglalathala ng ganitong tula at pagtatanggol sa direktor at institusyon ng INWW sa halip na sa biktima ay representasyon ng misogynistic na pananaw na umiiral hindi lamang sa mga organisasyon ng pagsusulat, kundi sa lipunan. Isa si Añonuevo sa mga nagsasabing hayaan na ang korteng magbigay ng lehitimo at makatwirang pasya sa kaso, na para bang korte lamang ang makapagtatakda sa katarungan at kapayapaan sa lipunan. Bukod pa rito, hindi lamang naman mga abogado/abogada at huwes ang dapat na bumubuo sa korte. Kailangan ding makialam ng publiko. Hindi rin ganoon kadaling magsampa ng reklamo, at hindi unang opsyon ang korte para sa nakararami, para sa mayorya ng kababaihan. Nagbibingi-bingihan ang mga manunulat at intelektwal na ito na mahirap ipailalim ang sarili sa paulit-ulit na paglalahad at pagpapaliwanag sa nangyari (kaya tamang isulat at idokumento ang karanasan, at isang huwarang desisyon ang isapubliko ito). Nagbubulag-bulagan sila na hindi siguradong makakamit nga ang hustisya sa paglilitis. Sa paglalathala ng tulang ganito, sa hindi pakikinig sa biktima, lalong nalilibak ang pagkatao ng biktima sa halip na nabibigyan siya ng suporta ng komunidad — ng kanyang mga kabaro.

Walang nananalo sa ganitong sitwasyon. Manaig man ang biktima sa korte at mapatunayang may sala ang harasser niya, hindi naman maiibsan ang trauma. Hindi maglalaho ang katotohanang nilabag ang kanyang karapatan at sinalaula ang kanyang dangal.

2.

Sa sumusunod na pagsusuri, tinatangka naming gamitan ng formalistang pagbasa ang tula ni Añonuevo, pagbasang karaniwang ginagamit sa mga writers’ workshop – yaman din lamang at dapat ay tinuturuan tayo ng mga writers’ workshop na maging mapanuring mambabasa upang maging mapanuring manunulat din. Si Añonuevo ay produkto ng mga writers’ workshop, kabilang na ang INWW at ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo. Kalaunan, naging panelist siya sa mga ito at guro rin ng wika at panitikan. Nakapaglathala na siya ng ilang libro katulad ng Bago ang Babae (1996), isa sa mga unang koleksiyon ng tula na tumuon sa ispesipikong danas ng babae. Sa madaling salita, isa siya sa mga manunulat na nailalathala at nababasa ng marami, isa sa iilang babaeng may-akda na itinuturo sa mga paaralan.

Nagsisimula ang tula sa isang tanong: “Bakit may hasà sa gahasa?” Ang unang linya pa lamang ay malabo na. Sa aming pagkaunawa sa impit/bigkas na ginamit ng makata sa salitang hasa (malumi sa halip na maragsa), ang tanong ay: Bakit may taong naghahasa o nagsasanay sa panggagahasa? Kung susundin ito: Ano, kung gayon, ang hinahasa sa tula? Sino ang naghahasa? Tila sinasagot ito ng pangalawang linya (“Sanay ka bang bumukaka?”). Mukhang ang biktima ang tinutukoy ng “ka,” dahil sa panggagahasa, ang biktima ang karaniwang bumubukaka. Babae ang karaniwang biktima ng panggagahasa.

Sinasabi ba ng linyang ito na kaya may mga taong nagsasanay sa gahasa (sa anong paraan?), ay dahil may mga taong sanay ding bumukaka? At ano ang implikasyon kung “sanay bumukaka” ang isang tao – na malamang, madalas, ay babae? Na sanay siyang makipagtalik. Ibig ba nitong sabihin, na kaya may mga babaeng ginagahasa ay dahil sanay silang makipag-sex?

