Tungo sa Pagkilala sa Pagkakakilanlan

Ni Roda Tajon

Many people believe that gender identity … is rooted in biology … Many other people understand that gender is more like language than like biology; that is, while they understand us humans to have a biological capacity to use language, they point out we are not born with a hard-wired language “preinstalled” in our brains. Likewise, while we have a biological capacity to identify with and learn to “speak” from a particular location in a cultural gender system, we don’t come into the world with a predetermined gender identity.

– Susan Stryker

Maituturing na isa sa mga pinakaaping sektor ang kababaihang transgender. Batbat sila ng dahas, diskriminasyon, pagsasantabi, pagkakait ng mga batayang serbisyo, at pagkakait ng pagkilala sa pangkasariang pagkakakilanlan. Sa iba’t ibang larangan, masasalamin ang diskriminasyon tulad ng kawalan ng maayos na empleyo, kawalan ng lupang sakahan, kakapusan ng akses sa serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan, at pagkakait ng espasyo upang magkaroon ng kalidad at dignidad ang kababaihang transgender. 

Bukod dito, nananatili ang stigma na ‘di naglalao’y nag-aanyaya ng ibayong dahas tulad ng pangbu-bully sa mga bata, pamimilit sa iba’t ibang polisiyang nagkakait ng pagkilala sa pangkasariang pagkakakilanlan, pagbabawal na pumasok sa mga pasyalan o palikuran, pagtuturing na katatawanan sa media, pagtuturing sa kanilang makasalanan, abnormal o kaya’y sexual predator, at panggagahasa. 

Ilan sa matitingkad na larawan ng pandarahas sa kababaihang transgender ang pagkakait ng espasyong ginagawang eksklusibo sa mga kababaihang cisgender gaya ng palikuran at ispasyo sa pampublikong transportasyon, katulad ng dinanas ni Gretchen Diez

Pinakamatinding porma ng karahasang nakabatay sa kasarian na dinaranas ng mga transgender laluna ng kababaihan ang pamamaslang. Noong 2014, brutal na pinatay ng sundalong Amerikanong si PFC Joseph Scott Pemberton si Jennifer Laude. Ang krimen ay lalong pinalala ng mga di-pantay na tratado tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at US na dahilan upang mabigyan ng espesyal na trato si Pemberton. 

Pinatunayan ng ulat ng United Nations Development Program (UNDP) at USAID noong 2014 na nakararanas ng matinding diskriminasyon ang mga transgender sa edukasyon, kalusugan, empleyo, pamilya, mass media, at simbahan ang LGBT, kabilang na ang kababaihang transgender. Gayon din, isinaad ng ulat ng ASEAN SOGIE Caucus noong 2017 na bagama’t walang batas na nagki-kriminalisa sa mga LGBTQIA sa Pilipinas, wala ring pambansang batas kontra sa diskriminasyon na maaari sanang magtaas ng karaniwang krimen sa krimen dahil sa pagkamuhi sa kasarian (hate crime). Nananatiling nakabinbin sa Kongreso ang batas na humigit-kumulang dalawang dekada na. Wala ring probisyon sa mga batas tulad ng Magna Carta of Women of 2008 na kumikilala at nagbibigay-proteksiyon sa karapatan at kagalingan ng kababaihang transgender. 

Sa kabilang banda, kabi-kabilang dahas ang dinaranas ng kababaihang transgender sa kamay ng estado. Nito lamang Hunyo 26, marahas na binuwag ng pulisya ang Pride Protest ng Bahaghari at mga grupong sumusuporta sa pakikibaka ng LGBTQIA at iligal na inaresto at dinetine ang dalawampung aktibista. Kabilang sa tinaguriang #Pride20 si Rey Salinas, isang babaeng transgender na pilit isinasama ng mga pulis sa mga kalalakihan. Bukod pa ito sa dinanas niyang karahasan sa kamay ng mga pulis na nang-aresto sa kanya sapul ng mga kasamahang naglulunsad ng mapayapang pagkilos. 

Ang pagiging babae o lalaking transgender ay isang paghulagpos. 

