Karangalan naming maimbitahan ng Save San Roque Alliance na magdaos ng isang palihan sa pagtula kasama ang mga nanay ng Sitio San Roque sa Quezon City noong Setyembre 15. Maulan noong araw na iyon. May puntong hindi kami magkarinigan dahil napakalakas ng bagsak ng ulan sa yerong bubong ng dating kapilya/ngayon ay headquarters ng SSRA. Pero tuloy pa rin ang pagsulat ng tula.
Nagsimula ang palihan sa isang exercise sa paglalarawan. Pagkatapos, tinalakay ang mga tayutay (metaphor): kung paanong maaaring ilarawan ang isang bagay gamit ang ibang bagay. Nagbasa rin kami ng mga tula nina Marra PL Lanot, Mila Reyes Garcia, at Aida F. Santos tungkol sa pag-ibig at pagiging nanay/asawa.


Pagkatapos, tinalakay ang bugtong, nagpahula ng mga bugtong, at sumubok bumuo ng mga bugtong. Ito ang isang bugtong/rengga na sinulat ng lahat ng kalahok:

AYALA
Hayan na ang matandang halimaw
Sumisilip sa ibabaw at nakatanaw
Kung paano niya ito magugunaw
Ang lugar kung saan kami naninirahan
Kawawang residente, tinapon kung saan-saan
Nagkawatak-watak ang magkakaibigan.


Nagtanghal ng mga tula ang kababaihan sa sumunod na Cultural Night ng mga taga-Sitio San Roque noong Setyembre 22. Binasa ito ni Ka Inday, Tagapangulo ng Kadamay-San Roque:
HAMON
Estrelita “Ka Inday” Bagasbas
Kahit malabo ang aking paningin
Di naman ako bulag sa sistemang mapang-alipin
Kaya’t pag-ambag ay pinangungunahan
‘Pagkat hangad ko ay mabago ang bulok na lipunan
Pandinig ko ma’y mahina na
Di naman ako bingi sa tawag ng pakikibaka
Layunin ko’y makamit ang lipunang malaya
Kaya pinangungunahan ang tunay na pakikibaka
Kahit masakit ang paa dahil sa rayuma
Pagtungo sa lansangan, isa pa ring panata
Mulat na itinaas ang antas sa malayang bayan
Ultimong layunin ay maibagsak ang imperyalista
Hindi hadlang ang kahinaan at limitasyon
Para paglaya ay tanganan, ako’y susulong
Bagkus higit pinatatatag ang paninindigan
Para ubos-kayang mag-ambag sa malayang bayan
Kaya hamon ko sa mga kabataaang nakikibaka
Sa pagbabago ng sistema ng bulok na lipunan
Sumama na sa Save San Roque [Alliance].

Leave a Reply