Sa mga sumusunod na linya, inilalarawan ang karaniwang mga akto sa pakikipagtalik, na malahayop, at gumagamit nga ang makata ng mixed metaphors ng iba’t ibang hayop sa mga taludtod na ito. Pero may ahensiya o agency ang biktima – si “ka” – rito. May ahensiya siyang lumingkis sa leeg, dumila-dila, mangagat, sumupsop, mangabayo, magmadali, humalinghing, mahulog, lumipad! Masarapan! Sa pangalawang linya pa lang, sinisisi na ng persona ng tula ang biktima: Sanay ka kasing bumukaka. Hindi kita masisisi. Masarap kasi. Samantala, tahimik ang tula (at, sa totoong mundo, ang mga “nanonood at nagsasalita”) tungkol sa kung paano pinairal ang ahensiya ng isa pang mahalagang pigura sa tula – ang nanamantala, ang gumahasa.

Ang panggagahasa ay sapilitang pakikipag-sex sa ibang tao. Ginagamitan ito ng puwersa at kapangyarihan. Ayaw makipagtalik ang biktima ng panggagahasa. Sa tula, hindi lumitaw kung paano ginamit ng maysala ang angkin niyang kapangyarihan, kung paanong panggagahasa at hindi simpleng sex ang nangyari. Tuwirang itinutumbas ang pakikipagtalik, na maaari at dapat na consensual, sa panggagahasa, na hindi consensual. Sinasabing: Nagagawa ng katawan ang mga kilos na ito (paglingkis, pagdila, pagsupsop, atbp.) sa sex, consensual man o hindi. Sinasabing: Masarap kasi ang sex, kaya may nanggagahasa at may nagagahasa. Sinasabing: Kasanayan ang sex, at may mga bihasa rito.

3.

Kung lalabas tayo sa pormalismo, tiyak na hindi maihihiwalay ang tula ni Añonuevo sa taláng sumusunod dito, na tuwirang tumutukoy sa sexual assault sa nakaraang INWW bilang konteksto ng teksto. Kung gayon, matutukoy na rin na ang tinutulaan ng makata ay ang dalawang taong sangkot sa insidente (gayong kataka-taka ngang halos invisible ang lalaki). Pero higit pa rito, parang sinasabi ng persona sa tula (na siya ring makata) na walang panggagahasang naganap; na ang naganap ay consensual sex; na “[lumipad] na mga langong anghel” ang mga manunulat na involved sa insidente – na maganda pa itong karanasan. Sa ganda, puwede pa itong itula, at ito nga ang ginawa ng makata. Ginawa niyang matulaing bagay ang panggagahasa sa pamamagitan ng walang kaabug-abog na pagtumbas nito sa sex, at sa sekswalidad ng babae.

Ang “Gahasa sa Gahasa” ay nagpapaalala sa atin sa mga kahinaan at limitasyon ng tula at sining. May mga bagay na hindi maaaring idaan at ilaban sa tula. Ang mga pangangahas na katulad ng kay Añonuevo ay epekto ng sistemang padrino na nagpapaliit sa mundo ng mga makata at manunulat na kabilang dito. Para sa kanila, sapat nang ginawang paksa ang mga isyu at binasa sa Poetry Night, shinare sa Facebook, binigyan ng comment na, “Maganda!”.

Hindi sapat na tula ang isagot sa isang bagay na dapat ay kinokompronta at winawakasan. Higit sa pagtula ang dapat nating gawin ngayon. Baklasin natin – kuwestiyunin – ang istrukturang bumubuo sa mga mapang-abusong gawain. Buwagin natin – suriin – ang pundasyon ng karahasang laganap sa ating komunidad. Kailangan nating lumabas sa sistemang patriyarkal, mapang-api, at naghihiwalay sa artist at manunulat mula sa lipunan at sa masang tunay na nangangailangan ng malalim niyang pang-unawa at tinig.

“May hilakbot sa ganda,” sulat ni Añonuevo bilang komento sa kanyang tula. “Kaluluoy ang di makakita.” Hindi kami mangangahas hanapin ang ganda, kaming hilakbot lang ang nakikita at wala, walang magagap na mga salita para ihayag ang hilakbot na ito.

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.