Ayon sa transgender scholar na si Susan Stryker, ang terminong trans ay nangangahulugang pagtawid o paghakbang sa itinakdang guhit. Sa bawat lipunan at kulturang umiiral, itinatakda ng sistema kung sino at anong kasarian ang katanggap-tanggap—babae at lalaki. Isang pagkilos ito laban sa itinakdang hanggahan ng lipunan sa kung ano ang katanggap-tanggap o hindi na kasarian. 

Samakatwid, maituturing na transgender ang isang tao kung ang kanyang pananaw at pakiramdam sa sarili ay salungat sa kasarian niyang itinakda noong siya ay isilang (bayolohikal), at kung sa pagpapahayag ng kanyang pagkakakilanlan ay nakikita niya ang kanyang sarili na nagkakaroon ng buhay na may kalidad. Tinatawag na trans man ang taong ipinanganak na may aring “pambabae” ngunit itinuturing ang kanilang sarili at namumuhay sila bilang lalaki, samantalang trans woman naman ang may taong may aring “panlalaki” na kinikilala ang kanyang sarili bilang isang babae. Kolektibong termino ang transgender dahil tumutukoy din ito sa iba pang kasariang umiiral na labas sa itinakda ng heteronormatibong lipunan. Samantala, ipinakilala ng Society of Transsexual Women in the Philippines (STRAP) ang terminong Transpinay upang ilarawan ang Pilipinang kababaihang transgender at pag-ibahin ang pagkakakilanlan ng mga Transpinay sa lokal na mga terminong kadalasa’y nakaiinsulto. 

Dahil maituturing na pagkilos ang pagiging trans mula sa kasariang itinakda ng lipunan, humaharap din sa tunggalian ang sinumang nagtuturing sa kanyang sarili na transgender. Mauugat ito sa pagkakabuo ng konsepto ng sekswalidad. Itinulak ng pag-unlad ng lipunan ang pagkakaroon ng mga istruktura, gayundin ng pribadong pag-aari. Dahil sa pagbabago ng lipunan patungong patriyarkal at dahil sa pagkakabuo ng estado, hindi na naging karapatan ang sekswalidad; bagkus, ito na ay naging tungkulin na may takdang gampanin upang mapangalangaan ang kapangyarihan at pribadong pag-aari ng pamilya. Kung kaya, kaalinsabay ng pagkakaroon ng mga batas na magpapanatili ng “kaayusan,” itinuring na banta ang anumang seksuwalidad na labas sa heterosekswal na ugnayan. 

Sa patuloy na pagbabago ng lipunan mula sa komunal patungo sa kapitalismo, sumibol ang ibayong opresyon hindi lamang sa kababaihan kundi sa iba pang kasariang labas o tumatawid sa itinakdang kasarian. Nagsilbing balon ng murang lakas-paggawa ang mga pamilya at kalakal naman ang mga babae. Itinakda rin ng patriyarkiya at mga uri ang katanggap-tanggap at kasuklam-suklam na pagpapahayag sa sarili. Ang anumang itinuturing na “natural” noon ay hindi na kinikilala. Ginamit din ng estado ang mapanupil na mga instrumento tulad ng pulisya upang patahimikin ang sinumang humahamon sa isang sistemang nang-aapi. Ayon kay Susan Stryker, malaki ang papel ng estado, at ng pulisya bilang instrumento nito, sa pagpapatupad ng mapanupil na batas, sa pandarahas at pagkakait sa mga transgender na magkaroon ng pagkakakilanlan tulad ng birth certificate, rekord sa kalusugan at iskwela, lisensya, propesyunal na kredensyal, at ibang dokumentong magbibigay-ligalidad ayon sa kinikilalang kasarian. Ipinagkakait din sa mga transgender ang akses sa medikal na serbisyo kaya naman nagkakasya na lamang ang mga babaeng nais pumaloob sa transisyon sa sariling sikap o Do-it-yourself (DIY) kahit pa may risgo ito sa kalusugan. Nag-uudyok ang ganitong kalagayan upang maging mas bulnerable ang mga Transpinay. 

Hindi naman talaga “bagong” konsepto ang transgender. Maski noong bago pa dumating ang mga kolonyalista at maghari ang imperyalismo, naroroon na ang transgender na gumampan ng mga tungkulin bilang babaylan, gayon din bilang mga rebolusyonaryong lumaban sa mga kolonyalista. Sa mga grupo ng katutubo tulad ng mga Teduray sa Mindanao, kinikilala at iginagalang ang mentefuwaley libun at mentefuwaley lagey na kapwa may trans na pagkakakilanlan. 

Pinatunayan sa tala ng kasaysayan ang pagkilos at pakikibaka ng mga inaaping uri at kasarian upang maging malaya at mapawi ang pang-aapi at pagsasamantala. Maaaring mangyari ito sa pamamagitan mga kilusan na naglulunsad ng pakikibaka. Hinahamon ng mga pagkilos ang anumang pagsasamantala at ‘di pagkakapantay-pantay. Layon ng mga pagkilos na itaguyod ang panlipunang katarungan, pantay na karapatan, at kapakanan ng inaaping sektor. Makikita ito sa naging laban ng kababaihang transgender sa naganap na riot sa Compton’s Cafeteria sa San Francisco noong 1966, gayon din sa Stonewall sa New York noong 1969 na kapwa gumampan ng mahahalagang papel sa pakikibaka laban sa diskriminasyon at karahasan. Sa karanasan ng Pilipinas, bahagi ang kababaihang transgender sa mga naunang pagkilos at Pride March noong dekada 1990s at nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan. 

Marami nang sumibol na organisasyon ng kababaihang transgender sa Pilipinas kabilang na ang Association of Transgender Persons (ATP), Society of Transexual Women in the Philippines (STRAP), GANDA Filipinas, at iba pa. Nagpapatuloy ang pag-oorganisa sa hanay ng Transpinay at sumibol ang mga panibagong militanteng lider-kababaihan tulad ni Rei Salinas ng Bahaghari. 

Lumalawak din ang suporta mula sa mga organisasyong feminista at akademiya bagama’t may mangilan-ngilang feministang hati pa rin ang tindig sa usaping ito. 

Ngunit hindi pa rin sapat ito upang makaalpas ang mga Transpinay sa matinik na landas ng pagkilala sa pagkakakilanlan. Nagpapatuloy ang karahasan at walang habas na paglabag sa karapatan lalo na sa ilalim ng isang misoginista at pasistang rehimen. Damang-dama ito ng mamamayan at kababaihan. Kaya hindi hiwalay ang pakikibaka ng Transpinay sa pakikibaka ng mamamayan. Bagama’t may natatanging layunin na palayain at bigyang-tinig ang pangkasariang pagkakakilanlan, ipinapakita ng kasaysayan na maaaring kumilos ang mga transgender kasama ang ibang uring inaapi upang ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang karapatan bilang mga tao. Mula pa noong pagkilos ng mga magsasaka laban sa pyudalismo tungo sa Stonewall hanggang pagbubuo ng maraming kilusang LGBT, may bahagi ang mga transgender sa militanteng pagkilos hindi lamang sa pagtataguyod ng kanilang personal na pagpapahayag sa sarili kundi maging sa pagiging bahagi ng radikal na pagbabago ng lipunan. 

Mga sanggunian: 

ASEAN SOGIE Caucus (2017). “The Rainbow in Context: An Overview of the Situation of Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Intersex, and Queer (LGBTIQ) Persons in Southeast Asia.”

Feinberg, L. (2006). “Transgender Liberation: A Movement Whose Time Has Come.” In Stryker, S. and Whittle, S. (eds) Transgender Studies Reader vol. 1 (p. 205-220) New York: Routledge 

Manalastas, E. and Torre, B. (2011). Social Psychological Aspects of Advocating LGBT Human Rights in the Philippines. Quezon City.

Maranan, L. (2003). “Eve and Genevieve, Adam and Steve have come a long way.” In Chaneg vol. XII no. 2 Baguio City: Cordillera Women’s Education and Resource Center 

Stryker, S. (2017). Transgender History: The Roots of Today’s Revolution 2nd Edition New York: Seal Press

United Nations Development Programme and USAID (2014). Being LGBT in Asia: The Philippines Country Report Bangkok: UNDP

Leave a Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.